Showing posts with label yabang. Show all posts
Showing posts with label yabang. Show all posts

Thursday, November 28, 2013

Kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao



Likas na sa mga pilipino na lumabas ang itinatagong yabang o angas sa tuwing mayroon silang kababayan na nagtatagumpay o nag-uuwi ng karangalan para sa bayan sa kahit anong contest o larangan. Proud na proud ang marami sa tuwing may artistang pinoy na extra sa isang Hollywood movie o sa tuwing may pumapasok na pinoy contestant sa mga reality show na tulad ng American Idol, America's Got Talent, X-Factor, etc. at mga bansang may franchise nito o sa tuwing may mga pinay na nakokoronahan sa mga international beauty pageant o sa  tuwing may mga kababayan tayong nagwawagi sa iba't ibang competition tulad ng WCOPA o Brussels/Brisbane/Venice Film Festival. At kahit na kakaunti lang ang dugong nananalaytay sa taong nakapagkamit ng tagumpay o may makatawag pansing talento buong pagmamalaki nating ipinangangalandakan na kalahi natin ito sabay sigaw o share ng status sa Facebook na: "Proud to be Filipino!" with exclamation point.


Dalawang talo ang pinanggalingan ni Manny Pacquiao at sa panahong iyon tila tumamlay, tumahimik at natameme panandali ang mga netizens na mapride, tila namaos ang kanilang boses at nabawasan ang kanilang kaangasan. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat dahil kahit lehitimo ang pagkapanalo ni Marquez sa huli nilang laban pasaring at labis na pambubully naman ang ganti nila dito. Senyales ito na hindi handa ang marami sa atin na tanggapin nang maluwag ang pagkatalo ni Manny samantalang ang mismong bumagsak at natulog sa ring ay buong pusong tinanggap ang kabiguan nang walang dahilan, walang alibi, walang katwiran.


Proud ang marami kay Ms. World Maegan Young
Sa nakaraang laban ni Manny Pacquiao versus Brandon Rios walang dudang si Manny ang nagwagi dito dahil mula umpisa hanggang huling round ay nadomina nito ang laro. At dahil dito muling nagising at bumalik ang yabang (na pansamantalang naidlip) ng maraming pilipino at nakadagdag pa rito ang magkakasunod na pagpwesto ng ating mga pambato sa pandaigdigang beauty pageant. Bumungad sa iba't ibang fan page ng Facebook ang paghanga, pagbati at pagyayabang ng mga admin nito na proud silang naging pilipino sila at siyempre kabilang rin sa sumisigaw nito ang maraming proud pinoy netizens.


Ito 'yung moment na hinihintay nang lahat pagkatapos ng debastasyon at bayolenteng pananalanta ng bagyong Yolanda. Ang pagkaawa ng mga foreign nation sa Pilipinas ay kagyat na napalitan ng paghanga. Ito ang tamang pagkakataon para muling pumailanlang ang 'Pinoy Pride'. Ang comeback ni Manny ay parang comeback na din ng buong sambayanan.
Ang panalo ni Manny ay inspirasyon para sa marami, kasiyahan para sa milyon-milyong katao hindi lang ng mga pilipino, karangalan sa bansang dumaranas ng pagdurusa, pag-asa para sa mga patuloy na nangangarap at kayabangan para sa mga gutom sa pagkilala at magandang balita.


ang superhero ng pilipinas
Halos lahat ay nagnanais na manalo si Manny sa bawat kanyang laban ngunit okay lang sa akin ang anumang magiging resulta o kalalabasan ng kanyang bawat laban; manalo man o matalo. Kung hindi man magwagi hindi na kailangan nang katwiran, pambubully, pangangantiyaw, palusot, bayolenteng reaksyon, pang-aasar o pagcurse sa nakalabang boksingero tanging kailangan lang ay ang pagtanggap na hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon ay mananatili kang nasa ibabaw at pagpapaalala din ito na walang sinuman ang nananatiling nasa rurok ng tagumpay kailanman. Sa taglay na husay at lakas ni Manny sa boxing halos nalilimutan nating mortal din lang siya na nagkakamali, na mayroon ding kahinaan; hindi siya imortal, invincible o superhero at anumang sandali pwede siyang magapi.


Bilang pilipino nakakatuwa na mayroong isang pilipino na angat sa napili niyang larangan ngunit ang hindi nakakatuwa ay ang ugali ng karaniwang pinoy sa tuwing makakatikim ng panalo si Manny. Given na ang paghanga at pagiging masaya ngunit ang labis na pagmamayabang ay hindi na nakakatuwa at kaaya-aya sabi nga ng misis ko pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Rios: "Kaya ayokong nananalo si Manny kasi sa tuwing mananalo siya dumadami ang yumayabang na Pilipino!" patungkol ito sa announcer ng radyo na nagcover ng laro. Kung ano ang kababaang loob ni Manny sa tuwing siya'y nananalo siya namang pagiging mayabang ng maraming pilipino.  Kunsabagay hindi natin sila masisisi dahil napakabihira ng pagkakataong ganito: ang maging eksepsyonal ang isang pilipino sa ibang mga lahi!


Likas na may yabang ang pilipino hindi ba't sa tuwing may bago silang gamit, bag, damit na mamahalin, sapatos, iPhone, gadget at iba pa ay ipinangangalandakan nila ito sa mga kaibigan o sa kanilang Social  Networking account. Hindi ba't sa tuwing kumakain tayo sa medyo mamahalin/sosyal na restaurant o humihigop ng mamahaling kape o nakabili ng overpriced na donut ay agad natin itong pinopromote sa FB o Instagram? Hindi ba't sobrang ipinagmamalaki ng mga magulang ang matataas na grado sa eskwelahan ng kanyang anak?
Pero iba ang yabang at angas ng mga pinoy sa tuwing magwawagi at paparangalan ang isang Manny Pacquiao. Ang yabang natin ay nangingibabaw! At may dahilan kung bakit tayo ganito; may malalim na rason kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao.
Galing sa kayabangan google ang larawan
Simula nang tayo ay magkaisip tila namulat tayo na ang ibang lahi partikular na ang mga kanluraning nasyon ay angat sa atin, automatic na ang paghanga natin sa kanila.
Hindi ba't 'nakajackpot' ang tingin natin sa isang ordinaryong pinay na may boyfriend/asawa na ingles o amerikano?
Hindi ba't ang tingin natin sa HALOS LAHAT ng mga puti/amerikanong bumibisita sa ating bansa ay mayaman kahit hindi naman?
Hindi ba't labis-labis ang paghanga natin sa mga koponan ng NBA, sa mga Hollywood movies kasama na ang kanilang actors and actresses?
Hindi ba't kinoconsider natin na mataas ang quality ng isang produktong may tatak na 'Made in USA' o 'Made in Japan'?
Hindi ba't mas masarap sa panglasa natin ang mga imported chocolates kaysa lokal na mga tsokolate natin?
At kahit magaling o may ibubuga tayo at mga gawa natin sa kanila mas kahanga-hanga pa rin para sa atin ang mga imported products at hindi ito maikakaila lalo't obvious na hindi bumebenta ang mga lokal nating produktong gadget kumpara sa Korean, Japan at American brands.


Manny Pacquiao - National Treasure. The Filipino Pride.
Nakatala na sa kasaysayan na ang isang purong dugong pinoy na si Manny ay umangat, namukadkad at ginapi ang mga banyagang (boksingero) kanyang nasagupa nang hindi lang ilang beses, purong talento ito na hindi tsamba kaya natural lang na reaksyon ang paghanga at pag-idolo natin sa kakaibang galing at talinong ito ni Manny at ang labis na paghanga at pag-iidolong ito ang nagtutulak sa maraming pilipino para magmalaki at magmayabang.


Isang uri ng cyberbullying kay Rios
Sa sobrang dami ng HINDI MAGAGANDANG BALITA na sumasalubong sa atin sa bawat araw tila nakasanayan at namanhid na tayo dito. Pangkaraniwan na sa mga pilipino ang headline ng iba't ibang krimen, mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ating mga tiwaling pulitiko at mga natural disaster na ayaw tayong lubayan. Ang anumang good news na magpaparelax sa nakakasawa at nakakapagod na nakasanayan nating balita ay makakakuha ng atensyon ng mga pilipino lalo't involve ang galing at husay ng isang pinoy o personalidad na may dugong pinoy. Kaya isang BIG DEAL para sa marami ang tagumpay ni Manny Pacquiao. Para bang ang tagumpay ni Manny ay tagumpay na rin ng sambayanang pilipino at ang kanyang bawat pagtumba at daing ay tila dama rin ng milyon-milyon niyang fans.


Ang bawat panalo o pagwawagi ni Pacquiao ay pambasag sa nakakairitang balita ng katiwalian, pulitika at trahedya sa ating bansa.

Gutom ang mga pilipino sa magaganda at kaaya-ayang balita, success at inspirational story at napakakaunti o limitado ang mga personalidad na naghahatid sa atin nito hindi tulad sa mga mga mauunlad na bansa o kanluraning nasyon na maraming kababayan nila ang nagdadala ng tagumpay at karangalan para sa bansa nila. Ika nga siksik, liglig at nag-uumapaw ang personalidad na nagiging matagumpay sa iba't ibang uri ng larangan; sports, singing, acting, business, science, technology o art. Hindi matatapos ang listahan kung ito'y iisa-isahin at hindi ito gaanong big deal sa kanila.


Ang sinumang pilipino na nag-uuwi ng karangalan sa kanyang bansa ay kinikilala natin ng sobra-sobra dahil bibihira dumating ang ganitong pagkakataon. Tila nagkakasya na lang tayo sa kung anong success ng iba, success din natin at nakikisakay na lang tayo dito. Ang nakakalungkot pinipili lang natin ang dapat nating ikaproud kahit nagdudumilat ang napakaraming bagay at ugali na dapat nating baguhin at iimprove. Mga pilipinong proud sa tuwing nananalo ang isang pilipino pero patay-malisya naman sa hindi kagandahang ugali ng marami sa ating kababayan at wala ring pakialam kung nasasangkot ang pilipino sa mga kabalastugan, kulang na lamang ay itakwil nila ang kanilang pagiging pinoy.


Paano na lang kung magretiro na si Manny, wala na bang dahilan para tayo maging proud? Paano na lang ang Filipino Pride?
Mayroon pa, dahil may mga pilipino pang magiging tanyag at uusbong sa iba namang katauhan pero 'wag sana nating iwaglit na ang husay at talento ng sisikat na ito ay hindi repleksyon sa buong lahing pilipino. Marami pa tayong dapat patunayan at baguhin para hangaan hindi lang isang indibidwal na pilipino kundi ang buong bansa natin. Sa ngayon, sa halip na maging hambog at mayabang tayo sa tagumpay ng iba mas maganda na maging humble muna sa kabila ng tinatamasang karangalan at pagkilala ng mundo sa ating kababayan, si Manny Paquiao man ito o ibang pangalan.

* * *
Ang KAPALALUAN, kasama ng kasakiman, kahalayan, galit, katakawan, inggit at katamaran ay kabilang sa pitong kapital na kasalanan. Hindi madaling gawin ang lahat nang ito pero kung kaya naman nating mapigilan pilitin sana nating ito'y maiwasan.

Tuesday, March 19, 2013

Talinong nakakatakot, Yabang na nakakalason



 Gagawin kong lason ang iyong laway upang sa tuwing lumalabas sa bibig mo'y kayabangan ay unti-unting malulusaw ang iyong dila't lalamunan hanggang pagkahabag na lamang ang tangi naming maipukol sa'yo at dahil sa kirot at hapdi na iyong daranaisin kalauna'y ikaw na ang magkukusang loob na lamunin at lunokin ang lahat ng banyagang salitang itinuring mong iyong kayamanan; ibabalik ko sa'yo nang tatlong ulit ang panglilibak at panghahamak na iyong ginawa sa inakala mong mga istupido at mangmang na iyong kapwa.

Ngunit hangga't may panahon,  diringgin ko pa ring nawa'y maging isa kang tupang marunong sumunod at magmanikluhod at hindi isang putang namumuhay sa salaping nanggaling sa pinagputahan ng iyong palalong kamalayan.
* * *
Isang malaking kabiyayaan sa tao ang magkaroon ng talinong angat sa pangkaraniwan dahil hindi lahat ng tao ay napagkakalooban ng eksepsyonal na talino gayundin naman na hindi lahat ay nabibigyan ng oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral. At marapat lang na atin itong ipagpasalamat sa mga taong tumulong sa atin para maisakatuparan ito dahil walang sinuman ang nakakamit ng tagumpay sa sarili lang niyang kakayahan. Ngunit kahit gaano ka pa katalino o sobrang taas na ng iyong pinag-aralan hindi pa rin ito karapatan para maliitin ang utak ng mga taong nasa paligid mo, hindi pa rin ito lisensiya para hamakin ang kapasidad ng sinumang tao.

Para saan ba ang talino kung hinahamak mo ang mga tao?
Ano ba ang silbi nito kung puro paghanga sa sariling kakayahan ang iyong pinangangalandakan?
Higit pa sa papuri ng talino ang kayang ibigay sa iyo ng mga tao kung ang iyong talino'y ginagamit mo sa mga positibong bagay hindi ang pagmamaliit sa mga taong ipinagpalagay mong walang talino. Dahil ba sa sobrang talino mo ay walang nakakapagpaalala sa iyo na mali na ang iyong ginagawa o ipinagpalagay mong lahat ng iyong ginagawa ay tama?
Hindi mo na kailangang ipangalandakan pa na ikaw ay angat sa pangkaraniwan hayaan mong ang mga tao ang makapansin nito, pupuriin ka nila ayon sa iyong inasta at hindi mo na kailangang ipagpilitan pang higit ang talino mo sa kanila.

Sa halip na manghamak, bakit hindi mo ibahagi ang iyong nalalaman?
Mas matutuwa ang mga tao kung nalaman nilang ang iyong pinag-aralan ay hindi mo sinarili lang kundi naibahagi mo ito sa ibang nangangailangan nito. Para saan ba ang iyong pangmamaliit? Makakapagpaangat ba ito sa estado ng iyong buhay? Sayang ang iyong mataas na pinag-aralan kung ang mas nakikita sa iyo ay ang pagkababa ng iyong pag-aasal. Sayang ang kahanga-hanga mo sanang talino kung ang kabilang bahagi ng iyong kamangmangan ang mas namamalas sa iyo ng mga tao.

Sa halip na manghusga, bakit hindi mo unawain ang kanilang kapasidad?
Kung nakakaramdam ka ng labis na kasiyahan sa tuwing huhusgahan mo ang mga taong sa tingin mo'y mangmang baka pag-uutak mo na ang may karamdaman. Mas kapuri-puri ang mga taong  maunawain kaysa sa mga taong palaging ipinagmamalaki ang kanyang kakayahan. Kung wala ka rin lang mabuting sasabihin sa iyong kapwa mas makabubuting 'wag ka na lang magsalita ng anumang makakapagpasama ng loob nila. Subukan mong ilagay ang iyong sarili sa kanila, isipin mong ikaw ang siyang hinahamak dahil lang sa kinapos na talino kung sa tingin mong sila'y nasasaktan malamang nasasaktan nga sila.

Kung binibisyo mo na pagtawanan ang mga taong "bobo" sino sa tingin mo ang nagiging katawa-tawa? Kung ang pagkaawa mo sa mga taguri mong mangmang ay may halong pang-aalipusta sino sa tingin mo ang nagmumukhang kaawa-awa? Sana pumasok sa isip mo ang isang matandang kasabihan na "kung ano ang ginagawa mo sa mga tao, iyon din ang gagawin nila sa'yo". Tingnan mo ang nasa paligid mo hindi mo ba pansin ang mga taong nag-aalangan sa'yo?

Hindi nakakadagdag sa pagkatao ang pagkahambog at lalong hindi nakakapagpabawas sa iyong personalidad ang pagpapakumbaba. Huwag mong iangat ang sarili mong upuan dahil mahihirapan ka kung ikaw ay nakaupo dito, may mga taong mag-aangat nito para sa'yo; mga taong kagigiliwan ka kung marunong makisama at makisalamuha.

Gumuguho ang anumang paghanga kung mas nauunang umalagwa ang kayabangan kaysa sa galing at talento. 'Pag ipinagpatuloy mo ang ganitong kaasalan hindi ka pa nakakaangat ng husto ibabagsak ka na ng sarili mong kahambugan. Hindi pa huli ang lahat, may oras at panahon pa para iapak ang paa sa lupa at iyukod ang ulong nagmamarunong sa halos lahat ng bagay dahil ang mga taong mapagkumbaba sila ang tunay na pinagpapala.

Ang talino 'pag sinamahan ng labis na kayabangan sa halip na hangaan ay madalas kinaiinisan at iniiwasan at minsan pa nga nakakalason at kinatatakutan.

Thursday, February 7, 2013

FB+Twitter+Instragram



Sige, kunan natin ng larawan ang ating masasarap na ulam habang ang ibang tiyan ay kumakalam.
 
Sige, ipagmayabang natin ang bagong bili nating gadget habang sa ang ibang mata’y lumuwa sa inggit.
 
Sige, ipangalandakan mong humigop ka ng isangdaan at limampung pisong kape habang ang iba’y wala ni sampung pisong duling.

Sige, ipamukha mo kung gaano kataas ang posisyon mo gayundin ang iyong sweldo habang ang iba'y nagkukumahog magpa-alipin.
 
Kung kulang pa iyan…sige, ipakita mo kung gaano kalaki ang deposito mo sa bangko para ang iyong kayabangan ay masulit.

Monday, June 11, 2012

Usapan



Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ngunit base sa aktuwal na pag-uusap at talakayan ng mga ayaw magpadaig sa isa't-isang mga karakter; na ang paksa ay may kinalaman sa kasalukuyang estado ng ating kapaligiran. May kahabaan ang akdang ito, kung wala kang panahong basahin ito agad mas mabuting i-print na lang muna at saka niyo na lang basahin sa iyong libreng oras kung ayaw mo naman 'wag nang sayangin ang papel at iyong oras, bumalik ka na lang sa pagpi-facebook mo. Huwag ka na ring magreklamong nakakatamad basahin dahil wala ka namang ibinayad nang ginawa ng may akda ito at walang sinuman ang pumilit sa'yo na basahin ang ito. Patnubay ng may malawak na pag-iisip ay kailangan dahil hindi ito para sa may sensitibong pananaw sa buhay. Sadyang hindi na itinago ang kani-kanilang tunay na pangalan at katauhan upang mas madaling maunawaan. Magandang basahin habang nakikinig sa saliw ng awiting "Kumusta na?" ng grupong Yano.

Pag-unlad: Uy, Pilipinas! Kumusta ka na?! Ang tagal na kitang hindi nababalitaan, buhay ka pa pala! Pasensya ka na kung medyo pasigaw ako magsalita napakalayo mo kasi sa'kin! Hindi ko na matandaan kung kailan ang taon na eksakto mo ko huling binisita, naalala ko pa noong minsang nagtungo ka sa akin hindi ka man lang tumuloy at pumasok, patingin-tingin ka lang. Katatapos lang yata noon ng digmaan pero simula nun hindi na kita nasilayan! Ano ba ang nangyari sa'yo at mukha kang madungis! Ang payat-payat mo pa, kumakain ka pa ba? Maganda na ang pangangatawan mo dati pinabayaan mo pa, siguro adik ka? Ang dami-dami mo pang sugat ba't di mo gamutin 'yan? Wala ka bang mga anak na nag-aalaga sa'yo? Ang daming gamot na pwedeng ipahid diyan na paunang lunas pero hindi ka man lang yata nagtangka. May balak ka pa bang bisitahin ako o kontento ka na diyan sa kinasasadlakan mo? Welcome ka naman dito kahit anong oras at anong araw mo gustuhin. 

Pero alam mo kahit ganyan ka medyo may paghanga pa rin ako sa'yo kasi may 'pride' o yabang ka pa rin, ayaw na ayaw mong napipintasan ka kahit iyon naman ang katotohanan mas pinupuntirya mo ang nagbunyag ng pangit na isyu kaysa resolbahin at solusyunan ang mismong problema. Sarili mo lang iniisip mo gusto mo pa hihingi ng apology eh wala ka namang ginagawang aksyon para maging maayos ang lahat. Huwag kang magagalit ha? May masangsang na amoy ka na! Ba't di ka magbanlaw, maghilamos o maligo ng tuluyan? Umaalingasaw ka na sa baho o baka naman 'yang kabahuan mo ay ilalahok mo na naman sa mga walang kakwenta-kwentang  mga record sa Guiness? 

Kunsabagay masisisi ba kita eh kaligayahan mo 'yun; gusto mong sumikat sa kahit anong paraan negatibo man o positibo, gusto mo ikaw ang may tala ng pinakamaraming naghahalikan sa kalye, pinakamaraming pinapasusong sanggol, pinakamahabang nilulutong barbeque at kung ano-ano pang kababawan pero pagdating sa pag-asenso lagapak ka naman dinaig mo pa ang Hiroshima Bombing noong pinuntirya si Japan sa kasagsagan ng 2nd world war. 'Nga pala nasa loob si Japan ngayon ng aking tahanan may binubutingting na robot katatapos lang kasi niya mag-modify ng bagong niyang sportscar, galing niya 'no? Wala yata sa bokabularyo niya ang magpahinga dahil sa tuwing makikita ko siya may bago at kakaibang inobasyon at imbensyon siyang pinagkakaabalahan.

Ikaw ano bang pinagkakaabalahan mo? 
Siguro busy ka na naman sa paghahanda sa mga inimbento mong mga okasyon? Ilang daang festival nga ang ipinagdiriwang mo sa loob ng isang taon? Kailangan ba talagang lahat iyon ay ipagdiwang? Ano pa bang festival ang wala kayo? Kasi magmula sa tsinelas, bulaklak, kalamay hanggang sa kalabaw ginagawan nyo ng okasyon. Akala ko ba mahirap ka, e ba't naghahanap ka ng pagkakagastusan? Hindi ba kayabangan lang 'yan? Pasensya ka na kung masakit ako magbiro obserbasyon ko lang naman 'yun kung gusto mong magdiwang ng kung ano-ano ikaw nang bahala wala namang pumipigil sa'yo.

Bakit nga pala hanggang sa pintuan ka lang noon? Para kang may sinisilip, hindi ko alam kung ano ang pinagmamasdan mo o anong balak mo ngayon sa buhay. Mas nalilibang ka pa yatang magpapetiks-petiks at uriratin ang mga kapitbahay mo kaysa tulungan ang sarili mo. Ang tanda-tanda mo na hingi ka pa ng hingi ng tulong sa malalayong kapitbahay mo pero in fairness, nakikita ko namang may kasipagan ka. Ngunit  hanggang ngayon sinisisi mo pa rin sina Espanya, Hapon at Amerika sa nangyari sa buhay mo noong 'hinostage' ka nila hindi ka na nakamoved-on, ang tagal na panahon na nun! Pero panay naman ang hingi mo ng tulong sa kanila sa tuwing magigipit ka lalong-lalo na kay Amerika.

Alam mo bukas-palad naman kitang tatanggapin at papapasukin sa tahanan ko isang katok lang naman sa pintuan ang kailangan mo pero hindi mo pa magawa siguro niyayakap at ginawa mo ng BFF 'yang kahirapan. Hindi ka pa ba nagsasawa sa kanya? Isang siglo mo na yata siyang kaututang-dila hanggang ngayon ayaw mo pa siyang iwan, wala kang mapapala diyan. Marahil ikaw ang ayaw tantanan niyan kasi halos ikaw na lang yata ang nakikisama diyan eh, sina India, Indonesia, Thailand, Malaysia, Myanmar, Vietnam at iba pang kapitbahay mo nagsusumikap na iwan na 'yan. Sa katunayan, baka isang araw kakatok na silang sabay-sabay sa pintuan ko tulad ni Singapore na sinasabihan mong masungit.

Mabanggit ko lang alam mo dati sobrang idolo ka ni Korea pero ngayon ikaw na ang humahanga sa kanya lahat na yata ng galing sa kanila eh halos sambahin mo na; tinatagalog mo ang kanilang mga drama, ginagaya mo ang kanilang porma't pananamit, bilib ka rin sa mga kasangkapan nila at kahit nga mga kanta nilang hindi mo naiintindihan kung minumura ka na eh hangang-hanga ka pa rin. Siyanga pala nandoon din siya sa loob may sariling kuwarto baka nanonood ng high-tech na SmartTV na Samsung o kaya nililinis ang kanyang magagarang kotse gaya ng Starex.

Mayroon na namang hindi magandang balita akong naririnig tungkol sa'yo kunsabagay wala namang bago dun; binu-bully ka raw ulit ni Tsina at pilit niyang inaagaw sa'yo ang kapirasong lupang may likas na yaman. Sandali, matanong ko lang 'Di ba sandamakmak naman ang likas-yaman mo? Ano bang ginawa mo dun? Pantay-pantay bang napakinabangan ng mga anak mo iyon? O mga anak mo lang na mga astig ang nagkamkam ng likas-yaman ito? O, Hindi ka na makaimik diyan, hayaan mo na 'wag mo nang sagutin alam ko na kung bakit.

Huwag kang magagalit o magtatampo sa akin, sa mga sinasabi ko para sa'yo lahat 'yan huwag ka sanang magbalat-sibuyas kung totoo naman. Pilitin mong magbago at iwan ang masasamang impluwensiyang nakapaligid sa'yo, madasalin at relihiyoso ka naman kailangan mo na lang ay isapuso at isabuhay ang pinagdarasal mo. Kung sa tingin mo matutulungan ka ng ibang mga kapitbahay mo o nang mga kunwang nagmamagandang loob sa'yo nagkakamali ka, marami diyan ang nanamantala lang. Ikaw mismo at ng mga anak mo ang dapat na magtulungan at magsikap bago pa mahuli ang lahat. Teka, hindi pa ba huli ang lahat?

Yabang: Sus, ito namang si pag-unlad akala mo kung sinong magsalita e halos wala naman tayong pinagkaiba! Hindi ba 'pag may pag-unlad may kayabangan?!? Ako ay nagsisilbing inspirasyon sa katulad ni Pilipinas na wala namang ipinagmamalaki, ako na nga lang kayamanan niya e tatanggalin mo pa? Saka kung hindi siya magyayabang baka lalo siyang apihin at gawing sunod-sunoran na lang ng mga kapitbahay niyang mayayaman. Wala namang masama kung may malulupit na records si Pilipinas sa Guiness, simbolo 'yun ng pagkakaisa at pakikipagkapwa at iparating sa mundo na may nag-eexist na Pilipinas sa mundo at taas-noong may tala ng may pinakamaraming nagpapasusong mga ina sa isang okasyon! Anong masama dun, sabihin mo nga? May kasabihan nga na ang yaman nananakaw, ang yabang hindi! Hangga't may mga palalo at mapagmalaki hindi niyo ko kayang talikuran lagi akong nandiyan sa tabi niyo, magpapayo. 

'Yung "I'm proud to be Filipino!" ako nag-coin nun at lagi ko 'yung ipinapayo at ipinapasigaw sa mga Pilipinong may mabababaw na kaligayahan kung may pagkakataon. Tulad nang; sa tuwing may laban si Pacquiao, sa achievement nina Arnel at Alan Pineda, Lea Salonga, Direk Brillante Mendoza, Monique Lhuillier o kaya naman kung may papasok na may dugong pilipino sa patimpalak na American Idol gaya nina Jasmine Trias at ang World Idol ngayon na si Jessica Sanchez. Kahit walang kinalaman ang lahing Pilipino, kahit kakapiranggot lang ang dugong pinoy na dumadaloy, kahit singing contest lang o dance contest lang iyon ipagpipilitan ko pa ring ipasigaw ang katagang: "I'm proud to be Filipino!" o "We're very proud of you!"  Hindi ba ang tagalog nito ay: "Mayabang akong Pilipino!", "Sobrang ipinagmamayabang ko kayo"? Bakit, masama ba 'yun?!? Lahat naman ay may yabang sa katawan 'yun nga lang si Pilipinas ay hanggang yabang lang. 

Saka alam mo ba na ang yabang sa katawan ay nakapagbibigay ng kumpiyansa at bilib sa sarili? Maging ang mga mayayamang kapitbahay nga ni Pilipinas o kahit ang mga kanluranin ay hanga sa yabang ni Pilipinas, paano ba namang hindi eh nabansagan silang mahirap pero mas mahal at mas modelo pa ang gadget at kasangkapan ng kanyang mga anak kaysa kung sinong pinakamayaman. Subukan mong itanong kung may naipon para makalapit man lang sa inaasam na pag-angat at pag-unlad sa buhay siguradong wala. Ayos lang iyon at least napunan ng kayabangan ang kakulangan sa buhay, kaya nga naghahanap-buhay  'di ba para sumaya? Saka 'yun lang naman ang bisyo ni Pilipinas ang mag-invest ng walang kwentang bagay, saka pala magsugal, saka mag-inom at magsigarilyo kahit kapos sa panggastos saka...sige na nga marami pero hindi naman iyon lang ang sukatan upang umasenso at umunlad. Pasasaan ba't ang pagyaman ay makakamit din, 'yon nga lang walang tiyak na panahon.

Kaya hindi umuunlad 'yang si Pilipinas dahil halos lahat na anak niyang mga naglilingkod o nanunungkulan diyan ay kakilala at kaibigan kong nakikinig sa aking mga payo at ako ang kanilang ginawang ehemplo. Kay yayabang na ipapangako ang tunay na pagbabago at tapat na serbisyo pero daang-taon na ang nakaraan halos ganun pa rin ang kalagayan ng kanilang Ina. Sobrang mayayabang! Ang nakapagtataka hindi naaalis sa pwesto ang damuhong mga anak niya; umuulit at napapalitan lang ng kanyang kauri o kawangis. Tapos nagtatanong kung bakit walang asenso at hindi makarating sa pintuan ni Pag-unlad.

Tama rin si Pag-unlad na nagsisipag at nagsisikap si Pilipinas sa buhay pero sa tingin ko kung ilan ang dami ng masisipag na kanyang anak 'yun din ang dami ng mga tamad na walang kabalak-balak magsikap at magsipag baka nga mas marami pa. Kaya hindi tama na isipin at i-conclude na ako lamang ang dapat sisihin sa paglagapak ni Pilipinas isama rin natin si Katamaran, bakit ako lang?
Oo, na sa mahabang panahon ay hanggang yabang lang ang kayang gawin at pangatawanan ni Pilipinas at hindi natin alam kung hanggang kailan ito mananatili pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Naniniwala pa rin ako na darating ang panahon na hindi lang pagyabang ang taglay ni Pilipinas kundi kasa-kasama ko na ring aagapay at sasamahan sa paglakad si pag-unlad patungo sa kanyang tahanan.

Katamaran: 'Wag na 'wag niyo kong isasama sa usapan niyo at hindi niyo ko mapipilit na magpaliwanag sa inyo dahil wala akong panahon at tinatamad ako!

Pag-asa: Napakagandang malaman na hindi ako pwedeng basta-basta iiwan at iwawaksi ni Pilipinas dahil tanging ako lang ang kanyang natitirang sandigan sa panahong siya'y wala ng mapuntahan, sa panahong wala na siyang mabalingan ng hinaing, sa panahong siya'y nag-iisa na lang. Mayroon kasi silang gintong kasabihan na: Hangga't may buhay may pag-asa! Pero sa tingin ko masyado ng naabuso 'yang kataga na 'yan katulad ng pag-abuso ng marami kay Kalayaan. Ano bang kalayaan mayroon si Pilipinas? Kalayaan sa pag-aklas na hindi naman pinakikinggan? Kalayaan sa paglustay ng yaman ni Pilipinas? Kalayaan sa pagkitil sa mga tuwirang tumutuligsa sa nakapwesto? Sa kabiguang nangyayari sa mga dukhang anak ni Pilipinas ako ang nagbibigay buhay at panibagong lakas sa kanila.

Subalit marami ng mga anak ni Pilipinas ang kinamatayan ang inaasam na pag-unlad ngunit wala namang nangyari. Literal na in-apply ng kanyang mga anak ang pagdepende sa akin! Ngunit hindi lang ako ang dapat na maging sandigan sa pag-unlad, dapat ay nilalahukan ito ng hindi lang pagsisikap kundi ng pagmamahal at pagrespeto sa kapwa niya kapatid kasama na ang lahat ng kapintasang nakakabit dito. Walang ibang magmamahal at magmamalasakit sa sarili niya kundi ang kapwa niya mismo. Kung sila-sila ay nagbabatuhan ng putik, nag-oonsehan, nagnanakawan at tuwirang sumusuway sa utos ng kanilang ina tiyak na walang patutunguhan ang lahat ng kapag-asahang tinatago at kinikimkim. Ang pag-asa ay mananatiling pag-asa! Ang pag-asang 'hope' ay magiging pag-asang 'depends'; pag asa sa awa ng ibang mauunlad na kapitbahay o kahit nasa malayo pa, pag asa sa mga kunwaring bukas-loob na tumutulong pero may itinatagong personal na adyenda, pag asa ng mahihirap na mga anak sa inaabot na kalinga/tulong/donasyon ng kanyang ina.

Hindi ko naman sinasabi na oras nang dapat ako'y iwanan at abandonahin gusto ko lang ipabatid na sa realidad na nangyayari ang mga patuloy na pinaasa ay ginagawang tanga at katawa-tawa. Hindi lang sa pag-asa tayo dapat humuhugot ng lakas  at 'wag nating iasa sa nanunungkulan ang ating kinabukasan dahil sila ang higit na nangangailangan ng tulong sa taglay nilang pagkagahaman sa kapangyarihan at kayamanan. Kung totoong mahal nila ang kanilang Ina at kanilang kapatid hindi sana habangbuhay na nakatanghod sa akin ang mga pobreng kapatid din nila.

Pilipinas: Halos wala na kong sasabihin dahil binanggit niyo na ang lahat ng aking saloobin. Magaganda ang inyong ipinupunto at wala akong tutol dito. Totoong may kayabangan ang aking mga anak marami sa kanila ang inuuna ang kayabangan kaysa ang pagkilos o mas inuuna ang yabang na kaluhuan kaysa maghangad at magplano ng matinong kinabukasan. Marami sa kanila ang hindi natututo sa mga paulit-ulit na suliraning dumadating bagkus lumalala pa nga ito sa paglipas ng mga taon. Panay ang sisihan, walang pagkakaisa, walang disiplina, walang pokus at walang sapat na plano para sa hinaharap. Kung ano man ang kahihinatnan ko sa susunod na dekada ay wala rin sigurong pinagkaiba sa kasalukuyan kong estado ngayon. 

Said na ang yaman ko pero hindi pa rin sila tumitigil sa paglustay, wala na ang dati kong kariktan pero hindi pa rin sila naglulubay, ano pa bang kawalanghiyaan ang hindi pa nagagawa sa akin? Tulad ng inaasahan ko kay Pag-asa; umaasa pa rin ako na magising na ang aking mga anak at mabatid na tumatanda na ang mundo at baka ako'y tuluyan ng mapag-iwanan sana hindi dumating ang sandaling lahat ng aking kapitbahay ay nakatingin sa akin at pinagtatawanan ang aking kalunos-lunos na kalagayan. Lumilipas ang panahon, nasasayang ang pagkakataon, sa halip na maranasan ko at ng aking mga anak ang pag-usad at pag-unlad ako ngayo'y nakasadsad.
 
Malungkot at miserable ang aking buhay singlungkot at singmiserable ng bidang karakter sa paborito ng aking mga anak na teleserye na 'di nila pinalalampas panoorin araw man o gabi. Pero mabuti pa nga ang bida dito palaging may magandang ending na naghihintay, ako kaya kailan magkakaroon ng maliwanag at magandang kasaysayan?