Thursday, August 30, 2012

Imahinasyong Bawal




"Ang daming bawal sa mundo sinasakal nila tayo."
Isang klasikong linya ng paborito kong banda na Eraserheads mula sa kanta nilang "Alapaap".
Bakit nga ba napakaraming bawal sa mundo?
Ilang batas, ordinansa, alituntuntin o regulasyon ba ang dapat nating sundin?
Bukod pa ito sa pagtupad natin ng umiiral na panuntunan o polisiya sa bahay, eskwelahan o opisina. Teka sa dami ng mga bawal na ito, ito ba nama'y sinusunod nating lahat? Siyempre matunog na HINDI ang sagot natin. Bakit? Matitigas kasi ang ulo natin, mga SUTIL ika nga.
Pero bakit maraming mga bagay ang pumipigil sa'tin gawin ang ibang mga bagay kahit hindi naman IPINAGBABAWAL?
Bakit kailangang mabuhay tayo para sa ikasisiya ng iba?
Bakit nag-aalala tayo sa sasabihin ng ibang mga tao?
Bakit nagpapatali tayo sa imahinasyong batas na nilikha lang ng may imahinasyong pag-iisip?
Putsa, ang dami na ngang bawal sa mundo tapos kahit hindi naman itinakda ng batas hindi pa rin natin magawa!

Parang paggawa ng kwento o istorya ng isang manunulat madalas na pumapangit ang napakaganda sanang istorya ng isang telenobela pero dahil sa komersyalismong dahilan nagmumukha tuloy itong TRAPO na paulit-ulit ang sinasabi.
Parang paggawa ng isang tula o kanta kung minsan ay nakokompromiso ang mensaheng gustong ipahatid nang gumagawa nito dahil kailangang itugma ang mga salita sa bawat dulo ng linya. Nagmumukhang hilaw ang pagkakaareglo kung pinilit sa isang kanta/tula ang salitang magtutugma. Isang halimbawa dito ang kantang "Get here" ni Oleta Adams. May isang linya doon na sa tingin ko'y pilit na pilit ang pagkakagawa dahil sa pagnanais lamang na ang salita ay magtugma. Ito yun: 'You can reach me by caravan, Cross the desert like an Arab man.' Ano ang kinalaman ng Arab man sa kantang ito? Dahil ba sila ang karaniwang nakasakay sa kamelyo na binabagtas ang disyerto? O dahil kailangan ng salitang magtutugma sa caravan at Arab man ang unang pumasok sa isip ng kompositor nito? Ewan ko. Pero sa tingin ko'y nagpatali ang gumawa nito sa de-kahong panuntunan ng industriyang kanyang kinabibilangan. Ngunit ito'y isang halimbawa lang sa mas marami pang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Bakit marami pa ring tao ang tila may mababaw na pananaw?
Bakit marami pa ring parang aliping may nakagapos na pag-iisip?

Tulad ng simpleng kulay ng mga damit.
Bakit hindi raw pwedeng magsuot ng matingkad na kulay ang mga taong kmay kaitiman? Paano kung ikasisisya niya ito? Para tuloy pinigilan natin ang kanyang simpleng kasiyahan. Dahil natatakot siyang mapintasan hindi siya magsusuot nito kahit gustong-gusto niya.
Bakit karamihan sa atin ay ina-asociate ang kulay sa gender ng tao?
Eksklusibo lang ba ang mga damit na kulay na pink, fuchsia, purple o violet sa mga kababaihan? Sinong nagmamagaling ang may sabi nito? Kung pagsuotin mo nang nasabing kulay ang anak mong lalaki ito ba'y mababansagan ng bading? Doon ba talaga nalalaman iyon? At ano naman ang masama sa mga umano'y "feminine" color kung isinuot man ito ng isang barako? Ang dami nating kalokohan.

Bakit kailangang pigilan natin ang ating mga sarili sa pagkain ng mga paborito nating pagkain? Dahil ba sa pagmimintini ng malusog na pangangatawan o dahil lang sa kaartehang dahilan? Milyon-milyong tao na nga sa mundo ang hindi nakakakain ng matitinong pagkain tapos pipigilan natin ang ating sarili sa pagkain! Anong kaartehan ito? Natatakot ba tayo na lumapad nang kaunti at tumaba? Bakit kasi ang karamihan sa mga tao ay mapamintas at mapanghusga base sa panglabas na itsura? Mas mahalaga pa ba ang bunganga nila kaysa sa iyong sikmura?
Sa kabilang banda, katanggap-tangap na rason naman kung ang dahilan sa pag-awat ng ating sarili sa pagkain ay ang peligrong hatid nito sa ating kalusugan.
At pag lumapad na ang ating katawan madadagdagan na naman ang mga bawal sa ating katawan. Bukod sa napakaraming bawal na pagkain, tila bawal na rin daw ang magsuot ng damit na hindi kulay itim lalo sa kababaihan. Dahil sa pagtupad sa "bawal" na ito at sa pagiging consistent na nakaitim na damit ng babaeng may katabaan nagmumukha tuloy siyang laging aatend ng lamay o libing. Kawawang nilalang ibang tao ang nagdidikta ng kanyang kasuotan.
Kaysa isipin ang sasabihin ng ibang tao mas tamang isaisip na hindi nasusukat ang pagkatao sa gara o kulay ng damit, sa ganda o lapad ng kanyang katawan.

Masarap kumilos ng walang pretensyon pero bakit sa modernong panahong ito marami pa rin ang parang de-susi na kumikilos para mapagbigyan ang ibang tao?
Bakit minsan kailangan nating pigilan ang ating mga tawa kahit na pakiramdam natin ay sasambulat na ang kalooban natin sa sobrang sayang nadarama? Dahil ba ayaw mong mapagkamalang baliw? Dahil ba nahihiya kang tumalsik ang laway mo sa oras na bumunghalit ka ng tawa? Dahil ba sa nakakahiya ang tumawa nang malakas?
Malungkot na ang mundo tapos sa pagkakataong minsang tayo'y maging masaya pipigilan pa natin ang ating tawa. Huwag mahiyang tumawa ng malakas, huwag mong pigilan ang sarili mong ipakita kung ano ka, masaya ka man o napapatawa.
Ganundin naman kung ikaw ay malungkot, huwag mong pigilan ang sarili mo kung ikaw ay naiiyak o gusto mong lumuha. Dalawa ang mukha ng buhay; isang nakatawa at isang lumuluha kung minsan ay masaya ka darating ang panahong maiiyak ka dahil sa kalungkutang nadarama. Wala sa kasarian ang pagtawa o pag-iyak, tunay o hindi ka man na lalaki o babae. Ang tunay na tao marunong tumawa at lalong marunong umiyak.

Buksan ang puso at isipan.
Hindi sa lahat ng panahon ay kailangan nating sumunod sa kung ano-anong shit na nasa paligid natin para lang walang masabi ang ibang tao. Minsan sa pagsunod nating ito tayo rin mismo ang nalalagay sa alanganin at nahihirapan. Bakit marami sa mga kababayan natin (o baka ikaw mismo) ang inoobliga ang sariling maghanda ng pagkain sa tuwing may okasyon? Katulad ng pagdiriwang ng Fiesta na sa sobrang dami ng mga pakakainin ay halos katumbas na ito ng kalahating buwang sweldo o higit pa ng taong naghanda. May iba pa ngang umuutang pa para lang makapaghanda at hindi mapahiya sa kapitbahay o sa mga inaasahan at di-inaashang bisita. Ito ba ang itinuro ng simbahan? O ayaw lang nating mapahiya? Sino ba ang nagpasimuno nito?

Nakasanayan na nating mga Katoliko ang pagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre 25 bagamat walang sapat na katibayan na ito nga ang eksaktong kapanganakan ni Bro hindi tayo nagpapapigil na ipagdiwang ito taon-taon. Hindi gaya nang pagpapakumbaba ng ating Panginoong Hesus noong Siya'y pinanganak, ang pasko ngayon kung ipagdiwang ay kabaligtaran nito. Dapat may bagong damit, obligasyon na ang magbigay o mag-aginaldo kahit hindi bukal sa loob mo at kahit wala kang sapat na nakalaang pera para dito. Ang resulta? Baon sa pagkakautang pagkatapos ng selebrasyong ito. Para ba maging "Merry" ang ating Christmas ay kailangang gumastos tayo ng pagkalaki-laki o ubusin ang dapat sanang iniipon na 13th month pay at bonus?

Tanong: Ano ba ang madalas na pumipigil sa mga Pilipinong magpakasal o magpabinyag?
Sagot: Walang magarbong panghanda para sa mga bisita.
Kailan pa dapat naging isyu na kailangang marami kang maipakain tuwing ikaw ay magpapabinyag?
Sino ba ang nag-obliga sa atin na gumastos ng daang-libo sa kasal?
Gown, barong/coat, venue, catering, simbahan, video/photo coverage, etc. Oo lahat iyan ay importante sa taong ikakasal pero kung hindi naman natin kaya bakit natin ipipilit? Pero mas mahalaga pa ba iyan kaysa sa kasagraduhan ng kasal mismo? Pagkatapos ng napakalaking gastos na ito kasiguruhan ba ito na matiwasay at masaya ang pagsasama ng mag-asawa? Ang sigurado lang: marami na agad utang ang mag-asawa na mag-uumpisa pa lang bumuo ng tahanan at pamilya. Tsk tsk.
Sana hindi natin makalimutan ang impotansiya ng binyag at kasal at sana rin hindi dapat maging hadlang ang handaan sa ganitong selebrasyon; handaang napakarami na ipapakain sa mga bisita na ang ilan ay naghahanap lang ng kamalian at kapintasan sa sagradong okasyong ito.
Maniwala ka puwedeng magpabinyag/magpakasal sa simbahan ng simple lang walang mamahaling gown, walang mamahaling catering, walang napakaraming bisita, walang mamahaling video/photo coverage at iyon ay kung gugustuhin mo lang.

Kung ikaw ay OFW hindi mo obligasyon na magpasalubong sa kung sino-sino. Hindi mo kailangang magpainom sa mga tambay at kakilala na kinakaibigan ka lang dahil sa kanilang pangtoma. Mga taong kilala o kaibigan ka lang pag meron kang pabor na maibibigay sa kanila. Nasaan ba sila nang ikaw ay nangangailangan? Alam ba nila kung gaanong hirap ang naranasan mo nang ikaw nasa ibang bansa? Naramdaman ba nila ang maraming gabing ikaw ay malungkot at nag-aalala dahil sa sari-saring problema sa pinansiyal at pamilya? Nag-aabot ba lahat sila nang ikaw ay nagigipit?
Ang nakakalungkot, sa bandang huli mapipilitan ka pa ring magpasalubong sa dumaming kaanak at kaibigan, magpainom sa mga uhaw sa kalasingan, manglibre sa mga nagpapalipad-hangin at magbigay magpautang sa mga nangangailangan. Dahil kung hindi maakusahan kang NAGBAGO, HINDI NA MAABOTat higit sa lahat YUMABANG.

Paliparin ang kamalayan.
Napakaiksi lang ng buhay ng tao para hindi mo matikman ang masasarap na handog ng mundo. Kung lahat ng negatibong sasabihin ng lipunan ay iyong seseryosohin wala ka ng magagawa na ikasisiya ng buhay mo. Maraming mga tao ang kaibigan ka lang pag ikaw ay napapakinabangan. Masaya ang mabuhay pero mas may isasaya pa ito kung minsang susundin mo kung ano ang nasa puso at isip mo pero mas maganda kung gagawin mo lang ito kung wala kang inaapakan at inaagrabyadong mga tao. At isa pang paalala: Lahat ng kalabisan ay masama.

AT LAHAT NG ITO'Y PAWANG OPINYON AT PANANAW  LAMANG AT IKAW PA RIN ANG MASUSUNOD KUNG ANO ANG GUSTO MONG MANGYARI SA BUHAY MO.

Tuesday, August 21, 2012

Perlas ng Silangan


At dahil ginugunita natin ngayon ang Linggo ng Wika naisip kong gumawa ng tulang may kinalaman sa bansang Pilipinas. Bagama't hindi ako sang-ayon na ang gumagawa nito ay nagpapasakop sa nakakahong pamantayan mabuti rin namang minsan ay ituring itong hamon sa ating kamalayan.
Ayon sa Wikipedia ang Awit ay isang uri ng tulang pasalaysay na binubuo ng tig-aapat na taludtod ang bawat saknong, na ang bawat taludtod ay may lalabindalawahing pantig, at ang tradisyonal na dulong tugma ay isahan. 
Kung maituturing na Awit ang akda kong ito sana'y pumasa ito sa panlasa ng mga makatang eksperto dito ngunit isa lang ang tiyak na sigurado, hindi pala madali ang paggawa nito at baka hindi ko na rin ulitin kung hindi rin lang ako sasali sa paligshang may malaking papremyo, haha (joke lang).

----------------------------------------------------------


Perlas ng Silangan

Dito sa Silangan aking sinilangan
Pilipinas, na bayan ng matatapang
Tahanan ng bayani na 'di kaylanman
Nagpadaig at umurong sa digmaan

Kastila, Hapon o Amerikano man
Umalpas, binuwis ang buhay sa bayan
Pinaglaban, mailap na kalayaan
Dugo, ipinangguhit sa kasaysayan

Bayang marikit, hitik sa likas-yaman
Karagatan, kagubatan, kabukiran
Lamang-dagat, ginto, bakal, troso, palay
Mineral, hayop, laksang prutas at gulay

'Di mabilang iba't ibang kayamanan
Siglo na nang nakamit ang kasarinlan
Ngunit bakit hirap pa rin, Inang-bayan?
May silbi pa ba yaman at kalayaan?

Bayang magiliw, Asan na ang pagliyag?
Perlas ng Silangan, Asan na ang kinang?
Alab ng puso, Asan na ang pagliyab?
Lupang hinirang, Sino na ang naghirang?

 

Monday, August 13, 2012

101 Tangina This!


Tangina This! - slang; an expression of disgust over things, objects, persons or places; from the root word "Putang Ina" which literally means "Son of a bitch" in english; a mean and bad word for those who are narrow minded but it's actually a wordplay and an expression like the word "Shit!". 101 Tangina This! inspired from Tangina This! Facebook Page.

Ang mga sumusunod ay ang mga aking 101 Tangina this list. Kung kasama ka sa listahan na 'to pasensya na hindi sinadya ko iyon talaga.

1.        Kalsadang isinara dahil sa mga nag-iinuman at sinasabayan pa ng kantahan sa videoke o kalsadang isinara dahil naman sa paliga ng baranggay.
2.        Istrakturang itinayo sa eskinita at mga sagabal sa bangketang daanan sana ng tao.
3.        Late announcement na pagsuspindi ng klase.
4.        Mga taong madalas ay nagmamarunong at nagmamagaling sa lahat ng bagay.
5.        Mga taong may makapal na jacket kahit mainit na mainit ang panahon.
6.        Mga taong consistent sa pag-ingles pero consistent sa pagkakamali ang grammar.
7.        Mga empleyadong feeling ay siya lang ang nagtatrabaho at nag-gegenerate ng pera sa opisina.
8.        Mga empleyadong nakakasira ng mood/araw dahil palaging may kaaway at kairingan sa telepono.
9.        Mga taong pagkamamahal ng celphone/gadget pero wala namang ipon at bili pa rin ng bili kahit baon na sa utang.
10.    Mga taong tumutulong daw pero panay naman ang sumbat sa tinulungan.
11.    Mga taong kaibigan ka lang 'pag ikaw ay napapakinabangan.
12.    Mga tinderang alam niyang ang kanyang ibebentang karne ay botcha.
13.    Mga taong utang ng utang pero ayaw naman magbayad at siya pa ang galit kung oras na nang singilan.
14.    Mga taong ipinapamukha ang utang na loob sa isang dating 'napaboran' upang makapang-blackmail o makapag-take advantage sa umutang ng loob.
15.    Mga lalakeng nakukuha pang mambabae kahit na ang asawang babae lang ang naghahanap-buhay sa pamilya.
16.    Mga kalalakihang intensyonal na hindi nagpapaupo sa matatanda at buntis sa pampublikong sasakyan.
17.    Mga taong matapobre at feeling rich kung makapanglait ng kapwa pero mas may kalait-lait na pag-uugali.
18.    Mga taong hindi nakakakain sa isang restaurant hangga't hindi napi-picture-an ang kakaining mga pagkain.
19.    Mga taong binibilang at inaalam muna ang calories ng pagkain bago kainin.
20.    Mga taong walang pakialam na nagyoyosi sa loob ng jeep o ng bus.
21.    Mga pedestrian na tumatawid sa ilalim ng footbridge.
22.    Mga taong pinipigilan ang sarili sa pagkain ng masasarap na putahe dahil sa kaartehang dahilan.
23.    Mga taong parating pinagyayabang binu-broadcast sa FB o Twitter ang mga lugar na pinupuntahan o kinakainan.
24.    Mga taong ginagamit ang isang bangkay na inarkila upang makapagpasakla.
25.    Mga taong humihingi ng abuloy/donasyon sa patay/may sakit kahit wala naman talagang patay o may karamdaman.
26.    Mga palaboy/pulubi na nakukuha pang magyosi sa kabila ng kakapusan sa pera.
27.    Mga taong nanglilimos kahit na mas malakas pa kaysa sa nililimusan.
28.    Mga iniasa ang kapalaran sa pagkakapanalo sa tinatayaang sugal.
29.    Mga babaeng nagpapaligaw/pumapatol kahit may asawa at (mga) anak na.
30.    Mga taong inaabuso ang kaanak na OFW sa patuloy na pag-asa sa mga padalang pera at tuluyan nang naging tamad at 'di naghanap ng trabaho.
31.    Mga taong maepal sa kwentuhan na maraming taong kakilala't koneksyon pero wala namang naitutulong sa oras na iyong kinailangan.
32.    Mga taong hindi pa rin tumitigil sa bisyo kahit naoperahan na o may sakit nang may kaugnayan sa alak o sigarilyo.
33.    Mga taong ipinapasyal ang kanilang aso sa loob mismo ng mall.
34.    Mga taong naniniwala pa rin sa pamahiin, engkanto, manananggal, lamang-lupa, etc.
35.    Mga taong nagvi-videoke sa disoras ng gabi sa isang residential area.
36.    Mga pasahero sa LRT o MRT na ayaw umayos sa pagkakaupo o pagkakatayo at umaarteng ayaw madikitan ng iba pang pasahero.
37.    Mga magulang na isinasama ang kanilang baby sa kahit saang crowded na lugar.
38.    Mga buntis na nagyoyosi.
39.    Mga magulang na isinasama at pinupuyat ang mga anak na minor sa bastos na comedy bar.
40.    Mga magulang na kinakasabwat ang mga batang anak sa pagnanakaw.
41.    Mga magulang na ipinangsusugal o ipinang-iinom pa ng alak ang perang dapat na pagkain para sa pamilya.
42.    Mga anak na minumura nang harapan ang kanilang magulang.
43.    Mga anak na inuubos ang allowance sa alak, bisyo o computer shop.
44.    Mga jumper boys at batang hamog na bumibiktima ng motorista.
45.    Mga taong umuutang ng 5-6 makapaghanda lang sa isang letseng okasyon.
46.    Mga paring aktibo pa rin sa simbahan kahit may sarili ng (pamilya't) anak na itinatago lang.
47.    Mga taong halos sapilitan ka nang hingan ng abuloy/donasyon at tatawagin nilang "love offering".
48.    Mga relihiyoso di-umano pero pangkaraniwan lang sa kanya ang panglalait at pagmumura.
49.    Mga lider ng kanilang inorganisang relihiyon na patuloy na yumayaman dahil sa kinukulimbat na pondo ng simbahan.
50.    Stand-up comedian na mapanglait pero pikon naman kung siya ang pipintasan.
51.    Stand-up comedians na halos holdapin na ang mga customer sa paghingi ng kanilang "tip".
52.    Jonalyn  Singer na pa-cute at supladita, feeling niya siya ang pinakamahusay na mang-aawit sa Pinas
53.    Singer na sobra ang pagkaka-kanta sa isang simpleng awitin at napakaraming 'kulot-kulot' sa bawat stanza kahit hindi naman kailangan.
54.    Mga judge sa isang talent search na sobra kung makakomento kahit walang alam sa talentong ipinakita ng contestant.
55.    Mga pogi band na mas nauuna ang magpapogi kaysa gumawa ng malulupit na kanta.
56.    Mga host/newscaster na exaggerated kung magsalita at magbalita.
57.    Mga simple at mababaw na balitang ini-exaggerate para makakuha ng atensyon.
58.    Mga artistang pa-cute pa rin kahit lampas na sa kwarenta ang edad.
59.    Mga driver na astig sa kalsada pero panay ang kamot at paki-usap kung nakakasagi ng ibang sasakyan.
60.    Mga jeepney driver na pinagpipilitang walohan ang upuan kahit pitong pasahero lang ang kasya.
61.    Tricycle, pedicab at kuliglig na nasa main road/highway at nakukuha pang gumitna sa kalsada.
62.    Mga SUV na naka-on ang headlight kahit tirik ang araw.
63.    Mga motoristang intensyonal na nagka-counterflow.
64.    Mga motoristang intensyonal na lumalabag sa ilaw ng trapiko.
65.    Mga motoristang hindi nagbibigay daan sa nagwawang-wang na ambulansya.
66.    Mga motoristang bumubuntot sa nakawangwang sa ambulansya.
67.    Mga jeepney driver na nagbababa at nagsasakay sa gitna ng kalsada.
68.    Mga taxi, pedicab o tricycle driver na sobra-sobra kung maningil sa pasahero.
69.    Mga nagnanakaw ng takip ng manhole.
70.    Mga nagbabasag ng ilaw sa poste.
71.    Mga naghahagis ng mga basura (maliit o malaki) sa kalsada.
72.    Mga letseng kontraktor na iniiwang nakatiwangwang ang kalsada matapos bungkalin.
73.    Mga establisimyentong mayroon daw free Wifi pero wala namang signal.
74.    SM Cinemas dahil hindi nagpapalabas ng mga Indie Film.
75.    Mga traffic enforcer na nagtatago sa likod ng poste na nag-aabang ng traffic violator.
76.    Mga traffic enforcer na ayaw mag-issue ng citation ticket at nag-aabang ng suhol.
77.    Traffic enforcer/pulis na walang helmet tuwing nagmo-motorsiklo.
78.    Mga traffic enforcer na hindi kayang sitahin ang bus at jeepney driver pero kinakayanan-kayanan ang pribadong motorista.
79.    Mga pulis na umayaw agad sa responde kahit isa na itong emergency ang katwiran:  hindi daw nila sakop ang pinangyarihan.
80.    Mga pulis na abusado at sobrang lakas kung makahampas sa mga rallyista kahit wala na itong kalaban-laban.
81.    Mga rallyistang walang disiplina at intensyonal na naninira o nanununog ng mga bagay na hindi nila pag-aari.
82.    Mga overpriced na organic shit.
83.    Nakamamatay na Hazing initiation sa neophytes ng Fraternity
84.    Mahabang pila sa government offices lalo na sa NBI, PRC, POEA at iba pa.
85.    Government employees na sobrang susungit.
86.    Blogger/writer na inaari ang isang akda na hindi naman talaga nila ginawa at buong yabang na ipinagmalaking gawa raw nila.
87.    Pagtatangkang malampasan ang mga walang kakwenta-kwentang records sa Guiness tulad ng pinakamaraming nagpapasusong ina o pinakamahabang barbeque.
88.    Mga eskwelahang sobrang mahal ng matrikula pero wala namang pinagkaiba ang turo sa eskwelahang higit na mababa ang tuition fee.
89.    Mga titser/propesor na mababa magbigay ng grades kahit magaling ang estudyante.
90.    Mga titser/propesor na mali-mali na nga ang itinuturo pinapangatawanan pang tama ang kanyang sinabi.
91.    Mga TV stations na ginagamit ang celebrity na namatay para pagkakitaan ng pera.
92.    PBB lalo na ang PBB Teens.
93.    Mga paepal na pulitikong nakabalandra ang pagmumukha sa billboard o tarpaulin ipinagmamayabang ang kanila daw proyekto o mga pagbati tuwing pasko, piyesta, graduation o pakikiramay sa namatayan.
94.    Mga celebrity/artista na tumatakbo/tumakbo/nanalo sa eleksyon pero halos wala namang pinag-aralan.
95.    Anabelle Rama.
96.    Mga pulitiko (artista man o hindi) na iniasa sa kanilang kasikatan at hindi sa kanilang kakayahan ang pagkapanalo sa eleksyon.
97.    Bansang Tsina sa isyu ng Spratlys, Panatag at Kalayaan Islands.
98.    The Arroyos.
99.    Talumpati ng mga pulitiko.
100.          Pork Barrel Fund.
101.          SONA ng mga Pangulo.

Kapansin-pansin na sa dami ng nakalista sa mga aking Tangina This! na nasa itaas marami pa rin akong pwedeng maidagdag sa listahan ngunit sapat na lahat ang mga iyan upang maipahayag ko ang aking mumunting saloobin sa pagkadismaya sa nangyayari sa ating kapaligiran. Maaring marami sa mga nakalista dito ay hindi mo sinasang-ayunan ngunit lahat tayo ay may kanya-kanyang opinyon at paniniwala pero sigurado ako marami ka ring Tangina This! sa buhay tulad ko.
Ikaw, ano-ano ang Tangina This! mo?