Ang susunod na inyong
mababasa ay isang kathang-isip lang ngunit base sa aktuwal na pag-uusap at
talakayan ng mga ayaw magpadaig sa isa't-isang mga karakter; na ang paksa ay
may kinalaman sa kasalukuyang estado ng ating kapaligiran. May kahabaan ang
akdang ito, kung wala kang panahong basahin ito agad mas mabuting i-print na
lang muna at saka niyo na lang basahin sa iyong libreng oras kung ayaw mo naman
'wag nang sayangin ang papel at iyong oras, bumalik ka na lang sa
pagpi-facebook mo. Huwag ka na ring magreklamong nakakatamad basahin dahil wala
ka namang ibinayad nang ginawa ng may akda ito at walang sinuman ang pumilit
sa'yo na basahin ang ito. Patnubay ng may malawak na pag-iisip ay
kailangan dahil hindi ito para sa may sensitibong pananaw sa buhay. Sadyang
hindi na itinago ang kani-kanilang tunay na pangalan at katauhan upang mas
madaling maunawaan. Magandang basahin habang nakikinig sa saliw ng awiting
"Kumusta na?" ng grupong Yano.
Pag-unlad: Uy, Pilipinas!
Kumusta ka na?! Ang tagal na kitang hindi nababalitaan, buhay ka pa pala!
Pasensya ka na kung medyo pasigaw ako magsalita napakalayo mo kasi sa'kin!
Hindi ko na matandaan kung kailan ang taon na eksakto mo ko huling binisita,
naalala ko pa noong minsang nagtungo ka sa akin hindi ka man lang tumuloy at
pumasok, patingin-tingin ka lang. Katatapos lang yata noon ng digmaan pero
simula nun hindi na kita nasilayan! Ano ba ang nangyari sa'yo at mukha kang
madungis! Ang payat-payat mo pa, kumakain ka pa ba? Maganda na ang
pangangatawan mo dati pinabayaan mo pa, siguro adik ka? Ang dami-dami mo pang
sugat ba't di mo gamutin 'yan? Wala ka bang mga anak na nag-aalaga sa'yo? Ang
daming gamot na pwedeng ipahid diyan na paunang lunas pero hindi ka man lang
yata nagtangka. May balak ka pa bang bisitahin ako o kontento ka na diyan sa
kinasasadlakan mo? Welcome ka naman dito kahit anong oras at anong araw mo
gustuhin.
Pero alam mo kahit ganyan ka medyo may paghanga pa rin ako sa'yo kasi
may 'pride' o yabang ka pa rin, ayaw na ayaw mong napipintasan ka kahit iyon
naman ang katotohanan mas pinupuntirya mo ang nagbunyag ng pangit na isyu kaysa
resolbahin at solusyunan ang mismong problema. Sarili mo lang iniisip mo gusto
mo pa hihingi ng apology eh wala ka namang ginagawang aksyon para maging maayos
ang lahat. Huwag kang magagalit ha? May masangsang na amoy ka na! Ba't di ka
magbanlaw, maghilamos o maligo ng tuluyan? Umaalingasaw ka na sa baho o baka
naman 'yang kabahuan mo ay ilalahok mo na naman sa mga walang
kakwenta-kwentang mga record sa Guiness?
Kunsabagay masisisi ba kita eh kaligayahan mo 'yun; gusto mong sumikat sa kahit
anong paraan negatibo man o positibo, gusto mo ikaw ang may tala ng
pinakamaraming naghahalikan sa kalye, pinakamaraming pinapasusong sanggol,
pinakamahabang nilulutong barbeque at kung ano-ano pang kababawan pero
pagdating sa pag-asenso lagapak ka naman dinaig mo pa ang Hiroshima Bombing
noong pinuntirya si Japan sa kasagsagan ng 2nd world war. 'Nga pala nasa loob
si Japan ngayon ng aking tahanan may binubutingting na robot katatapos lang kasi
niya mag-modify ng bagong niyang sportscar, galing niya 'no? Wala yata sa
bokabularyo niya ang magpahinga dahil sa tuwing makikita ko siya may bago at
kakaibang inobasyon at imbensyon siyang pinagkakaabalahan.
Ikaw ano bang
pinagkakaabalahan mo?
Siguro busy ka na naman sa paghahanda sa mga inimbento
mong mga okasyon? Ilang daang festival nga ang ipinagdiriwang mo sa loob ng
isang taon? Kailangan ba talagang lahat iyon ay ipagdiwang? Ano pa bang
festival ang wala kayo? Kasi magmula sa tsinelas, bulaklak, kalamay hanggang sa
kalabaw ginagawan nyo ng okasyon. Akala ko ba mahirap ka, e ba't naghahanap ka
ng pagkakagastusan? Hindi ba kayabangan lang 'yan? Pasensya ka na kung masakit
ako magbiro obserbasyon ko lang naman 'yun kung gusto mong magdiwang ng kung ano-ano
ikaw nang bahala wala namang pumipigil sa'yo.
Bakit nga pala hanggang sa
pintuan ka lang noon? Para kang may sinisilip, hindi ko alam kung ano ang
pinagmamasdan mo o anong balak mo ngayon sa buhay. Mas nalilibang ka pa yatang
magpapetiks-petiks at uriratin ang mga kapitbahay mo kaysa tulungan ang sarili
mo. Ang tanda-tanda mo na hingi ka pa ng hingi ng tulong sa malalayong
kapitbahay mo pero in fairness, nakikita ko namang may kasipagan ka.
Ngunit hanggang ngayon sinisisi mo pa
rin sina Espanya, Hapon at Amerika sa nangyari sa buhay mo noong 'hinostage' ka
nila hindi ka na nakamoved-on, ang tagal na panahon na nun! Pero panay naman
ang hingi mo ng tulong sa kanila sa tuwing magigipit ka lalong-lalo na kay
Amerika.
Alam mo bukas-palad naman
kitang tatanggapin at papapasukin sa tahanan ko isang katok lang naman sa
pintuan ang kailangan mo pero hindi mo pa magawa siguro niyayakap at ginawa mo
ng BFF 'yang kahirapan. Hindi ka pa ba nagsasawa sa kanya? Isang siglo mo na
yata siyang kaututang-dila hanggang ngayon ayaw mo pa siyang iwan, wala kang
mapapala diyan. Marahil ikaw ang ayaw tantanan niyan kasi halos ikaw na lang
yata ang nakikisama diyan eh, sina India, Indonesia, Thailand, Malaysia,
Myanmar, Vietnam at iba pang kapitbahay mo nagsusumikap na iwan na 'yan. Sa
katunayan, baka isang araw kakatok na silang sabay-sabay sa pintuan ko tulad ni
Singapore na sinasabihan mong masungit.
Mabanggit ko lang alam mo
dati sobrang idolo ka ni Korea pero ngayon ikaw na ang humahanga sa kanya lahat
na yata ng galing sa kanila eh halos sambahin mo na; tinatagalog mo ang
kanilang mga drama, ginagaya mo ang kanilang porma't pananamit, bilib ka rin sa
mga kasangkapan nila at kahit nga mga kanta nilang hindi mo naiintindihan kung
minumura ka na eh hangang-hanga ka pa rin. Siyanga pala nandoon din siya sa
loob may sariling kuwarto baka nanonood ng high-tech na SmartTV na Samsung o
kaya nililinis ang kanyang magagarang kotse gaya ng Starex.
Mayroon na namang hindi
magandang balita akong naririnig tungkol sa'yo kunsabagay wala namang bago dun;
binu-bully ka raw ulit ni Tsina at pilit niyang inaagaw sa'yo ang kapirasong
lupang may likas na yaman. Sandali, matanong ko lang 'Di ba sandamakmak naman
ang likas-yaman mo? Ano bang ginawa mo dun? Pantay-pantay bang napakinabangan ng
mga anak mo iyon? O mga anak mo lang na mga astig ang nagkamkam ng likas-yaman
ito? O, Hindi ka na makaimik diyan, hayaan mo na 'wag mo nang sagutin alam ko
na kung bakit.
Huwag kang magagalit o
magtatampo sa akin, sa mga sinasabi ko para sa'yo lahat 'yan huwag ka sanang
magbalat-sibuyas kung totoo naman. Pilitin mong magbago at iwan ang masasamang
impluwensiyang nakapaligid sa'yo, madasalin at relihiyoso ka naman kailangan mo
na lang ay isapuso at isabuhay ang pinagdarasal mo. Kung sa tingin mo matutulungan
ka ng ibang mga kapitbahay mo o nang mga kunwang nagmamagandang loob sa'yo
nagkakamali ka, marami diyan ang nanamantala lang. Ikaw mismo at ng mga anak mo
ang dapat na magtulungan at magsikap bago pa mahuli ang lahat. Teka, hindi pa
ba huli ang lahat?
Yabang: Sus, ito namang si
pag-unlad akala mo kung sinong magsalita e halos wala naman tayong pinagkaiba!
Hindi ba 'pag may pag-unlad may kayabangan?!? Ako ay nagsisilbing inspirasyon
sa katulad ni Pilipinas na wala namang ipinagmamalaki, ako na nga lang kayamanan
niya e tatanggalin mo pa? Saka kung hindi siya magyayabang baka lalo siyang
apihin at gawing sunod-sunoran na lang ng mga kapitbahay niyang mayayaman. Wala
namang masama kung may malulupit na records si Pilipinas sa Guiness, simbolo
'yun ng pagkakaisa at pakikipagkapwa at iparating sa mundo na may nag-eexist na
Pilipinas sa mundo at taas-noong may tala ng may pinakamaraming nagpapasusong
mga ina sa isang okasyon! Anong masama dun, sabihin mo nga? May kasabihan nga
na ang yaman nananakaw, ang yabang hindi! Hangga't may mga palalo at
mapagmalaki hindi niyo ko kayang talikuran lagi akong nandiyan sa tabi niyo,
magpapayo.
'Yung "I'm proud to be Filipino!" ako nag-coin nun at lagi
ko 'yung ipinapayo at ipinapasigaw sa mga Pilipinong may mabababaw na kaligayahan
kung may pagkakataon. Tulad nang; sa tuwing may laban si Pacquiao, sa
achievement nina Arnel at Alan Pineda, Lea Salonga, Direk Brillante Mendoza,
Monique Lhuillier o kaya naman kung may papasok na may dugong pilipino sa
patimpalak na American Idol gaya nina Jasmine Trias at ang World Idol ngayon na
si Jessica Sanchez. Kahit walang kinalaman ang lahing Pilipino, kahit
kakapiranggot lang ang dugong pinoy na dumadaloy, kahit singing contest lang o
dance contest lang iyon ipagpipilitan ko pa ring ipasigaw ang katagang:
"I'm proud to be Filipino!" o "We're very proud of
you!" Hindi ba ang tagalog nito ay:
"Mayabang akong Pilipino!", "Sobrang ipinagmamayabang ko
kayo"? Bakit, masama ba 'yun?!? Lahat naman ay may yabang sa katawan 'yun
nga lang si Pilipinas ay hanggang yabang lang.
Saka alam mo ba na ang yabang sa
katawan ay nakapagbibigay ng kumpiyansa at bilib sa sarili? Maging ang mga
mayayamang kapitbahay nga ni Pilipinas o kahit ang mga kanluranin ay hanga sa
yabang ni Pilipinas, paano ba namang hindi eh nabansagan silang mahirap pero
mas mahal at mas modelo pa ang gadget at kasangkapan ng kanyang mga anak kaysa
kung sinong pinakamayaman. Subukan mong itanong kung may naipon para makalapit
man lang sa inaasam na pag-angat at pag-unlad sa buhay siguradong wala. Ayos
lang iyon at least napunan ng kayabangan ang kakulangan sa buhay, kaya nga
naghahanap-buhay 'di ba para sumaya?
Saka 'yun lang naman ang bisyo ni Pilipinas ang mag-invest ng walang kwentang
bagay, saka pala magsugal, saka mag-inom at magsigarilyo kahit kapos sa
panggastos saka...sige na nga marami pero hindi naman iyon lang ang sukatan
upang umasenso at umunlad. Pasasaan ba't ang pagyaman ay makakamit din, 'yon
nga lang walang tiyak na panahon.
Kaya hindi umuunlad 'yang si
Pilipinas dahil halos lahat na anak niyang mga naglilingkod o nanunungkulan
diyan ay kakilala at kaibigan kong nakikinig sa aking mga payo at ako ang
kanilang ginawang ehemplo. Kay yayabang na ipapangako ang tunay na pagbabago at
tapat na serbisyo pero daang-taon na ang nakaraan halos ganun pa rin ang
kalagayan ng kanilang Ina. Sobrang mayayabang! Ang nakapagtataka hindi naaalis
sa pwesto ang damuhong mga anak niya; umuulit at napapalitan lang ng kanyang
kauri o kawangis. Tapos nagtatanong kung bakit walang asenso at hindi makarating
sa pintuan ni Pag-unlad.
Tama rin si Pag-unlad na
nagsisipag at nagsisikap si Pilipinas sa buhay pero sa tingin ko kung ilan ang
dami ng masisipag na kanyang anak 'yun din ang dami ng mga tamad na walang
kabalak-balak magsikap at magsipag baka nga mas marami pa. Kaya hindi tama na
isipin at i-conclude na ako lamang ang dapat sisihin sa paglagapak ni Pilipinas
isama rin natin si Katamaran, bakit ako lang?
Oo, na sa mahabang panahon
ay hanggang yabang lang ang kayang gawin at pangatawanan ni Pilipinas at hindi
natin alam kung hanggang kailan ito mananatili pero hindi pa rin ako nawawalan
ng pag-asa. Naniniwala pa rin ako na darating ang panahon na hindi lang
pagyabang ang taglay ni Pilipinas kundi kasa-kasama ko na ring aagapay at
sasamahan sa paglakad si pag-unlad patungo sa kanyang tahanan.
Katamaran: 'Wag na 'wag niyo
kong isasama sa usapan niyo at hindi niyo ko mapipilit na magpaliwanag sa inyo
dahil wala akong panahon at tinatamad ako!
Pag-asa: Napakagandang
malaman na hindi ako pwedeng basta-basta iiwan at iwawaksi ni Pilipinas dahil
tanging ako lang ang kanyang natitirang sandigan sa panahong siya'y wala ng
mapuntahan, sa panahong wala na siyang mabalingan ng hinaing, sa panahong
siya'y nag-iisa na lang. Mayroon kasi silang gintong kasabihan na: Hangga't may
buhay may pag-asa! Pero sa tingin ko masyado ng naabuso 'yang kataga na 'yan
katulad ng pag-abuso ng marami kay Kalayaan. Ano bang kalayaan mayroon si
Pilipinas? Kalayaan sa pag-aklas na hindi naman pinakikinggan? Kalayaan sa
paglustay ng yaman ni Pilipinas? Kalayaan sa pagkitil sa mga tuwirang
tumutuligsa sa nakapwesto? Sa kabiguang nangyayari sa mga dukhang anak ni
Pilipinas ako ang nagbibigay buhay at panibagong lakas sa kanila.
Subalit marami ng mga anak
ni Pilipinas ang kinamatayan ang inaasam na pag-unlad ngunit wala namang
nangyari. Literal na in-apply ng kanyang mga anak ang pagdepende sa akin!
Ngunit hindi lang ako ang dapat na maging sandigan sa pag-unlad, dapat ay
nilalahukan ito ng hindi lang pagsisikap kundi ng pagmamahal at pagrespeto sa
kapwa niya kapatid kasama na ang lahat ng kapintasang nakakabit dito. Walang
ibang magmamahal at magmamalasakit sa sarili niya kundi ang kapwa niya mismo.
Kung sila-sila ay nagbabatuhan ng putik, nag-oonsehan, nagnanakawan at tuwirang
sumusuway sa utos ng kanilang ina tiyak na walang patutunguhan ang lahat ng
kapag-asahang tinatago at kinikimkim. Ang pag-asa ay mananatiling pag-asa! Ang
pag-asang 'hope' ay magiging pag-asang 'depends'; pag asa sa awa ng ibang
mauunlad na kapitbahay o kahit nasa malayo pa, pag asa sa mga kunwaring
bukas-loob na tumutulong pero may itinatagong personal na adyenda, pag asa ng
mahihirap na mga anak sa inaabot na kalinga/tulong/donasyon ng kanyang ina.
Hindi ko naman sinasabi na
oras nang dapat ako'y iwanan at abandonahin gusto ko lang ipabatid na sa
realidad na nangyayari ang mga patuloy na pinaasa ay ginagawang tanga at
katawa-tawa. Hindi lang sa pag-asa tayo dapat humuhugot ng lakas at 'wag nating iasa sa nanunungkulan ang ating
kinabukasan dahil sila ang higit na nangangailangan ng tulong sa taglay nilang
pagkagahaman sa kapangyarihan at kayamanan. Kung totoong mahal nila ang
kanilang Ina at kanilang kapatid hindi sana habangbuhay na nakatanghod sa akin
ang mga pobreng kapatid din nila.
Pilipinas: Halos wala na kong
sasabihin dahil binanggit niyo na ang lahat ng aking saloobin. Magaganda ang
inyong ipinupunto at wala akong tutol dito. Totoong may kayabangan ang aking
mga anak marami sa kanila ang inuuna ang kayabangan kaysa ang pagkilos o mas
inuuna ang yabang na kaluhuan kaysa maghangad at magplano ng matinong
kinabukasan. Marami sa kanila ang hindi natututo sa mga paulit-ulit na
suliraning dumadating bagkus lumalala pa nga ito sa paglipas ng mga taon. Panay
ang sisihan, walang pagkakaisa, walang disiplina, walang pokus at walang sapat
na plano para sa hinaharap. Kung ano man ang kahihinatnan ko sa susunod na
dekada ay wala rin sigurong pinagkaiba sa kasalukuyan kong estado ngayon.
Said
na ang yaman ko pero hindi pa rin sila tumitigil sa paglustay, wala na ang dati
kong kariktan pero hindi pa rin sila naglulubay, ano pa bang kawalanghiyaan ang
hindi pa nagagawa sa akin? Tulad ng inaasahan ko kay Pag-asa; umaasa pa rin ako
na magising na ang aking mga anak at mabatid na tumatanda na ang mundo at baka
ako'y tuluyan ng mapag-iwanan sana hindi dumating ang sandaling lahat ng aking
kapitbahay ay nakatingin sa akin at pinagtatawanan ang aking kalunos-lunos na
kalagayan. Lumilipas ang panahon, nasasayang ang pagkakataon, sa halip na
maranasan ko at ng aking mga anak ang pag-usad at pag-unlad ako ngayo'y
nakasadsad.
Malungkot at miserable ang
aking buhay singlungkot at singmiserable ng bidang karakter sa paborito ng
aking mga anak na teleserye na 'di nila pinalalampas panoorin araw man o gabi.
Pero mabuti pa nga ang bida dito palaging may magandang ending na naghihintay,
ako kaya kailan magkakaroon ng maliwanag at magandang kasaysayan?
isang napakatalinong pag-uusap. tunay na gawa ng henyo.
ReplyDeleteNakakahiya na kay Pilipinas bilang isa rin niyang anak maramiraming katotohanan ang sumampal sa akin habang binabasa ang bawat linya sa akdang ito pero alam kong nariyan parin si pag-asa at kung hindi lang paiiralin ang kayabangan at katamaran hindi malayong magkatotoo ang inaasam na magandang kasaysayan ni Inang Pilipinas.
Mabuhay ka Sir!
Salamat sa pagbisita Inong at isang magandang araw ng kalayaan sa'yo!
DeleteMarami ang hindi magugustuhan ang akdang ito dahil sa negatibong paksang nakalatag pero tulad ni pag-asa umaasa akong maging bukas na sana ang isip ng maraming anak ni Pilipinas sa kritisismo.
Hindi lang isang mamamayan ang makapagpapaganda ng kasaysayan natin kundi ang buong sambayanan mismo. Paano ito mangyayari? Hindi ko rin alam Inong...hindi ko rin alam.
Sabay-sabay na lang tayong mangarap at umasa :-(