Thursday, May 12, 2011

Rakista, asan na?


Makaraang sumikat ang grupong Juan Dela Cruz Band noong dekada sitenta ano na ang nangyari sa mga mahihilig sa rakenrol?
Halos dalawang dekada ang lumipas at muli itong sumigla at nabigyan ng buhay at nilampasan ang kasikatan ng kahit na sinong grupong maiisip mo. Ito ay ang Eraserheads. 1993 - 2002.

Ngunit sa pag-disband ng bandang Eraserheads noong 2002 parang gumuhong animo'y nilindol ang musikang Pilipino. Dahil sa grupong ito humugot ng inspirasyon ang maraming bandang nagsulputan ngayon. Sila rin ang nagbigay buhay sa noo'y halos palubog na industriya ng musikang Pinoy. Bagamat may kanya-kanyang grupong kinabibilangan na ang bawat miyembro ng pamosong Eraserheads (Ely - Pupil, Raimund - Sandwich at Pedicab, Buddy - The Dawn, Marcus - Marcus Highway) hindi na ito kasing-init at kasing-lupit noong sila'y magkakasama pa.

Tama ang tinuran ng walanghiyang pare ko na si Ely sa kanilang kantang Minsan na: "kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan" kahit gaano ka pa kapopular, kasikat o katanyag (pare-pareho lang yata 'yan) darating ang takdang oras na kayo o ikaw'y kukupas, lilipas, malalaos o maghihiwalay ng landas at hindi lang pera ang dahilan nito. Gaya na rin ng pamamaalam kamakailan ng mga icon shows/program na: NU-107 sa FM Radio at MTV Phils. sa telebisyon. Mangyayari din ito kahit kanino sa kahit anong oras na hindi mo inaasahan.

Ilang mga taon pa, may mga bandang sumubok na abutin kung hindi man lampasan ang kasikatan ng bandang Eraserheads. Mga grupong may potensyal naman kung tutuusin; ang kanilang tema aminin man nila o hindi ay gayang-gaya sa grupo ni Ely et al; Subalit ngayong taong 2010 at 2011 tila umiksi ang mitsa ng kandila at lumamlam ang liwanag ng OPM band siguro dahil na rin sa kawalan ng suporta ng masa at sa pagkatalamak ng mga tao sa piniratang musika download man ito sa torrent o biniling pirated CD sa Avenida at Raon; siguro nagising sila isang umaga at bigla nilang naisip na may mga sari-sarili silang buhay na dapat ng ayusin at kanilang napagtanto na hindi na sila kayang buhayin ng pagiging Rakista! lang.

Sayang kung kailan nasa kalagitnaan tayo ng muling pagtangkilik sa Pinoy Pop-Rock saka naman nagdesisyon ang mga bandang malulupit(?) na maglie-low o magdisband! At kung ano man ang kanilang dahilan ay hindi na 'yun mahalaga sa'tin uulitin ko: Kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan" At Wala na tayong magagawa dito.

* Nasaan na ba ang Rivermaya nang ito'y iwanan ni Rico Blanco? At si Rico ngayo'y bukod sa solo career ay sinubukan na rin ang acting career; thanks but no thanks to Imortal.
* Kawawa naman ang Kjwan dahil sa pagiging abala ni Marc Abaya sa paglagare sa sunod-sunod na teleserye at Indie Film.
* Kailan ba natin huling nakitang tumugtog si Jugs Jugueta at ng kanyang grupong Itchyworms? Mas malaki kasi ang TF niya sa Showtime.
* Isama ko na rin ang pagkakawatak-watak ng bandang Orange and Lemons ni McCoy Fundales (pampahaba ng blog).
* Idagdag ko na rin si Teddy Corpuz ng Rocksteddy na nasa Showtime din. (tutal self-proclaimed Rockstar naman siya)
* Ang pa-cute na si Kian Cipriano ng Callalily ay busy na rin sa kung ano-anong gimik niya sa TV5.
* Kamakalian lang ay nabalitaan natin na si Ney Dimaculangan ay kumalas na rin sa kanyang grupong 6cyclemind at naglunsad ng kanyang solo career.
* Ang henyong si Lourd De Veyra ng Radioactive Sago Project ay tila napabayaan na rin ang kanyang banda sa dami ng pinagkakaabalahan; kanyang blog sa Spot.ph, video-blog (Word of the Lourd), hosting job sa Aksyon TV41 at Sapul sa TV5, pagsusulat ng libro at ng iba't-ibang artikulo.

At ang nakawiwindang at nakalulungkot:

* Si Ebe Dancel and the rest of makatang Sugarfree for no apparent reason ay bigla na lang umayaw sa rakrakan.
* Sa maigsing panahon, si Champ ng matinong grupong Hale ay ninais na magsolong tumugtog at iniwan na rin ang kanyang kabanda.
* Sa pangalawang pagkakataon, si Bamboo Mañalac ng napakahusay na bandang Bamboo ay muling iniwan ang kanyang banda na ginawa rin niya noon sa Rivermaya ang kanyang magarang rason: "things change".

Siguro hindi pa rin dapat malungkot ang mga mahihilig sa OPM Pop Rock dahil nandiyan pa rin naman ang mga grupong tulad ng Hilera, Tanya Markova, Kamikazee at ang makulit na Parokya ni Edgar bukod siyempre sa mga grupong kinabibilangan ng mga ex-heads na Pedicab, Sandwich at Pupil na bagamat nag-iba na ang tema ng kanilang mga awitin kumpara sa mga kanta nila noong sila'y Eraserheads pa ay masasabi naman nating sila'y nag-mature at nag-evolve na at 'di hamak na matino kumpara sa hilaw na di-umanoy "rakista" na parang pinabili ng maasim na Datu Puti suka.

Pansamantala, kung ayaw niyo sa mga grupong nabanggit ko; namnamin ninyo ang mga ginawang mga awitin ng mga pogi band na Spongecola (parang laging galit kung kumanta) at Cueshe (na gumawa ng kanta tungkol sa wallet niyang nakatali. haha).
Bakit hindi na lang sila ang nagdisband?
Hindi ang Sugarfree, hindi ang Bamboo, hindi ang Hale at hindi Eraserheads? Haha. Rakenrol!
Ganun talaga. Lahat ng bagay ay mayroong hangganan.

No comments:

Post a Comment