Tuesday, June 26, 2012

Tinig at Hinaing (unedited)


Basag na ang tinig, paos na ang boses.
Ngarag na ang diwa, malat na ang isip.
Lahat na halos ay sumisigaw at dumadaing, hinihiyaw ang kani-kanilang hinaing.
Ngunit kahit tila wala namang nakikinig may mga hindi pa rin pagal sa paglustay ng saloobin.
Ano ba ang iyong tinig? May tinig ka pa ba? Ano ba ang nais mong ipahatid sa magigiting na makapangyarihan at may kapangyarihan?
Pagod ka na ba dahil sadyang wala ng saysay ang anumang tinig na ipinahahatid? At mas pinili mong manahimik dahil walang sinuman ang makikinig at babatid ng iyong pamanhik?
Ipukol mo sa kanila ang bato ng iyong himutok! 'Di man masapul nabulalas naman ang kinikimkim na puspos ng galit at hinaing. 
Isang araw...ang pinagsama-samang tinig ay sasambulat sa kanilang harapan parang himagsikang 'di mapipigilan ninuman.

Ngunit ako ay may nalalabi pang huling tinig at hinaing maari ding ituring na bantang walang huhuntahan, walang mararating. Pakinggan mo ang munting tinig na sa isip ko'y naghahari! Pakinggan mo ang sigaw ng damdaming nagpupuyos at bulong ng diwang naghihimagsik!  

Sa mapagkunwaring mararangal… 
“Ipapatak ko ang dugo ng mga kawatan sa lupang tigang sa katapatan, ipipinta ang mundo gamit ang dugong nagmula sa may dalisay na kaisipan.”
 
Sa kapos sa katapatan…
“Ididilig ang luha ng mga nagdarahop sa halamang nalanta ng kasinungalingan, titigibin ng luhang mula sa mandarambong ang mga uhaw sa kasaganahan.”

Sa liyo sa kapangyarihan…
“Iaalay ang buhay ng mapagsamantala sa lupang 'di maapuhap ang katinuan, bubusugin ng yamang mula sa mga tiwali ang mga gutom sa kaunlaran.”

Sa suwail ng bayan…
“Ipamamahaging gaya ng sa ulan ang lahat ng salaping kinulimbat at ibubuhos ang biyaya sa mga ninakawan ng pananaw at pag-asa.”
 
Sa halimaw na anyong-tao…
“Papagotin ang ugat ng mga ganid at sakim na sa dugo’y nananalantay, hahayaang lurayin ng demonyo ang mga halimaw na humahalay sa mga walang malay.”

Sa naglulubid ng buhangin…
“Sisilaban ang mga huwad na banal na nagkukubli sa mabubuting salita, lulunurin sa kanilang mga laway ang bumibiktima sa mga mahihina.”

Para sa nangangarap ng mabuting daigdig...
"Iguguhit ang mundo na puspos ng pag-ibig at kapayapaan, ipipiit ang mga mapaniil na ikinukubli ang tunay na kalayaan."

Para sa ninakawan ng buhay at dugo...
"Bigyang hininga ang mga sanggol na tinanggalan ng karapatan at ang mga kawal na pinaslang dahil sa huwad na ipinaglalaban".


Para sa nasawi ng naninikil na mundo...
"Bigyang pagkakataon ang mga inosenteng kinitil ng walang kadahilanan at ang mga nagpatiwakal ng dahil sa labis na kagutuman."


Para sa huwad at ikinubling kasaysayan...
"Baguhin ang kasaysayan ayon sa mga nasawi ng digmaan at igupo ang mga itinanghal na "bayaning" tuwirang binulag ang katotohanan."


Para sa iyo na may alam ngunit walang pakialam..
Sana'y marinig mo na parang sa kulog ang ingay ng kumakalam na sikmura ng mga palaboy at pangaraping kitilin ng kidlat ang mga mapagsamantalang higit pa sa baboy.


Vox populi, vox Dei.
Ang tinig ng taumbayan'y sumasalamin sa tinig ng Kalangitan.
Ngunit ano ba ang tinig ng taumbayan?
Ito rin ba ang tunay na tinig ng Panginoon? 
Bakit taliwas sa tinig ng Panginoon ang mga nangyayari sa'ting bayan? 
O iba ang kanilang Pinapanginoon?

No comments:

Post a Comment