Showing posts with label kayamanan. Show all posts
Showing posts with label kayamanan. Show all posts

Wednesday, August 1, 2012

Tagumpay



Ano ba ang sukatan mo ng tagumpay?
Tagumpay na bang maituturing kung ang isang tao'y maraming posesyon? Mayaman? Makapangyarihan? Matalino? Mataas ang pinag-aralan? Sikat na personalidad? Sagad sa papuri? Maraming tropeyo, medalya o may nakamit na mga karangalan?

Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino na aking napagtagumpayan sa patimpalak ni G. J.Kulisap, ang kahulugan ng Tagumpay ay ang katuparan o kaganapan ng anumang plano o balak kabilang dito ang pagkakamit ng yaman, katanyagan at iba pa. Kung ito na nga ang batayan natin ng tagumpay marami palang tao ang naging matagumpay sa buhay! Ngunit sapat ba ang ilang mga "tagumpay" upang mapunan nito ang kaligayahang hinahanap nating mga tao?

Ang susi ba sa kaligayahan ay ang katagumpayan? O ang susi sa pagtatagumpay ay kaligayahan? Magkadugtong ba sila na hindi maaring paghiwalayin? Maari ka bang maging matagumpay ngunit hindi lubos na maligaya o maari kang lumigaya ngunit kapos sa nakamit na tagumpay? Isasakripisyo mo ba ang iyong kaligayahan para magtagumpay o ibubuwis mo ang iyong tagumpay para sa wagas na kaligayahan?
Hindi maitatanggi na hindi lahat ng matagumpay ay maligaya at hindi lahat ng maligaya ay matagumpay; kung gayon hindi sila palaging magkadugtong dahil ang tao'y maaring maging maligaya nang walang tagumpay at maari kang maging matagumpay nang hindi maligaya.

Ang kabaligtaran ba ng tagumpay ay kabiguan?
At ang kawalan ng tagumpay ng tao ay kasawian?
Kung hindi mo ba napagtagumpayan ang isang minimithi ay isa na itong kabiguan? Paano mo sasabihin na ikaw ay isang matagumpay na tao o isang sawi?
Sa aking pananaw, ang kawalan ng tagumpay ay hindi isang lubos na kabiguan. Mas kabiguan ang paglamlam ng pagmamahal sa mga bagay na nasa iyong paligid at ang kakulangan sa pagtanggap sa mga bagay na nangyayari't nagaganap sa kabila ng mga bagay na tinatamasa. Mapanlinlang ang tagumpay maari kang dalhin nito sa kapanatagan o maari kang malulong sa hatid nitong kapalaluan. Kadalasan sa paghahangad ng tagumpay o pagnanais na mamintini ito ay nasasakripisyo ang ilang mahahalagang bagay sa buhay, ang atensyong kailangan para dito ay nababaling sa pagkakamit ng minimithi. Sana'y matutong magpasalamat sa Diyos sa anumang biyayang dumadating dahil hindi lahat ng ating nanaisin ay kaya nating mapagwagian at mapagtagumpayan.

Nakakalungkot malaman na ang sukatan ng tagumpay sa panahong kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng maraming salapi - nakuha man ito sa hindi magandang pamamaraan. At kasabay ng pagkakaroon ng maraming salapi ay ang pagkakaroon ng karagdagan o labis na pagtitiwala/pagkabilib sa sa sarili at ang sa iba naman ay kayabangan o kapangyarihan. Kayabangang nagpupunla ng inggit o galit sa mga tao, kapangyarihang paikutin ang mga taong salat sa tagumpay at yaman. Mga taong alipin ng yabang at kapangyarihang kayang paboran ng pagkakataon. Sino ba naman ang hindi maghahangad na magkamal ng maraming salapi? Ang mabili ang anumang naisin sa buhay, gawin ang gusto ng walang sagabal na suliranin sa pera, makarating saan mang lugar na ibigin at walang pangamba sa anumang problemang pinansyal. Isang tagumpay na panandalian, isang mapakunwaring tagumpay.

Ngunit ito na ba talaga ang tagumpay na hinahanap natin?
Bakit ang maraming may pera na itinuturing nating matagumpay ay mayroon pa ring hinahangad o may maligalig na pag-iisip?
Matagumpay na ba sila'y matatawag?
Sasapat na ba ang "tagumpay" sa buhay ng tao?
Ngunit isa lang ang tanging sigurado ang tao'y hindi kailanman makukuntento. Anuman ang mayroon ka ngayon ay nakatakda mong palitan, anuman ang napagtagumpayan mo'y nanaisin mong madagdagan, anuman ang nakamit mo ay maari mo ring matalikdan...lalo't kung ang mga ito'y pawang hinangad ng dahil sa huwad na pangarap. Sa kabila ng pagtingin at paghanga ng mga tao sa isang matagumpay na personalidad masasabi kaya nating sila'y may lubos na kagalakan sa buhay?

Ang sukatan ng tagumpay ng bawat indibidwal ay magkakaiba. Maaring ikaw ay matagumpay sa paningin ng ibang tao ngunit sa sarili mo ay kabiguan ang iyong nadarama; maaring ikaw ay matagumpay na sa iyong napiling larangan ngunit sa ibang mapanghusga at may utak-talangka ay hindi ka pa rin matagumpay. Minsan ang iyong tagumpay ay nakasalalay sa mga inampalang may kakaibang batayan at hinahanap.
Ngunit higit sa tagumpay mas mahalaga na ikaw ay may kagalakan sa iyong puso.
Dahil hindi sasapat ang mga karangalan na nakamit o ang dami ng salaping nasa bulsa kung kalungkutan ang nananahan sa iyong dibdib. Ang pagmamahal sa mga bagay na iyong ginagawa; trabaho man ito o libangan ay maari ding tawaging Tagumpay. Magkamit ka man o hindi ng parangal, magtamasa ka man ng yaman o hindi kung pagmamahal ang naghahari sa bawat bagay na iyong ginagawa; mahal ka ng iyong pamilya hindi dahil sa palamuting nakamit mo, naalala ka ng mga tao dahil sa mga bagay na iyong ginawa ay isa ring Katagumpayan.

Aanhin mo ang tagumpay kung isa kang mandarambong sa paningin ng madla? May maruming pangalan at may kasaysayan nang panggigipit at pagiging ganid.
Ang karangalang napagtagumpayan mo ba'y lubos mong ikakasiya kung sa pandayara mo lang ito nakuha? Darating ang araw na ikaw ay babagabin nito.
May halaga ba ang tagumpay kung nasakripisyo mo ang oras at kasiyahan ng iyong pamilya? Kung masyado mong naging prayoridad ang pag-asam sa katagumpayan sayang ang mahahalagang oras na nawala, hindi na ito kayang ibalik pa. Importante din ang parangal at pera ngunit mahalaga rin ang pamilya, ang sariling kagalakan at ang kapakanan ng mga nangangailangan ng kalinga ngunit paano ba ito titimbangin? Ang tagumpay minsan ay nasa isip lang, ang parangal ay iginagawad ng mga huradong may iba't ibang panglasa at pamantayan.

Huwag magpatali sa paghahangad ng tagumpay ng parangal baka ito ang maging balakid sa paggawa mo ng iyong mga naisin sa buhay, sa halip na ito'y makatulong baka makasama pa ito dahil sa labis na ambisyon at paglagpas sa limitasyong kaya mong ibigay. Hindi madali ang kumilos sa pamantayang inilatag kung taliwas ito sa iyong kakayanan, kalayaan, layunin at naisin.

Huwag isara ang paniniwala na ang pagkakaroon ng yaman ay katuparan ng tagumpay hindi maikakailang marami ang nalunod at nalubog sa ganitong paniniwala. Kayamanan kapalit ng dignidad at pangalan. Dignidad at pangalang tila winawalang-bahala na sa isang modernong panahon. Datapwat ang yamang ito'y 'di nadadala sa pagpikit ng mata, pagpantay ng mga paa, sa pagtawid sa kabilang buhay.

Hindi masama ang makatanggap ng mga papuring galing sa mga taong niyakap at tinanggap ang iyong ginawa perpekto man ito o hindi; masarap ang ganitong pagkilala, nakapagpapaluwag ng dibdib at nakapagpapataba ng puso. Kusa itong maglalagay ng ngiti sa labi dahil sa hatid nitong inspirasyon ngunit 'di dapat ito maging dahilan upang magmalaki, huwag itong limusin dahil kusa itong iginagawad sa mga taong nararapat.
Karangalan, salapi at papuri lahat ito'y mahalaga, ito ang magbibigay kahulugan sa higit na tagumpay na hinahangad ng mundong mapagnasa kung makakamit mo ang isa sa mga ito o lahat ng ito'y mapasaiyo sana'y magsilbi lang itong pabuya sa mga nakamit mo sa buhay at hindi ito ang mga dahilan kung bakit ka nabubuhay.

Monday, June 11, 2012

Usapan



Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ngunit base sa aktuwal na pag-uusap at talakayan ng mga ayaw magpadaig sa isa't-isang mga karakter; na ang paksa ay may kinalaman sa kasalukuyang estado ng ating kapaligiran. May kahabaan ang akdang ito, kung wala kang panahong basahin ito agad mas mabuting i-print na lang muna at saka niyo na lang basahin sa iyong libreng oras kung ayaw mo naman 'wag nang sayangin ang papel at iyong oras, bumalik ka na lang sa pagpi-facebook mo. Huwag ka na ring magreklamong nakakatamad basahin dahil wala ka namang ibinayad nang ginawa ng may akda ito at walang sinuman ang pumilit sa'yo na basahin ang ito. Patnubay ng may malawak na pag-iisip ay kailangan dahil hindi ito para sa may sensitibong pananaw sa buhay. Sadyang hindi na itinago ang kani-kanilang tunay na pangalan at katauhan upang mas madaling maunawaan. Magandang basahin habang nakikinig sa saliw ng awiting "Kumusta na?" ng grupong Yano.

Pag-unlad: Uy, Pilipinas! Kumusta ka na?! Ang tagal na kitang hindi nababalitaan, buhay ka pa pala! Pasensya ka na kung medyo pasigaw ako magsalita napakalayo mo kasi sa'kin! Hindi ko na matandaan kung kailan ang taon na eksakto mo ko huling binisita, naalala ko pa noong minsang nagtungo ka sa akin hindi ka man lang tumuloy at pumasok, patingin-tingin ka lang. Katatapos lang yata noon ng digmaan pero simula nun hindi na kita nasilayan! Ano ba ang nangyari sa'yo at mukha kang madungis! Ang payat-payat mo pa, kumakain ka pa ba? Maganda na ang pangangatawan mo dati pinabayaan mo pa, siguro adik ka? Ang dami-dami mo pang sugat ba't di mo gamutin 'yan? Wala ka bang mga anak na nag-aalaga sa'yo? Ang daming gamot na pwedeng ipahid diyan na paunang lunas pero hindi ka man lang yata nagtangka. May balak ka pa bang bisitahin ako o kontento ka na diyan sa kinasasadlakan mo? Welcome ka naman dito kahit anong oras at anong araw mo gustuhin. 

Pero alam mo kahit ganyan ka medyo may paghanga pa rin ako sa'yo kasi may 'pride' o yabang ka pa rin, ayaw na ayaw mong napipintasan ka kahit iyon naman ang katotohanan mas pinupuntirya mo ang nagbunyag ng pangit na isyu kaysa resolbahin at solusyunan ang mismong problema. Sarili mo lang iniisip mo gusto mo pa hihingi ng apology eh wala ka namang ginagawang aksyon para maging maayos ang lahat. Huwag kang magagalit ha? May masangsang na amoy ka na! Ba't di ka magbanlaw, maghilamos o maligo ng tuluyan? Umaalingasaw ka na sa baho o baka naman 'yang kabahuan mo ay ilalahok mo na naman sa mga walang kakwenta-kwentang  mga record sa Guiness? 

Kunsabagay masisisi ba kita eh kaligayahan mo 'yun; gusto mong sumikat sa kahit anong paraan negatibo man o positibo, gusto mo ikaw ang may tala ng pinakamaraming naghahalikan sa kalye, pinakamaraming pinapasusong sanggol, pinakamahabang nilulutong barbeque at kung ano-ano pang kababawan pero pagdating sa pag-asenso lagapak ka naman dinaig mo pa ang Hiroshima Bombing noong pinuntirya si Japan sa kasagsagan ng 2nd world war. 'Nga pala nasa loob si Japan ngayon ng aking tahanan may binubutingting na robot katatapos lang kasi niya mag-modify ng bagong niyang sportscar, galing niya 'no? Wala yata sa bokabularyo niya ang magpahinga dahil sa tuwing makikita ko siya may bago at kakaibang inobasyon at imbensyon siyang pinagkakaabalahan.

Ikaw ano bang pinagkakaabalahan mo? 
Siguro busy ka na naman sa paghahanda sa mga inimbento mong mga okasyon? Ilang daang festival nga ang ipinagdiriwang mo sa loob ng isang taon? Kailangan ba talagang lahat iyon ay ipagdiwang? Ano pa bang festival ang wala kayo? Kasi magmula sa tsinelas, bulaklak, kalamay hanggang sa kalabaw ginagawan nyo ng okasyon. Akala ko ba mahirap ka, e ba't naghahanap ka ng pagkakagastusan? Hindi ba kayabangan lang 'yan? Pasensya ka na kung masakit ako magbiro obserbasyon ko lang naman 'yun kung gusto mong magdiwang ng kung ano-ano ikaw nang bahala wala namang pumipigil sa'yo.

Bakit nga pala hanggang sa pintuan ka lang noon? Para kang may sinisilip, hindi ko alam kung ano ang pinagmamasdan mo o anong balak mo ngayon sa buhay. Mas nalilibang ka pa yatang magpapetiks-petiks at uriratin ang mga kapitbahay mo kaysa tulungan ang sarili mo. Ang tanda-tanda mo na hingi ka pa ng hingi ng tulong sa malalayong kapitbahay mo pero in fairness, nakikita ko namang may kasipagan ka. Ngunit  hanggang ngayon sinisisi mo pa rin sina Espanya, Hapon at Amerika sa nangyari sa buhay mo noong 'hinostage' ka nila hindi ka na nakamoved-on, ang tagal na panahon na nun! Pero panay naman ang hingi mo ng tulong sa kanila sa tuwing magigipit ka lalong-lalo na kay Amerika.

Alam mo bukas-palad naman kitang tatanggapin at papapasukin sa tahanan ko isang katok lang naman sa pintuan ang kailangan mo pero hindi mo pa magawa siguro niyayakap at ginawa mo ng BFF 'yang kahirapan. Hindi ka pa ba nagsasawa sa kanya? Isang siglo mo na yata siyang kaututang-dila hanggang ngayon ayaw mo pa siyang iwan, wala kang mapapala diyan. Marahil ikaw ang ayaw tantanan niyan kasi halos ikaw na lang yata ang nakikisama diyan eh, sina India, Indonesia, Thailand, Malaysia, Myanmar, Vietnam at iba pang kapitbahay mo nagsusumikap na iwan na 'yan. Sa katunayan, baka isang araw kakatok na silang sabay-sabay sa pintuan ko tulad ni Singapore na sinasabihan mong masungit.

Mabanggit ko lang alam mo dati sobrang idolo ka ni Korea pero ngayon ikaw na ang humahanga sa kanya lahat na yata ng galing sa kanila eh halos sambahin mo na; tinatagalog mo ang kanilang mga drama, ginagaya mo ang kanilang porma't pananamit, bilib ka rin sa mga kasangkapan nila at kahit nga mga kanta nilang hindi mo naiintindihan kung minumura ka na eh hangang-hanga ka pa rin. Siyanga pala nandoon din siya sa loob may sariling kuwarto baka nanonood ng high-tech na SmartTV na Samsung o kaya nililinis ang kanyang magagarang kotse gaya ng Starex.

Mayroon na namang hindi magandang balita akong naririnig tungkol sa'yo kunsabagay wala namang bago dun; binu-bully ka raw ulit ni Tsina at pilit niyang inaagaw sa'yo ang kapirasong lupang may likas na yaman. Sandali, matanong ko lang 'Di ba sandamakmak naman ang likas-yaman mo? Ano bang ginawa mo dun? Pantay-pantay bang napakinabangan ng mga anak mo iyon? O mga anak mo lang na mga astig ang nagkamkam ng likas-yaman ito? O, Hindi ka na makaimik diyan, hayaan mo na 'wag mo nang sagutin alam ko na kung bakit.

Huwag kang magagalit o magtatampo sa akin, sa mga sinasabi ko para sa'yo lahat 'yan huwag ka sanang magbalat-sibuyas kung totoo naman. Pilitin mong magbago at iwan ang masasamang impluwensiyang nakapaligid sa'yo, madasalin at relihiyoso ka naman kailangan mo na lang ay isapuso at isabuhay ang pinagdarasal mo. Kung sa tingin mo matutulungan ka ng ibang mga kapitbahay mo o nang mga kunwang nagmamagandang loob sa'yo nagkakamali ka, marami diyan ang nanamantala lang. Ikaw mismo at ng mga anak mo ang dapat na magtulungan at magsikap bago pa mahuli ang lahat. Teka, hindi pa ba huli ang lahat?

Yabang: Sus, ito namang si pag-unlad akala mo kung sinong magsalita e halos wala naman tayong pinagkaiba! Hindi ba 'pag may pag-unlad may kayabangan?!? Ako ay nagsisilbing inspirasyon sa katulad ni Pilipinas na wala namang ipinagmamalaki, ako na nga lang kayamanan niya e tatanggalin mo pa? Saka kung hindi siya magyayabang baka lalo siyang apihin at gawing sunod-sunoran na lang ng mga kapitbahay niyang mayayaman. Wala namang masama kung may malulupit na records si Pilipinas sa Guiness, simbolo 'yun ng pagkakaisa at pakikipagkapwa at iparating sa mundo na may nag-eexist na Pilipinas sa mundo at taas-noong may tala ng may pinakamaraming nagpapasusong mga ina sa isang okasyon! Anong masama dun, sabihin mo nga? May kasabihan nga na ang yaman nananakaw, ang yabang hindi! Hangga't may mga palalo at mapagmalaki hindi niyo ko kayang talikuran lagi akong nandiyan sa tabi niyo, magpapayo. 

'Yung "I'm proud to be Filipino!" ako nag-coin nun at lagi ko 'yung ipinapayo at ipinapasigaw sa mga Pilipinong may mabababaw na kaligayahan kung may pagkakataon. Tulad nang; sa tuwing may laban si Pacquiao, sa achievement nina Arnel at Alan Pineda, Lea Salonga, Direk Brillante Mendoza, Monique Lhuillier o kaya naman kung may papasok na may dugong pilipino sa patimpalak na American Idol gaya nina Jasmine Trias at ang World Idol ngayon na si Jessica Sanchez. Kahit walang kinalaman ang lahing Pilipino, kahit kakapiranggot lang ang dugong pinoy na dumadaloy, kahit singing contest lang o dance contest lang iyon ipagpipilitan ko pa ring ipasigaw ang katagang: "I'm proud to be Filipino!" o "We're very proud of you!"  Hindi ba ang tagalog nito ay: "Mayabang akong Pilipino!", "Sobrang ipinagmamayabang ko kayo"? Bakit, masama ba 'yun?!? Lahat naman ay may yabang sa katawan 'yun nga lang si Pilipinas ay hanggang yabang lang. 

Saka alam mo ba na ang yabang sa katawan ay nakapagbibigay ng kumpiyansa at bilib sa sarili? Maging ang mga mayayamang kapitbahay nga ni Pilipinas o kahit ang mga kanluranin ay hanga sa yabang ni Pilipinas, paano ba namang hindi eh nabansagan silang mahirap pero mas mahal at mas modelo pa ang gadget at kasangkapan ng kanyang mga anak kaysa kung sinong pinakamayaman. Subukan mong itanong kung may naipon para makalapit man lang sa inaasam na pag-angat at pag-unlad sa buhay siguradong wala. Ayos lang iyon at least napunan ng kayabangan ang kakulangan sa buhay, kaya nga naghahanap-buhay  'di ba para sumaya? Saka 'yun lang naman ang bisyo ni Pilipinas ang mag-invest ng walang kwentang bagay, saka pala magsugal, saka mag-inom at magsigarilyo kahit kapos sa panggastos saka...sige na nga marami pero hindi naman iyon lang ang sukatan upang umasenso at umunlad. Pasasaan ba't ang pagyaman ay makakamit din, 'yon nga lang walang tiyak na panahon.

Kaya hindi umuunlad 'yang si Pilipinas dahil halos lahat na anak niyang mga naglilingkod o nanunungkulan diyan ay kakilala at kaibigan kong nakikinig sa aking mga payo at ako ang kanilang ginawang ehemplo. Kay yayabang na ipapangako ang tunay na pagbabago at tapat na serbisyo pero daang-taon na ang nakaraan halos ganun pa rin ang kalagayan ng kanilang Ina. Sobrang mayayabang! Ang nakapagtataka hindi naaalis sa pwesto ang damuhong mga anak niya; umuulit at napapalitan lang ng kanyang kauri o kawangis. Tapos nagtatanong kung bakit walang asenso at hindi makarating sa pintuan ni Pag-unlad.

Tama rin si Pag-unlad na nagsisipag at nagsisikap si Pilipinas sa buhay pero sa tingin ko kung ilan ang dami ng masisipag na kanyang anak 'yun din ang dami ng mga tamad na walang kabalak-balak magsikap at magsipag baka nga mas marami pa. Kaya hindi tama na isipin at i-conclude na ako lamang ang dapat sisihin sa paglagapak ni Pilipinas isama rin natin si Katamaran, bakit ako lang?
Oo, na sa mahabang panahon ay hanggang yabang lang ang kayang gawin at pangatawanan ni Pilipinas at hindi natin alam kung hanggang kailan ito mananatili pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Naniniwala pa rin ako na darating ang panahon na hindi lang pagyabang ang taglay ni Pilipinas kundi kasa-kasama ko na ring aagapay at sasamahan sa paglakad si pag-unlad patungo sa kanyang tahanan.

Katamaran: 'Wag na 'wag niyo kong isasama sa usapan niyo at hindi niyo ko mapipilit na magpaliwanag sa inyo dahil wala akong panahon at tinatamad ako!

Pag-asa: Napakagandang malaman na hindi ako pwedeng basta-basta iiwan at iwawaksi ni Pilipinas dahil tanging ako lang ang kanyang natitirang sandigan sa panahong siya'y wala ng mapuntahan, sa panahong wala na siyang mabalingan ng hinaing, sa panahong siya'y nag-iisa na lang. Mayroon kasi silang gintong kasabihan na: Hangga't may buhay may pag-asa! Pero sa tingin ko masyado ng naabuso 'yang kataga na 'yan katulad ng pag-abuso ng marami kay Kalayaan. Ano bang kalayaan mayroon si Pilipinas? Kalayaan sa pag-aklas na hindi naman pinakikinggan? Kalayaan sa paglustay ng yaman ni Pilipinas? Kalayaan sa pagkitil sa mga tuwirang tumutuligsa sa nakapwesto? Sa kabiguang nangyayari sa mga dukhang anak ni Pilipinas ako ang nagbibigay buhay at panibagong lakas sa kanila.

Subalit marami ng mga anak ni Pilipinas ang kinamatayan ang inaasam na pag-unlad ngunit wala namang nangyari. Literal na in-apply ng kanyang mga anak ang pagdepende sa akin! Ngunit hindi lang ako ang dapat na maging sandigan sa pag-unlad, dapat ay nilalahukan ito ng hindi lang pagsisikap kundi ng pagmamahal at pagrespeto sa kapwa niya kapatid kasama na ang lahat ng kapintasang nakakabit dito. Walang ibang magmamahal at magmamalasakit sa sarili niya kundi ang kapwa niya mismo. Kung sila-sila ay nagbabatuhan ng putik, nag-oonsehan, nagnanakawan at tuwirang sumusuway sa utos ng kanilang ina tiyak na walang patutunguhan ang lahat ng kapag-asahang tinatago at kinikimkim. Ang pag-asa ay mananatiling pag-asa! Ang pag-asang 'hope' ay magiging pag-asang 'depends'; pag asa sa awa ng ibang mauunlad na kapitbahay o kahit nasa malayo pa, pag asa sa mga kunwaring bukas-loob na tumutulong pero may itinatagong personal na adyenda, pag asa ng mahihirap na mga anak sa inaabot na kalinga/tulong/donasyon ng kanyang ina.

Hindi ko naman sinasabi na oras nang dapat ako'y iwanan at abandonahin gusto ko lang ipabatid na sa realidad na nangyayari ang mga patuloy na pinaasa ay ginagawang tanga at katawa-tawa. Hindi lang sa pag-asa tayo dapat humuhugot ng lakas  at 'wag nating iasa sa nanunungkulan ang ating kinabukasan dahil sila ang higit na nangangailangan ng tulong sa taglay nilang pagkagahaman sa kapangyarihan at kayamanan. Kung totoong mahal nila ang kanilang Ina at kanilang kapatid hindi sana habangbuhay na nakatanghod sa akin ang mga pobreng kapatid din nila.

Pilipinas: Halos wala na kong sasabihin dahil binanggit niyo na ang lahat ng aking saloobin. Magaganda ang inyong ipinupunto at wala akong tutol dito. Totoong may kayabangan ang aking mga anak marami sa kanila ang inuuna ang kayabangan kaysa ang pagkilos o mas inuuna ang yabang na kaluhuan kaysa maghangad at magplano ng matinong kinabukasan. Marami sa kanila ang hindi natututo sa mga paulit-ulit na suliraning dumadating bagkus lumalala pa nga ito sa paglipas ng mga taon. Panay ang sisihan, walang pagkakaisa, walang disiplina, walang pokus at walang sapat na plano para sa hinaharap. Kung ano man ang kahihinatnan ko sa susunod na dekada ay wala rin sigurong pinagkaiba sa kasalukuyan kong estado ngayon. 

Said na ang yaman ko pero hindi pa rin sila tumitigil sa paglustay, wala na ang dati kong kariktan pero hindi pa rin sila naglulubay, ano pa bang kawalanghiyaan ang hindi pa nagagawa sa akin? Tulad ng inaasahan ko kay Pag-asa; umaasa pa rin ako na magising na ang aking mga anak at mabatid na tumatanda na ang mundo at baka ako'y tuluyan ng mapag-iwanan sana hindi dumating ang sandaling lahat ng aking kapitbahay ay nakatingin sa akin at pinagtatawanan ang aking kalunos-lunos na kalagayan. Lumilipas ang panahon, nasasayang ang pagkakataon, sa halip na maranasan ko at ng aking mga anak ang pag-usad at pag-unlad ako ngayo'y nakasadsad.
 
Malungkot at miserable ang aking buhay singlungkot at singmiserable ng bidang karakter sa paborito ng aking mga anak na teleserye na 'di nila pinalalampas panoorin araw man o gabi. Pero mabuti pa nga ang bida dito palaging may magandang ending na naghihintay, ako kaya kailan magkakaroon ng maliwanag at magandang kasaysayan?