Tuesday, June 7, 2011

Hindi porke

Marami ang nalilito, naguguluhan, naghusga, nagmagaling.
Hindi lahat nakukuha sa unang tingin. Buksan ang mga mata, lawakan ang isipan.
Ang tao'y mapanghusga ayon sa hitsura at nakikita kahit alam naman natin na hindi lahat ng ating nakikita ay totoo at hindi lahat ng totoo ay ating nakikita.


Hindi porke nakulong ay mayroong kasalanan.
Hindi porke napawalang-sala ay tunay na inosente.
Hindi porke Husgado ay dalisay ang kaibuturan.
Hindi porke may tattoo isa nang kriminal.
Hindi porke nagmamagaling isa nang tunay na mahusay.
Hindi porke nakulong 'di mo na dapat pagkatiwalaan
Hindi porke pipi 'di na pwedeng magsalita.
Hindi porke bulag wala nang nakikita.
Hindi porke gwapo ay 'di gagawa ng kasamaan.
Hindi porke 'di kagandahan ang ugali'y magaspang.

Hindi porke mahusay mag-ingles dapat mo nang paniwalaan.
Hindi porke tagalog lang ang lenggwahe isa nang mangmang
Hindi porke tahimik mayroon ng suliranin.
Hindi porke walang imik ito'y mahiyain.
Hindi porke iyakin madali nang sumuko.
Hindi porke masiyahin walang problema.
Hindi porke paralisado wala nang silbi sa lipunan.
Hindi porke namamahagi ng pera taos ang pagtulong.
Hindi porke mayaman ay matapobre.
Hindi porke mahirap ay magnanakaw.

Hindi porke tapos ng kolehiyo, edukado.
Hindi porke 'di nakatapos ng pag-aaral, mal-edukado.
Hindi porke pulubi pera lang kailangan.
Hindi porke matalino maganda ang kinabukasan.
Hindi porke 'di matalino walang matinong kinabukasan.
Hindi porke mamahalin ang gamit ay dapat nang kainggitan.
Hindi porke palamura isa nang salot sa lipunan.
Hindi porke 'di nagmumura ituturing na nating mabait.
Hindi porke pala-kaibigan totoo ng kaibigan.
Hindi porke "kaibigan" handa ka laging damayan.

Hindi porke paladasal isa nang banal.
Hindi porke madalang sa simbahan isa nang makasalanan.
Hindi porke palaboy pwede nang laitin.
Hindi porke pulis 'di dapat pagtiwalaan.
Hindi porke abogado 'di nagsasabi ng totoo.
Hindi porke maputi mas angat ang katauhan.
Hindi porke kayumanggi papayag nang magpa-aglahi.
Hindi porke walang pera wala ng dangal.
Hindi porke taong-gobyerno isa nang kawatan.
Hindi porke may kritiko dapat nang tumahan.
Hindi porke may pork barrel fund gagamitin sa kapakanan ng bayan.

Hindi porke magaling sa bakbakan maaari na sa Batasan.
Hindi porke mahusay na artista pwede na sa pulitika.
Hindi porke naimbestigahan mayroon ng mapaparusahan.
Hindi porke ito ay tama ito na ang nararapat.
Hindi porke mali hindi na maaari.
Hindi porke muslim dapat nang katakutan.
Hindi porke bakla bawas na ang katauhan.
Hindi porke bisaya mababa ang pagkatao.
Hindi porke mabait isa ring mabuti.

Hindi porke Pilipina isa nang alila.
Hindi porke Pilipino isa nang tarantado.
Hindi porke Banyaga dapat nang kabiliban.
Hindi porke imported maganda ang kalidad.
Hindi porke Amerikano dapat ka nang magpatalo.
Hindi porke tagapagpatupad ng batas matapat na sa batas.
Hindi porke ang plaka ay otso pwede ng gaguhin ang trapiko.
Hindi porke mambabatas mahusay sa batas.
Hindi porke wala ng wangwang titigil na ang katiwalian.
Hindi porke popular ang pangulo mahusay na mamuno.

Hindi porke inilahad ang maruming katotohanan isa nang suwail sa bayan.

Tuesday, May 31, 2011

Pusong bato at kamay na bakal

"Sa pag-unlad ng bayan disiplina ang kailangan."
Isa itong panawagan noong dekada sitenta ng isang pangulong bantog sa pagiging disciplinarian sa katunayan sa pagnanais niyang disiplinahin ang mga Pilipino ipinatupad niya ang batas-militar. Subalit batas-militar lang ba talaga ang magpapatino sa atin? Bakit ba hindi natin kayang pairalin ang disiplina sa sarili? Bakit 'pag nasa ibang bansa naman ang isang Pinoy ay mayroon siya nito?

Masarap mangarap na ang Pilipinas ay isang maunlad na bansang tinitingala at hinahangahaan ng ibang nasyon.
Kay sarap siguro ng pakiramdam na ang mga Pilipino ay may angking disiplina sa sarili, disiplinang magsisilbing ehemplo at tatatak sa isip ng mga banyaga.

Ngunit habang lumalaon at lumilipas ang panahon, ilang dekada ang nakararaan at ilang pagpapalit na rin ng Pangulo ang ginawa natin patuloy lang tayong umaasa, tsumastamba at nagbabaka-sakali na umahon kahit na papaano ang lugmok na Pilipinas. Masasabi ba nating may pag-unlad at may disiplina ang Pilipinas at mga Pilipino?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang pag-unlad at disiplina ay magkaugnay. Walang pag-unlad kung walang disiplina.
Hindi tayo aasenso kung hindi natin didisiplinahin ang ating mga sarili.
Hindi tayo uunlad kung hindi tayo didisiplinahin ng batas at mahigpit na pinapatupad ito kahit kanino.
Sa dami ng suliranin at delubyo na kinaharap ng mga Pilipino nararapat lamang na mayroon tayong natutunan sa nakaraan ngunit parang may kurot ng katotohanan ang kasabihang: "Ang kasaysayan ay paulit-ulit lang na nangyayari".

Napalayas na ang mga Espanya na tatlong siglong sumakop sa atin at nakamit natin ang kasarinlan ~ buong akala natin ay ito na ang umpisa nang pag-usbong ng Bagong Pilipinas.
Hindi rin nagtagal ang pananatili ng mga Hapon sa atin at muli rin tayong nakalaya sa kuko ng mapang-aping mga Hapones ~ muli tayong bumuo ng pangarap na tayo'y uunlad.
Ilang pangulo pa ang naghalinhinan sa pagmando at pagmaniobra ng Pilipinas.
Hanggang dumating si Marcos at ayon sa kasaysayan ito ang sinasabing pinakaabusadong Pangulo na namuno sa'tin. Dalawang dekada raw ang nasayang ng siya ang nanungkulan subalit marami rin ang nagsasabi na sa kanyang pamunuan "tumino" at nadisiplina ang Pilipino, ang ekonomiya'y hindi lugmok at ang piso'y lumalaban sa dolyar. Nang siya'y mapatalsik sa Malacañang ~ hindi pa rin tayo tumigil sa ating pangarap dahil nagising ang naidlip na pangarap na ito.

Bumilang ulit tayo ng ilan pang presidente, senador, alkalde, mambabatas at iba pa hanggang sa dumating ang isa pang di-umano'y kumitil sa pag-unlad ng Pinas sa katauhan ni GMA. At ngayon, tulad nang pagpapalayas noon kay Marcos heto na naman tayo naghalal ng Pangulong popular. Sino ba naman ang hindi mabibighani sa slogan na: "Kung walang Corrupt walang Mahirap!"? Iisipin natin na ito na ang magbabangon sa atin sa kahirapan. Bagaman isang taon pa lamang siya sa pwesto masasabi ba natin na may kakayanan siyang disiplinahin ang Pilipinas?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Katulad ng sinabi ko ang pag-unlad ay nasa disiplina. Ang mga mauunlad at progresibong mga bansa ay may disiplina. Kahit nga komunismong bansa ay may disiplina. Disiplinang hindi lang sa salita kundi sa gawa at ipinapatupad ang disiplinang ito maging sino ka man at ano man ang katayuan mo sa buhay. Idagdag na rin natin ang pagmamahal ng mamamayan sa kanyang bansa. Nakakainggit ang ganitong mamamayan na nakikita nating may lubos na pagmamahal sa bansang kanyang nasasakupan, may pagtangkilik sa lokal na produkto at matinong sinusunod ang umiiral na batas. Tayo ba ay mayroon nito?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Nakita mo ba kung gaano kadisiplina ang mga Hapon? Na kahit sa panahon ng krisis ay pinaiiral pa rin ang disiplina at matiyagang nakapila sa rasyon ng pagkain noong sila'y nilindol at nakaranas ng tsunami. Kaya ba natin yun?
Hindi mo ba napansin ang pagmamahal ng mga Koreano sa kanilang bansa? Na ilang dekada lang ang nakalipas matapos ang Korean war ay muling umusbong ang sigla ng ekonomiya. Kaunti lang ang mahilig sa imported na produkto at mas pinapaboran nila ang kanilang sariling gawa. Nakakainggit 'di ba?
Hindi ka ba humahanga sa disiplina ng mga Singaporean? Walang tutol nilang sinusunod ang mahihigpit ngunit epektibo nilang mga batas. Galing nila 'di ba?
Hindi ka ba nahusayan sa disiplina sa kalsada ng Hongkong Nationals? Napakaayos ng sistema ng kanilang batas-trapiko; ang motorista ay sumusunod sa ilaw-trapiko at ang mga pedestrian ay tumatawid sa takdang tawiran. Magaya kaya natin 'yun?
Hindi ka ba bilib sa pag-aalaga ng bansang Amerika sa kanyang kababayan? Na kahit nasa ibang bansa ang isang amerikano ay todo-proteksyon sila dito kaya ganun na lang din ang pagmamahal ng amerikano sa kanilang bansa. Kaya ba ng gobyerno natin gawin ito sa'ting mga Pilipino?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang Pilipino'y likas na may katigasan ang ulo bantog tayo sa kawalan ng disiplina. Hangga't wala tayong disiplina hindi natin makikita ang liwanag ng pag-asa, hindi natin masisilayan ang pagbangon ng Pilipinas at wala tayong kakaharaping magandang bukas. Ngunit sino ba ang magpapatino sa atin? Sino ba ang may tapang na ipatupad ang umiiral na batas? Sino bang namuno ang hindi kinondena? Sino bang matinong namuno ang lubos na sinuportahan ng walang batikos?

* Sino ba ang makakapag-utos sa mga negosyante at kapitalista na magpasweldo ng tama?
* Sino ba ang kayang humuli sa lahat nang lumalabag sa batas-trapiko?
* Sino ba ang magbabawal sa mga pasaway na taong patuloy na nagtatapon ng basura sa kung saan-saan?
* Sino ba ang may kayang ilikas ang mga iskwater ng walang kaguluhang mangyayari?
* Sino ba ang sisita sa mga abusado at barubal na motorista sa kalye?
* Sino ba ang makakapigil sa mga pinoy na mahilig dumura at umihi sa kung saan-saan?
* Sino ba ang makikiusap at susundin na 'wag babuyin ang pampublikong banyo? 'wag mag-vandalism? 'wag nakawin ang takip ng manhole? 'wag batuhin ang ilaw sa mga poste?
* Sino ba ang may kakayahang sabihan ang mga tambay na maghanap ng trabaho?
* Sino ang ganap na makapagpapatigil sa ilegal na pagmimina at pagtotroso?
* Sino ba ang susundin sa panawagang magbayad ng tamang buwis?
* Sino ba ang magsusuplong sa mga negosyanteng ganid sa kita ng langis?
* Sino ba ang mag-uutos at susunding 'wag magbigay ng VIP treatment sa mga may kaya?
* Sino ba ang makapagpapatino sa mga taong tawid ng tawid sa hindi tamang tawiran?
* Sino ba may kayang makiusap at sundin na huwag mag-park sa kung saan-saan?
* Sino ba ang magpapatino sa mga illegal vendor at sabihin sa kanilang 'wag magtinda sa kalsada?
* Sino ba ang huhuli sa mga sasakyang may nakalalasong usok na nakaapekto sa kapaligiran?
* Sino ba ang may karapatan na kumumbinsi at iutos na tangkilikin ang sariling atin?
* Sino ba ang may kakayahan na dapat ay lagi tayong nasa oras?
* Sino ang magsasabi na 'wag mag-anak ng marami kung walang sapat na hanap-buhay?
* Sino ba ang may kapangyarihan na ipatupad ang batas ng walang pinapaboran?
* Sino ba ang pipigil sa mga mambabatas at halal ng tao na 'wag kulimbatin ang pondo ng bayan?
* Sino ba ang sasawata sa taong-gobyerno na itigil na ang katiwalian?
* Sino ba ang aawat sa mga pulis at militar na 'wag gamitin sa masamang paraan ang kanilang pondo?
* Sino ba ang may kayang utusan ang pulis na 'wag mangotong at maglingkod ng buong puso para sa bayan?
* Sino ba ang ganap na susundin sa panawagang ipatupad ang magagandang programang para sa kapakanan ng bayan?
* Sino ba ang susundin sa panawagan ng pagkakaisa?

Sa tigas ng ulo at kawalan ng disiplina ng karaniwang Pinoy (mahirap man o mayaman) hindi lang pangkaraniwang lider ang kailangan natin subalit 'wag naman sanang dumating sa punto na kailanganin pa ng buong Pilipinas ng Death Squad (tulad ng sa Davao) para lang tayo lubos na madisiplina.

Tama. Na ang disiplina ay nagmumula sa sarili subalit hindi naman ito ang totoong nangyayari dahil ang mga pinoy ay kanya-kanyang diskarte para malusutan ang batas ~ impluwensya at kapangyarihan sa mayayaman, pagiging sutil at paawa effect naman sa iba. Kaya nararapat lang na may maghihigpit, may susupil at may totoong sasaway sa matitigas na ulong mga Pinoy.

Hanapin natin ang ganitong lider dahil ito ang ating kailangan.
Hindi natin kailangan ng lider na may pusong naghahanap ng kalinga sa buhay.
Mas kailangan natin ng lider na may Pusong bato sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas ng walang pinapaboran at walang kinikilingan.
Hindi natin kailangan ng lider na may kamay na naghahanap ng makakadaupang-palad sa lamig o init ng gabi.
Mas kailangan natin ng lider na may Kamay na bakal para usigin, kasuhan at ikulong ang sino mang may kasalanan at ibigay ang nararapat na parusa ano man ang estado nito sa buhay.

Kung mayroon lang sanang pangulo na may ganitong katangian at may b_y_g na kayang disiplinahin ang lahat ng mamamayan kabilang na ang mga opisyal nito doon pa lang natin makikita ang pag-unlad subalit malabong mangyari ito dahil mas ginugusto at pinapaboran ng masa na maghalal ng popular na kandidato sa halip na kandidatong pamumunuan tayo ng may likas na Talino, Tikas at Tigas.

Nakakainip na babanggitin na naman natin na hindi pa siguro panahon na makahanap tayo ng lider na ganap na susundin at susuportahan ng mga Pilipino ang anumang adihikain nito laban sa kahirapan at lubha ring napakahirap makahanap ng tao na sasagot sa ating mga katanungan. Sa kasalukuyan nating panahon parehong ang namumuno at mamamayan niya ay walang disiplina. Ano pa ba ang aasahan natin?

Sa'n hahantong ang kawalan ng disiplina nating ito? Kung ang simpleng mga panuntunan ay hindi kayang tuparin ng simpleng mamamayan lalo pa ang matataas na tao. Patuloy na yata tayong mangangarap na lang nang magandang ekonomiya at maunlad na Pilipinas. Sayang ang mga dugo at buhay na ibinuwis ng ating mga bayani sa pagtatanggol sa tinatawag na kasarinlan sa pag-aakalang kaya nating umunlad ng walang tulong ng dayuhan.
Saan ba tayo huhugot ng disiplina? Mahirap ba itong gawin?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Monday, May 23, 2011

Dapat minsan lang

Minsan kailangan mong magalit upang maramdaman ng iba na ikaw'y nasasaktan na.
Minsan kailangan mong umiyak upang mas madama ang kaligayahang naghihintay.
Minsan kailangan mong madapa upang malaman ang aral ng buhay.
Minsan kailangan mong magkamali upang lubos na maunawaan ang tama.

Minsan dapat mong maranasan ang lungkot para mas matamis ang ngiti sa darating na bukas.
Minsan parang dapat na magyabang para kumalma ang higit na mayabang.
Minsan dapat mong maranasan ang kabiguan para sa pag-usbong ng bagong pag-asa.
Minsan parang dapat na itigil ang pagtikom ng bibig para masawata ang bibig na matabil.

Minsan mapipilitan kang magbulag-bulagan upang hindi masaksihan ang pagdurusa na 'di mo kayang ibsan.
Minsan mapipilitan kang magbingi-bingihan upang pansamantalang hindi marinig ang hinaing nang nahihirapan.
Minsan mapipilitan kang maging manhid upang makausad ka sa lakad ng iyong buhay.
Minsan mapipilitan kang manahimik upang magparaya at 'di makasakit ng ibang damdamin.

Minsan makabubuti ang sumuko sa isang laban dahil may ibang laban na nakalaan sa iyong tagumpay.
Minsan makabubuti ang magkunwari dahil mas maiiwasan dito ang nakaambang kaguluhan.
Minsan nakabubuti ang pagkakaroon ng mabigat na problema dahil dito nalalaman ang iyong tunay na kaibigan.
Minsan makabubuti ang magpalinlang dahil dito natin mararamdaman ang tunay na nagmamalasakit.

Minsan mapipilitan kang magsinungaling para sa ikabubuti ng mas nakararami.
Minsan mapipiltan kang magsawalang-kibo para hindi lumala ang magulo nang sitwasyon.
Minsan mapipilitan kang magdamot para hindi maabuso ang 'yong kabaitan.
Minsan mapipilitan kang magtanga-tangahan para alamin kung sino ang mas tunay na tanga.

Pero dapat minsan lang...

Tuesday, May 17, 2011

Ostentatious

Ostentatious: (Adj.)
- putting on a pretentious display.
- intended to attract notice and impress others
- vulgar display of wealth


Ano ba ang ibig sabihin ng ostentatious sa isang karaniwang taong tulad natin?
Ang ugaling ostentatious ay ang garapal na pangangalandakan ng kayamanan upang makakuha ng inaasam na atensyon.
Actually, walang batas na nagsasabing bawal ito.

~ Walang pumipigil sa tao na i-broadcast sa buong mundo na ang iyong bag ay nagkakahalaga nang higit sa milyong piso habang maraming dukhang Pinoy ang nakatira sa mabaho at masikip na espasyo sa ilalim ng umuugang tulay tulad ng Delpan o sa mapanganib na gilid-gilid ng kalsada at plastik na supot ang sisidlan ng kanilang mga damit na animo'y basahan.

~ Walang pumipigil sa tao na isahimpapawid ang daang libong pisong halaga ng kanyang suot-suot na alahas habang kayamanan na sa marami ang makatanggap ng baryang limampung piso sa kanilang maghapong paghingi ng limos.

~ Walang pipigil sa iyo kung magdiwang ka ng isang napakarangyang kaarawan na ang halagang ginastos ay hindi kayang kitain ng ordinaryong tao habangbuhay man siyang kumayod habang marami ang hindi nasasayaran ang dila ng karne ng baka at hindi ito natitikman sa mahabang panahon.

~ Walang pipigil sa iyo kung pauit-ulit mong bigkasin ang halaga ng suot mong magarang damit habang maraming batang palaboy sa kalye ay nanlilimahid at gula-gulanit ang suot-suot na sandong makutim.

~ Walang aaresto sa'yo kahit na banggitin mo ng may yabang ang iyong bagong biling magarang kotse habang ang iba'y nagtitiis na naglalakad na lamang sa gitna ng init ng araw o nagpasyang hindi na umalis dahil sa kawalan ng perang pamasahe.

~ Walang aaresto sa'yo kahit na ipangalandakan mo ang isang matayog at magarang building na Condo unit ay iyong pag-aari mo na ang halaga'y 'di na kayang bilangin ng taong mahina sa Math habang ang mga taong dukha'y nakatingin na lamang sa kawalan na ni pambili ng trangkahan ay 'di kayang pag-ipunan.

~ Walang magsusuplong sa'yo kung ipamukha at ipagyabang mo man ang katakot-takot na achievements mo sa buhay na halos lahat ng letra sa alpabeto ay nakadikit na sa'yong pangalan habang maraming paslit ang minamaliit imbes na kalingahin at naghahangad na makatuntong sa eskwelahan kahit sekondaryo man lang.

~ Walang magsusuplong sa'yo kung isampal at isumbat mo man sa mga kritiko mo ang iyong mga "naitulong" sa mahihirap upang ipantakip sa'yong mabahong personalidad ngunit sa pagkakaalam ko ang diwa nang pagtulong ay ginagawa ng kusang-loob at nang wala dapat panunumbat.

~ Walang makakaangal sa Presidente kung kumain man siya at magbayad ng milyon sa isang mamahalin at engrandeng restaurant sa ibang bansa kahit pera pa ito ng bayan habang mistulang daga na kuntento na sa pagkain nang pinagpag na tira-tirang pagkain sa fastfood ang kanyang kababayan.

Ang pagiging bulgar, hayagang pagpapakita ng karangyaan o ostentatious bagama't hindi isang krimen ay hindi rin naman kaaya-aya sa paningin lalo na sa nakararaming mga kapus-palad. Nagdudulot lang ito ng inggit imbes na inspirasyon; kayabangan sa halip na pagpapakumbaba; pagmamalabis imbes na paghanga; pagmamalaki sa halip na karampatang papuri.

Isa itong sampal sa mahihirap na tao; kahalayang maituturing sa kaisipan ng mga dukha. Tama bang ipangalandakang ikaw'y nakahiga sa pera at ipangalandakan ito sa kabila ng daang milyong bilang ng mga tao ang naghihirap sa mundo?

Minsan, tayo rin mismo ang gumagawa ng komplikadong sitwasyon sa ating buhay sa pamamagitan ng ating mga pinag-gagawa, walang nagsasabing baguhin mo ang iyong nakagawian buhay mo 'yan at hindi rin naman mababago ang buhay ng mas nakararami magbago ka man o hindi subalit pansin mo ba na mas tahimik at mas simple ang pamumuhay ng likas na mayayamang walang ostentatious sa katawan?

Bihira ako mag-quote ng bible verses sa aking mga blog dahil parang hindi bagay sa tulad kong sinner pero tatapusin ko ang blog na ito sa isang bible verse.

Proverbs 16:18-19.
"Pride goes before destruction, a haughty spirit before a fall. Better to be lowly in spirit and among the oppressed than to share plunder with the proud."

Thursday, May 12, 2011

Rakista, asan na?


Makaraang sumikat ang grupong Juan Dela Cruz Band noong dekada sitenta ano na ang nangyari sa mga mahihilig sa rakenrol?
Halos dalawang dekada ang lumipas at muli itong sumigla at nabigyan ng buhay at nilampasan ang kasikatan ng kahit na sinong grupong maiisip mo. Ito ay ang Eraserheads. 1993 - 2002.

Ngunit sa pag-disband ng bandang Eraserheads noong 2002 parang gumuhong animo'y nilindol ang musikang Pilipino. Dahil sa grupong ito humugot ng inspirasyon ang maraming bandang nagsulputan ngayon. Sila rin ang nagbigay buhay sa noo'y halos palubog na industriya ng musikang Pinoy. Bagamat may kanya-kanyang grupong kinabibilangan na ang bawat miyembro ng pamosong Eraserheads (Ely - Pupil, Raimund - Sandwich at Pedicab, Buddy - The Dawn, Marcus - Marcus Highway) hindi na ito kasing-init at kasing-lupit noong sila'y magkakasama pa.

Tama ang tinuran ng walanghiyang pare ko na si Ely sa kanilang kantang Minsan na: "kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan" kahit gaano ka pa kapopular, kasikat o katanyag (pare-pareho lang yata 'yan) darating ang takdang oras na kayo o ikaw'y kukupas, lilipas, malalaos o maghihiwalay ng landas at hindi lang pera ang dahilan nito. Gaya na rin ng pamamaalam kamakailan ng mga icon shows/program na: NU-107 sa FM Radio at MTV Phils. sa telebisyon. Mangyayari din ito kahit kanino sa kahit anong oras na hindi mo inaasahan.

Ilang mga taon pa, may mga bandang sumubok na abutin kung hindi man lampasan ang kasikatan ng bandang Eraserheads. Mga grupong may potensyal naman kung tutuusin; ang kanilang tema aminin man nila o hindi ay gayang-gaya sa grupo ni Ely et al; Subalit ngayong taong 2010 at 2011 tila umiksi ang mitsa ng kandila at lumamlam ang liwanag ng OPM band siguro dahil na rin sa kawalan ng suporta ng masa at sa pagkatalamak ng mga tao sa piniratang musika download man ito sa torrent o biniling pirated CD sa Avenida at Raon; siguro nagising sila isang umaga at bigla nilang naisip na may mga sari-sarili silang buhay na dapat ng ayusin at kanilang napagtanto na hindi na sila kayang buhayin ng pagiging Rakista! lang.

Sayang kung kailan nasa kalagitnaan tayo ng muling pagtangkilik sa Pinoy Pop-Rock saka naman nagdesisyon ang mga bandang malulupit(?) na maglie-low o magdisband! At kung ano man ang kanilang dahilan ay hindi na 'yun mahalaga sa'tin uulitin ko: Kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan" At Wala na tayong magagawa dito.

* Nasaan na ba ang Rivermaya nang ito'y iwanan ni Rico Blanco? At si Rico ngayo'y bukod sa solo career ay sinubukan na rin ang acting career; thanks but no thanks to Imortal.
* Kawawa naman ang Kjwan dahil sa pagiging abala ni Marc Abaya sa paglagare sa sunod-sunod na teleserye at Indie Film.
* Kailan ba natin huling nakitang tumugtog si Jugs Jugueta at ng kanyang grupong Itchyworms? Mas malaki kasi ang TF niya sa Showtime.
* Isama ko na rin ang pagkakawatak-watak ng bandang Orange and Lemons ni McCoy Fundales (pampahaba ng blog).
* Idagdag ko na rin si Teddy Corpuz ng Rocksteddy na nasa Showtime din. (tutal self-proclaimed Rockstar naman siya)
* Ang pa-cute na si Kian Cipriano ng Callalily ay busy na rin sa kung ano-anong gimik niya sa TV5.
* Kamakalian lang ay nabalitaan natin na si Ney Dimaculangan ay kumalas na rin sa kanyang grupong 6cyclemind at naglunsad ng kanyang solo career.
* Ang henyong si Lourd De Veyra ng Radioactive Sago Project ay tila napabayaan na rin ang kanyang banda sa dami ng pinagkakaabalahan; kanyang blog sa Spot.ph, video-blog (Word of the Lourd), hosting job sa Aksyon TV41 at Sapul sa TV5, pagsusulat ng libro at ng iba't-ibang artikulo.

At ang nakawiwindang at nakalulungkot:

* Si Ebe Dancel and the rest of makatang Sugarfree for no apparent reason ay bigla na lang umayaw sa rakrakan.
* Sa maigsing panahon, si Champ ng matinong grupong Hale ay ninais na magsolong tumugtog at iniwan na rin ang kanyang kabanda.
* Sa pangalawang pagkakataon, si Bamboo Mañalac ng napakahusay na bandang Bamboo ay muling iniwan ang kanyang banda na ginawa rin niya noon sa Rivermaya ang kanyang magarang rason: "things change".

Siguro hindi pa rin dapat malungkot ang mga mahihilig sa OPM Pop Rock dahil nandiyan pa rin naman ang mga grupong tulad ng Hilera, Tanya Markova, Kamikazee at ang makulit na Parokya ni Edgar bukod siyempre sa mga grupong kinabibilangan ng mga ex-heads na Pedicab, Sandwich at Pupil na bagamat nag-iba na ang tema ng kanilang mga awitin kumpara sa mga kanta nila noong sila'y Eraserheads pa ay masasabi naman nating sila'y nag-mature at nag-evolve na at 'di hamak na matino kumpara sa hilaw na di-umanoy "rakista" na parang pinabili ng maasim na Datu Puti suka.

Pansamantala, kung ayaw niyo sa mga grupong nabanggit ko; namnamin ninyo ang mga ginawang mga awitin ng mga pogi band na Spongecola (parang laging galit kung kumanta) at Cueshe (na gumawa ng kanta tungkol sa wallet niyang nakatali. haha).
Bakit hindi na lang sila ang nagdisband?
Hindi ang Sugarfree, hindi ang Bamboo, hindi ang Hale at hindi Eraserheads? Haha. Rakenrol!
Ganun talaga. Lahat ng bagay ay mayroong hangganan.

NBI 75


"November 16, 2010, The National Bureau of Investigation celebrated its 74th founding anniversary with the Secretary of Justice Leila M. De Lima as guest of honor and speaker yesterday.
This year’s celebration precedes the NBI’s 75th Diamond Jubilee next year. The agency has a rich heritage of significant accomplishments chronicled in the annals of the country’s law enforcement community."


Nagmula ang mga katagang 'yan sa website ng National Bureau of Investigation (www.nbi.gov.ph)o mas kilala natin sa tawag na NBI. Isang ahensya ng gobyernong tumutulong sa pagsupo ng kriminalidad sa bansa.
Okay. Nagdiriwang sila ng kanilang ikapitumput-apat na anibersaryo at patungo na ito sa kanilang Diamond anniversary ika nga. Congrats! Sa mga accomplishments, sa mga nasawatang krimen, sa mga nahuling kriminal ng lipunan at sa patuloy na pagbibigay ng mabuting serbisyo sa bayan.

Kasabay ng pagdiriwang ay ang pagbebenta ng commemorative plate ng ahensiyang ito ng may nakasulat na "NBI 75". Ang plakang ito ay nagri-range sa halagang P2500 hanggang sa P5000 depende sa patong ng nagbebenta at ang malilikom daw sa pagbebenta nito ay pandagdag sa pondo ng naturang ahensiya. Napakagandang adhikain. Subalit pansin niyo ba ang pag-abuso dito?

Sa unang linggo ng pagkakaupo ng bagong pangulo ay ipinag-utos niyang tanggalin ang mga "wangwang" sa mga pribadong sasakyan. Marami ang hinuling motorista at kinumpiska ang maiingay nilang mga sirena, marami rin ang boluntaryo at kusang-loob na tinanggal ito bilang suporta sa napakagandang layunin ng pangulo.
Ang tamang pag-lagay ng nagmamayabang na commemorative plate na ito ay nakaibabaw o nakatabi sa plakang inisyu ng LTO. Malinaw 'yan.

Walang mali o ilegal sa pag-gamit ng NBI 75 plates na ito basta sundin lang ang isinasaad na patakaran ng ahensiyang nakakasakop dito. Pero hindi yata ito ang nangyayari sa karamihan ng kalsada sa Kamaynilaan. Maraming kababayan natin ang buong pagmamalaking nakabalandra ang kanilang commemorative plates, nag-aastang mga NBI agents, employees, directors, assets, etc. Napaka-ironic isipin na ang mga totoong NBI agents ay itinatago ang kanilang personalidad at ayaw ipakilala ang sarili bilang ahente nito dahil sa kanilang seguridad pero heto ang ilang mga gunggong at mapang-isa nating mga kababayan gustong pangingibabawan ang batas. Sino ba namang matapang na traffic enforcer ang sisita sa behikulong mayroon nito? Akalain mo, sa halagang limang-libong piso pwede mo nang babuyin ang batas!

Wala ngang wangwang pero napakarami mo namang nakikitang ganyang pang-aabuso sa kalye. Maliban sa maingay, ano ba ang pagkakaiba nito sa wangwang? Halos wala. Buong giting na tatahakin at lalampasan lang ng mga sasakyang mayroon nito ang mga pulang ilaw, mga traffic enforcer at kanila ka rin nilang iilawan kung nakaharang ka sa daraanan nila. Siyanga pala bago ko makalimutan, self-proclaimed exempted din sila sa number-coding.

Kunsabagay, may bago pa ba rito? 'Lam mo naman ang Pinoy kung saan makakaginhawa dun sila. Pero sino ba ang dapat sumugpo sa kalabisang ginagawa ng mga sasakyang ito? NBI mismo at siyempre ang kapulisan. Ngunit hindi naman nila ito ginagawa at sinasawata at wala nga yatang planong itigil ito sa kung magkanong dahilan. Siguro hindi pa sapat ang naiipong pondo ng ahensiya kaya hindi pa pinagbabawalan.

Wasak at mababa na nga ang tiwala ng mga Pilipino sa PNP pero heto ang NBI hindi sadyang ibinababa ang kanilang estado dahil sa mga baluktot na isipan ng mga Pinoy na gustong maghari-harian at mag-feeling VIP sa kalsada. Ganun talaga marami ang can afford na bumili ng commemorative plate at hindi naman sila nasisita so, tuloy lang.

"The law applies to all otherwise none at all". Kalokohan lang 'yan mga 'tol.

Sayang, medyo maganda pa naman sana ang imahe ng ahensiyang ito pero nasisira lang dahil sa ganitong kalokohan. Tsk, tsk,tsk.
Naabuso Binaboy na Integridad dahil sa NBI 75.

Friday, April 29, 2011

Ito ang gusto ko

Malaki ang pagkakaiba ng pangangailangan at kagustuhan pero alam ba natin talaga kung ano ang ating mga pangangailangan at kagustuhan?
Bakit parang prayoridad na nang karaniwang tao ang kanyang kagustuhan kaysa sa mga pangangailangan?
Iba na ba ang mentalidad ng mga tao ngayon at dapat ng isakripisyo ang mga pangangailangan?
Masyado na bang mababaw ang ating kaligayahan para mabusog ang ating diwa ng iba't-ibang kababawan?
Masyado na bang naaabuso ang teknolohiyang nakapaligid sa atin at hindi natin alintana ang damdamin ng ibang tao?
Komersyalismo na ba ang nangingibabaw kaysa ang nararapat na edukasyong moral at akademya?

Namulat tayo na ang damit, bahay at pagkain ang pangunahing pangangailangan ng tao bukod sa mga ito ano pa ba ang naiisip mong pangangailangan?
Edukasyon.
Ang edukasyon ay mahalaga subalit ang edukasyon ay hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-paaralan; hanggang sa paglabas ng ating bahay, hanggang makarating ka sa iyong tahanan ay dapat na mayroon kang natututunan, ika nga education does not stop after school. Pero pagdating mo sa bahay galing sa opisina o paaralan, ano ba ang iyong dadatnan?
Soap opera o mas kilala sa tawag na teleserye.
Magmula hapon hanggang gabi ito ang kinagigiliwang panoorin ng makamasang Pinoy. Hindi mo masisisi ang mga higanteng istasyon dahil ito ang hinihingi ng mga tao datapwat alam ng lahat na walang edukasyong mapupulot dito patuloy pa rin ang paglaki ng manonood nito na animo'y isang kultong patuloy na dumadagasa ang mga kasapi.
"Ito ang gusto ko!" 'Yan siguro ang karamihang isasagot ng masa kung sila'y tatanungin kung papipiliin sila ng ibang programa. Kahit alam nating halos paulit-ulit lang naman ang tema at istorya ng teleseryeng 'yan; ang pang-aapi at paghihiganti ng bida, pag-iibigan ng dalawang karakter at may manggugulong konrtrabida, kaunting kalandian at kunwari'y pananaig ng kabutihan sa kasamaan pero ang tunay na motibo dito ng istayon ay: Komersyalismo. Magkamal ng limpak at hayaang nakatunganga at mag-abang ang manonood sa susunod na mangyayari. Pero wala pa rin tayong pakialam ang importante mapunan ng (mababaw na) kasiyahan ang ating mga damdamin at isipan. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung isasalang mo sa primetime ang mga documentary na: I-witness, Reporter's Notebook, The Correspondents, Probe at iba pa? Kailangan mong magpuyat para mamulat sa kalagayan ng ating kapaligiran. Sapat na siguro ang dalawang programang teleserye sa primetime upang sumaya panadalian ang ating mga ilaw ng tahanan subalit ang apat o limang teleserye ay isang pang-aabuso na sa kautakan nang manonood na Pilipino.

Katapat ng mga teleseryeng ito ay ang isa pang mataas ang rating at malakas ang hatak sa masang pinoy ang pang-gabing game show na Willing-Willie. Huwag mong sabihing hindi ka nakapanood ng programang ito dahil sa ayaw mo man at sa gusto ay paminsan-minsang maililipat mo dito ang channel ng iyong remote control habang patalastas sa paborito mong teleserye na Mutya o recycled na Mara Clara. Bukod sa naggagandahang babaeng naka-bikini na kangkarot sumayaw, ano bang magandang aral ang maibibigay sa'tin ng programang ito? Isip, isip. Wala 'yata. Pero gusto ito nang nakararami dahil sa kahali-halinang mga papremyo nito kesehodang halos pulubi na sa paglimos at pagatanghod ang mga kalahok at audience sa host ng programa. Anong edukasyon ba ang makukuha mo sa mga tanong tungkol sa mga lumang kanta? Wala na itong halaga dahil mas importante ang makukuhang salapi at papremyo. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung sa halip na game show na Willing Willie ay quiz show na tulad ng Battle of the Brains ang ipapalabas ng TV5? Malabo 'yan wala kasing papremyong bahay, kotse at milyong piso. Baka ituring ka lang na nerd at weird kung ito ang madalas mong panoorin.

Hindi pa nakuntento sa pagbuhos ng "educational" na teleserye ang ABS binigyan pa tayo ng isa pang walang kabuluhang programa: Showbiz News Ngayon o SNN. Likas yatang tsismoso at tsismosa ang mga Pinoy dahil kung hindi ba naman ay ilalagay ang programang ito gabi-gabi? Matutulog ka na lang tsismisan pa ang palabas. Ganun din ang TV5 na may Juicy! naman sa tanghali. Bukod pa sa Sabado at Linggo, hindi pa nakuntento at inaraw-araw pa nang malalaking istasyong ito ang tsismisan at pinakain pa nila ang ating mga kaisipan ng kung ano-anong kaek-ekan.
Siguro nga marami ang interesado sa relasyong Jayson at Melay.
Siguro nga marami ang interesado sa awayang Christine Reyes at Sarah Geronimo.
Siguro nga marami ang interesado sa honeymoon ni Robin at Mariel.
Siguro nga marami ang concern sa pagbubuntis na Regine Velasquez.
Siguro nga marami ang intersado sa susunod na proyekto ni Papa Piolo.
Gusto ito ng Pinoy eh may magagawa ka ba?
Kung sakaling ilagay sa time slot na 'yan ang programang kahalintulad ng "Ating Alamin" o programang maglilinang sa kakayanan ng isang negosyante, manonood ka ba?

Sinong bata ba ngayon ang naiibigan ang Batibot kumpara sa kalaban nitong Dora the Explorer o Spongebob Squarepants?
Sa cable, Ilang kabataan ba ang nakakaalam at masugid na nanonood ng Knowledge Channel kumpara sa Cartoon Network, Disney Channel, Myx o MTV?
Inobliga ba natin sila na panoorin ang makabuluhang programang ito?
Ang mga cartoons ay bahagi na ng kabataan para itong hotdog na ubod ng sarap pero walang sustansya.

Idagdag na din natin ang anime (cartoons) at Hollywood Movies na tinagalog, mga talent show na ang batayan sa paghuhusga ay sa pamamagitan ng dami ng text votes, teen show (tween hearts) na maagang iminumulat ang kabataan sa pag-iibigan (kalandian?), kababawan at kabadingang programa ni Sharon tuwing Linggo (mabuti naman at natigbak na), mga adaptation ng korea at mexican telenobela (hiram na ideya), Pinoy Big Brother na isang kababawan at pamboboso sa high-tech na pamamaraan ang tema pero teka favorite mo 'to di ba? Peace. At lalo pa nating ibinaba ang antas ng manonood sa pamamagitang ng nakakapraning at nakakawindang na programang Face to Face ~ ito ang pinakamababaw sa lahat ng mababaw.

Ang mga programang ito ay maihahalintulad ko sa junk foods o mala-basurang pagkain na tulad ng chicharon, chichiria, burger, popcorn, french fries, tsokolate, softrdrinks at iba pa na masarap at nakakalibang nga subalit wala namang buting maidudulot sa ating katawan at isipan. Ganunpaman hindi naman tayo madalas kumakain nito 'di tulad ng mga programang nabanggit na maghapong binubusog at patuloy na bubusogin ang ating kamalayan nang iba't-ibang kababawan ngayon at sa susunod pang mga bukas. Pero anong magagawa natin? Ito ang gusto ng Pinoy.