Hindi ako si Allan na kinabibiliban ng buong mundo ang talento
Hindi ako si Charice na pinangingiti ang madlang pinoy at Amerikano
Hindi ako si Nicole na kay siglang umaawit taglay ang dugong Pilipino
Hindi ako si Arnel na pinapamalas na may galing pa pala tayo
Hindi ako si Lea na walang sawang nagbibigay karangalan sa'kin at sa'yo
Hindi ako si Manny na hinahangaan sa larangan ng boksing
Hindi ako si Paeng na nakatala sa Guiness dahil sa husay niya sa bowling
Hindi ako si Onyok na nag-alay ng Pilak sa atin
Hindi ako si Bata na sa bilyar ay ubod ng galing
Hindi ako si Wesley na sa ahedres ay animoy may taglay na anting
Hindi ako si Efren na may malasakit sa edukasyon at kabataan
Hindi ako si Brillante na ang ginagawang obra'y makabuluhan
Hindi ako si Monique na taas-noong binibihisan ang dayuhan
Hindi ako si Carlos na ang award na Pullitzer ay 'di matumbasan
Hindi ako si Kenneth na ang galing sa muwebles ay 'di pangkaraniwan
Hindi ako si Cory na nagpalaya sa'tin sa diktaturya
Hindi ako si Andres na walang takot lumaban sa mapaniil na Kastila
Hindi ako si Ninoy na binuwis ang buhay para sa demokrasya
Hindi ako si Emilio na pinangunahan ang unang Republika
Hindi ako si Pepe na puno ng pag-asa noong buhay pa
Ako'y isa lamang hamak at hangal na Pilipino
Nauupos, nanlulumo sa kahahanap ng matinong pinuno
Ako'y isa lamang inaalilang Pinoy na ungas
Na katulad mo'y umaasa na uunlad pa ang Pilipinas
Batid ko rin na ako'y lilisan kasama ng aking pangarap
Ang bayang sinilangang niyakap, niyapos ang paghihirap
Iglap na panahon ipipikit ang mata at ibabaon sa lupa
Kasabay nang panaginip na mistulang bangungot kapagdaka.
No comments:
Post a Comment