Thursday, September 11, 2025

Iniwan Kita

 

Iniwan kita.
Aminin ko man o hindi – para itong sinadya.
Ngunit heto ako susubukang pulutin ang mga naiwan sa lapag
hindi man mabubuo pa ang mga nabasag,
hindi man maibabalik pa ang nakaraan,
hindi man makasalamuha ang mga nawalang kaibigan – ako’y magpapanday nang muli.
Hindi bago, hindi kakaiba. Ngunit ang pagmamahal ay naroon pa rin.

Tila nangangapa pa sa lugar na dati kong tahanan,
Naliligaw sa kalsadang dati kong pinapasyalan.
Hinahanap ang mga kasabay noong masaya sa bawat tinta na lumalabas sa pluma – may aral man ito o walang halaga.

Sa susunod, kukwentuhan na kita.
Susubukan kong sumabay at magbahagi ng istoryang magnanakaw ng iyong oras kahit sandali.
Ibubulong ko ang karanasan at kathang-isip.
At hindi mo mababatid kung alin doon ang totoo sa panaginip.

Monday, July 8, 2019

DI NA MULI


Muling nakatingin sa kung saan.
Nakamasid lang sa kawalan.
Inaalala ang mga alaala na parang kanina lang ay akin kang kasama.
Kapiling ang ‘yong ngiti.
Ang ‘yong ngiwi.
Ang ‘yong tawa.
Ang ‘yong sorpresa.
Ang ‘yong iyak.
At ang mga galak.

Matamis ang buhay.
‘Singtamis ng bukang-liwayway makalipas ang nagpapagal na gabi.
Ikinukubli ng kulay ng ating sandali ang karimlan ng paligid.
Parang bahaghari na sumilay matapos ang unos na ‘di nagpasiil.
Noon.

Gusto kong pihitin ang kamay ng orasan at ibalik ang mga panahon na ang aking pangarap at katotohanan ay pinag-isa.
Ngunit mangmang na hinayaang umalpas at lumipas lamang ito.
Winaglit sa isip na lahat ng bagay ay mayroon nga palang hangganan.
Sa ayaw man o sa gusto.
Inakala na hindi lulubugan ng araw. Huli na nang matantong mali.
May pagsisisi.
Na nadarama hanggang bukas o sa makalawa o sa susunod pa.
Pagsisisi na tila makirot na sugat sa tuwing naaalala.

Tila huli. ‘Di na muli.

May tinig pa para sabihing “patawad muli
Maiuusal pa ang katagang “salamat muli”
May boses pa upang sambiting “kita’y iniibig…
Ngunit ‘di na ito maririnig
‘Pagkat ang pagitan natin ngayo’y higit pa sa bukas at kahapon na ‘di itinakdang magtagpo.


Ang mga lungkot na tila parating hinuhukay.
Mga takot na humahalili sa bawat nalalabing pag-asa.
Pagtangis na palagi nang kakambal ng pagbangon.
Ay nagsimula nang walang sabi-sabi’y buhay mo’y kagyat na binawi.

Ibubulong na lamang at ‘di ikukubli: Mahal kita hanggang sa huli. Ngunit..
Tila huli. ‘Di na muli.





Monday, September 11, 2017

Ambulansya ni Mang Rudy

Humahagibis sa bilis ang ambulansyang minamaneho ni Mang Rudy.
Destinasyon ng kanyang ambulansya at ng pasyenteng sakay nito na si Aling Fely ay ang pagamutang makapagsasalba umano sa mahalagang buhay ng kanyang pasahero. Agaw-buhay, liyo at tila wala sa sariling pag-iisip ang pasyenteng si Aling Fely. Marahil dahil ito sa labis na pag-abuso at pag-alila ng kanyang mga suwail na anak na sa loob ng ilang dekada'y hindi nagawang arugain at mahalin nang totoo ang kanilang pobreng ina.

Karaniwang anim na buwan lamang ang tinatagal ng opisyal na tsuper ng ambulansya sa bayang ito. May ilang namasukan na humigit dito at mayroon din namang napatalsik bago pa sumapit ang kanyang termino. Nagmula si Mang Rudy sa malayong lalawigan sa Katimugan na halos walang pinag-iba ang kalagayan kung saan siya nakadestino ngayon -- magulo.

Animnapung kilometro ang lubak-lubak na daang patungo sa pagamutan.
Makapal ang putik nito kung maulan at animo'y madilim na ulap ang alikabok kung tirik ang mainit na araw. Dagdag sa pagkaantala nang pagbiyahe ng ambulansya ang mga sutil na residenteng nananadyang hinaharang ang kalsada, pinupukol ang sasakyan o 'di kaya'y binubutas ang mga upod na gulong nito.
Ang ambulansiya ni Mang Rudy ay 'di maipagkakailang luma na -- kung hindi nga lang nakakahiya sa mga may sensitibong pandinig maari na ring sabihing ito'y bulok na. Kakarag-karag ika nga. Nababalutan ang kalawanging bakal nito nang naghuhulas na pinturang alanganing puti o abuhin, marumi ang kanyang maitim na usok na kahit ang pinakamadilim na gabi'y mahihirapan itong ikubli.

Ang kalsada't ambulansiya'y kapwa mukha ng lumalala at laganap na korapsyon sa bayang ito.
Nakakaaawang pagmasdan: isang kakarag-karag na ambulansiya, lulan ang isang babaeng pinatanda ng kahirapan, na minamaneho ng isang matandang tsuper na maangas at may pagkamainitin ang ulo, na naglalakbay sa malubak na kalsadang ilang dekada nang walang progreso at pagbabago.

Sa pagnanais na mailigtas ang buhay ng pasyente hindi inalintana ni Mang Rudy ang kabi-kabila niyang paglabag sa umiiral na batas-trapiko. Maraming pulang ilaw ang hindi niya hinintuan, maraming motorista ang kanyang naaksidente at ilang nakaharang sa kanyang daraanan ang halatang sinadyang sinagasaan. Nagmistulang hari ng kalsada ang ambulansiya ni Mang Rudy na ang lahat ng kanyang makakasalubong at madadaanan ay dapat na magbigay daan sa kanya at kanyang sasakyan.

Sa kabila ng negatibong ugali at 'di magandang impresyon ng mga tao kay Mang Rudy, masipag at mahal nito ang kanyang trabaho at ito marahil ang dahilan kung bakit siya'y may pagkaagresibo. Bagama't mabilis at may kakaiba siyang husay sa pagmamaneho hindi rin naman maiiwasang kuwestiyunin ang ugali niyang pagiging barumbado at mahirap pakisamahan.
Datapwa't sanay at beterano na sa nakagisnang trabaho marami-rami na rin ang kanyang naging kapalpakan at kamalian na walang pag-ako o pag-amin man lang. Ngunit nakapagtatakang sa kabila ng mga kapalpakan at kamalian niyang ito marami pa rin ang sa kanya'y nagtitiwala at sumusuporta. At 'yun ang nagbigay ng lakas ng loob kay Mang Rudy upang gawin ang sa tingin niya'y tama kahit pa marami ang lantarang paglabag, maraming ari-arian ang nawawasak at maraming buhay ang nadadamay.

Sa una pa lamang ay napukaw na ni Mang Rudy ang damdamin ng mga perpeksiyunistang mga kritiko ng bayan. Kritikong walang nakikitang tama sa sipag at pagsisikap ng matanda. Anila, at kung masusing susuriin hindi sasapat ang sipag at pagsisikap lang sa bawat kanyang ginagawa dapat ay mayroon ding puso at pagmamalasakit sa kapwa upang hindi mapahamak ang iba, upang may sapat na pag-iingat, upang walang madamay na inosente.
Ang pagiging matigas ang damdamin ay magdudulot ng hindi magandang impresyon sa iba bagama't ang intensiyon ay mabuti hindi ito makikita ng mga kritikong sa iisang panig lang na nakakiling. Ngunit isang malaking tanong at palaisipan sa marami kung si Mang Rudy nga'y taglay ang mga katangiang ito na tila imposible nang mahanap sa panahong ito.

Maraming nagsasabing kakaiba si Mang Rudy sa nakalipas na mga tsuper ng ambulansiya ng bayan kumpara sa mga ibang humawak ng manibela nito at marami sa nagsasabing ito ang may tangan-tangang pag-asa. Nakakatawa lang na malaman na marami rin sa mga ito ang nagiging sanhi at dahilan ng abala at pagkaantala ng ambulansiya kaya hindi mabilis na umuusad ang ambulansiyang may isang misyon: ang magsalba ng buhay.

Hindi maiiwasang maikumpara si Mang Rudy sa ibang nagtangkang tumulong sa kalagayan ni Aling Fely. Marami-rami na rin kasi sila na pawang mga nabigo; dalawang tsuper na babae, may isang may pagkaarogante, may naging kawatan, may maangas lang magmaniobra, at may lampang malumanay magsalita. Ngunit ang mga ito'y tila hindi nakabuti sa kalagayan ng kalusugan ni Aling Fely -- papaano'y hindi naman naihahatid agad at nalalapatan ng lunas ang sakiting ale, ilan pa nga sa kanila'y inuumit ang krudo ng sasakyan.
Ilang beses nalagay sa panganib ang buhay ni Aling Fely at ilang beses na rin itong nagpabalik-balik sa pagamutan ngunit wala yata ni isa man sa mga ito ang may tunay at totoong may malasakit sa kalusugan at kalagayan ng pasyente. Nakalulungkot lang na kung sana'y kagyat na nabibigyan ng gamot at karampatang lunas ang pasyente'y hindi sana aabot ito sa ganitong kalagayan -- KRITIKAL.

Ang mayuming si Aling Fely na sa kanyang edad ay namamalas pa rin ang ganda ngunit tila walang magandang kinabukasan, buhay nga ngunit mistulang buto't balat, may suot na damit ngunit animo'y nakahubad, malubha ang sakit na tila walang kalunasan, likas na mayaman ngunit walang kayamanan.

Malayo-layo pa ang biyaheng ito ni Mang Rudy at ng kanyang pasyente at 'di ko batid ang kahihinatnan ng kalagayan at kalusugan ni Aling Fely sa kamay nito kung mahahatid man siya nang ligtas o hindi sa pagamutan. Ang inaalala nang marami kabilang na marahil ako ay baka matulad lang ang kuwento at istorya nilang dalawa sa nakaraang mga kuwento at istorya na ang kinahantungan ay pagkadismaya, kalungkutan at kabiguan.


Kahit na malubak humahagibis sa bilis ang ambulansiyang minamaneho ni Mang Rudy.
Destinasyon ng kanyang ambulansiya at ng pasyenteng sakay nito na si Aling Fely ay ang pagamutang makapagsasalba umano sa buhay ng kanyang pasahero. 
Isa bang kakatwa na sa proseso nang pagsagip sa mas mahalagang buhay ay maraming buhay ang dapat na mautas? 
Siguro'y may ibang paraan para gawin ito pero wala sa bokabularyo ni Mang Rudy ang maghinay-hinay at huminahon.

Tuesday, July 18, 2017

Huwebes Noon

Huwebes noon.
Hindi ko alam kung dahil ba sa nakulitan ka lang sa akin o dahil ginusto mo na rin -- kaya ka pumayag na tayo'y mag-lunch out. Ilang beses ko na ring sinubok na ayain kang lumabas para kumain at ilang beses na rin naman akong nabigo. Sa maraming beses na 'yon hindi ako nagkaroon ng sama ng loob sa'yo, kahit kaunti. Nauunawan ko naman kasi at ang lahat nang sa iyo'y kaya kong maunawaan. Alam ko kasi ayaw mong malagay sa isang sitwasyong malalagay sa'yo sa alanganin, sa isang lugar kung saan mas lamang ang ligalig kaysa katiwasayan.
Ni minsan hindi ko sinabi sa'yo na masaya ako sa tuwing kausap ka. 'Yung saya na hindi ko kayang ipaliwanag, 'yung saya na 'pag tinanong mo ako kung gaano ito kasaya, ang isasagot ko lang ay "Basta". Siguro mayroon talagang mga bagay na hindi madaling ipaliwanag hindi naman kasi naisasalarawan ang lahat ng ating nararamdaman, sabi nga'y, minsan hindi sapat ang mga salita para mabulalas ang lahat ng nais sabihin ng ating puso.

Huwebes noon.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ko dahil sa wakas, makalipas ang ilang pakiusap at pagbabaka-sakali ay tumango ka at pumayag na makasama ako sa isang tanghaliang sa aki'y magpapabusog hindi dahil sa pagsasaluhan nating pagkain kundi dahil sa humigit-kumulang na isang oras na ilalaan mo para sa akin. Hindi ko alam kung anong himala ang nanaog sa lupa at biglang-bigla na sagot mo'y "oo'' sa tanong kong "tara lunch tayo?" Hindi mo batid napangiti mo ako. Hindi lang basta ngiti na matatanaw mo sa labi ko kundi 'yung ngiti na pati ang puso ko'y nakaramdam ng kakaibang kasiyahan. Dumoble ang pintig nito at tulad ko'y tila hindi makapaniwala.

Huwebes noon.
Matapos ang ating pag-uusap ay iniisip ko na ang isusuot ko para bukas. Iniisip ko kung ano pa bang damit ang mayroon ako na magiging kaaya-aya sa paningin mo. Iniisip ko kung anong scent ng pabango kaya ang magugustuhan mo 'pag nagkaharap tayo. Iniisip ko kung anong klase ng pagkain kaya ang tiyak na masasarapan at magugustuhan mo. Iniisip ko kung anong paksa pa kaya ng usapan ang 'di pa natin napagkukuwentuhan ang dapat kong buksan. Gusto ko kasing sa kahit anong paraan ay hindi ka maiinip sa pagkikita nating ito, gusto ko kasing maibigay ang kung ano man ang nais mo. Gusto ko sanang... Basta.

- - - - - -

Biyernes noon.
Makalipas ang magdamagang pag-iisip sa'yo at sa nakatakda nating pagkikita lumipas din ang kaba at isang desisyon ang nabuo mula sa maraming piraso ng pag-alala at agam-agam.

"Pasensya na, hindi tayo matutuloy."  Wala na akong naidugtong pang ibang salita. Kung gaano ko kinasabikan at hinintay ang iyong pagsang-ayon ganun ko rin naman binigo ang dapat sana'y masayang tanghalian at kwentuhan. Hindi ko na dinetalye sa'yo ang dahilan ko para rito pero ang alam ko kasi mali ito. Ang totoo hindi ko talaga kayang maidetalye.

Hindi ko alam kung nalungkot ka rin nang sabihin ko sa'yo ang katagang 'yon pero sana nauunawaan mo kung bakit ko ginawa ang gano'n. Naisip kong baka nagalit ka sa akin dahil kapwa tayo umasa pero naisip ko rin kasi na napakahirap maglinis kung sakaling malublob sa putik ng kamalian.
:(