Monday, July 8, 2019

DI NA MULI


Muling nakatingin sa kung saan.
Nakamasid lang sa kawalan.
Inaalala ang mga alaala na parang kanina lang ay akin kang kasama.
Kapiling ang ‘yong ngiti.
Ang ‘yong ngiwi.
Ang ‘yong tawa.
Ang ‘yong sorpresa.
Ang ‘yong iyak.
At ang mga galak.

Matamis ang buhay.
‘Singtamis ng bukang-liwayway makalipas ang nagpapagal na gabi.
Ikinukubli ng kulay ng ating sandali ang karimlan ng paligid.
Parang bahaghari na sumilay matapos ang unos na ‘di nagpasiil.
Noon.

Gusto kong pihitin ang kamay ng orasan at ibalik ang mga panahon na ang aking pangarap at katotohanan ay pinag-isa.
Ngunit mangmang na hinayaang umalpas at lumipas lamang ito.
Winaglit sa isip na lahat ng bagay ay mayroon nga palang hangganan.
Sa ayaw man o sa gusto.
Inakala na hindi lulubugan ng araw. Huli na nang matantong mali.
May pagsisisi.
Na nadarama hanggang bukas o sa makalawa o sa susunod pa.
Pagsisisi na tila makirot na sugat sa tuwing naaalala.

Tila huli. ‘Di na muli.

May tinig pa para sabihing “patawad muli
Maiuusal pa ang katagang “salamat muli”
May boses pa upang sambiting “kita’y iniibig…
Ngunit ‘di na ito maririnig
‘Pagkat ang pagitan natin ngayo’y higit pa sa bukas at kahapon na ‘di itinakdang magtagpo.


Ang mga lungkot na tila parating hinuhukay.
Mga takot na humahalili sa bawat nalalabing pag-asa.
Pagtangis na palagi nang kakambal ng pagbangon.
Ay nagsimula nang walang sabi-sabi’y buhay mo’y kagyat na binawi.

Ibubulong na lamang at ‘di ikukubli: Mahal kita hanggang sa huli. Ngunit..
Tila huli. ‘Di na muli.