Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, April 7, 2011
Sila'y Bagong Bayani
Mahirap maging mahirap kaya napakaraming Pilipino ang ninanais mag-abroad para magtrabaho. Pansinin mo, halos lahat tayo ay may kamag-anak, kaibigan o kahit kakilala lang na naghahanap-buhay sa iba't-ibang parte ng mundo. Ayon sa istatistika halos labing-isang milyong Pilipino ang nangangamuhan sa iba't-ibang lahi sa iba't-ibang bansa. Uulitin ko 11 Million! Sa populasyon nating halos 100 milyon mahigit ito sa sampung porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Pilipino o isa sa bawat sampung Pinoy ang nagtatrabaho sa abroad. Ang dami no?!?
Tanong: kung bibigyan sila ng matinong trabaho at pasweldong sapat nanaiisin ba ng karamihan sa mga Pinoy na ito ang mangibang bansa? Sagot: May mga sasagot ng Oo pero karamihan dito ay Hindi ang isisigaw. Sino ba naman ang may gusto na mawalay sa pamilya at magpa-alipin sa mga dayuhan? Sino ba naman ang gustong lumuha gabi-gabi at magtiis sa pagkabagot para may maipadalang pera sa naiwang pamilya sa Pinas? Nakalulungkot pero wala namang ibang opsyon ang ating mga kababayan dahil kung hindi marami ang magtitiis sa gutom at sa barya-baryang kikitain dito sa atin. Pamilya ang kanilang dahilan sa paglisan ng Pinas at ito rin ang dahilan sa kanilang pagbabalik, matagumpay man sila o hindi sa kanilang naging kapalaran sa ibang bansa.
Bagong bayani ang tawag sa kanila: mga Overseas Filipino Workers o OFW pero teka ano ba ang pagkakaintindi mo sa bayani? Hindi ba ang bayani ay nirirespeto, ikinirarangal at ipinagbubunyi? Dahil sila ay dangal ng ating bansa. Simple lang di ba? Kung gayon naibibigay ba naman ng pamahalaan ang karampatang proteksyon at pag-aruga sa kanila at ng kanilang karapatan? Ang pagtrato ba natin sa kanilang "bayani" ay akma sa kanilang estado? Haha. Kung ang kanyang mamamayan nga na nasa mismong bansang Pilipinas ay hindi napu-protektahan ang karapatang-pantao ano pa kaya kung ikaw'y nasa ibang bansa? At kung hindi pa naaayon sa kanila ang kapalaran, sila'y uuwi ng nakakahon at lalabas sa imbestigaston na sila'y nagpatiwakal kahit na hindi.
May kasabihan tayo: "Habang maigsi ang kumot matutong mamaluktot" pero sa panahon ngayong laganap ang kahirapan marami pa ba ang gumagawa nito? O mas akma na sa panahong ito ang kasabihang: "Ang taong nagigipit kahit sa patalim kumakapit". Kaya't gaano man kahirap ang susuungin nilang pagsubok sa ibang bansa, kahit walang kasiguruhan ang kanilang kapalaran doon at kahit na may kakambal na panganib ang pagpunta nila doon, buong tapang nila itong haharapin; hatak-hatak ang maletang puno ng pag-asa, bitbit ang bag na puno ng hinagpis at suot ang madilim na shades upang maikubli ang malungkot at mugto nilang mga mata.
Hindi biro ang maging OFW.
Hindi biro ang makibagay at makisalamuha sa iba't-ibang ugali ng iba't-ibang lahi.
Hindi biro ang mag-adyast sa minsa'y nakakapraning na batas ng ibang bansa.
Hindi biro ang makaranas nang labis na diskriminasyon at pag-aglahi ng ibang lahi.
Hindi biro ang maghintay at magbilang ng paulit-ulit sa nalalabing araw ng pinirmahang kontrata.
Hindi biro ang mag-isip ng paraan para magpadala ng pera sa animo'y walang patid na kahilingan ng mga kaanak.
Hindi biro na intindihin ang lenggwaheng dayuhan na kakaiba sa pandinig.
Hindi birong ma-miss ang mga mahahalagang okasyon ng pamilya sa 'Pinas gaya ng birthday, kasal, graduation, pasko, bagong taon at ang nakalulungkot..kung minsa'y pagluluksa sa namatay na kamag-anak ay hindi rin mapuntahan.
Hindi madaling subukin ang nakagisnang pananampalataya lalo't kung nasa hindi Kristyanong bansa.
At lalong hindi madali ang tumanggi sa mga kababayang nakikisuyo nang padala (kaya maraming napapahamak dahil dito).
Sa pagkakabitay kamakailan ng tatlong Pinoy na sina Credo, Ordinario at Batain sa bansang Tsina dahil sa kanilang pagiging drug courier malaking usapin na naman ang iba't-iba pang mga kasong kinakaharap at kinasasangkutan ng ating mga kababayan. Mga Pilipinong ninanais lamang ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak subalit taliwas naman ito sa kanilang inaasahan. Nakakadismaya! Dahil kung kailan lang mayroong ganitong isyu saka lang tayo nagkakaroon ng inisyatibo na pangalagaan o alamin ang kalagayan ng iba pang OFW na nakakulong. Hindi bale...pagkaraan ng ilang buwan makakalimutan din natin ito katulad ng pagkalimot natin sa binitay noong 1995 na si Flor Contemplacion hanggat mainit ang isyu sasakyan na naman 'yan ng magigiting nating mga pulitiko ipapangako ang langit at lupa, iskolarship sa mga anak, trabaho sa naiwang pamilya, gagawa ng mas mahigpit na batas laban sa ilegal na rekruter, sasampahan ng kaukulang kaso ang lahat ng may kinalaman at iba pang pwedeng sabihin para mapagtakpan ang kakulangan. Niñgas-cogon.
Hindi pa ba kakulangan sa panig ng kung sinong kagawaran ang tawag kung nakaalis sila galing Pilipinas na bitbit ang kilo-kilong bawal na gamot?
Ano na ang nangyari sa mahigpit nilang seguridad na pinapatupad sa paliparan?
Tuwing tayo'y nasa paliparan, hinuhubad pa nga natin ang ating mga sapatos, sinturon, relo at celphone at ito'y idadaan sa X-ray area para daw ito sa ikabubuti ng lahat nang pasahero (mabuti naman kung gayon) pero malulusutan lang pala sila. Hindi kaya may sindikato dito? Hindi ba nakapagbitbit din ng shabu at walang problemang nakaalis ng bansa ang isang kongresista? Ang mga ito'y patunay lang na may dapat managot sa panig ng nangangalaga ng seguridad sa paliparan subalit may nakaisip bang imbestigahan ito? Ewan.
Balik tayo sa paksa. Hindi natatapos sa ibang bansa ang hirap ng ating mga bagong bayani. Sa umpisa pa lang ng pagproseso ng mga papeles at dokumento ay grabe na ang hirap idagdag pa ang panganib sa mga ilegal na rekruter at sa tuwing magbabakasyon sila dito sa kanilang bansa ay iniisip pa rin nila ang katakot-takot na pasalubong!
Magmula sa kamag-anak hanggang sa tsismosong kapitbahay humihingi ng pasalubong na kung hindi mo bibigyan ay makakarinig ka ng hindi maganda. At kung binigyan mo naman nang kahit na lotion o sabon may pintas ka pa rin sa mga kapit-bahay na may talangkang mentalidad. Kung sino pa ang mga taong hindi nakatulong sa'yo noong kailangan mo ng pang-placement fee o pag-asikaso sa mga papeles sila pa ang atat na atat sa pasalubong; o di kaya'y mga "kaibigang" laging uhaw sa alak at animo'y fiesta kung makapag-demand sa isang balik-bayan. Mga taong hindi naman makakatulong sa sandaling ikaw naman ang nangailangan.
Isama na rin natin ang sandamakmak na buwitre at buwayang opisyal ng Adwana at Imigrasyon na akala mo'y may mga patago kung makapagpalipad-hangin sa mga nagbabalik-bayan na OFW (pasalubong na tsokolateng para sa anak ay gusto pang arburin, tsk tsk), mga airport taxi na mapagsamantala at sindikatong nag-aabang ng mabibiktimang OFW. Marami ring kababayan natin ang hindi na nakukuha pang magbakasyon dahil sa panghihinayang sa pamasahe at sa mga araw na masasayang kung sila'y nasa Pinas ang dahilan: ang walang katapusang "request" ng kamag-anakan nang iba't-ibang kagamitan (I-pod, Celphone, Laptop etc.) o kaya naman mga kamag-anak na iniasa ang buong buhay sa kapamilyang nasa abroad at nakatanghod na lamang sa bawat padala buwan-buwan at ang buong akala(?) nila ay napakasimpleng kumita ng dolyares sa bansang pinagta-trabuhan. Buhay Pinoy talaga.
Lubhang napakahirap at napakalungkot maghanapbuhay sa ibang bansa, mahirap ipaliwanag kung gaano ito kalungkot. Na sa sobrang kalungkutan ang iba ay nakalilimot na mayroon siyang naiwang asawa sa Pinas; nabubuyo at natutukso sa kapwa Pinoy na nakararanas din nang sobrang pagkabagot at pagkalungkot; panandaliang isasantabi ang mga problema subalit hindi naman alintana ang higit na problemang kakaharapin kung magbunga ang bawal na relasyon o magresulta sa tuluyang pag-iwan sa isinakripisyong pamilya. Kahit na bawal ay kinukunsinti pa rin ng sarili maibsan lang ang kalungkutan. Pundasyon nang pagmamahalan na sinusubok at pilit na binubuwag ng malayong distansiya. Huwag na natin silang husgahan dahil hindi natin alam ang kanilang pinagdaraanan. Mayroon din namang kuwentong ang kanilang pamilya mismo sa Pinas ang napariwara sa halip na bumuti ang kalagayan; asawang hindi naging matapat, mga anak na estranghero na nga sa isa't-isa ay naligaw pa ng landas, mga pinadalang pera na nauuwi lang sa wala. Walang katapusang pag-iipon hanggang sa tumanda at hindi na kayanin nang katawan ang mabigat na trabaho sa abroad. Ito'y mga katotohanang nandudumilat na naganap at patuloy na nagaganap na naging karanasan ng ating mga bagong bayani.
Laganap ngayon ang kaguluhan, trahedya at sakuna sa iba't-ibang parte ng daigdig at maraming OFW natin ang nagdesisyong pansamantalang umuwi sa Pinas upang magbakasyon at pakalmahin ang sitwasyon sa bansang kanilang pinanggalingan at buo ang loob na muling bumalik doon kung sakaling manumbalik na sa normal ang lahat. Ang nakalulungkot dito, sakaling maubos na ang kanilang mga ipon at hindi pa sila nakakabalik sa kanilang pinagtatrabuhan; Ano ang mangyayari sa kanila? Dagdag ito sa napakataas na unemployment rate dito sa atin, balik sa overcrowded na pampublikong paaralan ang mga anak at maibebenta o maisasanla ang mga pag-aari o kasangkapang naipundar. Dahil walang sapat na programa para sa mga nawalan nang hanapbuhay na OFW. Ayos talaga. Nabanggit ko na 'to dati at uulitin ko ulit: Walang tutulong sa Pilipino kundi ang sarili niya mismo, hindi ang Pangulo, hindi ang Senado at lalong hindi ang Mayor mo. Tuwing eleksyon lang sila mabait at matulungin...tandaan natin 'yan.
Madalas ipinagmamalaki ng gobyerno ang remittances ng ating mga bagong bayani; taas-noo at buong-yabang nitong ibinabalita ang bilyong dolyar na naiipon natin dahil sa kanila. Sa ganang akin at sa aking opinyon mas makabubuting nakatikom na lamang ang ating bibig sa ganitong kalagayan; magandang balita ba ito? Ang pagkakaroon ng napakaraming "bagong bayani" sa iba't-ibang bahagi ng bansa ay repleksyon ng pagiging mahirap nating bansa; ito'y sumasalamin na walang sapat na hanap-buhay na maibibigay ang gobyerno sa kanyang mamamayan at wala pa ring kongkretong programa para sa ordinaryong obrero, skilled worker at propesyonal na nakapagtapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo (ang mahal na nga ng matrikula tapos magiging saleslady lang pala sa SM o kaya DH sa Hongkong o kaya mas maswerte kung maging Caregiver sa Canada). Ilang daang-libo na naman ang nakapagtapos ng kolehiyo ngayong taon; kung sila'y tatanungin natin saan nila nais magtrabaho dito o sa abroad? Tiyak marami ang sasagot: Sa abroad! (with conviction). Bago pa ba ito? Hindi na. Kahit gaano pa kahirap magtrabaho sa ibang bansa mas nanaisin nilang doon maghanap-buhay kaysa dito sa Pinas na napakaliit nang oportunidad para umasenso. At 'pag nasa ibang bansa na sila tatawagin din natin silang: Bagong Bayani.
Labels:
alipin,
bagong,
bayani,
dayuhan,
gobyerno,
manggagawa,
ofw,
pamahalaan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Sa mga pamilya ng OFW na nasa pinas , sana bigyan nyo ng value lagi ang aming paghihirap. Mahirap ang buhay dito sa abroad , puro pagtitiis at pakikisama , para lang matapos ang kontrata. Kung makikita nyo sa mga picture namin ay nakangiti , sa likod nito ay pagdadalamhati , ayaw lang naming kayo'y mag alala , di bale ng kami dito ay magdusa .
ReplyDelete