Wednesday, January 6, 2016

The Cursing of Direk Cathy Garcia-Molina



"Kalakaran na sa showbiz ang magmura at murahin ng direktor ang kanyang mga artista."

"Okay lang 'yan, masyado lang balat-sibuyas 'yung nagrereklamo na 'yan!"

"Kung hindi niya kayang sakyan ang ganyang sistema dapat hindi siya pumasok sa showbiz."


'Yan at iba pang mga komento ang mababasa mo sa thread nung nagtrending ang isang open letter para kay Direk Cathy Garcia-Molina. Si Cathy Garcia-Molina na successful sa field na kanyang pinasukan - film making. (Halos) lahat ng kanyang ginawang pelikula at teleserye ay tumabo ng maraming pera at masasabing siya ay maalam at dalubhasa sa kanyang craft; alam niya kung papaano mag-hihit ang isang obra -- alam niya ang kiliti ng masa. Sa laki ng kinita ng huli niyang movie (A Second Chance) isa siya ngayon sa pinaka-in demand na direktor ng industriya.


Sa kabila ng kanyang pag-akyat sa hagdan ng tagumpay, sa likod nang pagtahak niya sa kalsada ng kasikatan ay may mga nasa ibaba na kanyang natatapakan at may mga taong kanyang nasasagi; sinadya man niya 'yon o hindi, alam niya man 'yon o siya'y nagpapatay-malisya.


Ang korapsyon ay bahagi ng pulitika.
Ang pangongopya ay parte ng pagiging estudyante.
Ang pagsisinungaling ay mahirap iwasan.
Ang pambababae ay likas (daw) sa mga lalake.
Samakatuwid, tama bang sabihin na ang pagmumura sa set ng shooting/taping sa mga artista ng direktor ay maaari na nating palampasin dahil ito'y kalakaran sa industriya ng showbiz at pelikula?


Kahit saang anggulo natin tingnan ang mali ay mali at hindi natin ito mapapasubalian. Ang pagmumura sa isang indibidwal ay may malisyang makapanakit ng damdamin. Kung ang motibasyon ng isang tao ay magmumula sa pagmumura ibig bang sabihin nitong maaari tayong mura-murahin ng paulit-ulit ng mga opisyal na nakatataas sa atin sa trabaho o opisina para makatrabaho tayo ng mas matino at mas progresibo?


Maraming kaso ng pang-aapi at pag-aalipusta ang nagmitsa sa isang krimen. Maraming mga tao ang sensitibo ang damdamin at kung may kahalo pa itong depresyon dahil sa mabigat na problemang pinagdadaanan malamang na  hindi mo nananaising magmura sa taong ito. 'Wag nating sabihing 'kalakaran' na ito sa showbiz, 'wag nating sabihing balat-sibuyas ang taong nagawan ng kabastusan, 'wag nating sabihin na pangkaraniwan na lang ito sa panahon ngayon. Isipin mo, kung narinig ng mga magulang mo na ikaw ay minumura ng isang estranghero hindi ba't makikipag-away siya dahil sa ginawang 'yon sa'yo? O 'pag narinig mo ang iyong paslit na anak na nagmumura 'di ba pagsasabihin mo ito na mali ang kanyang ginawa? Bakit ngayon okay lang sa marami na magmura at mang-api ng isang ekstra sa pelikula?


Nakaka-pressure daw kasi sa set ng pelikula kaya nakakapagbitaw ng pagmumura ang isang direktor. Teka, ang pagmumura at pang-aalipusta na lang ba ang tanging pwedeng gawin ni Direk para mabawasan ang kanyang pressure? E, bakit hindi niya ito ginagawa sa ibang may pangalang artista?
Hindi dahil ang isang bagay ay ginagawa ng marami 'yon na ang tama.
Hindi dahil nakasanayan na nating gawin 'yon na ang ating susundin kahit na mali.
Hindi dahil hindi nagrereklamo ay katumbas na ito ng pagsang-ayon.
At ngayong may nagreklamo siya pa rin ba ang wala sa katwiran?


Aminin na nating (halos) lahat tayo ay nagmumura o nakakapagmura, minsan ekspresyon lang, minsan ay pabiro sa isang kaibigan, at ang iba naman ay bukambibig na ito pero ibang usapan na kung ang pagmumura mo ay patungkol sa isang tao na ang intensyon ay makapanakit ng damdamin o wala kang pakialam sa kanyang nararamdaman lalo na kung ang iyong minumura ay hindi mo naman (gaanong) kilala o nakakababa sa'yo --- isa itong pag-abuso sa kapangyarihan na hindi naman kailangan.


Okay, 'wag na tayong magplastikan, ako rin ay nakakapagmura minsan pero hindi ko iniintensyon na murahin ang isang tao dahil lang sa (tanginang) katwiran na pressure sa trabaho o kung saan man, maari pa siguro kung ang taong ito ay ang nangudyok sa akin para makapagmura pero ganunpaman sa pagsapit ng gabi o sa sandaling ako'y mahimasmasan nagkakaroon  ako ng guilt feeling dahil alam kong mali ang aking ginawa.

Gusto kong magmura dahil sa binababoy na pulitika ng mga inutil na maraming putanginang pulitiko, sa pagkalugmok ng ating bansa sa kahirapan at korapsyon, sa mga gagong binabalahura ang kalsada ng Maynila, sa mga opisyal ng pamahalaan na ang pagmamahal ay nasa kani-kanilang bulsa at wala sa kanyang bansa, sa mga putanginang pangulo na ang kanilang pangako ay kagyat na naglalaho sa kanilang pag-upo.


Marami pang bagay ang pwede nating gawin para mag-motivate sa isang tao at kung nagagawa ito ng ibang tao kaya rin itong gawin ni Direk Cathy Garcia-Molina at iba pa. Kung basag at disoriented na ang isang aggrieve individual maaasahan pa ba nating maibibigay niya ang pinakamahusay niyang kontribusyon? Maaari siguro pero malamang na ito'y hindi na galing sa kanyang puso.


At kung ipipilit mo at ni Direk Cathy Garcia-Molina na okay lang ang pang-aalipusta at pagmumura bilang bahagi ng isang motibasyon, gusto kong sabihin sa 'yo at kay Direk at para lalo pa kayong humusay sa inyong larangan: Putangina niyo! Magsama-sama kayo!


In fainess naman kay Direk at sa kanyang mga tagahanga, gustong-gusto ko ang dalawang pelikula nina Popoy at Basha at hindi ako mahihiyang aminin sa lahat na isa ako sa mga masugid na nakigulo at pumila sa takilya mapanood lang ang pelilukang ito. Putangina kasi, ang ganda.


No comments:

Post a Comment