Unang
Iglap: Anti-Animal Abuse
“Ang
hayop ay tulad din nating mga tao – may isip, may puso, may damdamin at hindi
dapat pinagmamalupitan!” sigaw ng Pro-Animal rights activist na si Aldo. Kasama
niya ang ilan pang miyembro ng “Stand For The Rights of Animal” nasa Elliptical
Road ang grupo at matiyagang ipinaglalaban ang kanilang adhikain, hawak ang mga
plakard at salit-salitan silang sumisigaw gamit ang isang megaphone.
Pasado
alas-dose na ng tanghali natapos ang kanilang protesta. Bagama’t alam nilang hindi
napapakinggan ng karamihan ang kanilang mga panawagan hindi pa rin sila
sumusuko na gawin ang pagpoprotestang ito: ang maparusahan ang sinumang taong
nagmamalupit sa hayop.
“Magtanghalian
na muna tayo bago umuwi” pag-aya ni Aldo sa kasamang si Hilda. “Sige.” sagot naman
ng kausap.
Sa
Jollibee napadpad ang dalawa.
“Dalawang
two piece chickenjoy with coke, please. Saka dalawang extra rice for dine-in.”
order ni Ando sa crew ng Fastfood chain.
- - - - - - -
Ikalawang
Iglap: Anti-American
“’Tanginang
mga amerikanong ito lagi na lang umeepal sa mga isyu ng gobyerno natin. Kung
bakit hindi na lang sila makontento kung saan sila naroroon. Eto namang pamahalaan
natin pinagtatakpan pa na hindi raw nakikialam sa atin ang mga kano. Kahit
kailan ay walang karapatan ang mga dayuhang makialam sa ating bansa! Hindi sila
dapat nakikialam lalo na sa usapin ng pulitika!” mahabang litanya ni John Nicolas
sa kaibigang si Andres habang sila’y nanonood ng CNN Philippines sa telebisyon.
“Hindi
ba’t malaki ang naitulong ng mga dayuhan kabilang na ang mga amerikano sa
tuwing may sakunang nangyayari sa bansa natin? Lalong-lalo na noong pagkatapos ng
bagyong Yolanda, kabilang ang mga amerikano sa unang-unang nagbigay
tulong-pinansiyal at katulong ang mga sundalo nila sa paghahatid ng supplies at
pagkain sa mga nasalanta.” sinubukan ni Andres na sumagot sa tinuran ng kaibigan.
“Ibang
usapin ‘yon. Kung ibang bansa naman ang nagkakaroon ng sakuna, tumutulong din
naman tayo ‘di ba? Hindi natin dapat tanawin ng utang na loob ‘yon sa kanila.” sagot
ni John Nicolas.
“So,
‘pag pabor sa atin okay lang? Ganun ba ‘yon?!” si Andres.
“Hindi
mo ko naiintindihan ‘tol. Tara na nga alis na tayo baka ma-late pa tayo sa a-applyan
nating trabaho, 3PM ang schedule natin ‘don” pinutol na ni John Nicolas ang
usapan dahil may nakatakda silang interview sa in-applyan nilang Call Center na
pagmamay-ari ng foreigner.
“Hoy
Andres, tumayo ka na! Anong oras na at nakahilata ka pa diyan!, Ano ba?” pangungulit
ni John Nicolas kay Andres habang isinisintas ang bagong bili niyang sapatos na
Nike Air Max.
- - - - - - -
Ikatlong
Iglap: Anti-Piracy
“PIRACY
IN ALL FORMS SHALL NOT BE PATRONIZE.” Naka-caps lock pa ang Facebook status na
ito ni Jeremy Guazon.
Consistent
si Jeremy sa pagpo-post ng status at ng mga video na may kinalaman sa paglaban
sa pagpipirata ng mga pelikula lalong-lalo na ‘pag Philippine movies. Opisyal
kasi si Jeremy ng Optical Media Board kaya hindi na nakakagulat ang ganoong mga
post, tawag ng tungkulin ika nga.
Paminsan-minsan,
sumasama siya sa mga raid na isinasagawa ng ahensiya sa mga tindahan ng pekeng
CD at DVD; sa Quiapo, Sta. Cruz, Baclaran, Greenhills at iba pa. Minsan na ngang
nalagay sa panganib ang kanyang buhay dahil sa kampanya niyang ito.
Marami
ang humahanga kay Jeremy dahil sa dedikasyon niya sa trabaho at bali-balitang
sa nalalapit na pagre-resign ng chairman ng OMB ay siya ang nakatakdang ipalit
at mamuno, ito ang posisyong matagal na niyang pinapangarap.
Apat
ang anak ni Jeremy sa asawang si Jenny. Teenager na ang panganay at ikalawa
samantalang nasa elementary pa lang ang dalawang iba pa. Si Julie na kanyang panganay
ay mahilig sa music tulad din niya.
“Pa,
pahingi naman po ng one thousand, may bibilhin lang po ako. May bagong album po
kasi si Adele at ang One Direction.” lambing ni Julie sa ama.
“Ang
gastos mo naman. Isang libo para sa dalawang CD? Ang mahal naman, hindi ko
pinupulot ang pera sa opisina. Kung ako nga nagda-download lang ng mga kanta sa
Musify e, para makatipid ikaw magsasayang ka ng pera para sa ilang piraso ng
magagandang kanta?” tutol ni Jeremy sa request ng anak na si Julie.
"Akin
nang cellphone mo at ako na lang magda-download ng mga kantang gusto mo, tapos
i-save mo na lang sa USB. Tipid pa tayo ng isang libo. Hirap nang buhay ngayon,
magtipid ka naman.”