Isang lason ang may
panibughong labis-labis.
Lahat ng sobra ay masama
kahit ang panibugho na sinasabing mabuting senyal ng isang pagmamahal ngunit
hanggang saan ba dapat ang panibugho? Nararapat bang ito'y may hangganan? O
dapat ba itong hadlangan? Ito ba'y nakabubuti talaga sa dalawang nagmamahalan?
Ano ang posible nitong kahihinatnan? Saan tayo dadalhin ng ating labis na
panibugho?
Hindi lahat na nakikita ng
mata ay katotohanan 'wag magpalinlang, parang salamangka na batid mong ikaw ay
nililinlang pero walang pag-aalinlangang nalilibang pa rin ang iyong
namamanghang mga mata; hanga at bilib sa bilis ng pangyayari, nasilaw sa
kuminang na ilusyon.
Salungat sa nasa isip na
kapos sa tiwala ngunit puspos ng panibugho, natatanaw o hindi ay walang
pinag-iba dahil nalason ang utak sa kinathang multo na may pangit na pangitain
at tanging pinakikinggan lamang ay bulong ng mapagdudang pag-iisip. Ang labis
na panibugho ay parang anay sa kahoy na unti-unting sumisira sa isang relasyon;
mapagkunwaring walang bahid ang panglabas na anyo ngunit ang loob pala'y pulos
hangin na lamang, walang laman. Masarap ang magmahal at mahalin ngunit kaakibat
nito'y pagtitiwala; pagtitiwalang buo at walang halong pagkukunwari,
pagtitiwalang hindi rin naman dapat suwayin ng isang pinagkakatiwalaan. Laganap
na ang mga sinungaling at mga walang bait sa sarili sana'y 'wag nating gawin
ito sa ating sinasabihan at ginagawaran ng ating pagmamahal. Kakatwang isipin
ang kasabihang "lahat ay nararapat sa ikalawang pagkakataon" ngunit ibig
bang sabihin nito'y lahat tayo ay may karapatang manloko at mangalunya at saka
na lang humingi ng kapatawaran sakaling mahuhuli? At dahil lahat ay nararapat sa
ikalawang pagkakataon, dapat din ba ang kaagad na paggawad ng pagpapatawad?
Masakit ang pagtaksilan. Napakasakit.
Sakit nito'y hindi maipaliwanag, sakit na 'di mawari. Naranasan mo na ba ang
lokohin at pagsinungalingan? Ang pakiramdam na lahat ng negatibong iyong
naririnig ay iyong pinaniniwalaan at lahat ng positibo sa iba ay ginagawa mong
negatibo pa rin.
Naranasan mo na bang
pagtaksilan at paglihiman? Ang pakiramdam na lahat ng may kaugnayan sa taong
mahal mo ay iyong pinagdududahan. Kaawa-awa ang mga nauugnay dito dahil 'di man
nila nais na malagay sa ganoong sitwasyon ay 'yun ang kanilang kinasasadlakan.
Paano na lamang ang kanilang damdamin? Ang kanilang kalagayan? Ang kanilang
karapatan?
Sa taong mayroon nang
makitid na pang-unawa sa buhay ang lahat ay may malisya, sa taong dating naging
biktima ng pangangalunya ang lahat ay pinagdududahan, sa taong may mabigat na
pinagdadaanan ang lahat ay ginagawan ng maling kahulugan at interpretasyon. Ngunit hindi sa
lahat ng oras at pagkakataon ay kaya silang maintindihan at maunawaan. Kung
naging biktima sila ng nakaraang pag-ibig at biniro ng mapangutyang tadhana
hindi ibig sabihin nito na lahat ay isa ng salarin sa kaparehong krimen. Sila'y
dapat unawain ngunit maging bukas din sana sa pang-uunawa sa karapatan at
nararamdaman ng iba. Hindi lahat ay may pag-iisip ng alibugha, hindi lahat ay
hindi dapat bigyan ng pagtitiwala, hindi lahat ay nangangalunya. Buksan ang
kamalayan at maging malaya sa tanikalang nagbibihag sa malisyosong pang-uunawa.
Kung lahat ng bagay ay
lalagyan ng 'di magandang kulay dapat nang ipagbawal ang simpleng mga biruan.
Kung sa lahat ay walang tiwala,
isla na lamang ang marapat na gawing tahanan nang sa gayon ay huni ng ibon o
lagaslas ng agos ang kaagaw ng pansin.
Kung ang lahat ay lalagyan
ng malisya lahat na tayo'y balutin na ang katawan at magsuot ng maskara upang
'di matalos kung sinong may itsura o wala.
Bagaman hindi lahat ng hayop
ay ulupong at hindi lahat ng ulupong ay hayop, madalas ang mga ito'y
nag-aanyong tao na anumang oras ay handang maghasik ng kamandag hindi pa rin
sapat ang isang sapantaha lamang na walang sapat na batayan.
Magmatyag ngunit huwag
maging mapanghusga, magmasid ngunit huwag magpadala sa buwang na panibugho.
Huwag hintaying maging huli na ang lahat dahil 'pag nagkataon hindi na sasapat
ang salitang "patawad" lalo't kung ang sugat ay wala sa balat, hindi sasapat ang
pagluhod lalo't kung ang sakit ay nanunuot hanggang sa kaibuturan, hindi na
sasapat ang pagsusumamo lalo't kung nasagad na ang lahat ng kapatawaran.
Magkagayonpaman, sa kabila
ng bigat na nakaatang at pasan-pasan palagi pa ring may dahilan upang sumilip
ang kasiyahan dahil hindi sa lahat ng pagkakataon dapat na laging seryoso minsan
ngingiti rin tayo, masyadong maiksi ang buhay para sumimangot sa mga bagay na
hindi ka naman dapat naapektuhan. Ang agam-agam at pag-aalala ay madalas bunga
lang ng multong imahinasyon. May ihahandog pa ang buhay higit sa pagdududa sa
bawat indibidwal na ang katotohanan ay wala namang ginagawang masama, nakapagpatanda ito ng mas maaga at higit sa lahat nagdudulot ng sakit sa kalooban;
kung may sala ang isa hindi ibig sabihin nito'y ganundin ang iba. Mag-ingat sa bibitawang
salita, sadya itong matalas. Mas matalas at mas masakit pa sa punyal na itatarak
sa laman dapat pag-isipan bago bigkasin dahil hindi na ito kayang ibalik ninuman para
baguhin para itong oras at panahon na winalang-bahala at sinayang.
Kung may pagdududa ng
panibugho 'wag tularan ang pusang walang ingat na tumawid ng kalsada o ng
gamu-gamo nang lumapit sa apoy ng gasera...ibig sabihin maging maingat pero
'wag maging tanga at padalos-dalos. Sa bandang huli, kung mali ang naging
hinuha ang mismong panibugho ang gugupo at kikitil sa isang dating magandang
relasyon na puno ng respeto at pagmamahalan.
No comments:
Post a Comment