Friday, April 29, 2011

Ito ang gusto ko

Malaki ang pagkakaiba ng pangangailangan at kagustuhan pero alam ba natin talaga kung ano ang ating mga pangangailangan at kagustuhan?
Bakit parang prayoridad na nang karaniwang tao ang kanyang kagustuhan kaysa sa mga pangangailangan?
Iba na ba ang mentalidad ng mga tao ngayon at dapat ng isakripisyo ang mga pangangailangan?
Masyado na bang mababaw ang ating kaligayahan para mabusog ang ating diwa ng iba't-ibang kababawan?
Masyado na bang naaabuso ang teknolohiyang nakapaligid sa atin at hindi natin alintana ang damdamin ng ibang tao?
Komersyalismo na ba ang nangingibabaw kaysa ang nararapat na edukasyong moral at akademya?

Namulat tayo na ang damit, bahay at pagkain ang pangunahing pangangailangan ng tao bukod sa mga ito ano pa ba ang naiisip mong pangangailangan?
Edukasyon.
Ang edukasyon ay mahalaga subalit ang edukasyon ay hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-paaralan; hanggang sa paglabas ng ating bahay, hanggang makarating ka sa iyong tahanan ay dapat na mayroon kang natututunan, ika nga education does not stop after school. Pero pagdating mo sa bahay galing sa opisina o paaralan, ano ba ang iyong dadatnan?
Soap opera o mas kilala sa tawag na teleserye.
Magmula hapon hanggang gabi ito ang kinagigiliwang panoorin ng makamasang Pinoy. Hindi mo masisisi ang mga higanteng istasyon dahil ito ang hinihingi ng mga tao datapwat alam ng lahat na walang edukasyong mapupulot dito patuloy pa rin ang paglaki ng manonood nito na animo'y isang kultong patuloy na dumadagasa ang mga kasapi.
"Ito ang gusto ko!" 'Yan siguro ang karamihang isasagot ng masa kung sila'y tatanungin kung papipiliin sila ng ibang programa. Kahit alam nating halos paulit-ulit lang naman ang tema at istorya ng teleseryeng 'yan; ang pang-aapi at paghihiganti ng bida, pag-iibigan ng dalawang karakter at may manggugulong konrtrabida, kaunting kalandian at kunwari'y pananaig ng kabutihan sa kasamaan pero ang tunay na motibo dito ng istayon ay: Komersyalismo. Magkamal ng limpak at hayaang nakatunganga at mag-abang ang manonood sa susunod na mangyayari. Pero wala pa rin tayong pakialam ang importante mapunan ng (mababaw na) kasiyahan ang ating mga damdamin at isipan. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung isasalang mo sa primetime ang mga documentary na: I-witness, Reporter's Notebook, The Correspondents, Probe at iba pa? Kailangan mong magpuyat para mamulat sa kalagayan ng ating kapaligiran. Sapat na siguro ang dalawang programang teleserye sa primetime upang sumaya panadalian ang ating mga ilaw ng tahanan subalit ang apat o limang teleserye ay isang pang-aabuso na sa kautakan nang manonood na Pilipino.

Katapat ng mga teleseryeng ito ay ang isa pang mataas ang rating at malakas ang hatak sa masang pinoy ang pang-gabing game show na Willing-Willie. Huwag mong sabihing hindi ka nakapanood ng programang ito dahil sa ayaw mo man at sa gusto ay paminsan-minsang maililipat mo dito ang channel ng iyong remote control habang patalastas sa paborito mong teleserye na Mutya o recycled na Mara Clara. Bukod sa naggagandahang babaeng naka-bikini na kangkarot sumayaw, ano bang magandang aral ang maibibigay sa'tin ng programang ito? Isip, isip. Wala 'yata. Pero gusto ito nang nakararami dahil sa kahali-halinang mga papremyo nito kesehodang halos pulubi na sa paglimos at pagatanghod ang mga kalahok at audience sa host ng programa. Anong edukasyon ba ang makukuha mo sa mga tanong tungkol sa mga lumang kanta? Wala na itong halaga dahil mas importante ang makukuhang salapi at papremyo. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung sa halip na game show na Willing Willie ay quiz show na tulad ng Battle of the Brains ang ipapalabas ng TV5? Malabo 'yan wala kasing papremyong bahay, kotse at milyong piso. Baka ituring ka lang na nerd at weird kung ito ang madalas mong panoorin.

Hindi pa nakuntento sa pagbuhos ng "educational" na teleserye ang ABS binigyan pa tayo ng isa pang walang kabuluhang programa: Showbiz News Ngayon o SNN. Likas yatang tsismoso at tsismosa ang mga Pinoy dahil kung hindi ba naman ay ilalagay ang programang ito gabi-gabi? Matutulog ka na lang tsismisan pa ang palabas. Ganun din ang TV5 na may Juicy! naman sa tanghali. Bukod pa sa Sabado at Linggo, hindi pa nakuntento at inaraw-araw pa nang malalaking istasyong ito ang tsismisan at pinakain pa nila ang ating mga kaisipan ng kung ano-anong kaek-ekan.
Siguro nga marami ang interesado sa relasyong Jayson at Melay.
Siguro nga marami ang interesado sa awayang Christine Reyes at Sarah Geronimo.
Siguro nga marami ang interesado sa honeymoon ni Robin at Mariel.
Siguro nga marami ang concern sa pagbubuntis na Regine Velasquez.
Siguro nga marami ang intersado sa susunod na proyekto ni Papa Piolo.
Gusto ito ng Pinoy eh may magagawa ka ba?
Kung sakaling ilagay sa time slot na 'yan ang programang kahalintulad ng "Ating Alamin" o programang maglilinang sa kakayanan ng isang negosyante, manonood ka ba?

Sinong bata ba ngayon ang naiibigan ang Batibot kumpara sa kalaban nitong Dora the Explorer o Spongebob Squarepants?
Sa cable, Ilang kabataan ba ang nakakaalam at masugid na nanonood ng Knowledge Channel kumpara sa Cartoon Network, Disney Channel, Myx o MTV?
Inobliga ba natin sila na panoorin ang makabuluhang programang ito?
Ang mga cartoons ay bahagi na ng kabataan para itong hotdog na ubod ng sarap pero walang sustansya.

Idagdag na din natin ang anime (cartoons) at Hollywood Movies na tinagalog, mga talent show na ang batayan sa paghuhusga ay sa pamamagitan ng dami ng text votes, teen show (tween hearts) na maagang iminumulat ang kabataan sa pag-iibigan (kalandian?), kababawan at kabadingang programa ni Sharon tuwing Linggo (mabuti naman at natigbak na), mga adaptation ng korea at mexican telenobela (hiram na ideya), Pinoy Big Brother na isang kababawan at pamboboso sa high-tech na pamamaraan ang tema pero teka favorite mo 'to di ba? Peace. At lalo pa nating ibinaba ang antas ng manonood sa pamamagitang ng nakakapraning at nakakawindang na programang Face to Face ~ ito ang pinakamababaw sa lahat ng mababaw.

Ang mga programang ito ay maihahalintulad ko sa junk foods o mala-basurang pagkain na tulad ng chicharon, chichiria, burger, popcorn, french fries, tsokolate, softrdrinks at iba pa na masarap at nakakalibang nga subalit wala namang buting maidudulot sa ating katawan at isipan. Ganunpaman hindi naman tayo madalas kumakain nito 'di tulad ng mga programang nabanggit na maghapong binubusog at patuloy na bubusogin ang ating kamalayan nang iba't-ibang kababawan ngayon at sa susunod pang mga bukas. Pero anong magagawa natin? Ito ang gusto ng Pinoy.

1 comment: