Hindi ako nawala.
Dahil ang tinig ko'y nasa
maraming pilipinong dumadaing
ng lungkot, ng pagluluksa,
ng pagkayamot, ng
pagkadismaya,
ng pagkamanhid, ng
pagkasawa,
ng pagkainip at ng kawalan
ng pag-asa.
Hindi ako nawala.
Dahil ang presensiya ko'y
nasa bawat pilipinong
bumabangon sa bawat umagang
sagad sa pagsubok at hamon,
iminumulat ang mga mata sa
kabila ng kadiliman na kanyang nakikita,
nagpapagal para sa iilang
pisong magtatawid sa kanyang maghapon,
nagdiriwang ng kalayaaan at
kasarinlan ngunit itatangging siya'y nakakahon.
Hindi ako nawala.
Dahil ang mga hinaing ko'y
nakalimbag
(minsan) sa mga pahina ng
librong hindi naman aklat,
nasa leksyon ng kasaysayang
hindi naman natin inaral,
nasa lisya at isip (lang) ng
mamamahayag na hindi naman naihayag,
at nasa ipinaglaban ng mga
bayaning hindi naman (totoong) dinakila.
Hindi ako nawala.
Dahil ang nais kong isulat
ay matagal nang nakahayag at mababasa
sa mga dokumentaryong hindi
nabibigyan ng pansin at pakialam,
sa mga librong inaagiw at
inaamag sa pampublikong aklatan,
sa mga pahina ng pahayagang
nilalaos ng teknolohiya,
at sa mga boses ng iilang
pilipinong desperado sa kaunlaran.
Hindi ako nawala.
Dahil ang wangis ko'y
dismayado't iyong makikita
na nakamasid sa Silangan
kung saan sumisikat ang may kapangyarihan,
na nakatungo sa Timog kung
saan nasa nakatanghod ang patay-gutom at api-apihan,
na umiiling na nasa
direksiyon ng Hilaga kung saan naroon ang tugatog ng mga hangal,
sa Kanluran inutil na
minamalas ang paglubog ng araw kasabay ng lahat ng kapag-asahan.
Hindi ako nawala, hindi mo lang ako hinanap.
Dahil ng mga sandali'y
tayo'y magkasama hindi mo naman ako binigyang importansiya. Tila ang mahalaga
sa'yo ay ang mga huwad na ngiti at tawa na iginagawad sa 'yo ng gumagalaw na
larawan na lumalason sa iyong isipan. Samantalang ikaw ay naglilibang batid ko
ring pilit mong ikinukubli ang alingasaw ng nabubulok mong kamalayan sa
pamamagitan ng mahalimuyak na samyo ng iyong walang pakundangang pagkukunwari.
Kalam ang iyong sikmura at
kamalayan ngunit pinupunan mo ito ng mga kaalamang nagpapalusog ng iyong
kahungkagan. Kung bakit hindi mo sinusubukang tikman ang pagkaing wasto at may
sustansiya upang mabusog ang 'yong pagkatao't kaisipan ay hindi ko alam.
Sinasabi mong ako'y nawala
pero ang totoo'y hindi mo naman ako hinanap. Hindi mo noon inalintana ang
bulong kong tila sigaw na sa karamihan na dumadagundong sa lakas kung ikaw lang
sana ay may pakialam. Minabuti mong pakinggan ang halinghing ng maimpluwensiyang
mga makabagong imbensiyon kaysa marinig ang daing ng minaltratong biktima ng
karahasan. Nasa harap mo ako ngunit hindi mo ako natanaw dahil binubulag ka ng
kislap ng makamundong teknolohiyang iyong pinagpaparausan.
Kung ang nais mo lang ay
marinig mula sa akin
na kuminis at pumuti na ang
'yong kutis,
na makisig ang hubog ng
'yong karakas,
na magara ang magarbo mong
suot na kasuotan,
na mukhang masarap ang
ipinaskil mong pagkaing nasa larawan.
Kung ang nais mo lang ay
hangaan kita dahil sa bagong bili mong overpriced na gadget o kasangkapan o
kainggitan kita dahil sa mga disyerto, karagatan o may niyebeng lugar na 'yong
pinuntahan.
Hindi ako nawawala, 'wag mo na akong
hanapin.