Monday, June 13, 2016

Gusto Kong Gumawa Ng Nobela

Gusto kong gumawa ng nobela.

Gusto kong gumawa ng love story tungkol sa pagmamahal ng mga pilipino sa Pilipinas na kanyang bansa. Ikukuwento ko dito ang wagas na pag-ibig ng sinaunang Pilipino sa kanyang bansang sinilangan at kung papaano nila ibinubuwis ang kanilang buhay nang walang pag-aalinlangan para lang makamit ang kalayaan. Ikukuwento ko hanggang sa nakalulungkot na unti-unting paglamlam ng pag-ibig na ito, ilalahad ko rin kung bakit naging huwad ang pagmamahal nang makabago at moderno umanong Pilipino sa Pilipinas - dahil sa makasariling kadahilanan.


May karakter at sangkap ang istorya ng iba’t-ibang uri ng drama na katulad nang isang teleseryeng napapanood ng marami tuwing hapon at gabi; may ganid, suwail, gahaman, bait-baitan, may pangangalunya, pang-aapi, paghihiganti, at siyempre may pagtataksil – katulad nang pagtataksil ng maraming pilipino sa kanyang kapwa at kanyang pinakamamahal na bansa.


Hahaluan ko rin ito ng “horror” na genre. At gaya ng mga nobela o pelikula na may pagka-horror ang tema. Imbes na matakot ang mga tao sa mga aswang, maligno, masasamang ispiritu, demonyo o multo; sila’y matatakot sa mga taong naghahasik ng krimen at lagim sa mga mahihina, matatakot sila sa mga tiwaling militar at pulis, sa mga naglipanang kriminal sa lansangan, sa mga tarantadong pulitko, sa mga walang pusong opisyal ng gobyerno, at sa mga lider na walang ginawa kundi ang magpakasasa sa puwesto.


Hindi dapat mawala ang elemento ng “aksyon” sa gagawin kong kuwento. Ngunit hindi gaya ng aksyon sa mga malulupit na hollywood movies na malaki ang budget, may plot twist, takbuhan pagsabog o barilan; ang gagawin ng mga karakter ko sa istorya ay ang pagtakbo sa reponsibildad at kawalan nila nang aksyon sa panahon ng sakuna o trahedya, kawalan nila nang aksyon sa pangangailangan ng mga tao, kawalan nila nang aksyon sa mga taong nangangailangan ng katarungan at hustisya, kahit na ang katotohanan ay may malalaking budget na hawak-hawak ang mga bida/ kontrabida sa istorya.


Dapat ay mayroon din itong kaunting adventure. Isasaad ko ang adventure ng isang pultikong nagmula sa kahirapan, na dahil sa kanyang pagsisikap na makaahon mula rito ay gagawin niya ang lahat-lahat. Ang mapangahas na adventure ay magsisimula na may magandang adbokasiya ngunit kalaunan ay lalamunin ng sistema, matututong magnakaw, magiging gahaman, susupilin ang maliliit, kokontrolin ang lahat at magtatagumpay sa buhay. Kahit gaano pa karami ang ebidensiya, malulusutan niya ang batas.


Ang magiging climax ng aking istorya ay Komedya. Ilalarawan ko roon kung papaano tayo palaging tampulan ng katatawanan ng ibang lahi, kung papaano tayo pinagtatawanan ng ibang bansa at kung papaano tayo nagiging katawa-tawa sa paningin nila. Na sa kabila sana ng mahuhusay na mga batas, ng ating mayaman at magandang likas-yamang gubat, kabundukan, kapatagan at karagatan ay nananatili pa tin tayong hikahos at kabilang sa pinakamahihirap na bansa sa loob ng mahabang panahon.


Tatapusin ko ang istorya sa pamamagitan ng Trahedya. Katulad ng magaganda ngunit masasaklap na mga pelikula gaya ng Gladiator, Titanic, Black Swan at marami pang iba, mabibigo ang masa na makamit ang pinapangarap na kapayapaan, kaunlaran at katiwasayan. Mabubuhay at mamamatay silang nilulunod ng kanilang pangarap, pangarap na pinigilang matupad ng mga bida/ kontrabidang may kakaibang taglay na kapangyarihan – sila na mga naghahari, imortal at walang kamatayan sa mundong tila sila lamang ang may karapatang mabuhay ng masagana.


Sa End Credits lalagyan ko ito ng disclaimer, sasabihin kong ang lahat ng inyong nabasa ay fiction lang at kung mayroon mang pagkakahawig sa mga karakter, lugar, pangyayari at kaganapan, noon man o sa kasalukuyang panahon iyon ay nagkataon lamang at hindi sinasadya ng may akda.