Thursday, June 21, 2012

Negosyong Patok!



Paano ba ang yumaman? Ang magkamal? 
'Yong tipong hindi mo puproblemahin anumang utility bills o credit card statement na dumating dahil marami kang pambayad?
Paano ba ang umangat kaagad sa buhay? Ano ba ang negosyong papatok sa Pilipinas kung ang mismong mga Pilipino ay mahirap (daw)?

Oo mahirap ang 'Pinas pero hindi ibig sabihin nun na walang papatok na negosyo dito sa atin, hindi ibig sabihin nun na walang ilalabas na pera ang pangkaraniwang Pinoy pagdating sa mga bagay na gusto nila,  hindi ibig sabihin nun na 'pag nagtayo ka ng negosyo ay agad ka nang malulugi. May mga kakatwang negosyo pa rin na may malaki ang tsansang kumita kahit na mas nakahihigit ang Pinoy na mahihirap.
Dapat ba nating pagtakhan na sa kabila ng kahirapan ng buhay ay marami pa ring Pilipino ang 'di nagdadalawang isip na gumasta sa walang kapararakang bagay?  Sa kagustuhang magkaroon ng pera sa iglap na paraan tila patok sa mga Pinoy ang anumang 'negosyong' may kinalaman sa pagsusugal o kaya naman ay libangan umano pero unti-unti'y nagiging bisyong mahirap ng talikuran.


Laking Maynila ako kaya mulat ako sa mga kakaibang sugal negosyo (kung matatawag man itong negosyo) na nagkalat sa Kamaynilaan. Mulat ako sa kaliwa't kanang Pinoy na napakahilig sa pagsusugal at paglilibang; dekada otsenta nang sumikat ng husto ang sugal na pusoy, 41, 44, cara y cruz, lucky 9, toss coin, binggo sa kalye at iba pa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang bisyong ito ng Pinoy kesehodang sakto lang ang panggastos sa bahay at pamilya makakagawa pa rin sila ng paraan upang mapunan ang hilig na paglilibang. Naglevel-up pa nga ang ibang mga sugal na ikinukubli sa katwirang libangan umano dahil naging moderno na ang ilan sa mga ito; ang Binggo ay nasa malaking mall na, may pagbabago na sa kinagisnan kong pusoy at nadagdagan o napalitan ito ng ibang card game na tong-its at poker at nilalaro na rin ito nang on-line. Bagamat marami ng sugal ang hindi na karaniwang nilalaro sa kalsada hindi naman nagpapigil ang ating mga kababayan sa paghanap ng mga alternatibo dahil nariyan ang lotto, sakla, karera, sabong at iba pang libangang pinoy idagdag mo pa diyan ang pagkalulong pagkahilig ng kabataan sa computer at video games.


Subukan mong magtayo ng PCSO Lotto outlet sa kahit saang sulok ng Kamaynilaan o karatig probinsya siguradong papatok ito lalo't tuwing aabot ang jackpot sa sandaang milyong piso, uubos ka ng halos kalahating oras sa pila sa dami ng mga taong nais tumaya at nangangarap na maging instant milyonaryo. Nakakalungkot lang malaman na marami sa mga tumataya ng lotto ay halos hikahos din sa buhay at lakas-loob na itataya ang sampu o dalawampung pisong nasa bulsa kahit na alam nilang napakaliit ang tsansa ng pagkapanalo (1:5,000,000 sa 6/42, 1:8,000,000 sa 6/45, 1:13,000,000 sa 6/49, 1:28,000,000 sa 6/55 - sa sobrang hirap tamaan ng sugal na ito ay mas malaki pa ang tsansang tamaan ng kidlat ang isang tao kaysa tamaan ang lotto). At huwag nang sabihing kaya tumataya ng lotto dahil nais makatulong sa mga nangangailangan pampalubag-loob na lang 'yan sa naglahong sampu-sampung piso na dapat sana'y naipambili ng bigas. Kung totoong nais makatulong maibibigay ba ng ganoong kasimple lang ang sampu o dalawampung pisong barya sa batang kalye o sa taong-grasa? Kaya kung balak mong magtayo ng kumikitang negosyo mag-inquire ka na sa PCSO ngayon na! Wala pa kasi akong nabalitaang naluging lotto outlet ng PCSO.


Mariing tinutuligsa ng mga mapagmahal sa mga hayop ang ilegal na sabong ng mga aso pero tila hindi naman sila makaporma at 'di makuhang magprotesta sa legal na sabong ng mga manok. Marami ang hindi makakayanan ang magpatayo ng isang cockpit arena dahil sa milyones na kakailanganin mo dito pero siguro kung isasalegal ang tupada sa mga baranggay walang magsasabing malulugi ito. Gentleman's game kung ito'y bansagan dahil sa sensyasan lang ay naisasara ang transaksyon ng (halos) walang onsehan. Mayaman o mahirap ay nagtitipon sa sugalan lugar na ito dahil sa sining ng pakikidigma ng dalawang manok at tulad ng sinabi ko may mahihirap din na tumataya dito, nakukuha pang isugal ang iilang daang pisong pinaghirapan ng ilang araw sa trabaho. Kung nakapasok ka na sa isang tupadahan hindi ka na magugulat sa dami ng mga taong pumupusta sa meron o wala, sa texas o talisain, mga taong may kakaibang gigil na nararamdaman sa tuwing tatama, sasalpok at babaon ang tari ng tinayaan nilang manok sa kalaban. Ngunit ilang pamilya na ba ang nasira sa pagkahumaling sa pagsasabong? Pero kung ikaw naman ang operator nito ayos lang baka magkaroon ka pa nga ng pangalawang pamilya. Haha.


Halos limang araw sa isang linggo at tuwing Holiday ay may karera ng kabayo. Tila mga estudyanteng nagre-review sa finals exam ang mga kareristang abalang-abala na nagbabasa ng dividendazo sa mga araw na may karera. Akala ko dati ay kakaunti ang parokyano ng karerang ito pero nagkamali ako dahil napakarami palang mga Pinoy ang napakahilig sa libangang ito kaya naman palaging paldo ang mga taong nag-ooperate ng sugal na ito mapa-offtrack betting man 'yan o ilegal na bookies. Iyong pansinin ang mga establisimyentong may offtrack na may live TV Coverage ng horse racing doon mo makikita na marami-rami ngang pinoy ang nahuhumaling dito. Kahit parang kinakain na ng announcer ang kanyang mga salita sa pagbigkas sa kung sinong kabayo ang nangunguna sa karera naiintindihan pa rin ito ng mga karerista; skills na yata itong matatawag. Kung sa sabong nga ay 50/50 na ang chance mong manalo hirap ka pang mag-uwi ng pera lalo na dito sa karera na higit sa anim ang kabayong pangkaraniwang nag-uunahan sa takbuhan. Ngunit muli, kung ikaw naman ang operator ng offtrack o ilegal na bookies sa lugar niyo tiyak at sigurado ang panalo mo.


Siglo na yata ang itinatagal ng sugal na Jueteng halos kasing-tanda na nga yata ito ng ating kulturang kinagisnan pero hindi pa rin ito kumukupas sa pagkatanyag at parang household name na ito sa mga Pinoy betters sa araw-araw. Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay tinatangkilik pa rin ito ng mga Pilipino - numbers game na may dalawang kombinasyon ang kailangan at sa halagang limang pisong iyong taya, ang tama mo ay aabot sa ilan daang piso. Maliit na halaga kung titingnan pero kung pagsasamahin ang naipong mga taya tiyak aabot ito sa milyon-milyong piso! Ilang personalidad na ba ang yumaman dahil dito? Protektor, operator, opisyales ng pulisya, kawani ng pamahalaan at iba pang may kinalaman sa pagpapatakbo nito. Ilang dekada na ring nakabinbin ang proposal o panukala na gawing legal ang number game na ito pero sa komplikadong kadahilanan maraming humahadlang sa suhestiyon na ito. Isang dahilan marahil ay dahil sa mawawala ang palagatasang pagkukuhanan ng limpak na salapi ng mga magigiting na maimpluwensiya sa batas, mga pulitikong may payola kada buwan, mga opisyales ng pamahalaan, mga pulisya at militar at mga personalidad na may kinalaman sa pagpapatakbo nito. Obvious naman na hindi ito pinapayagan ng batas pero ganunpaman hindi rin ito matibag-tibag kahit sino pa ang manungkulan kaya't kung malakas ang loob mo o magaling kang 'makisama' sa mga nakaposisyon tiyak na lalago ang kayamanan mo dito. Siyanga pala ang theoretical odds of winning sa larong ito ay 1:1369.


Karaniwang nakikita natin ang sakla sa lamay ng isang namatay, isang malapad na mesa na may nakalatag na barahang tagalog (spanish cards), pisong taya'y may tamang disi-otso kung mahuhulaan mo ang lalabas na dalawang barahang ikakamada ng balasador at kung medyo malaki ang iyong taya sigurado malaki rin ang iyong magiging panalo kung saka-sakali. Eh paano kung matalo?  Walang legal na saklaan, may patay man o wala ay hindi ito pinapayagan ng batas pero dahil sa makataong kadahilanan na ipangdadagdag ng namatayan sa gagastusin sa pagpapalibing at punerarya ang naipong mga tong ay binibigyan ito ng konsiderasyon.  Sa tuwing may nakikita akong saklaan nakakamangha na laging puno ito ng mananaya halos magkadikit na ang kani-kanilang mga mukha sa dami ng gustong maging instant libonaryo kaya nga kahit walang patay o nailibing na ang patay hindi pa rin itinitigil ang saklaan. Kung sa sabong ay may 1:1 tsansa kang manalo, sa karera ay karaniwang 1:7 ang ratio ng panalo:talo, sa sakla naman ay higit na mas mahirap na 1:19 ang tsansang manalo. At siyempre 'pag hindi madaling tamaan higit na malaki ang iyong 'return of investment'. Bihirang-bihira ang pagkakataon na natatalo ang nagpapasugal ng sakla sa hirap nitong tamaan pero hindi ito alintana ng manunugal at handa pa rin nilang itaya kahit ang kanilang kahuli-hulihang piso sa bulsa mapunan lang ang pagkahilig dito. Kung maisasalegal ang sugal na sakla dito sa Pinas marami ang mag-uunahan na makakuha ng prangkisa dahil sa siguradong walang kalugihan na negosyong ito.


Ang Pilipino ay mahilig sa patingi-tinging produkto; tinging sigarilyo, tinging load, tinging bigas, tinging mga pagkain, tinging mga panimplang suka't toyo na bibilhin sa tingi-tinging tindahan o sari-sari store. Maliit na puhunan para sa inuumpisahang maliit na pangarap. Kung hindi mo kayang bumili ng maramihan laging nariyan sa tabi-tabi lang ang maaasahang retail store. Ngayon, hindi lang mga paninda ang itinitingi dahil kapansin-pansin ang pagsulpot na parang damo ang negosyong pisonet. Uso ngayon ito, maraming kabataan at may batang pag-iisip ang game na maghulog ng kanilang mga barya para lang makalaro, makapag-browse, makapag-internet at makapag-facebook. Sa halagang limang piso ay mayroon kang labinglimang minutong pagkakataong makapasok sa mundo ng www o labinglimang minutong panadaliang kasiyahan sa napiling online games, parehong sistema rin ang gamit na tingi-tinging piso sa nagkalat na ring console games (PS2, PS3, X-box 360). Sa mga nabanggit na 'negosyo' o mga libangang Pinoy sa itaas itong pinakahuli ang mas katanggap-tanggap sa nakararami ngunit talaga nga bang libangan lang ang mga ito o isa ng nakakaadik na bisyo? Nakakalungkot ding malaman na karamihan sa mga kabataang naghuhulog ng piso-pisong barya sa pisonet ay gipit din sa pera ang mga magulang na sa pagnanais na malibang ay 'di alintana ang nagagasta na kung susuriin ay malaki-laking halaga din kung iipunin dahil ang totoo hindi naman limang piso lang ang hinuhulog nila sa pisonet bawat araw madalas umaabot sa beinte pesos na kaunti na lang ay halaga na ng isang kilong NFA rice.


Hindi ko naman literal na nirirekomenda na magnegosyo ng mga nabanggit na sugal-legal man ito o hindi, dahil sa aking palagay ang mga ito'y hindi na nga nakakatulong sa pamilyang pinoy umaayuda pa sa maling kakatwang nakagisnan at nakalakihan ng karaniwang pinoy. Kung matamang susuriin at sa mga patunay na ang mga pilipino'y likas na sugarol maari nating i-conclude na hindi matalino ang paggasta ng pinoy sa pinaghirapang pera; mapanghangad sa mabilisang yaman/kita, sariling kasiyahan ang prayoridad at walang kadala-dala kahit na sobrang hirap manalo o ilang ulit ng natatalo sa tinayaang sugal.
At kung hindi mo maatim o masikmura na magtayo ng mga kasingtulad na 'negosyo' kahit alam mong siguradong papatok ito sa mga tao, mabuting mag-ipon ka na lang muna dahil mayroon pa rin namang ibang negosyo na siguradong kikita at uunlad ka hindi Networking o drugs ang tinutukoy ko kundi Jollibee, tara franchise tayo.

No comments:

Post a Comment