Showing posts with label mayor. Show all posts
Showing posts with label mayor. Show all posts

Monday, May 19, 2014

Isang Open Letter Tungkol sa Trapiko




Dear Mayors, MMDA, LTO and other officials concerned,


Alam naming hindi madali ang inyong trabaho, alam naming hindi madaling patinuin ang mga motoristang salbahe at walang respeto sa kalsada at alam din naming sumasakit na ang inyong ulo sa kung ano at papaano ang susunod ninyong istratehiya upang maibsan o mabawasan man lang ang lumalalang traffic situation sa Kamaynilaan. Pero alam naming merong kayong police powers and authority para disiplinahin ang napakaraming pasaway sa kalsada kaya kayo lang ang may kapangyarihan na maisaayos sa legal na paraan ang maligalig at magulong sitwasyon ng trapiko dito sa atin. Hindi katulad namin na simpleng mamamayan lang ng republikang aming kinabibilangan.


Kung talagang seryoso kayo na mapaluwag ang trapiko sa Kalakhang Maynila hindi lang dapat number coding ang mahigpit niyong ipinatutupad, maaaring makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko ang pagpapatupad ng daytime truck ban pero malaking dagok naman ito sa ating ekonomiya at 'di lang natin gaanong pansin na apektado tayo nito.


May dahilan kung bakit nagpatayo ng napakaraming footbridge sa Kamaynilaan pero kapansin-pansin ang mga pedestrian na mas ninanais na tumawid sa ilalim nito (talamak ito sa kanto ng Abad Santos Ave. at Recto). Bakit hinahayaan ng mga magigiting ninyong traffic enforcers ang mga walang disiplinang pedestrian na ito na daan-daanan lang sila?
Takot ba sila na ipatupad ang batas?
O sumuko na rin sila sa kasasaway sa mga jaywalkers?
Masikip na nga ang kalsada sumasabay pa ang mga mababait na pedestriang ito. Kung ganoon pala bakit gumastos pa tayo ng milyon-milyong pisong halaga ng footbridges gayong masaya naman ang lahat na nakikipaglaro ng patintero sa rumaragasang iba't ibang sasakyan.


Baka nakakalimutan ng inyong opisina na hindi pa pinapayagan ang pedicab, tricycle at kuliglig sa mga main road (DILG Memo Circular 2007-01, Local Gov’t Code Sec. 447 & 458) kaya muli namin itong ipinapaalala sa inyo.

Pero bakit nagkalat sila sa ating mga pangunahing kalsada?
Mga pedicab/kuliglig na nakikipag-unahan sa lahat ng uri ng sasakyan at may pasaherong lampas pa sa kayang isakay ng ordinaryong taxi, mga tricycle na kaliwa't kanan kung mag-cut at mag-overtake na tila ayaw na nauungusan. Idagdag pa natin na ang mga ito ay walang prangkisa, hindi napipigilan ang pagdami, walang pakundangan sa pagmamaneho, walang pakialam sa batas trapiko at ang nakapagtataka ay hindi sila sinisita man lang ng mga opisyal ng alinmang traffic agencies o sinumang traffic enforcers.
Hindi masama ang magtrabaho pero hindi ba't ang batas ay ginawa at ipinatutupad para sa lahat?


Hari ng kalsada kung sila'y ituring, bakit nga ba hindi eh wala silang respeto sa kapwa nila motorista. Magsasakay at magbababa sa kahit saang lugar nila naisin, bigla na lang hihimpil at maghihintay sa pasaherong sampung kanto pa ang layo, hihinto sa pinakagitna ng kalsada kesehodang siya ang maging sanhi ng pagkabuhol-buhol na trapiko. Mga PUJ na akala mo'y asong gala na tatae na lang kung saan sila abutan, ayaw magbigay daan at sila pang galit kung iyong pagsasabihan. Tulad ng mga tricycle/pedicab/kuliglig driver may laya rin silang huminto kahit berde ang ilaw at aarangkada kahit na ito'y pula. Siyempre hindi naman lahat ng jeepney driver ay violator meron din namang matitino at panakanaka ay sumusunod sa batas trapiko pero ilang porsyento lang kaya sila? 
Sana. Sana lang ay mabigyang tuldok na ninyo ang lantarang paglabag ng mga astig na driver na ito.

Lahat na yata ng pagdidisiplina ay ginawa na ng inyong opisina sa mga unstoppable at higanteng mga buses pero tulad ng dati hindi sila nagpapatinag at nagpapaapekto sa anumang sanction at parusang kaya ninyong ipataw sa kanila. Kahit na kitang-kita naman na sila ang malaking bahagi nang dahilan ng pagsimula ng trapik kung saan sila bumibyahe o rumurota. Dalawang dambuhalang bus lang ang nakabalagbag sa kalsada ay tiyak nang makagagawa ng kilometrong pagsikip ng trapiko.
Pero kahit libong beses niyo man silang pagmultahin, suspendihin o alisan ng prangkisa sana 'wag kayong huminto sa pagdisiplina sa kanila.

Sa inyong kaalaman baka walang nag-iinform sa inyong opisina na:

- Maraming lugar sa Kalakhang Maynila kabilang na ang kahabaan ng A.Bonifacio Ave. mula Quezon City hanggang Lungsod ng Maynila ay tila pangkaraniwan na lang ang mga sasakyang nagka-counterflow; mula kuliglig o tricyle hanggang sa magagarang sasakyan, nandun sila sa tapat mismo ng North Cemetery makakakapal ang mukhang binabalandra ang kanilang kawalang galang. Ganito rin ang senaryong ginagawa ng mga motor at tricycle sa Fourth Avenue sa Caloocan City at sa Bonifacio Drive at R-10 sa Maynila at Caloocan.

- Lantarang ginagawang (ilegal) terminal ng mga tricycle o jeepney driver ang mga pangunahing kalsada na sa obvious na dahilan ay pinapayagan ng mga pulis at traffic enforcers. Sa A. Mabini St. sa Pajo, Caloocan, sa ilalim ng LRT partikular ang Abad Santos at sa R. Papa stations ay ilan sa mga halimbawa nito. Kung bakit naman din kasi pinapayagan ng kung sino na ang isang kalsada ay isara para sa liga ng basketball ay sila lang ang nakakaalam. Kaya hayun, dagdag sakit ng ulo sa inyo at sa amin.

- Bukod sa illegal terminal ng tricycle at jeepney, malaking perwisyo rin ang mga vendor at ang mga nakapark sa mga main road at secondary road. Hindi lingid sa inyo at sa atin na noong kapanahunan ni Chairman BF ay halos nasawata na ito pero ngayon tila umarangkada na naman ang mga illegal vendors at illegally parked vehicles sa halos lahat ng lugar sa Kamaynilaan. Sa Dangwa na bagsakan at bilihan ng mga murang bulaklak ay masikip ang trapiko kahit sa dis-oras ng gabi at ang dahilan nito ay ang mga nakapark na iba't ibang uri ng sasakyan; delivery van, mga sasakyan ng mamimili, at private vehicle ng mga stall owner. Samantalang sa magkabilang kanto ay hindi bababa sa tatlong traffic enforcer ang nakatalaga para magmando ng trapiko, galing 'di ba? Nilalaparan ba ng DPWH ang kalsada para gawing paradahan lang ng mga pribadong sasakyan?


Higit sa isandaang milyong na ang populasyon natin at napakalaking labingdalawang porsyentong Pilipino (more or less) ay nakakalat sa Kalakhang Maynila habang nasa siyam na milyon ang nakatalang nakarehistrong sasakyan sa LTO, hindi pa kabilang dito ang daang-libong mga sasakyang walang rehistro. Walang eksaktong numero kung ilang sasakyan ang naglipana sa Metro Manila pero tiyak na milyong bilang rin ito na nakikipagsiksikan at nakikipag-gitgitan sa malasardinas na kalsada ng Kamaynilaan. Kaya kung susumahin namin ang inyong trabaho siguradong resulta nito ay matinding sakit ng ulo.

Milyong sasakyan + masikip na kalsada + walang disiplinang motorista at pedestrian + baha sa tuwing maulan + inconsistent/unreliable traffic enforcer = Teribleng Trapiko.


Totoo ngang sa ikauunlad ng bayan ay disiplina ang kailangan. Subok na ito ngunit bakit hindi natin ito kayang i-apply sa ating sarili dahil magmula sa pinakamahirap na motorista hanggang sa mga taong may matataas na katungkulan sa pamahalaan ay tila walang pakundangang nilalapastangan ang batas sa lansangan.


Hanggang saan ba ang pagtitiis naming ito?
Hihintayin pa ba nating bansagan ng mga dayuhan, na ang kalsada ng Kamaynilaan ay "Roads of Hell"?
Hahayaan na lang ba nating babuyin at walanghiyain ng marami ang nakalatag na batas trapiko?
Ano na naman kaya ang susunod ninyong ipagbabawal sa kalsada?
Ano ba ang inyong susunod na komprehensibong plano upang lumuwag ang kalsada?

Kung iisipin at tutuusin, hindi natin kinakailangan ng karagdagan pang plano, polisiya o batas para maibsan ang masikip na traffic na araw-araw nating nararanasan dahil sapat na ang umiiral na mga regulasyon at batas. Dagdagan niyo lang sana ng kahigpitan at lagyan ng ngipin ang pagpapatupad nito sa lahat ng uri ng mamamayan mapamahirap o mayaman man ito. Sigurado, unti-unting magkakaroon ito ng progreso.

At kami bilang ordinaryong motorista at pasahero ay susunod, makikipagkoordinasyon at makikipagkooperasyon sa lahat ng pagkakataon para sa ikabubuti at kapakanan ng mas nakararami.

Hindi na siguro namin kailangan sabihin pa na ang katumbas ng bawat oras na pagkaantala sa traffic ay milyon ang halaga, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na may mga taong nagbuwis na ng buhay dahil sa pagkaburyong sa traffic, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya ang traffic. Siguradong alam ninyo 'yan kaya nga kayo itinalaga at iniluklok sa posisyong hawak ninyo dahil sa malawak ninyong karanasan at kaalaman.

Maraming Salamat at sana’y mabigyang pansin ninyo ang bukas na liham na ito.


Lubos na umaasa,

Mga naiinip na motorista

Tuesday, March 22, 2011

Equality


Hanggang ngayon ba'y nangangarap ka pa rin ng pagkakapantay-pantay?
Hanggang ngayon ba'y iniisip mo pa ring may posibilidad itong mangyari?
Kung ang sagot mo'y oo, dapat ka nang gumising at ibaon sa limot ang iyong pangarap.
Ang "equality" ay nasa isip lang natin at ang mangyari itong ganap ay suntok sa buwan at isang malayo sa katotohanan.
Malabo itong mangyari sa kasalukuyang panahon, hindi ngayon at lalong hindi bukas. Ang diskriminasyon ay laganap saan mang lugar; sa Pilipinas man o sa ibang panig ng mundo.

Sa mundong ating ginagalawan ang mga may pera ang madalas na pinapaboran, ang mga may kapangyarihan ang nasusunod, ang may impluwensiya ang mauuna at ang may katungkulan ang nangingibabaw. Kung hindi ka kumbinsido dito ay baka sa ibang mundo ka naninirahan. Hindi ako pesimista bagkus ako'y isang realista ~ ang aking sinasabi ay ang aking nakikita kung hindi mo ito alam siguro'y nakapikit ang mata mo sa ganitong sitwasyon at pinipili mo lamang kung ano ang gustong makita ng mga mata mo.

Nakasabay mo na ba sa pila sa pagkuha ng driver's license o pagproseso ng passport ang mga taga alta-sosyedad?
Nakita mo na ba kung paano idiskrimina ang mga taong gusgusin?
Alam nang lahat na nangungurakot ang karamihan sa opisyal ng gobyerno pero ilan na ba ang napatunayan dito?
Samantalang ang isang inang nag-shoplift ng isang latang gatas para sa anak ay agad na ikinulong...
Sino ba ang unang makakakuha ng upuan sa isang punuang restawran ang isang kilalang tao o ordinaryong si Juan?
Ano ba ang tingin ng mga dayuhan sa mga Pilipinong gaya mo?
Bakit hindi kayang tiketan ng traffic enforcer sa isang traffic violation ang bata ni congressman?
Ano ang dahilan bakit hindi nasisita sa kalsada ang nagmamayabang na commemorative plates ng mga magagarang sasakyan?
Ano ba ang dahilan bakit mahilig manggipit ang kapulisan?
Kung ordinaryong OFW ang nahulihan ng drugs sa Hongkong, pareho din kaya ang magiging sintensiya dito?
Kung hindi kaya mga heneral ang nangungulimbat sa pondo ng gobyerno, pwede rin kaya ang plea bargaining agreement?
Hindi ka ba nagtataka kung bakit madaling maresolba ang kaso kung ang mga bikitima'y maipluwensiya at kapag mahirap ay aabot sa kung ilang dekada?
Dumaranas din ba ng mahabang pila ang mga makapangyarihan sa pagpaparehistro sa eleksyon?
At tagaktak din ba ang kanilang pawis tuwing boboto sa mga masisiskip na presinto?
Mabilis ba makamit ang hustisya sa gaya nating ordinaryong tao lang?
Kung hindi kaya Gobernador ang itinuturing na salarin sa isang masaker sa Mindanao, may sarili din kaya itong selda?
Kung hindi kaya Senador ang isang pinaghahanap nang batas hindi rin kaya ito mahahagilap?
Bakit kakaiba at maginhawa ang selda ng convicted congressman kumpara kay Horaciong Hudas?
Bakit kaya ilag at iwas ang pulisya kung ang suspek sa rape case ay kagalang-galang na alkalde ng bayan?
Bakit hindi nakulong sa ordinaryong piitan ang mataas na opisyal na napatunayang mandarambong sa pondo ng bayan?

Ang tao'y madalas na nalulunod sa isang basong tubig kaunting papuri, parangal o nakamit na tagumpay sa buhay ay akala mong hindi na siya mabubuwag. Kaysarap kasi ng pakiramdam na mauna sa lahat, maka-isa at makalamang na akala mong siya lamang ang anak ng Diyos. May mga tao din namang nakatuntong lang sa kalabaw akala mo'y kalabaw na rin sila ~ mga taong nakakapit sa impluwensiya ng iba, mga taong nakasama lang sa inuman ang isang may katungkulan akala mong sila na rin ang may kapangyarihan.
Hanggang saan ka ba dadalhin ng impluwensiya mo?
Hanggang saan ba makakarating ang iyong pera?
Hanggang saan ang hangganan ng iyong kapangyarihan?
Maaaring "unlimited" ito kung ito'y iyong mapapanatili, maaaring hindi ka galawin hangga't ikaw'y nasa puwesto, maaaring marami ang makikinig kung ang iyong pera ang nakiusap at nagsalita. Haha, nakakatawa ang mga taong ganito.

May mga bagay na totoo at hindi dapat itinatanggi dapat natin itong tanggapin hindi sa dahilang ito ay tama at nararapat subalit ito ang katotohanan. Hindi na natin ito kayang baguhin, kung kaya nating sumabay sa agos para tayo'y hindi mapahamak gawin natin ito pero hindi ibig sabihin nito na dahilan na rin ito upang tayo naman ang manggipit. Ang mundo'y malupit gayundin ang ibang taong nalulunod sa kapangyarihan, mga taong nabulag sa kinang ng kayamanan at ganid na maituturing kumpara sa karamihan. Ang equality na hinahanap natin ay hindi natin makikita dito kundi sa ibang panahon, sa ibang buhay ~ doon...walang mayaman walang mahirap, walang pinagsisilbihan walang taga-silbi, walang malinis walang marungis, walang makapangyarihan walang hikahos. Doon...sigurado may equality.