Kung ang paaralan ang ikalawang tahanan ng mga mag-aaral; ang office naman ang itinuturing na ikalawang bahay ng mga empleyado dahil 'di hamak na mas matagal pa ang oras at araw na iginugol ng marami sa atin sa trabaho partikular sa opisina kaysa sa ating mga tahanan sa ayaw man natin ito o hindi; sampung oras sa bawat araw, lima o anim na araw sa bawat Linggo. Minsan ay nakakasawa, minsan’y nakakaumay dahil paulit-ulit pero ang mas nakakaumay ay kailangan mong
makiplastik makihalubilo at makibagay sa iba’t ibang uri ng tao. Mga taong kung tawagin ay
kaibigan officemates pero parang mas bagay na bansagan silang artista dahil ang office ay pinaliit na bersyon ng showbiz. At dahil sila’y maihahambing din natin sa mga nag-iinarteng celebrity na iniidolo ng nag-iinarte ring mga fans. Bagama’t ang mga tunay na artista kahit papaano ay may mga fans na maitatawag ang mga
nag-iinarteng artista sa loob ng opisina’y tila kabaliktaran dahil sa halip na makahikayat sila ng taga-hanga parang nakapag-organisa pa siya ng isang kulto ng hindi niya namamalayan. Mayroon namang mga low-profile at ayaw makisawsaw sa kung ano-anong shit na ginagawa ng kanyang katrabaho, may mga pa-demure na nasa loob ang kulo, may mga unpredictable at mayroong mahirap maintindihan.
Kung ikaw ay namamasukan sa isang opisina sigurado makaka-relate ka sa blog entry na ‘to.
PAUNAWA: ANG MGA PANGALAN NG ARTISTA DITO'Y PAGHAHALINTULAD LAMANG. WALA ITONG KINALAMAN SA KANILANG TUNAY NA PAG-UUGALI.
Jimmy Santos – eto ‘yung ka-officemate mong tila Magna cum Laude sa Jimmy Santos University kung bumanat ng ingles na kung pakikinggan mo ng maigi ang binitawang mga ingles ay mas marami pa ang mali kaysa tumama. Ewan ko ba sa mga taong ito kung bakit kailangang bumanat pa ng ingles eh hindi naman inglesero ang kausap nila, mahihiya ang mga graduate ng IS sa taong ito dahil walang puknat ang bibig sa paghahalo-halo ng tagalog-ingles sa bawat pangungusap daig pa ang halo-halo ng Digman sa Cavite. Hindi masama ang ingles lalo’t ang tagalog pero kung nakakabanas naman at nakakasira na ng araw sa ibang nakakarinig dapat ng itigil ito; kung kinakailangang magbarikada at mag-aklas sa labas ng opisina gawin na agad ito para sa payapa at tahimik na Pilipinas. Hoy, mag-tagalog ka na lang!
Kris Aquino – mga ka-officemate na tila sinasapian sa sobrang arte ng pananalita, ng pagkilos, ng pakikipag-usap at pilit na binubuhat ang sariling bangko upang tingnan siyang nakataas. Kung si Romi Garduce ay bantog na mountain climber ang isa namang ito ay social climber; sosyal-sosyalan na lahat ay gustong pasikatan ng kanyang mga "achievements", ng kanyang mga out-of-this-world na lenggwahe ~ paislang-slang pa eh dati namang ngumangata ng kwek-kwek sa kalsada, lahat ay gustong utusan at tingin sa sarili ay isa ring amo pero wala namang capital "K". Mamahalin daw lahat ng gamit pero madalas namang nasa Greenhills at sagad sa lintek kung makatawad sa mga tindera doon. Gusto niyang mataas ang respeto sa kanya ng mga tao pero alam naman ng marami na magkaiba ang pinapakita niyang ugali kung kaharap ka at nakatalikod na. Ang respeto ay ibinibigay hindi nililimos.
Anabelle Rama - Walang hindi nakakaalam na si Tita Anabelle ay mataray kaya sa kanya ko ihahambing ang mga empleyadong ubod ng taray. Na sa sobrang katarayan ay lagi niyang iniisip na wala siyang pagkakamali. Lagi itong may gulat factor na uunahan ka ng kanyang pagkamataray para hindi ka na makaporma pa. At kahit mali na siya tama pa rin siya dahil sarado ang kanyang isip sa paliwanag at kung minalas-malas ka pa sigurado hahanapan ka niya ng dahilan para mapintasan ka na akala mong siya ay napakaperpektong nilalang sa mundo. Minsan tumingin ka rin sa salamin.
Sharon Cuneta - mabait naman si Sharon eh kaya lang wala akong maisip na celebrity para ikumpara ang mga empleyadong mahusay magbato ng papuri sa kapwa, wala namang masama dito pero ang nakakainis ay alam mo ng hindi totoo binibilog pa ang ulo mo! "Uy alam mo paborito ko 'yan", "mahal ko talaga 'yan", "ganda naman ng suot mo" iyan ang laging bukambibig ng mga empleyadong ito na tila humahaba ang ilong sa kasinungalingan at naging libangan na rin ang paglulubid ng buhangin. Mapagmapuri 'pag kaharap pero panay naman negatibo ang nais sabihin ng isipan. Kung ituturing na form of art ang pang-uuto malamang kandidato kang national artist.
Vice Ganda - kung pintasan din lang naman ang pag-uusapan wala na yatang makakatalo sa pagiging pintasero nitong si Vice Ganda. Mga empleyadong akala mong kung sinong makapanglait; siya na ang pinakamagaling, pinakaprogresibo, pinakamaraming magsampa ng pera sa opisina, pinakamaraming ginagawa kumpara sa iba at hahamakin ang lahat na akala mong wala siyang kapintasan. Nakatungtong lang sa kalabaw akala mong kalabaw na rin siya. Kung hindi pa nabigyan ng service ng kompanya magji-jeep lang naman; wala namang masama kung mag-jeep ang masama ay 'yung panglalait sa mga taong nasa ibaba niya. Magka-iba ang Humility sa Humiliation, try mo naman 'yung una.
Kim Atienza – Alam niyo ba na ang salitang "office" derives from the Latin word 'OFFICIUM' meaning "service, duty, function, business". It is related to OPS and OPIS meaning "power, might, abundance, means" and to OPUS meaning "work". Ganyan magpaliwanag si Kuya Kim parang lahat ng bagay ay alam niya at kaya niyang i-explain para siyang pinabatang Ernie Baron at parang ganyan din ang mga officemate na kung makaasta at makapagpaliwanag ay akala mong alam niya ang lahat ng bagay; may kinalaman man ito o wala sa opisina. Minsan kaysarap barahin ng ganitong tao dahil madalas namang imbento lang ang kanyang sinasabi at taliwas sa katotohanan; makapagbida lang ay magkukunwaring maraming alam; nagkukunwaring Knowledge Channel pero mukha namang Cartoon Network. Fyi, ang Eraserheads ay kilala ng mga taong naka-bakya hanggang sa naka-Prada kung 'di mo alam 'yan marahil hinihintay mo ang pagbabalik ng April Boys. Mag-isip muna bago magsalita kung ayaw mong maging katawa-tawa at mapahiya.
Willie Revillame - 'Pag sinabing Willie Revillame ano ang unang pumapasok sa isip nyo? Ako, ang unang pumapasok sa isip ko ay kaplastikan ewan ko lang sa'yo. Mga empleyadong daig pa Tupperware at Orocan sa kaplastikan na kunwang concerned o tumutulong pero back fighter to the max. Pasumbat-sumbat sa lahat ng kanyang ginawa at feeling na magiging paralisado ang opisina 'pag siya'y nawala. Alam mo 'yung feeling na 'pag siya ang unang taong nakita mo sa umaga sigurado sira na ang araw mo. No one is indispensable, kung tunay kang magaling hindi mo na kailangang ipangalandakan ito hayaan mong ibang tao ang makaalam nito. Darating ang araw na ikaw ay malalaos at may taong makahihigit kaysa sa kakayahang taglay mo.
Ariel Villasanta – Hindi mo na kailangan ng bentilador nandito na si Ariel Villasanta. Ibig sabihin ang taong ito ay mahangin parang Rod Navarro noong 70's o 80's. Empleyadong ang bukambibig ay ang kanyang branded at maaangas na gamit; damit, pantalon, relo, gadget, sapatos kulang na lang ay pati brief/panty niya ay ibida. Magpapasakalye muna ng mga kuwento pero se-segue lang pala sa mamahalin(?) niyang gamit, ang purpose? Siyempre, in return i-appreciate mo ang kanyang bonggang gamit. May pagkamainggitin din ang mga taong ganito dahil ayaw niyang magpatalo o magpahuli sa mga ka-officemate niyang naunahan siya sa latest na gamit. Kaysa magyabang at pumorma, ba't 'di mo subukang tumulong sa mga nasalanta?
Piolo Pascual – Alam mo na pero hindi mo naman masabi; bistado na pero pilit pa ring itinatago. Para itong exposé sa isang anomalya ng gobyerno na gusto mong ibunyag pero may kung anong pwersang pumipigil sa'yo 'wag lang itong sumambulat. Mga empleyadong may duda ka sa tunay na kulay ng dugo pero hanggang doon lang 'yun, period. "Ayaw ko na siguro pumunta sa details kasi parang ayaw kong siraan siya." - KC Concepcion.
Boy Abunda – Officemate na mahilig sa gossip este sa tsimis; mga officemate na mas interesado pa sa buhay ng iba kaysa sa sariling trabaho niya. High tech na rin ang pag-iispread nya ng "news" dahil sa mabilis na paraan ay naipahayag na niya agad ito sa kapwa niya tsismosa/tsismoso sa pamamagitan ng YM, Skype, Twitter o FB Chat. Tulad ni BoyAbunda dapat exaggerated rin ang kwento para malakas ang arrive sa kwentuhan. Susunood...isang tsismosa sinampal ng officemate nang dahil sa tsimis!
Wilma Galvante – May mataas itong katungkulan sa opisina kaya't mahirap banggain. Kahit mali na tama pa rin siya; laging may kinikilingan, laging may pinoprotektahan dahil siya'y may Protégé. Hindi mo alam kung nagmamaang-maangan o talagang mangmang sa mga bagay na nakapaligid sa kanya. Mas marami ang deserving at dapat na tingnan pero parang may mata ng kabayong may piring na sa harap lang palagi nakatingin. "A horse doesn't care how much you know until he knows how much you care." ~ Pat Parelli. Kaya pala ang daming sipsip na caring sa buhay niya.
JC De Vera – mistulang isang protégé na palaging pinapaboran ng isang may mataas na posisyon. Maganda ang sweldo at maganda ang benepisyo kesehodang hindi nya deserve ang lahat ng natatanggap na pribiliheyo. Kinaiingitan at the same ay kinaiinisan nagmumukha lang namang bodyguard o P.A. ng isang Wilma Galvante. Sunod-sunuran upang hindi matanggalan ng mga pabor. Ikaw na, the best ka eh!
Ruby Rodriguez – At bakit naman nasama si Ruby Rodriguez dito? Dahil ba sa mga may katabaang empleyado? Hindi. Dahil may mga empleyadong halos wala namang bilang sa office 'yung kahit na isang buwan o isang taon silang absent hindi apektado ang operations ng opisina. Bakit Ruby Rodriguez? Hahanapin mo ba siya kung mag-absent siya sa Eat Bulaga? Hayaan na natin sila may pamilya rin silang binubuhay.
Manny Pacquiao – Hindi ito mga empleyadong pala-away. Ito 'yung mga empleyadong nagmumulti-tasking; halos hindi mo na alam kung ano talaga ang designation niya sa office dahil sa trabahong gusto niyang akuin, panghimasukan at alamin, 'di ba ganyan si Ninong Manny?. Nagbibida man siya o talagang matulungin madalas nagre-resulta ito sa kapalpakan. You cannot serve three or four masters at the same time.
Lourd de Veyra – Mga intelihenteng empleyado na may sense ang karamihan sa sinasabi pero hindi naman siniseryoso ng nakikinig. Ka-officemate na may kalaliman sa mababaw na kaisipan ng kanyang co-employee, aware sa mga bagay-bagay hindi sa buhay ng ibang empleyado kundi sa current events at iba pang mga bagay na may kinalaman hindi lang sa kanyang trabaho kundi sa Pilipinas. Hindi lubos na makabayan pero hindi mangmang. Minsan may sense pa siyang kausap kaysa sa Boss mo at maraming matinong alam 'di tulad ng iba na nag-gagaling-galingan lang. Ang pilosopiya niya sa buhay: Smart people talk about ideas. Common people talk about things. Mediocre people talk about people. Saan ka diyan nabibilang?
FPJ – Dahil si FPJ ay likas na matulungin. Mga empleyadong takbuhan ng mga nangangailangan dahil sila ay mas angat sa pangkaraniwang empleyado. Sa kanila idinadaing ang halos lahat ng "concern" sa opisina, kulang na pondo para sa ganito o sa ganoon, pangmerienda o panglunch at kahit sa inuman sila rin ang kinakapitan. Isa rin ito sa mga nagdedesisyon sa mga events and occasions. Kadalasan, inaabuso ang mga taong ganito. Pautang nga bibili lang ako ng iPad.
Mo Twister – Kaofficemate na kapag nagkwento sila ang bida, sila ang magaling, sila ang matalino, sila ang may karapatan, sila ang gwapo o maganda. May mga banat din itong maraming kakilala o impluwensya pero sa totoo hindi naman talaga siya personal na kilala malamang nakasabay niya lang sa banyo o kaya kaibigan ng pinsan ng kaibigan niya. Ubod ng daldal at parang hindi mauubusan ng kuwento ngunit kung tutuusin puro wala namang kwenta ang pinagsasasabi. Hindi rin ito interesado sa kwento mo dahil sa tingin niya mas makulay ang kwentuhan sa mga pagbibida niya. Ayon sa pag-aaral , mas mahirap pang awatin ang ganitong klase ng tao kaysa sa dalawang taong nag-aaway.
Rico J. Puno – mga empleyadong puro kaberdehan ang nasa isip. Madalas na lumalabas sa bibig ay kamunduhan at maraming alam na scandal ng mga artista, mga pornsite at pati ang kanyang celphone ay puno ng mga sex video. Walang pakialam kahit na asiwa at nao-offend na minsan ang kanyang mga ka-officemates sa kanyang mga banat na green jokes. Pasimpleng bumabanat ng kaberdehan at nagbabakasakaling may kumagat sa kanyang mga istilo. Iba ang ibig sabihin ng "Think Green" sa kanya.
Angelu de Leon– Mga empleyado na ang gustong ipakitang personalidad ay ‘di makabasag-pinggan at pa-demure effect pero sa totoo ay nasa loob ang kulo. Kunwaring mahinhin pero daig pa pala si Judiel Nieva sa mga himalang kanyang ginagawa. Bigla na lang puputok ang kanyang mga milagro at isa ka sa nabiktima ng maling akala. Bago maniwala mag isip-isip ka muna marami ang namamatay sa maling akala ~ Ely Buendia.
Babae sa Silvertoes* – *Silvertoes, a song popularized by Parokya ni Edgar. Kung pamilyar ka sa kantang ito hindi mo na kailangang i-google ang lyrics nito, wala itong pangalan kaya hayaan na lang nating "babae sa silvertoes". Ito yung mga empleyadang feeling sobrang ganda at pakiramdam niya lahat ng lalake ay may gusto sa kanya. Attention getter at kahit hindi angkop sa okasyon ay iba ang pananamit 'di niya alam mas marami ang nababanas sa kanyang pagpapa-cute at kahit na kapwa niya babae ay naasiwa dito. Sabi nga sa kanta, mapagpanggap na dalagang ubod ng ganda. Mag-ingat ingat ka baka ikaw ay sagasaan ko ~ Chito Miranda.
Nora Aunor – Mga nag-oopisinang hindi nakakaipon dahil sa dami ng bisyo at sa dami ng gustong bilhin. Nagtatrabaho at may sapat na sweldo pero laging kapos sa pera at madalas pang nangungutang. Sa halip na mag-ipon mas ginugustong gumigimik palagi at tila bisyo na ang pamimili ng kung ano-ano na hindi naman gaanong kailangan. Sa dami ng utang sa Credit card o bale sa opisina halos wala ng maiuwing pera para sa pamilya. Hindi araw-araw pasko meron ding Semana Santa.
Cristy Fermin – Mga nagkukunwaring malinis at magaling magpayo pero sarili nilang buhay ay magulo at sila ang higit nangangailangan ng payo. Malumanay at masarap kung magsalita pero taliwas sa kanyang pamumuhay na may madilim na istorya. Kulang sa kredibilidad pero nagpupumilit na may sapat na abilidad at tamang diskarte sa buhay. Practice what you preach so you can preach what you practice.
Rosanna Roces – Mga liberated na officegirl na walang kiyemeng makipagrelasyon sa may-asawa man o wala. Kahit pa-lihim man ang relasyong ito ay hindi ito makakaligtas sa makakating dila ng ka-opisina. Kahit laging pinag-uusapan ang kanyang kakaibang bisyo ay 'di pa rin tumitigil sa pagpatol sa kanyang natitipuhan. Always game always ready, ika nga. Ito ang kanyang interpretasyon ng “Life is too short not to make the best and the most of everything that comes your way everyday.”
Ramon Revilla – Lalakeng bersyon ito ni Rosanna Roces. Mga kalalakihang malakas 'di umano ang sex appeal at tila gustong syotain lahat ng kanyang kaofficemate at kahit walang sapat na dahilan ay bigla na lang iiwanan ang babaeng kanyang nabiktima. Parang may taglay na anting-anting at mabulaklak ang labi at dadaanin ka nito sa mga rega-regalo upang ikaw ay mabitag. Minsan may pagka-kiss n tell din ang ganitong klase ng lalake. Karma is just around the corner & what goes around comes around.
Kuya of PBB – Mga empleyadong may personalidad na observant (negative nga lang ang nakikta). Matiyagang inoobserbahan at pinupuna ang bawat kilos ng kaopisina, mga mahuhusay bumatikos sa pagkakamali ng iba sa halip na itama ang sarili niyang pagkakamali. Parang may CCTV sa bawat kanto ng office at alam ang bawat ginagawa ng kanyang ka-officemate. Feeling superior na wala kang karapatang punahin ang kanyang ginagawa kulang na lang ay issue-han ka ng Memo o magbigay ng task sa mga naging puna niya sa'yo. Punta ka kaya sa confession room at ikaw ang mag-confess?
Mother Lily – wala ka nang magagawa kung anoman ang ipakitang ugali nito. Sila ang producer i.e. president/owner ng kompanyang pinapasukan mo, kompanyang nagpapasweldo sa lahat ng kanyang empleyado. Sweldong ipinambibili natin ng pagkain para sa pamilya. Masungit man siya o may kagaspangan ang pag-uugali; mabait man siya o maunawain sa ibang empleyado at hindi sa 'yo; hindi niya na problema 'yun. Wala kang karapatang magreklamo kung naka-blocked man ang Facebook sa office niyo dahil katwiran niya hindi ka pinapasweldo para lang mag-FB. Kung hindi mo gusto ang kanyang mga regulasyon o ang mismong kumpanyang pinamumunuan niya o hindi ka na masayang siya ang amo mo, sasabihin niya pa sa'yo: Any moment pwede ka mag-resign walang pumipigil sa'yo! Rule#1: The boss is always right. Rule#2: If the boss is wrong see rule#1.
Isang Payo: 'Wag mong kunsumihin ang sarili mo sa mga negatibong gawi ng iyong mga ka-officemate dahil hindi mo kayang baguhin ang ugali ng ibang tao pero may kakayahan kang baguhin at itama ang nakita mong pagkakamali mo sa opisina. Huwag mo na silang tularan. Mag-trabaho ka na lang at pagbutihin pa ang sarili mong trabaho mapansin ka man o hindi sa iyong ginawa 'wag mo na iyon isipin; ang mahalaga nagawa mong maigi ang anumang iniutos sa'yo at nakaatang na trabaho. Kung isa ka mang ordinaryong empleyado gawin mong ikaw ang pinakamagaling na empleyado, kung isa kang hamak na janitor mahalin mo ang pagiging janitor mo at piliting maging pinakamahusay na janitor sa inyong opisina. Be the best of whatever you are sabi nga ng great poet na si Douglas Malloch.
Kung nasaktan ka dahil fan ka ng mga artistang nabanggit sa itaas pasensya na hindi ko 'yun sinasadya. Inuulit ko sila'y paghahalintulad lamang at walang kinalaman sa kanilang pag-uugali sa likod ng kamera. Pero kung ikaw ay nasaktan dahil nakita mo ang sarili mo sa artikulong ito...pasensya na rin. Sinadya ko talaga 'yun at para sa'yo talaga ang blog entry na 'to. Kung hindi ka naman apektado malamang kilala mo ang mga tinutukoy dito. Tulad sa mga paborito mong showbiz talk show na palaging may blind item pero mahirap hulaan; dito tiyak na marami kang maisasagot at mahuhulaan kaya't pangalanan mo na, Now na!