Wednesday, March 1, 2017

D A H I L A N

Maaaring walang sagot sa tanong na 'kung bakit ka mahalaga?' Ngunit paano mo tutugunin ang katanungang 'paano ka magiging akin?' kung itinadhana kayo sa iba?


Hindi mabilang ang mga kadahilanan para ika'y magustuhan at ang mga dahilang ito ang nag-uugnay sa akin patungo sa'yo. 
Ang walang pagsidlang kasiyahan sa tuwing kausap ka, 
ang ngiti mong nasisilayan kahit 'di ka kasama, 
ang nagkukulay sa bawat umagang 'di madaling ipinta, 
ang 'yong tinig na umaalingawngaw sa isip ang bawat salita.



Gusto kong pagsisihan at pahalagahan ang unang araw na akin kitang nakilala.
Pagsisihan, dahil hindi ko ginusto ang malagay sa ganitong kalagayan, pinilit na itinatanggi ang nararamdaman ngunit mas lalo lang akong nahihirapan -- mas lalo lang umaalpas ang damdaming hindi pala kayang pigilan ng anuman at ninuman.
Pahalagahan, dahil ikaw ang presensiya ng pagkalinga sa panahong lumisan ang tiwala at pag-asa, ang sandigan sa mga sandaling kinailangan ko ng taingang makikinig sa tinig at hinaing na 'di maaring ipagkatiwala sa iba -- naging sandalan at bukaspalad na tinanggap ang negatibong asal na iilan lamang ang nakakaunawa.

Ikaw ang pumapayapa sa mga araw na ako'y naguguluhan ngunit ikaw rin ang bumabagabag sa gabing dapat sana'y kapayapaan.


Mahirap maintindihan ngunit unti-unti't dahan-dahang ika'y aking hinahanap.
Sa bawat pagtunog ng telepono sa tuwing umaga dahil alam kong 'yon ay may dulot na saya.
Sa bawat pag-alerto ng mensahe sa cellphone na kahit ang simpleng 'magandang umaga' ay tila napakahalaga.
Sa bawat email na natatanggap na magiging motibasyon sa maghapong sinusubok ang pasensiya.


Ikaw ang nagpapaalala na ang araw ay 'di dapat nag-uumpisa at nagtatapos nang alas-otso hanggang alas-singko.
Ikaw ang nagpapaalala na ang buhay ay 'di lang tungkol sa hanapbuhay at trabaho.
Ikaw ang nagpapaalala na ang kasiyahan ay 'di dapat nakasalalay sa dami ng dokumento.


Ikaw ang nagpapaalala na may pag-asa at saya sa pagitan ng pagsubok at problema.


Nakalulungkot lang na hindi sasapat ang mga dahilang ito para maiguho natin ang pader na naghihiwalay sa ating dalawa. Siguro'y mas dapat na magpasalamat dahil tayo'y nagtagpo sa pagkakataong mahirap unawain ang mundo, sa panahong ang kahulugan ng maraming bagay ay negatibo, sa mga oras na kinailangan nating ngumiti sa kabila ng maraming nagbabalat-kayo. 


Kung 'paano ka magiging akin' ay 'di ko kayang sagutin ngunit sapat nang malaman mo ang mga dahilan kung bakit mahalaga ka para sa akin.