Isang penomenon at
maimpluwensiya (habang isinusulat ito)
ang tambalang Alden Richards at Maine Mendoza (sa karakter na Yaya Dub) o mas
kilala sa tawag na Aldub at ang pagtanggi sa katotohanang ito ay katumbas ng
pagsisinungaling sa sarili. Ang popularidad na ito ay umabot sa buong kapuluan at
sa ibang pang panig ng mundo. Ang biglaang pagsikat ng tambalang ito ay 'di
inaasahan, isang aksidenteng nagresulta at pumabor sa programa at sa dalawang
nabanggit na artista.
Marahil nga ay hindi gaanong
ganoon kahalaga na pag-usapan na halos araw-araw ay nakakakuha ito ng daang libo/milyong
tweets at gumagawa ng record sa tuwing espesyal nilang araw na Sabado, dinaig
pa nga ng mga tweets na ito ang dami ng bilang ng tweets na natala noong
bumisita si Pope Francis sa Maynila noong Enero 2015. Ngunit kung susuriing
mabuti ay may kakaiba rito; maraming mas nauna, mas sikat at mas popular sa
tambalang Aldub ngunit bihirang mag-trend sa Twitter, worldwide. Sabihin na
nating may kababawan pero hindi ba't nagrereklamo tayo sa mga paulit-ulit na
gasgas na tema ng mga teleserye sa telebisyon? Hindi ba't naumay at nabanas tayo
noon sa programang Wowowee/ Wowowin dahil sa nakabikining mga dancer nito at sa
halatang paggamit o pagmanipula sa kalagayan at damdaming ng mga mahihirap na
contestant ng nasibak na programa? Ang Aldub at Kalyeserye ay wholesome pero
marami pa rin ang nagrereklamo. Sa segment na ito ng Eat Bulaga ay pinatunayang
hindi kailangan ng slapstick na komedya, ng pamimintas sa kapwa para
makapagpatawa, ng maraming sikat na bida para makilala, ng mabigat na script
para magtrend at ng malaking budget para pumatok sa masa.
Sabihin na nating may
pagkakataong nakakasawa ang segment na ito ng Eat Bulaga dahil sa paulit-ulit
lang na kanilang ginagawa pero dahil sa kagiliw-giliw ang mga karakter sa likod
nito isama na natin ang nakakatawang The Explorer Sisters -- riot ang
kahihinatnan nito at marami pa rin ang natutuwa dito. Marami na tayong napanood
at nasaksihang love teams sa telebisyon at pelikula at kahit gaano pa kasikat
at kapopular ang anumang tambalan darating sa punto na ang Aldub ay mawawalan
nang kinang kung hindi man kaagad malalaos. Ngunit bago pa ito mangyari kapansin-pansin
na ang kanilang narating ay magmamarka na sa kasaysayan ng industriya ng
showbiz. Hindi madaling sabihing magtatagal ang tambalang ito pero may
kapasidad ang dalawa na tumagal at humaba ang karera kung sila'y mag-e-evolve.
Sa maikling panahon
napatunayan na rin naman ng kalabang programa ng Eat Bulaga na mayroon silang
ibubuga; ang mga talent search nila noon at nakakatuwang segment ay tinangkilik
at nagklik sa masa ngunit sa pagdating ng Aldub mistula silang naging trying
hard na pilit binabangga ang isang kongkretong pader. Ang anumang pagpipilit na
kanilang gawin na gayahin ang patok na kalyeserye at tapatan ang penomenal na
Aldub ay katumbas ng paglubog ng kanilang popularidad. Mas makabubutiing hindi
na lang nila ito sabayan, 'wag manggaya ng konsepto, at maibalik ang dating
It's Showtime na hinanap ng publiko.
Sa kabilang banda, ang
tatlong buwan ng tambalang Aldub partikular na si Maine Mendoza ay gumawa ng
isa pang kasaysayang (sa pagkakaalam ko'y) hindi pa nagagawa ng mga artista ng
bagong henerasyon. Sa tatlong buwang ito ay nagkaroon ng anim na endorsement ng
produkto si Maine, kung hindi popular ang personalidad na ito hindi ito
pagkakatiwalaan ng malalaking brand ng produktong tulad ng O+, Zonrox, 555
Sardines, Talk N Text, Bear Brand at ang higanteng McDonalds. At ang bilang na
'yan na kanyang ini-endorse ay patuloy na madadagdagan sa susunod pang mga
buwan. Sa loob ng maikling tatlong buwang pananatili niya sa industriya ay
nakagawa na ito ng multi-milyong pisong kita na hindi nagawa ng maraming
artista noong nag-uumpisa pa lang sila sa telebisyon at pelikula. Kung sakali
man na hindi gaanong magtagal ang tambalang Aldub malaki-laking halaga na iyon
para sa dalawanpung taong gulang na baguhang artista.
Hindi maikakaila na ang
Aldub ay isang mabentang kalakal at ang mga negosyanteng nasa likod nito ay
mahusay magbenta ng produkto at magaling magpatakbo ng negosyo. Ang kasikatan
at popularidad ng dalawa ay nagamit nang husto dahil bukod sa mga commercial at
endorsement ay magkakaroon sila ng pelikula sa darating na Filmfest. Ang
pinakahuling pagtatanghal ng AldubEBTamangPanahon ay kumita ng mahigit na php14
milyon sa ticket sales pa lang kung hindi ito negosyo ano ang dapat nating
itawag dito? Ang mahigit 55,000 na seating capacity ng Philippine Arena ay
napuno upang masaksihan ang pagtatanghal na ito, record breaking ang 39 million
tweets at tinatatayang mahigit sa 40% ang TV ratings nito. Isang pakonsuwelo
para sa mga fans na ang halagang kanilang ibinayad sa ticket ay napunta sa
maraming eskwelahan sa bansa upang makapagpatayo ng sarili nilang library
kabilang sa benepisyaryo ng kanilang layunin ay ang tila nakaligtaan ng
pamahalaan -- ang mga Lumads.
Magkaibang bagay ang entertainment
industry at pulitika pero napatunayan na natin sa maraming pagkakataon na ang
mga pilipino ay (halos) nagkakaisa sa mga bagay kung saan sila ay nalilibang at
sumasaya gaya ng sa tuwing may laban si Manny Pacquiao at ito ngang Aldub. Sana
kung mayroong pambansang isyu na dapat maresolba at pagtuunan ng pansin,
magkaisa at magbuklod din tayo sa iisang adhikain. Ngunit tila hindi ito ang
nangyayari sa ngayon dahil maraming fans ng magkabilang istasyon ang
nagbibitawan ng masasakit na salita mapagtanggol lamang ang kani-kanilang
idolo.
Nasaksihan ko mismo ang haba
ng pila at masikip na traffic sa kalsada ng NLEX noong nakaraang Sabado sa
pagtatanghal ng Aldub/ Eat Bulaga sa Philippine Arena, hindi biro ang
pinagdaanang sakripisyo ng mga taong ito mapanood lang ang naturang
pagtatanghal. Sa malaking bilang na nakibahagi sa Aldub mapa-live man o sa
bahay, sana'y makibahagi rin sila bilang mga botante na makikilahok at handang
magsakripisyo sa manit, sa pagkainip at sa masikip na pila sa presinto para
makaboto at maghalal ng matinong pulitikong susunod na magiging lider ng ating
bayan.
Bilang panghuli'y hindi
tamang sabihin na ang LAHAT ng tagatangkilik ng Aldub ay mga mangmang na walang
pakialam sa isyu ng bayan o mga uto-utong sunod-sunuran sa writer at producer
ng naturang segment at mga walang pinag-aralan na dinidiyos ang dalawang
personalidad. Sana lang ay malaman ng lahat ang kanilang limitasyon sa
paghangang ito at may mas malawak na pang-unawa sa mga bagay na mas mahalaga
kaysa sa pansamantalang kasiyahan.
Hindi dahil tagahanga ka ng
kabilang istasyon o ng Aldub ay may karapatan ka nang husgahan ang hindi mo
sinasang-ayunan, marami ang sensitibo sa sarili nilang damdamin pero
insensitibo naman sa nararamdaman ng iba. Sa kabilang banda'y hindi rin dapat
na magdiwang ang nasa kabilang panig dahil sa pagsadsad ng kalabang programa ng
Eat Bulaga dahil maraming pamilya ang apektado nito kung sakaling ang Showtime
ay tuluyang tumiklop at magsara, ang mga maliliit na taong nasa likod ng
produksiyong ito ang lubusang maapektuhan -- mabibigyan niyo ba sila ng
hanapbuhay at sapat na kita kung matigbak ang kanilang programa?
Madalas nating naririnig ang
katagang 'Healthy Competition' pero kahit saang anggulo natin tingnan tila
hindi naman healthy ang nangyayari kundi isang personalan.
Minsan hindi na natin
nilulugar ang ating sarili sa dapat nating kalagyan at hindi natin naitatanong
ang ating sarili kung may punto at halaga ba ang ating ipinaglalaban?