Thursday, May 11, 2017

PASYON SA PAGSULAT

Sadyang may mga bagay na gustong-gusto mo dati pero sa kalaunan at sa katagalan ay ating kasasawaan, pwede rin namang gusto mo pa itong gawin pero sa kung anong kadahilanan hindi na natin magawa.

Sa magkaibang panahon (noon at ngayon) gusto ko ang sumulat at magsulat, ang pasyon ko para rito ay 'di pa rin nawawala hanggang sa kasalukuyan ngunit ang gigil at pagpupursigi ay napakalayo na ang naging agwat tila lumamlam ang dating may ningas na pasyon, nabuhusan ng maligamgam na tubig at tila nawalan nang alab at init. Marami akong dapat ipagpasalamat sa pagsusulat dahil malaki ang naging epekto nito sa aking buhay. Ang pagsusulat kong ito ang nagsilbing tulay sa maraming bagay; nagkaroon ng maraming kaibigan na may parehong interes, nagkaroon ng ilang parangal, nagkaroon ng sariling akdang libro, naging bahagi ng ilang libro, at marami pang positibong pangyayari.

Ang bawat akdang aking naisulat ay somehow bahagi ng aking buhay maging ito man ay kathang-isip o katotohanan. Sa pagitan ng mga nalikhang kwento, sanaysay at tula sa nakalipas na walong taon ay nasa likod nito ang mga inspirasyong hinugot sa sariling karanasan, sa kapwa at sa lipunan. May mga akdang may label na non-fiction ngunit sadyang itinago bilang kathang-isip lang at may mga akda namang fiction na nagkukunwaring base sa totoong pangyayari. 

Hanggang sa kasalukuyan may mga paandap-andap at piraso pa rin ako ng kwento na nasa aking isip ang nais kong mabuo balang-araw, mayroon pa rin akong mga berso ng tula na nais kong pagdugtungin, at may mga saloobin at opinyon akong nais kong ipahayag bilang isang sanaysay.
Hinahanap ko pa rin ang libog na nagdala sa akin dito sa blogsite na ito at sa namayapang friendster,  hinihintay kong bumalik ang sipag sa pagsusulat na pansamantalang ako'y nilisan, umaasa na sana'y muling ipagkaloob sa akin ng 'diyos ng literatura' (kung literatura man ang tawag sa aking ginagawa) ang talentong iilan lang ang naniniwala.

May tatlong alibi dahilan daw kung bakit tumitigil sa nakasanayang pagsusulat ang isang tao; una ay ang pagkasawa rito, ikalawa ay kawalan nang oras at panahon at ang ikatlo'y sadyang mahirap ang sumulat kung walang inspirasyon (ang pagiging kontento at labis na kasayahan ay maaring nabibilang dito). Kung tama nga ang mga dahilang ito gusto kong 'yung ikatlo ang aking dahilan sa pagkawala ng aking pasyon sa pagsulat.

Sa aking pagsubaybay sa ibang sumusulat sa blogosperyo kapansin-pansin na marami sa kanila ang hindi na aktibo at ang iba pa nga ay tuluyan nang nagretiro. Kahit papaano'y makararamdam ka ng lungkot sa kanilang paglisan, hindi mo man sila personal na kakilala sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat ay nagmistulang kapamilya mo sila na iisang tahanan lang ang ginagalawan. Somehow, ang mga ito rin ang madalas ang nakapagbibigay ng ideya para sa bago mong isusulat at kung papaano pa mahahasa ang iyong ginagawa.

Hangga't maari ay ayaw ko (pang) tumulad sa kanila na tila bigla na lamang lumayas, biglang nagpaalam at 'di na nagpapigil -- nagpakalayo-layo at iba-ibang landas ang tinahak.
Ang kalagayan ko ngayo'y tila isang estudyanteng nakatingin sa itaas, nangangamote dahil walang sagot na maisulat sa isang pagsusulit, isang mangingibig na nilisan ng kanyang nililiyag at umaasang pagdating ng araw siya'y mabalikan at muli silang magniniig, isang piloto na nagising ng isang umaga na maraming nalimutang proseso sa pagpapalipd ng eroplano, isang doktor na sa 'di mawaring dahilan ay biglang natakot na magsagawa ng operasyon.

Makakasulat muli ako, kapit lang.

At kung hindi na, ituring n'yong isa itong pamamaalam.