"Patawad".
Bukod sa "Mahal Kita" isa ito sa pinakagasgas at pinaka-inabusong salita na sinasambit ng mga tao. Ngunit sa kabila ng kasalanang nasa likod nito at kung susuriin ang positibong banda nito; ito'y masarap sa tenga at napakagandang pakinggan ~ isang pagsusumamo, paghingi ng kapatawaran, pagpapakumbaba at pagbaba ng "pride" upang mapagbigyan nang muli pang pagkakataon...upang maipamalas ang pagsisisi at pakiusap na muling mabuo ang tiwalang nagkalamat, paglimos ng awa at paunawa para muling maibalik ang nawalang respeto kaakibat ang pangakong hindi na muling mauulit ang pagkakamali at pagkakasala.
Ngunit bakit sa tuwing ibinibigay ang kapatawaran ay hindi naman ito kasiguruhan na hindi na muling mauulit ang pagkakasalang ito. "Walang taong perpekto at lahat tayo'y nagkakamali" madalas na gawin itong katwiran ng mga nagkakasala subalit ang tao'y maraming pagkakataon na hindi magkamali ngunit gagawin at gagawin pa rin ang gusto kahit na walang buti ang dahilan saka na lamang ang pagsisisi kung mabibisto o mahuhuli. Ginagawang hustisya ang pagiging "tao" para sa paulit-ulit na kasalanan.
Nagsasawa ka na ba sa kababanggit ng "patawad"? O mas nakakasawa ang paulit-ulit na marinig ito? Bakit ba sa tuwing nagpapatawad tayo'y lalo lang tayong nagbibigay ng pagkakataon na tayo'y muling masaktan? Sadya bang matigas ang ulo ng tao o kailangang mapagtanto na huli na ang lahat para maging ganap ang pagsisisi? Kung tutuusin hindi na kailangang ulit-ulitin pa ang paghingi ng tawad sapat na ang isang beses na sambitin ito ngunit kasabay nito ang ganap na pagbabago. Hindi ang pangako, hindi ang salitang patawad ang mahalaga dahil madali itong sabihin at madali rin itong hindi tuparin. Mas makabubuting ipakita sa kilos ang paghingi ng tawad hindi sa kung anong kayang banggitin ng bibig.
Maraming mga tao ang hirap banggitin ang patawad ngunit marami rin ang piniling humingi ng pang-unawa subalit para saan ba ang paghingi ng patawad kung ang nais mo lang ay mapagbigyan at paraanin ang iyong pagkakamali.
Kung ikaw'y nakagawa ng isang pagkakamali ang paghingi ba ng patawad ay makakapagpabago ba sa sitwasyon?
Kung nagkasala ka at nagdulot ng sakit na higit pa sa luha maitatama ba nito ang pagkakamali o pampagpalubag-loob lamang sa inyong dalawa?
Kung pinilit mong magbago at handa mong pagsisihan ang nagawang mali sapat na ba ang Patawad?
Ang iyong patawad ay hindi sapat. Hindi na maibabalik pa ang panahon para itama ang mali o hindi na gawin ang pagkakamali. Ang lahat ng iyong mga dahilan makatwiran man ito o hindi ay hindi na gaanong mahalaga ~ ikalawa na lamang ito dahil nakapanakit ka na at nagawa mo na ang kasalanan, tapos. Basag na ang tiwala gayundin ang iyong pagkatao subalit hindi man maibalik ng "patawad" ang mga kahapon malaking bagay ito para muling masuyo ang taong nasaktan.
Paano ka ba humingi ng tawad?
Nakapikit at hawak ang kanyang kamay habang nagbibitaw ng pangakong mapapako?
Sa text, sa e-mail, sa sulat o sa telepono dahil hindi mo kayang humingi ng tawad nang nakatingin sa kanyang mga mata?
Taos-puso at tumutulo ang luha na umaasa nang kapatawaran?
O sasabihin mo lamang na patawad upang maibsan ang sakit na dinulot nang iyong pagkakamali at pagtakpan ang ginawang kasalanan?
Ngunit masasabi bang kasalanan at pagkakamali ang isang ginawa kung hindi naman ito ganap na inaamin? At patuloy na nalilibang at nahihibang kaya't paulit-ulit itong nangyayari.
Tatlong bagay ang hindi na natin kayang ibalik at bawiin kahit na paulit-ulit mong banggitin ang salitang patawad; ang nasayang na oras at panahon, ang masasakit na mga salitang binitiwan at mga maling bagay na ginawa na nagdulot ng sugat at pasakit. Naniniwala akong may pag-asa pang mabuo ang may punit nang tiwala sa tamang oras at panahon ngunit ang oportunidad nang pagbabago ay hindi palagiang nakabukas huwag nang hintaying magsara ito nang tuluyan. Baka magising na lang isang umaga na wala ka nang dahilan para bumangon at lahat ng iyong inaasahan ay tuluyan nang maglaho na parang sunog ~ wala kang magawa kundi pagmasdan ang nauupos at natutupok na pag-asa.
Madali ang magpatawad ngunit ang sugat ng kahapon ay hindi madaling maghilom dahil may maiiwan itong pilat na kahit na anong gawin ay hindi maitatago, ang multo ng nakaraan ay pabalik-balik lamang kung hindi natin kayang panindigan ang pagkakamali at taos-sa-puso ang pagsambit ng kahit na simpleng pagsusumamo ng patawad at paumanhin. Kung hindi tayo matututo sa pagkakamali at hindi natin nalaman ang mga aral nito huwag mo nang banggitin ang salitang patawad at hindi rin angkop sa iyo ang pagpapatawad. Higit na mahalaga ang ngayon at ang bukas kaysa kahapon kung hindi mo ito alam ay wala ka pa ring natutunan sa aral ng buhay. Baka huli na ang lahat ay saka mo pa lang ito malaman...Sayang.
Kung ang Diyos ay nagpapatawad ang tao naman ay may hangganan, maaaring ikaw ay muling mapatawad subalit maari ring ikaw ay hindi na mabigyan pa ng pagkakataong makabawi sa pagkakasalang muli mong ginawa. Baka dumating ang panahon na iyong tahakin ang isang tahanang nakapinid na ang pintuan ng pagkakataon, tuluyan nang nakasara ang bintana ng pagsisisi, wala nang paliwanag at katwirang tinatanggap ang nagugulumihanang isipan at manhid na animo'y bato ang dating malambot at sugatang damdamin...at hindi na sapat ang kahit na anong uri nang pagsusumamo o ang paulit-ulit na paghingi mo ng "Patawad".
No comments:
Post a Comment