Wednesday, April 20, 2011

Noon at ngayon


Malayo na ang narating ng tao sa lahat ng larangan at aspekto. Ang teknolohiya, siyensiya, moda, pelikula, medisina at iba pa ay malayong-malayo na kumpara sa ngayon. Ganundin ang pananampalataya, kaugalian, paniniwala, kasabihan at iba pang lumang nakagawian nang mga tao ay iba na rin sa kasalukuyan. Kung hindi man ito tuluyang nabago ng modernong panahon karamihan naman ay lubusang nag-iba siguro'y nakatakda talaga ito dahil ang tao noon at ngayon ay malaki ang pagkakaiba.

Ano-ano ito?
Halika, liripin natin ang ilang pagkakaiba at pagbabago ng noon at ngayon. Mula sa may kababawan hanggang sa may kalaliman.


Noon. Hindi lahat ng babae ay maganda.
Ngayon. Hindi lahat ng maganda ay babae.

Noon. Ang "virginity" sa kababaihan ay isang malaking isyu.
Ngayon. Pangkaraniwan na lamang sa magkasintahan ang premarital sex.

Noon. Karamihan sa kababaihan ay tipong "Maria Clara".
Ngayon. Karamihan sa kababaihan ay liberated na.

Noon. Ang tattoo sa katawan ay iniuugnay lamang sa mga preso at ex-convict.
Ngayon. Ang tattoo kahit anong itsura ay itinuturing na form of art.

Noon. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga naka-shorts at nakatsinelas sa mga establisimiyento.
Ngayon. Cool nang maituturing kung ikaw'y naka-shorts ng ubod ng igsi at nakatsinelas lamang kahit saan ka man magtungo.


Noon. (Halos)Libre ang inuming tubig at ligtas kahit galing sa gripo.
Ngayon. Debote na ang tubig at mineral ang tawag kahit hindi naman.


Noon. Ang pagmamano, pag-gamit ng po at opo ay pangkaraniwan na lang sa kabataan.
Ngayon. Ang pagmamano, pagsasabi ng po at opo ay bihira na lang at parang asiwa ang kabataan sa pag-gamit nito .


Noon. Kuntento at nakangiti na ang masang Pinoy sa matamis na kamote at kapeng barako.
Ngayon. French Fries at kape sa Starbucks ang paborito nang naghihirap daw na Pinoy.


Noon. Ang singko, mamera lalo't ang piso ay malaki ang halaga at marami ang mabibili.
Ngayon. Halos wala ng halaga ang sampung pisong nasa bulsa mo.


Noon. Tuwing Huwebes ay may mga bagong pinapalabas na pelikulang Pilipino.
Ngayon. Tuwing ikalawang buwan na lang halos magpalabas ng pelikulang Pinoy.


Noon. May sense ang karamihan sa mga mga programa sa telebisyon, kanta at pelikula.
Ngayon. Kahit walang kwentang kanta ay bumebenta, kahit paulit-ulit na teleserye ay mataas ang rating at kahit na walang kwenta ang istorya ay pwede ng pelikula.


Noon. Malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang mga magulang na isang sutsot pa lang ay agad na tumatalima ang anak.
Ngayon. Halos wala ng galang ang mga anak sa magulang. Kahit lawit na ang dila ng magulang sa kakasaway ay hindi pa rin sumusunod ang anak.


Noon. Halos isang tao lang ang kinasusulakman at kinaiinisan ng mga Pinoy sa pulitika.
Ngayon. Halos lahat na ng pulitiko ay kinasusuklaman at kinaiinisan ng mga Pinoy.


Noon. Malaki ang pag-galang ng mga tao sa mga Pulis at Militar.
Ngayon. Itinuturing na ng maraming Pinoy na notoryus ang Pulis at militar at hindi ka ligtas sa kanila dahil sa iba't-ibang kontrobersiyang kanilang kinasasangkutan.


Noon. Isang sagrado at pinahahalagahan ng husto ang privacy ng mga tao.
Ngayon. Halos lahat na ng mga tao ay isinisigaw at isinahihimpapawid pa ang bawat kilos, galaw at lugar na pupuntahan sa pamamagitan ng facebook, twitter, blog at online journal.


Noon. Itinuturing na luho ang pagkain ng mansanas at iba pang angkat na prutas dahil sa kamahalan ng halaga nito.
Ngayon. Bagamat hindi na luho at mahal ang halaga ng mansanas marami pa rin naman ang hindi makakain nito dahil sa kawalan ng pera.


Noon. Library, Recto at hard to find encyclopaedia ang sources ng research at term papers.
Ngayon. Google, Wikipedia at iba pang search engine sa Internet ang katapat ng anumang impormasyon kailangan mong malaman.


Noon. Napakamahal at aabuting ng mahabang panahon bago ka magka-telepono. Simbolo rin ito noon ng karangyaan.
Ngayon. Minuto lang ang iyong kailangan para ikaw'y magkatelepono at ito ay sa murang halaga.

Noon. Pilit na ikinukubli nang kalalakihan ang kanilang pagkabading.
Ngayon. As early as 10 years old ay lantarang ipinapakita na ang kabadingan.


Noon. Proud ang bawat Pilipino sa likas at taglay na kulay kayumanggi.
Ngayon. Marami sa mga Pilipino ay nais pumuti kaya malakas ang benta ng Glutathione kahit ito'y mahal.


Noon. Halos bawat kanto ay may pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.
Ngayon. Halos wala ka nang nakikita o naririnig na pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.


Noon. Napakahalaga ng buhay at isusugal at isasakripisyon ng ina ang mismong sarili niyang buhay para lamang sa anak.
Ngayon. Walang pakundangan at walang respeto sa buhay ang marami sanang ina dahil ayon sa pag-aaral higit sa kalahating milyong sanggol ang intensyonal na pinalalaglag taon-taon.


Noon. Ang anumang uri ng panlalait sa kapwa ay itinuturing na masamang gawain.
Ngayon. Ang panlalait ay isa na lang pangkaraniwang ugali ng marami at marami-rami na rin na pinagkakakitaan ang gawaing ito.


Noon. Banal at Sagrado ang pag-gunita ng mga Pilipino sa Semana Santa. Walang radyo, walang telebisyon at walang maingay.
Ngayon. Marami ang sinasamantala ang panahong ito para magliwaliw at magbakasyon sa iba't-ibang beaches at pool, may mga bukas na bar, sinehan at iba pa maging sa araw ng Biyernes Santo lalo na ang Sabado de Gloria.


Noon. Hinahangaan tayo ng bansang South Korea dahil sa ganda ng ating ekonomiya.
Ngayon. Pilipinas na ang humahanga sa bansang South Korea sa ganda ng kanilang ekonomiya.

Noon. Muntik ng maging mayaman ang bansang Pilipinas.
Ngayon. Ang Pilipinas ay kabilang na sa pinakamahihirap na bansa sa mundo. :-(

Hindi na nga maikakaila na napakalaki na nang pagbabago't pagkakaiba ng noon at ngayon. At sa darating pang mga panahon ay marami pa ang magaganap na pagbabago. Kung kailangan nating sumabay sa pagbabago at agos ng panahon ay hindi ko alam dahil maraming pagbabago ang hindi angkop sa nais nating mangyari datapwat tutol man tayo dito ay wala tayong magawa. Madalas kung ano pa ang ayaw mong magbago 'yun pa ang may malaking pagbabago. Sabi nga eh, walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago (bukod siyempre sa buwis).

Tuesday, April 12, 2011

Si Janjan at ang mukha nang kahirapan


Laman ng iba't-ibang pahayagan, website, radyo, telebisyon at usapan ng mga tsismosa sa kanto ang isa na namang kontrobersiyang kinasangkutang ni Willie. Masyado nang marami ang sumakay, nagkomento, pumapel, nagmagaling at tuwirang tumuligsa sa isang insidenteng muling nagpatanyag kay Willie Revillame hindi sa positibo kundi isa na namang negatibo. Ito ay nang sumayaw ng ala-macho dancer sa Willing Willie itong anim na taong gulang na batang si Janjan.
Foul! Dahil isa daw itong pag-aabuso sa bata. Nagtatawa at nalilibang ang lahat samantalang ang isang paslit ay umiiyak habang gumigiling sa harap ng kamera saksi ang sambayanang Noypi.

Si Willie Revillame, alam ng lahat ay isang taong palalo at bihirang magpakumbaba sa kahit anong isyung kanyang kinasangkutan, siya'y namimigay ng tulong (sa sponsor man ito galing o hindi) subalit ipinangangalandakan naman niya kung ano man ang lumabas sa kanyang bulsa, minsan na niyang sinumbatan at hinamon ang taong nagpapakain sa kanya sa mahabang panahon; marami ang nagsasabing siya ay isang perpektong halimbawa ng taong nalunod sa isang basong tubig subalit sa 'di malamang kadahilanan at sa kabila ng kapintasang ito siya ay minahal(?), niyakap(?) at tinangkilik ng masa; kahit na hindi kagandahan ang boses niya ang kanyang CD ang palaging nasa number one sa sales, ang kanyang programa sa kahit anong istasyon ay mataas ang rating at tambak ng sangkaterbang isponsor. Ano ba ang mayroon ang taong ito at ganito na lang ang kanyang katanyagan sa pangkaraniwang tao.
Dahil nga siya ay hindi mapagkumbaba naging kakambal na rin nang kanyang kasikatan ang kontrobersiya.

Hindi maitatanggi na karamihan sa taga-hanga at tumatangkilik kay Willie ay ang mga mahihirap. Dagsa ang istudyong pinagdadausan ng kanyang programa noon man o ngayon ang dahilan: mga papremyo. Mga premyong nakakalula at hindi kayang kitain sa loob ng isang buwan o higit pa ng isang ordinaryong obrerong tulad natin. May pagkakataon pa ngang milyon-milyon ang halaga ng papremyo! Kaya ganoon na lamang ang ngiti, saya at ligaya ng mga taong "naambunan" ng pinamamahagi ni Willie. Kung kinakailangang umiyak sa harap ni Willie at ikwento ang malulungkot na bahagi ng kanilang buhay, kung kinakailangang utuin at yakapin si Willie na kulang na lang ay luhuran at sambahin, kung kinakailangang magmaka-awa at pumila ng madaling-araw at ilang oras sa animo'y hindi nauubos na pila...gagawin nila ito sa ngalan ng Pera at papremyo.

Kapalit ng "pagma-macho dancer" ni Janjan ay ang halagang P10,000. Malaking halaga para sa maliit na tao, maliit na halaga para sa malaking tao. Natural ang kasamang guardian ni Janjan ay tuwang-tuwa, abot-tenga ang ngiti sa napalang sampung libong piso kunsabagay sino ba naman ang hindi matutuwa sa halagang ito?
Hindi ko sinasabing ito ay tama at mabuti inamin na rin ng produksyon ng programa at ng naturang host na ito'y pagkakamali. Kinabukasan, ang inaakalang simpleng "kasiyahan" ay naging ugat ng malaking kontrobersiya na pumukaw sa malikot na imahinasyon ng iba't-ibang sangay ng gobyerno, mga moralista at mga kapwa artista. Isang kahalayan anila, isang paglabag sa karapatan ng mga bata at isang pag-abuso na dapat ay may karampatang parusa. Makalipas ang ilang linggo, suspendido at wala na ang programang Willing Willie, isang dejavu.

Si Janjan at ang kanyang pamilya ay simbolo ng mukha nang kahirapan. Bale-wala sa kanila ang sinasabi ng mga moralista na "child abuse-child abuse" na 'yan, hindi nila alintana ang anumang pagmamagaling ng anumang sangay ng gobyerno at wala silang pakialam sa kahit anong tuligsa kay Willie na itinuturing nilang "taga-salba". Ang Pilipinas ay isang mahirap (kung 'di man napakahirap) na bansa; sa isang mahirap na pamilya na katulad ni Janjan mahalaga ba ang sasabihin ng mga tao? Kung may mga tao ngang pumapatay at handang magpakamatay sa halagang isang libong piso, ang sampung libong pisong ibinigay sa programa ay isa nang kayamanan para sa kanila. Maaari na itong makapagsalba at makapagpahaba ng buhay, makabili ng gamot, makabayad ng ilang buwang renta sa bahay, makabili ng bigas at ulam sa susunod na mga araw at nakuha lang nila ito sa pamamagitan ng kaunting drama at kaunting "mahalay" na sayaw.

Magkaiba ang pananaw nang mayayaman sa mahihirap. Sa puntong inabuso at na-exploit ang batang si Janjan; ilang mahihirap ba ang tumuligsa dito? Baka nga marami pa dito ang ipagtulakang pagsayawin ng kaparehong sayaw ang kani-kanilang mga anak kapalit ng malinis na sampung libong piso.

Kung ang mayayaman ay pinahahalagahan ang pangalan taliwas naman ito sa ilang mahihirap nating kababayan na handang itaya ang pangalan para may ipantawid-gutom sa pamilya. Kinakasangkapan pa nga ang mga anak para mamalimos sa kalye.
Kung ang nakaririwasa ay sumisigaw ng pang-abuso ang mahihirap nating kababayan ay ito ang katanungan:
Aanhin mo ang pangalan kung ikaw ay naghihirap?
Aanhin mo ang dignidad kung ang pamilya mo'y gutom at nagdarahop?
Aanhin mo ang mga pride kung walang lamang pagkain ang inyong plato?
Aanhin mo ang dangal kung kumakalam ang iyong sikmura?
Aanhin mo ang "child-abuse" isyu na 'yan kung wala ka namang sampung libo?
Oo nga't hindi lang pera ang mahalaga sa buhay ng tao pero para sa nakararaming mahirap, ang bawat piso ay mahalaga lalo pa't ang sangkot dito ay hindi birong halaga. Marami nga ang pinapatay sa ilang daang piso lang!

Bagamat panandaliang kasiyahan lamang ang hatid ng halagang sampung libong piso malaking ginhawa ang dulot sa mga nabibiyaan nito. Kung isyu nang inabusong mga bata ang pag-uusapan;
Hindi pa ba child abuse ang tawag sa batang nakababad sa malamig na tubig at nangangatal sa pagsambit ng script sa teleseryeng Mutya?
Hindi ba child abuse ang pagkakabisa ng mahahabang linya ng mga batang ito imbes na nasa bahay at sumasagot ng takdang-aralin?
Hindi ba child abuse din ang tawag sa daan-daang kabataang nasa gitna ng kalsada na humihingi ng barya?
Child abuse na rin dapat ang itawag sa pagpilit sa mga anak na mag-audition sa mga talent search dahil sa tagal at haba ng pila rito?
Ang pagbubungkal ng nakasusulasok na basura ng kabataan sa Payatas ay hindi ba isang uri ng pag-abuso sa bata?
Isama na rin nating tawaging child abuse ang pagsayaw ng kabataang babae at pag-gaya sa maharot na sayaw ng spagetting pababa at pataas ng "Sexbomb Girls" o nang magaslaw na sayaw na Shembot.
Sa tingin niyo ba, ang mga kabataang artista ng Going Bulilit ay hindi naaabuso? Ehemplo bang matatawag ang pag-arte ng bakla ng mga batang lalaki dito at pagtu-two piece naman ng mga batang babae?
Ano ba ang mas mapanganib ang batang sumasayaw ng may "kahalayan" o ang pagta-tumbling ng mga kabataang kalahok sa "Showtime"? 'Pag may naaksidente dito saka lamang may sisigaw ng pag-abuso.
Ilang kabataan na rin ba ang nalait ni Vice Ganda sa programang ito? May nakapansin ba nito?
Kung nangyari kaya ang insidente ng "macho dancing" sa programang Pilipinas Got Talent ni Kris Aquino? o Eat Bulaga ni Sen. Sotto? o Talentadong Pinoy ni Ryan Agoncillo? Pareho din kaya ang pagtrato ng "moralista" sa mga naturang programa? Malamang hindi dahil iba ang personalidad ng mga hosts nito.
Kung pag-uusapan na rin lang ang karapatang-pantao, ano na ba ang nangyari sa Wowowee Stampede noong taong 2006 na ikinamatay nang 78 katao?
Kung ipatutupad ang batas, ipatupad ito sa lahat at patas.

Kahit kailan hindi ako naging fan ni Willie at lalong hindi ko siya naging idolo sa lahat ng larangan, hosting man ito o personal na buhay. Itinuring ko nga siyang isa sa "overrated personality" sa isa kong blog entry. Ngayong muli na namang suspendido ang kanyang programa at naging matagumpay ang kampanya upang mag-pull out ang ilang mga sponsors/advertisers ng iba't-ibang produkto sa programang ito baka tuluyan na itong mag-sara. Ano na kaya ang mangyayari sa mga taong nasa likod ng nasabing programa kabilang na ang staff, crew, dancers, co-host at iba pang empleyado nito? Sino kayang moralista ang magbibigay sa kanila ng trabaho? Sino na lang ang magbibigay ng aandap-andap na pag-asa ng mga mahihirap? Ano ba talaga ang dapat na solusyon dito pagkansela sa programa o paghihigpit? Hindi kaya na-single out lang si Willie dito? At ano na kaya ang mangyayari kay Willie? Wala, pareho pa rin mayabang pa rin...pero maapektuhan ba siya? Hindi. Bilyonaryo na 'yan 'tol.

Thursday, April 7, 2011

Sila'y Bagong Bayani



Mahirap maging mahirap kaya napakaraming Pilipino ang ninanais mag-abroad para magtrabaho. Pansinin mo, halos lahat tayo ay may kamag-anak, kaibigan o kahit kakilala lang na naghahanap-buhay sa iba't-ibang parte ng mundo. Ayon sa istatistika halos labing-isang milyong Pilipino ang nangangamuhan sa iba't-ibang lahi sa iba't-ibang bansa. Uulitin ko 11 Million! Sa populasyon nating halos 100 milyon mahigit ito sa sampung porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Pilipino o isa sa bawat sampung Pinoy ang nagtatrabaho sa abroad. Ang dami no?!?

Tanong: kung bibigyan sila ng matinong trabaho at pasweldong sapat nanaiisin ba ng karamihan sa mga Pinoy na ito ang mangibang bansa? Sagot: May mga sasagot ng Oo pero karamihan dito ay Hindi ang isisigaw. Sino ba naman ang may gusto na mawalay sa pamilya at magpa-alipin sa mga dayuhan? Sino ba naman ang gustong lumuha gabi-gabi at magtiis sa pagkabagot para may maipadalang pera sa naiwang pamilya sa Pinas? Nakalulungkot pero wala namang ibang opsyon ang ating mga kababayan dahil kung hindi marami ang magtitiis sa gutom at sa barya-baryang kikitain dito sa atin. Pamilya ang kanilang dahilan sa paglisan ng Pinas at ito rin ang dahilan sa kanilang pagbabalik, matagumpay man sila o hindi sa kanilang naging kapalaran sa ibang bansa.

Bagong bayani ang tawag sa kanila: mga Overseas Filipino Workers o OFW pero teka ano ba ang pagkakaintindi mo sa bayani? Hindi ba ang bayani ay nirirespeto, ikinirarangal at ipinagbubunyi? Dahil sila ay dangal ng ating bansa. Simple lang di ba? Kung gayon naibibigay ba naman ng pamahalaan ang karampatang proteksyon at pag-aruga sa kanila at ng kanilang karapatan? Ang pagtrato ba natin sa kanilang "bayani" ay akma sa kanilang estado? Haha. Kung ang kanyang mamamayan nga na nasa mismong bansang Pilipinas ay hindi napu-protektahan ang karapatang-pantao ano pa kaya kung ikaw'y nasa ibang bansa? At kung hindi pa naaayon sa kanila ang kapalaran, sila'y uuwi ng nakakahon at lalabas sa imbestigaston na sila'y nagpatiwakal kahit na hindi.

May kasabihan tayo: "Habang maigsi ang kumot matutong mamaluktot" pero sa panahon ngayong laganap ang kahirapan marami pa ba ang gumagawa nito? O mas akma na sa panahong ito ang kasabihang: "Ang taong nagigipit kahit sa patalim kumakapit". Kaya't gaano man kahirap ang susuungin nilang pagsubok sa ibang bansa, kahit walang kasiguruhan ang kanilang kapalaran doon at kahit na may kakambal na panganib ang pagpunta nila doon, buong tapang nila itong haharapin; hatak-hatak ang maletang puno ng pag-asa, bitbit ang bag na puno ng hinagpis at suot ang madilim na shades upang maikubli ang malungkot at mugto nilang mga mata.

Hindi biro ang maging OFW.
Hindi biro ang makibagay at makisalamuha sa iba't-ibang ugali ng iba't-ibang lahi.
Hindi biro ang mag-adyast sa minsa'y nakakapraning na batas ng ibang bansa.
Hindi biro ang makaranas nang labis na diskriminasyon at pag-aglahi ng ibang lahi.
Hindi biro ang maghintay at magbilang ng paulit-ulit sa nalalabing araw ng pinirmahang kontrata.
Hindi biro ang mag-isip ng paraan para magpadala ng pera sa animo'y walang patid na kahilingan ng mga kaanak.
Hindi biro na intindihin ang lenggwaheng dayuhan na kakaiba sa pandinig.
Hindi birong ma-miss ang mga mahahalagang okasyon ng pamilya sa 'Pinas gaya ng birthday, kasal, graduation, pasko, bagong taon at ang nakalulungkot..kung minsa'y pagluluksa sa namatay na kamag-anak ay hindi rin mapuntahan.
Hindi madaling subukin ang nakagisnang pananampalataya lalo't kung nasa hindi Kristyanong bansa.
At lalong hindi madali ang tumanggi sa mga kababayang nakikisuyo nang padala (kaya maraming napapahamak dahil dito).

Sa pagkakabitay kamakailan ng tatlong Pinoy na sina Credo, Ordinario at Batain sa bansang Tsina dahil sa kanilang pagiging drug courier malaking usapin na naman ang iba't-iba pang mga kasong kinakaharap at kinasasangkutan ng ating mga kababayan. Mga Pilipinong ninanais lamang ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak subalit taliwas naman ito sa kanilang inaasahan. Nakakadismaya! Dahil kung kailan lang mayroong ganitong isyu saka lang tayo nagkakaroon ng inisyatibo na pangalagaan o alamin ang kalagayan ng iba pang OFW na nakakulong. Hindi bale...pagkaraan ng ilang buwan makakalimutan din natin ito katulad ng pagkalimot natin sa binitay noong 1995 na si Flor Contemplacion hanggat mainit ang isyu sasakyan na naman 'yan ng magigiting nating mga pulitiko ipapangako ang langit at lupa, iskolarship sa mga anak, trabaho sa naiwang pamilya, gagawa ng mas mahigpit na batas laban sa ilegal na rekruter, sasampahan ng kaukulang kaso ang lahat ng may kinalaman at iba pang pwedeng sabihin para mapagtakpan ang kakulangan. Niñgas-cogon.

Hindi pa ba kakulangan sa panig ng kung sinong kagawaran ang tawag kung nakaalis sila galing Pilipinas na bitbit ang kilo-kilong bawal na gamot?
Ano na ang nangyari sa mahigpit nilang seguridad na pinapatupad sa paliparan?
Tuwing tayo'y nasa paliparan, hinuhubad pa nga natin ang ating mga sapatos, sinturon, relo at celphone at ito'y idadaan sa X-ray area para daw ito sa ikabubuti ng lahat nang pasahero (mabuti naman kung gayon) pero malulusutan lang pala sila. Hindi kaya may sindikato dito? Hindi ba nakapagbitbit din ng shabu at walang problemang nakaalis ng bansa ang isang kongresista? Ang mga ito'y patunay lang na may dapat managot sa panig ng nangangalaga ng seguridad sa paliparan subalit may nakaisip bang imbestigahan ito? Ewan.

Balik tayo sa paksa. Hindi natatapos sa ibang bansa ang hirap ng ating mga bagong bayani. Sa umpisa pa lang ng pagproseso ng mga papeles at dokumento ay grabe na ang hirap idagdag pa ang panganib sa mga ilegal na rekruter at sa tuwing magbabakasyon sila dito sa kanilang bansa ay iniisip pa rin nila ang katakot-takot na pasalubong!
Magmula sa kamag-anak hanggang sa tsismosong kapitbahay humihingi ng pasalubong na kung hindi mo bibigyan ay makakarinig ka ng hindi maganda. At kung binigyan mo naman nang kahit na lotion o sabon may pintas ka pa rin sa mga kapit-bahay na may talangkang mentalidad. Kung sino pa ang mga taong hindi nakatulong sa'yo noong kailangan mo ng pang-placement fee o pag-asikaso sa mga papeles sila pa ang atat na atat sa pasalubong; o di kaya'y mga "kaibigang" laging uhaw sa alak at animo'y fiesta kung makapag-demand sa isang balik-bayan. Mga taong hindi naman makakatulong sa sandaling ikaw naman ang nangailangan.

Isama na rin natin ang sandamakmak na buwitre at buwayang opisyal ng Adwana at Imigrasyon na akala mo'y may mga patago kung makapagpalipad-hangin sa mga nagbabalik-bayan na OFW (pasalubong na tsokolateng para sa anak ay gusto pang arburin, tsk tsk), mga airport taxi na mapagsamantala at sindikatong nag-aabang ng mabibiktimang OFW. Marami ring kababayan natin ang hindi na nakukuha pang magbakasyon dahil sa panghihinayang sa pamasahe at sa mga araw na masasayang kung sila'y nasa Pinas ang dahilan: ang walang katapusang "request" ng kamag-anakan nang iba't-ibang kagamitan (I-pod, Celphone, Laptop etc.) o kaya naman mga kamag-anak na iniasa ang buong buhay sa kapamilyang nasa abroad at nakatanghod na lamang sa bawat padala buwan-buwan at ang buong akala(?) nila ay napakasimpleng kumita ng dolyares sa bansang pinagta-trabuhan. Buhay Pinoy talaga.

Lubhang napakahirap at napakalungkot maghanapbuhay sa ibang bansa, mahirap ipaliwanag kung gaano ito kalungkot. Na sa sobrang kalungkutan ang iba ay nakalilimot na mayroon siyang naiwang asawa sa Pinas; nabubuyo at natutukso sa kapwa Pinoy na nakararanas din nang sobrang pagkabagot at pagkalungkot; panandaliang isasantabi ang mga problema subalit hindi naman alintana ang higit na problemang kakaharapin kung magbunga ang bawal na relasyon o magresulta sa tuluyang pag-iwan sa isinakripisyong pamilya. Kahit na bawal ay kinukunsinti pa rin ng sarili maibsan lang ang kalungkutan. Pundasyon nang pagmamahalan na sinusubok at pilit na binubuwag ng malayong distansiya. Huwag na natin silang husgahan dahil hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan. Mayroon din namang kuwentong ang kanilang pamilya mismo sa Pinas ang napariwara sa halip na bumuti ang kalagayan; asawang hindi naging matapat, mga anak na estranghero na nga sa isa't-isa ay naligaw pa ng landas, mga pinadalang pera na nauuwi lang sa wala. Walang katapusang pag-iipon hanggang sa tumanda at hindi na kayanin nang katawan ang mabigat na trabaho sa abroad. Ito'y mga katotohanang nandudumilat na naganap at patuloy na nagaganap na naging karanasan ng ating mga bagong bayani.

Laganap ngayon ang kaguluhan, trahedya at sakuna sa iba't-ibang parte ng daigdig at maraming OFW natin ang nagdesisyong pansamantalang umuwi sa Pinas upang magbakasyon at pakalmahin ang sitwasyon sa bansang kanilang pinanggalingan at buo ang loob na muling bumalik doon kung sakaling manumbalik na sa normal ang lahat. Ang nakalulungkot dito, sakaling maubos na ang kanilang mga ipon at hindi pa sila nakakabalik sa kanilang pinagtatrabuhan; Ano ang mangyayari sa kanila? Dagdag ito sa napakataas na unemployment rate dito sa atin, balik sa overcrowded na pampublikong paaralan ang mga anak at maibebenta o maisasanla ang mga pag-aari o kasangkapang naipundar. Dahil walang sapat na programa para sa mga nawalan nang hanapbuhay na OFW. Ayos talaga. Nabanggit ko na 'to dati at uulitin ko ulit: Walang tutulong sa Pilipino kundi ang sarili niya mismo, hindi ang Pangulo, hindi ang Senado at lalong hindi ang Mayor mo. Tuwing eleksyon lang sila mabait at matulungin...tandaan natin 'yan.

Madalas ipinagmamalaki ng gobyerno ang remittances ng ating mga bagong bayani; taas-noo at buong-yabang nitong ibinabalita ang bilyong dolyar na naiipon natin dahil sa kanila. Sa ganang akin at sa aking opinyon mas makabubuting nakatikom na lamang ang ating bibig sa ganitong kalagayan; magandang balita ba ito? Ang pagkakaroon ng napakaraming "bagong bayani" sa iba't-ibang bahagi ng bansa ay repleksyon ng pagiging mahirap nating bansa; ito'y sumasalamin na walang sapat na hanap-buhay na maibibigay ang gobyerno sa kanyang mamamayan at wala pa ring kongkretong programa para sa ordinaryong obrero, skilled worker at propesyonal na nakapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo (ang mahal na nga ng matrikula tapos magiging saleslady lang pala sa SM o kaya DH sa Hongkong o kaya mas maswerte kung maging Caregiver sa Canada). Ilang daang-libo na naman ang nakapagtapos ng kolehiyo ngayong taon; kung sila'y tatanungin natin saan nila nais magtrabaho dito o sa abroad? Tiyak marami ang sasagot: Sa abroad! (with conviction). Bago pa ba ito? Hindi na. Kahit gaano pa kahirap magtrabaho sa ibang bansa mas nanaisin nilang doon maghanap-buhay kaysa dito sa Pinas na napakaliit nang oportunidad para umasenso. At 'pag nasa ibang bansa na sila tatawagin din natin silang: Bagong Bayani.

Tuesday, March 22, 2011

Equality


Hanggang ngayon ba'y nangangarap ka pa rin ng pagkakapantay-pantay?
Hanggang ngayon ba'y iniisip mo pa ring may posibilidad itong mangyari?
Kung ang sagot mo'y oo, dapat ka nang gumising at ibaon sa limot ang iyong pangarap.
Ang "equality" ay nasa isip lang natin at ang mangyari itong ganap ay suntok sa buwan at isang malayo sa katotohanan.
Malabo itong mangyari sa kasalukuyang panahon, hindi ngayon at lalong hindi bukas. Ang diskriminasyon ay laganap saan mang lugar; sa Pilipinas man o sa ibang panig ng mundo.

Sa mundong ating ginagalawan ang mga may pera ang madalas na pinapaboran, ang mga may kapangyarihan ang nasusunod, ang may impluwensiya ang mauuna at ang may katungkulan ang nangingibabaw. Kung hindi ka kumbinsido dito ay baka sa ibang mundo ka naninirahan. Hindi ako pesimista bagkus ako'y isang realista ~ ang aking sinasabi ay ang aking nakikita kung hindi mo ito alam siguro'y nakapikit ang mata mo sa ganitong sitwasyon at pinipili mo lamang kung ano ang gustong makita ng mga mata mo.

Nakasabay mo na ba sa pila sa pagkuha ng driver's license o pagproseso ng passport ang mga taga alta-sosyedad?
Nakita mo na ba kung paano idiskrimina ang mga taong gusgusin?
Alam nang lahat na nangungurakot ang karamihan sa opisyal ng gobyerno pero ilan na ba ang napatunayan dito?
Samantalang ang isang inang nag-shoplift ng isang latang gatas para sa anak ay agad na ikinulong...
Sino ba ang unang makakakuha ng upuan sa isang punuang restawran ang isang kilalang tao o ordinaryong si Juan?
Ano ba ang tingin ng mga dayuhan sa mga Pilipinong gaya mo?
Bakit hindi kayang tiketan ng traffic enforcer sa isang traffic violation ang bata ni congressman?
Ano ang dahilan bakit hindi nasisita sa kalsada ang nagmamayabang na commemorative plates ng mga magagarang sasakyan?
Ano ba ang dahilan bakit mahilig manggipit ang kapulisan?
Kung ordinaryong OFW ang nahulihan ng drugs sa Hongkong, pareho din kaya ang magiging sintensiya dito?
Kung hindi kaya mga heneral ang nangungulimbat sa pondo ng gobyerno, pwede rin kaya ang plea bargaining agreement?
Hindi ka ba nagtataka kung bakit madaling maresolba ang kaso kung ang mga bikitima'y maipluwensiya at kapag mahirap ay aabot sa kung ilang dekada?
Dumaranas din ba ng mahabang pila ang mga makapangyarihan sa pagpaparehistro sa eleksyon?
At tagaktak din ba ang kanilang pawis tuwing boboto sa mga masisiskip na presinto?
Mabilis ba makamit ang hustisya sa gaya nating ordinaryong tao lang?
Kung hindi kaya Gobernador ang itinuturing na salarin sa isang masaker sa Mindanao, may sarili din kaya itong selda?
Kung hindi kaya Senador ang isang pinaghahanap nang batas hindi rin kaya ito mahahagilap?
Bakit kakaiba at maginhawa ang selda ng convicted congressman kumpara kay Horaciong Hudas?
Bakit kaya ilag at iwas ang pulisya kung ang suspek sa rape case ay kagalang-galang na alkalde ng bayan?
Bakit hindi nakulong sa ordinaryong piitan ang mataas na opisyal na napatunayang mandarambong sa pondo ng bayan?

Ang tao'y madalas na nalulunod sa isang basong tubig kaunting papuri, parangal o nakamit na tagumpay sa buhay ay akala mong hindi na siya mabubuwag. Kaysarap kasi ng pakiramdam na mauna sa lahat, maka-isa at makalamang na akala mong siya lamang ang anak ng Diyos. May mga tao din namang nakatuntong lang sa kalabaw akala mo'y kalabaw na rin sila ~ mga taong nakakapit sa impluwensiya ng iba, mga taong nakasama lang sa inuman ang isang may katungkulan akala mong sila na rin ang may kapangyarihan.
Hanggang saan ka ba dadalhin ng impluwensiya mo?
Hanggang saan ba makakarating ang iyong pera?
Hanggang saan ang hangganan ng iyong kapangyarihan?
Maaaring "unlimited" ito kung ito'y iyong mapapanatili, maaaring hindi ka galawin hangga't ikaw'y nasa puwesto, maaaring marami ang makikinig kung ang iyong pera ang nakiusap at nagsalita. Haha, nakakatawa ang mga taong ganito.

May mga bagay na totoo at hindi dapat itinatanggi dapat natin itong tanggapin hindi sa dahilang ito ay tama at nararapat subalit ito ang katotohanan. Hindi na natin ito kayang baguhin, kung kaya nating sumabay sa agos para tayo'y hindi mapahamak gawin natin ito pero hindi ibig sabihin nito na dahilan na rin ito upang tayo naman ang manggipit. Ang mundo'y malupit gayundin ang ibang taong nalulunod sa kapangyarihan, mga taong nabulag sa kinang ng kayamanan at ganid na maituturing kumpara sa karamihan. Ang equality na hinahanap natin ay hindi natin makikita dito kundi sa ibang panahon, sa ibang buhay ~ doon...walang mayaman walang mahirap, walang pinagsisilbihan walang taga-silbi, walang malinis walang marungis, walang makapangyarihan walang hikahos. Doon...sigurado may equality.

Monday, March 21, 2011

Kakatwa

Para sa kaalaman ng lahat at sa pagkakaalam ko ang "kakatwa" ay Filipino term ng ironic. Kakatwa, mga pangyayari o bagay na taliwas sa dapat na mangyari o mga bagay na inaasahan mo pero hindi naman nangyari. Gusto ko sanang titulo nitong blog na ito ay "Ironic" pero mas okay kung "kakatwa" dahil hindi na halos ginagamit ang salitang ito. Hindi man natin ginagamit ang salitang ito madalas naman itong nangyayari sa atin. Ito 'yung mga bagay na akala mo okay na ang lahat pero hindi pa pala! Mga sitwasyong sarkastiko minsa'y nakakatawa o nakakatuwa o di kaya'y nakakatuya pero ang totoo ay kakatwa. Just when you thought it could never happen!

* Naranasan mo na bang lagi kang may dalang payong pero hindi naman umuulan tapos sa sandaling iwanan mo ito ay bigla namang umulan?

* O di kaya, kung kailan lumabas ang mga paborito mong numero sa lotto o ending saka mo naman ito nakalimutang tayaan.

* Sa pagda-drive, sa lane mo ay hindi umaandar at 'pag lipat mo ay bigla namang umandar ang lane na inalisan mo.

* Kung hindi mo kailangan ang taxi marami kang makikitang bakante pero 'pag kailangan mo na sila isang oras na nakalipas wala pa rin.

* Sa pagsusulit, concentrate ka ng concentrate sa isang paksa pero pag actual exam na hindi naman naibigay.

* Sa pag-ibig, kung sino pa yung pinakagusto at pinakamahal mo siya naman 'tong walang pakialam sa'yo.

* Kung kailan ka nagmamadali at naghahabol ng oras saka naman bumanat ang matinding trapik.

* Tuwing weekdays tamad na tamad kang bumangon ng maaga pero pagdating naman ng Sabado o Linggo maaga ka naman nagigising.

* Nagsi-set ka ng iyong ideal man/woman pero taliwas naman ito sa naging boyfriend/girlfriend o asawa mo ngayon.

* Ang mga taong inaasahan mong magiging matagumpay sa buhay ay hindi nangyari.

* Ang mga bagay na akala mong hinding-hindi mangyayari ay nangyari din pala.

* Kung kailan mo kailangang-kailangan 'yung celphone saka naman ito maglo-lowbat o mauubusan ng load.

* Ang inaakala mong mamahaling celphone ay walang kapintasan pero kung kailan dapat mo siyang gamitin wala naman itong pakinabang. (Iphone ba 'to?)

* Gustong-gusto mong mag-videoke pero wala naman sa tono ang boses mo buti pa 'yung kapitbahay mo na hindi naman kagandahan mahusay kumanta. :-)

* Ingat na ingat ka isang bagay na 'wag magkamali pero ang ending may mali pa rin.

* Kung kailan mo gustong magbago at magpakatino saka naman dumadating ang mga pangyayaring susubok sa pasensya mo.

* Gutom na gutom ka na pero wala kang dadatnang pagkain.

* Kung kailan naka-sale ang paborito mong produkto doon ka naman walang pera.

* Kung kailan mo na-realize ang kahalagahan ng isang bagay saka naman ito biglang mawawala sa'yo.

* Kung kailan ka lubos na nag-iingat saka naman mayroong nangyayaring hindi maganda.

* Kung sino pa yung magaling mag-advise sa problema siya 'tong may mabigat na suliranin.

* Ayaw mo ng mayroong nagpapatugtog ng malakas pero 'yun ang ginagawa mo.

* Kung kailan mo hindi day-off saka naman nagkaroon ng gimik o importanteng lakad o okasyon ang barkada o pamilya mo.

* Sa pag-aabang ng sasakyan, kung kailan ka na nakasakay sa jeep o bus saka naman dumating ang maluwag at matinong sasakyang gusto mo.

* Kung ano pa 'yung gustong-gusto mong kainin 'yun pa ang ipinagbabawal sa'yo.

* Kung kailan mo gustong mag-absent o mag-halfday dun ka pa maraming gagawin.

* Kung ano pa ang hindi gaanong importante 'yun ang pinag-iipunang bilhin hindi nag-iipon para sa kinabukasan.

* Kung kailan ka masayang-masaya saka biglang darating ang mabigat na problema.

* Kung kailan ang "Fire prevention month" saka naman maraming sunog na nangyayari.

* Kung kailan may inisyatibo ang pulisya na sugpuin ang isang iligal na gawain saka naman ito lumalala.

* Kung ano pa 'yung ayaw mong palabas sa TV 'yun pa rin ang nakikita mo gabi-gabi.

* Kung kailan mo gustong mag-diet saka dumarating ang mga okasyong may kainan.

* Kung sino pa 'yung hirap sa buhay sila pa ang maraming anak.

* Kung sino pa 'yung salat sa pera sila pa ang mahilig sa bisyo.

* Kung sino ang pinakamabida sa isang usapan siya naman itong walang silbi sa oras ng pangangailangan.

* Kung sino pa 'yung akala mong tutulong sa'tin sa oras ng kagipitan sila pa ang unang-unang lalayo at iiwas sa'yo at ang hindi mo inaasahan ay yun pa ang mag-aalok sa'yo ng tulong.

* Kung sino pa yung may hindi kagandahan boses sa pagkanta siya pa ang nagna-number one sa sales ng CD.

* Kung sino yung galit na galit sa magnanakaw o naakusahang nagnakaw sila itong numero unong magnanakaw sa gobyerno!

Hindi ba naman kakatwa ang ganyang pangyayari? O dapat kong sabihing kakainis?
Ikaw, anong kakatwang bagay ang nangyari sa'yo?

Thursday, March 17, 2011

If you could do it all over again...


Madalas mo tinatanong sa'kin na, "if you could do it all over again, muli mo ba akong pakakasalan?"
Kahit dagli ko itong masasagot ng hindi pag-iisipan, kahit alam nating dalawa na kaya kong ipagsigawan sa lahat ang kasagutan ko dito, kahit alam kong nasagot ko na ito dati pa...pinili kong manahimik at magsawalang-kibo hindi sa wala akong maisagot o hindi ko alam ang aking isasagot.
Napansin kong bigla kang tumahimik. Kunsabagay, sino ba naman ang makakaimik pa kung ang iyong inaasahan ay hindi mangyayari.

"If you could do it all over again..." kung tutuusin wala namang silbi ang salitang ito. Isa lang itong pangarap, isang kataga na ang kasunod ay isang tanong na walang pupuntahan na kayang sagutin ng isang pampalubag-loob.

Walang sino man ang kayang ibalik ang nakaraan. Kung nakagawa ka ng isang pagkakamali pagsisisi ang katapat nito taliwas ito kung tama ang iyong nagawa walang humpay na saya at ligaya ang iyong madarama at aanihin sa paglakad ng panahon.

Maraming beses ko nang pinagmasdan ang kahapon at maraming beses na rin akong nalungkot sa tuwing maaalala ko ang malungkot na naging alaala nito.
Maraming beses ko na ring binalikan ang hindi kagandahang naganap sa aking nakaraan at maraming beses na rin akong lumuha sapagkat may mga bagay pa ring makakapagpaluha sa atin kahit na iwaksi at tibayan mo pa ang iyong damdamin. Dapat na itong iwanan at kalimutan.

Lahat ay may madilim at malungkot na kahapon subalit lahat ay mayroon ring masasaya at maliligayang nakaraan. Mga kahapong hanggang ngayon ay pinahahalagahan pa rin natin, mga nakaraang bahagi ng ating ngayon. At mga ngayon na pipilitin at gagawin natin ang lahat para maging bahagi ng ating kinabukasan.
Sa mga kahapong ito, sa mga nagaganap ngayon na gusto kong maging bahagi ng aking bukas...wala nang iba pang kasagutan kundi Ikaw, ikaw na aking nakaraan, ikaw na aking ngayon at ikaw na aking bukas.

Hindi ko man sagutin ang ang karugtong na tanong nang "If you could do it all over again..." gusto kong sabihin na: Nais kong ulitin ang araw na tayo'y sumumpa na mahal natin ang isa't isa kahit ngayon, kahit mamaya kahit bukas. Hindi ako magsasawa na gawin ulit ito at muli kong banggitin sa harap ng napakaraming saksi na Mahal Kita...sa hirap, sa ginhawa, sa lahat ng oras hanggang sa buhay ko'y magwakas.
Alam kong marami akong pagkakamali at maaring hindi ako perpekto sa maraming bagay pero mas maraming bagay ang hindi perpekto kung wala ka sa tabi ko.

Mahal kita kung hindi pa sapat 'yan ay sabihin mo kung ano pa ang dapat kong gawin para mapatunayan ko ito sa'yo at sa lahat. Mabigo man ako sa ibang bagay ay hindi naman ako nabigo na ikaw ang minamahal ko.
Ikaw na aking ngiti sa likod ng aking mga luha,
Ikaw na aking kasiyahan sa likod ng aking kalungkutan,
Ikaw na aking pag-asa sa likod ng aking kabiguan.
Hindi ko maisasaayos ang lahat sa buhay ko kung wala ka at ang iyong pagmamahal.

Maligayang Kaarawan!
Hindi na natin bibilangin kung ikaw'y ilang taon na ang mahalaga ay ang mga taon na kasama at kapiling kita.
Hindi ko man maibigay sa'yo ngayon ang orasang pangarap mong Philip Stein kaya ko namang ibigay sa'yo ang buong oras ko kung kinakailangan.
Hindi man mamahalin ang mga bagay na naibibigay ko sa'yo kaya ko namang ialay sa'yo ang tunay kong pagmamahal.
Hindi man materyal na bagay ang regalo ko sa'yo ikaw naman ang pinakamateryal sa buhay ko.
Muli...D, I Love you & Happy Birthday!!!

Thursday, March 3, 2011

Patawad

"Patawad".
Bukod sa "Mahal Kita" isa ito sa pinakagasgas at pinaka-inabusong salita na sinasambit ng mga tao. Ngunit sa kabila ng kasalanang nasa likod nito at kung susuriin ang positibong banda nito; ito'y masarap sa tenga at napakagandang pakinggan ~ isang pagsusumamo, paghingi ng kapatawaran, pagpapakumbaba at pagbaba ng "pride" upang mapagbigyan nang muli pang pagkakataon...upang maipamalas ang pagsisisi at pakiusap na muling mabuo ang tiwalang nagkalamat, paglimos ng awa at paunawa para muling maibalik ang nawalang respeto kaakibat ang pangakong hindi na muling mauulit ang pagkakamali at pagkakasala.

Ngunit bakit sa tuwing ibinibigay ang kapatawaran ay hindi naman ito kasiguruhan na hindi na muling mauulit ang pagkakasalang ito. "Walang taong perpekto at lahat tayo'y nagkakamali" madalas na gawin itong katwiran ng mga nagkakasala subalit ang tao'y maraming pagkakataon na hindi magkamali ngunit gagawin at gagawin pa rin ang gusto kahit na walang buti ang dahilan saka na lamang ang pagsisisi kung mabibisto o mahuhuli. Ginagawang hustisya ang pagiging "tao" para sa paulit-ulit na kasalanan.

Nagsasawa ka na ba sa kababanggit ng "patawad"? O mas nakakasawa ang paulit-ulit na marinig ito? Bakit ba sa tuwing nagpapatawad tayo'y lalo lang tayong nagbibigay ng pagkakataon na tayo'y muling masaktan? Sadya bang matigas ang ulo ng tao o kailangang mapagtanto na huli na ang lahat para maging ganap ang pagsisisi? Kung tutuusin hindi na kailangang ulit-ulitin pa ang paghingi ng tawad sapat na ang isang beses na sambitin ito ngunit kasabay nito ang ganap na pagbabago. Hindi ang pangako, hindi ang salitang patawad ang mahalaga dahil madali itong sabihin at madali rin itong hindi tuparin. Mas makabubuting ipakita sa kilos ang paghingi ng tawad hindi sa kung anong kayang banggitin ng bibig.

Maraming mga tao ang hirap banggitin ang patawad ngunit marami rin ang piniling humingi ng pang-unawa subalit para saan ba ang paghingi ng patawad kung ang nais mo lang ay mapagbigyan at paraanin ang iyong pagkakamali.

Kung ikaw'y nakagawa ng isang pagkakamali ang paghingi ba ng patawad ay makakapagpabago ba sa sitwasyon?
Kung nagkasala ka at nagdulot ng sakit na higit pa sa luha maitatama ba nito ang pagkakamali o pampagpalubag-loob lamang sa inyong dalawa?
Kung pinilit mong magbago at handa mong pagsisihan ang nagawang mali sapat na ba ang Patawad?

Ang iyong patawad ay hindi sapat. Hindi na maibabalik pa ang panahon para itama ang mali o hindi na gawin ang pagkakamali. Ang lahat ng iyong mga dahilan makatwiran man ito o hindi ay hindi na gaanong mahalaga ~ ikalawa na lamang ito dahil nakapanakit ka na at nagawa mo na ang kasalanan, tapos. Basag na ang tiwala gayundin ang iyong pagkatao subalit hindi man maibalik ng "patawad" ang mga kahapon malaking bagay ito para muling masuyo ang taong nasaktan.

Paano ka ba humingi ng tawad?
Nakapikit at hawak ang kanyang kamay habang nagbibitaw ng pangakong mapapako?
Sa text, sa e-mail, sa sulat o sa telepono dahil hindi mo kayang humingi ng tawad nang nakatingin sa kanyang mga mata?
Taos-puso at tumutulo ang luha na umaasa nang kapatawaran?
O sasabihin mo lamang na patawad upang maibsan ang sakit na dinulot nang iyong pagkakamali at pagtakpan ang ginawang kasalanan?
Ngunit masasabi bang kasalanan at pagkakamali ang isang ginawa kung hindi naman ito ganap na inaamin? At patuloy na nalilibang at nahihibang kaya't paulit-ulit itong nangyayari.

Tatlong bagay ang hindi na natin kayang ibalik at bawiin kahit na paulit-ulit mong banggitin ang salitang patawad; ang nasayang na oras at panahon, ang masasakit na mga salitang binitiwan at mga maling bagay na ginawa na nagdulot ng sugat at pasakit. Naniniwala akong may pag-asa pang mabuo ang may punit nang tiwala sa tamang oras at panahon ngunit ang oportunidad nang pagbabago ay hindi palagiang nakabukas huwag nang hintaying magsara ito nang tuluyan. Baka magising na lang isang umaga na wala ka nang dahilan para bumangon at lahat ng iyong inaasahan ay tuluyan nang maglaho na parang sunog ~ wala kang magawa kundi pagmasdan ang nauupos at natutupok na pag-asa.

Madali ang magpatawad ngunit ang sugat ng kahapon ay hindi madaling maghilom dahil may maiiwan itong pilat na kahit na anong gawin ay hindi maitatago, ang multo ng nakaraan ay pabalik-balik lamang kung hindi natin kayang panindigan ang pagkakamali at taos-sa-puso ang pagsambit ng kahit na simpleng pagsusumamo ng patawad at paumanhin. Kung hindi tayo matututo sa pagkakamali at hindi natin nalaman ang mga aral nito huwag mo nang banggitin ang salitang patawad at hindi rin angkop sa iyo ang pagpapatawad. Higit na mahalaga ang ngayon at ang bukas kaysa kahapon kung hindi mo ito alam ay wala ka pa ring natutunan sa aral ng buhay. Baka huli na ang lahat ay saka mo pa lang ito malaman...Sayang.

Kung ang Diyos ay nagpapatawad ang tao naman ay may hangganan, maaaring ikaw ay muling mapatawad subalit maari ring ikaw ay hindi na mabigyan pa ng pagkakataong makabawi sa pagkakasalang muli mong ginawa. Baka dumating ang panahon na iyong tahakin ang isang tahanang nakapinid na ang pintuan ng pagkakataon, tuluyan nang nakasara ang bintana ng pagsisisi, wala nang paliwanag at katwirang tinatanggap ang nagugulumihanang isipan at manhid na animo'y bato ang dating malambot at sugatang damdamin...at hindi na sapat ang kahit na anong uri nang pagsusumamo o ang paulit-ulit na paghingi mo ng "Patawad".