Monday, November 18, 2013

Pilipinismo 2.0



Kuntento ka na ba sa katayuan ng bansa mo ngayon? 
Kuntento ka na ba sa estado ng buhay na iyo ngayong kinalalagyan?
Kung 'oo' ang sagot mo mabuti pero batid mo bang mayroon pang igaganda at ibubuti iyan kung naging tapat at progresibo lang sana ang puso at mentalidad ng mga namumuno sa atin? Ngunit kung 'hindi' naman 'wag kang mag-alala dahil kabilang ka sa napakalaking porsyento ng mga pilipino na umaasa na aangat at aasenso ang kanilang pamumuhay sa 'itinakdang' panahon.

Silang mga pilipinong nabubuhay at kinakamatayan na ang pag-asang siglo na nilang kinakapitan at inaasahan.

Hindi lingid sa atin na ang Pilipinas ay tanyag sa maraming bansa hindi lang dahil sa husay, determinasyon at galing ng mga pilipino sa maraming bagay o sa ganda ng ating mga karagatan o yaman ng ating kabundukan kundi dahil sa malawakang katiwalian at korapsyong nagaganap sa ating pamahalaan at kahit tayong pilipino nga mismo ay hindi buo ang ibinibigay na tiwala sa mga opisyal na namumuno sa atin. Kasaysayan ang nagmulat sa atin kung gaano kalala ang katiwalian sa ating gobyerno kaya't hindi natin masisisi ang sinuman (pilipino man o dayuhan) na magduda sa anumang pondong kanilang hinahawakan. Kung gaano kaliit ang ibinibigay nating tiwala sa mga opisyal na namamahala sa atin halos ganun din ang respetong iginagawad natin sa kanila ngunit kahit anong gawin nating protesta o pagpapahayag mistula silang mga manhid at walang pakialam sa ating mga pakiusap at hinaing.

Silang hindi natitinag sa kanilang kinatatayuan, silang hindi naaantig ang mga kalooban.

Biyernes, Nobyembre 8, 2013.
Habang may isang Napoles na lantaran ang pagsisinungaling sa hearing ng senado, sa mismong sandali namang iyon ay binabayo nang napakalakas na pwersa ng bagyo ang malaking bahagi ng Pilipinas. Habang ginagago at niloloko niya ang buong sambayanang pilipino tila nagpupuyos naman sa galit at lupit ang kalangitan. Maaring ito'y isang aksidente o nagkataon lang ngunit ito'y kakatwa kung ating iisipin at tila may ibig itong ipahiwatig at ipakahulugan.

Bumubuhos ng mga tulong, ayuda, suporta, donasyon at pera ng iba't ibang nasyon sa mga biktima ng super bagyong Yolanda at habang isinusulat ang akdang ito aabot daw ang halaga nito ng mahigit sa tatlong bilyong piso! Nakakalula ang halaga, nakakasilaw ang pigura. At dahil dito kabi-kabila ang panawagan at panalangin ng buong mundo na huwag naman sanang kulimbatin, nakawin o kupitan kahit na katiting na bahagi ng mga donasyong nakalap.
May mga radikal na panawagan, may mga lantaran ang pagtuligsa, may naghayag ng sama ng loob at sintimyento sa mga social network ngunit mas marami ang piniling manahimik ngunit hindi kahulugan nito na buo ang kanilang tiwala sa mga taong hahawak ng napakalaking suportang patuloy na dumarating at dumarami.

May kasabihan tayo noon na madaling maging tao pero mahirap magpakatao maari na nating idagdag ngayon na: 'hindi madali ang buhay lalo't nabubuhay kang isang pobreng pilipino'. Hindi madali dahil tila para tayong mga sugatang kuting na hinayaan ng ating iresponsableng ina na mamuhay sa madilim at masukal na kagubatan. Nagtatanong kung hanggang kailan ba tayo mananatili sa kagubatang ating kinasadlakan? Hanggang kailan ba tayo kayang tikisin at tiisin ng ating inang namumuhay sa kaginhawaan?

Mababait sana ang pilipino kaya nga mayroong tinatawag na 'filipino hospitality' ngunit dahil sa labis na kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa matinong hanapbuhay marami ang napipilitang kumapit sa patalim. Ngunit naniniwala pa rin ako na kahit kailan 'the end does not justify the means' ang kasalanan ay kasalanan kahit para sa kabutihan pa ang layunin ng ginawang kasalanan. Unti-unti, naglalaho ang ating pagiging filipino hospitality at napapalitan ito ng takot at pangamba. Takot at pangamba na mamuhay ng payapa sa sarili niyang bansa.
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa iyong kaligtasan sa tuwing ikaw ay naglalakad sa alinmang kalsada sa Pilipinas lalo na sa Kamaynilaan?
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging apo sa mahal nating Pilipinas?

Sa kabila ng kayamanan at kagandahan ng ating likas-yaman, sa napakaraming buwis na pumapasok sa kaban ng bayan, aabot sa bilyong dolyar na remittances ng mga masisipag na bagong bayani daw ng ating bansa - heto tayo kaawa-awa sa paningin ng mga banyaga.

Noong panahong hindi pa talamak ang kahirapan kapansin-pansing higit na mababa ang naitatalang kriminalidad dito sa atin ngunit kalaunan habang padausdos ang ekonomiya ng Pilipinas at nang mag-umpisang makaranas ng gutom, paghihirap at kawalan ng pagkakataong magkatrabaho ang maraming pilipino tila sumabay na rin sila sa pagiging malupit ng mundo, gradually nagiging malupit na rin sila.
Sa kagustuhang malamanan ang sikmura ng bawat miyembro ng kanyang pamilya at tila nawalan ng kapag-asahang matutulungan silang maiahon ng gobyerno mula sa pagkakalubog sa kumunoy ng kahirapan nagiging mapangahas ang marami nating hikahos na kababayan.

Ngayon, mapangahas ko ring ipapahayag na sa kasalukuyan nating kalagayan walang sinuman ang may KATIYAKANG makapagsasabing may magandang kinabukasang naghihintay ang susunod na henerasyong pilipino. Kaya nga marami ang nagpapasyang maghanapbuhay sa ibang bansa dahil napakaliit ng tsansa na ikaw ay umasenso dito sa Pilipinas liban na lang kung ang iyong pamilya ay may labis na kayamanan o may matatag kang negosyo at palarin na magkaroon ng napakagandang oportunidad (ngunit kung susuriing mabuti ang liit ng odds para dito). Ang ordinaryong empleyado dito sa atin ay HALOS walang pagkakataong umunlad at umasenso.

Ang ating mga lider at pinuno ay ating mga magulang na sana'y gagabay at magpapalaki sa atin ng may respeto at pagmamahal sa kapwa subalit ang mga magulang nating ito, sa halip na maging magandang halimbawa sa atin sila pa ang nagtuturo at nagtutulak sa mga mahihina para makagawa ng mga bagay hindi kanais-nais. Walang nagnanais na mangholdap kung mayroon itong matinong pagkakakitaan, walang nagnanais na maghalungkat ng napakabahong basura kung may sapat na kalinga at programa ng edukasyon para sa mga kabataan, walang nagnanais na magpakaputa kung mayroong matino at magandang mga hanapbuhay na nakalatag. Bakit hinahayaan natin ang lantarang diskriminasyon sa lahat ng requirements ng mapapasukang trabaho? Bakit dapat may pleasing personality ang halos lahat ng available na trabaho? Bakit may age limit, paano na ang may edad na ngunit may kakayahan pang magtrabaho?
Isang katotohanan na kapag walang permanenteng trabaho tumataas ang bilang ng krimen.

Maraming krimen ang hinayaan na lang nating hindi maresolba, maraming krimen ang hindi na lang nirireport ng mga biktima, maraming krimeng pagnanakaw ang winawalang bahala at itinuring na lang na ordinaryong kaganapan sa Pilipinas, maraming krimen ang hindi talaga ginawan ng paraang malutas lalo't kung ang taong sangkot ay mayaman, maimpluwensya o makapangyarihan.
Lahat ng krimen ay kailangan ng hustisya ngunit iilan lang ang kayang lutasin ng ating batas at pulisya?

Kaya ba hinahayaan at pinababayaan na lang natin ang mga tsuper na lantaran kung walanghiyain ang batas trapiko?
Kaya ba handa nating tiisin ang mga minor o petty crime tulad ng snatching o holdapan?
Kaya ba okay lang sa atin ang magtapon ng basura kahit saan natin gustuhin?
Kaya ba ang prostitusyon ay tila tanggap na ng lipunan?
Kaya ba patuloy na lumalala sa bansa natin ang drug trafficking?
Siguro nga...dahil kung ano ang nakikita nating madalas 'yun ang ating nakakasanayan at ang mga kinasanayan nating ito habang tumatagal ay mahirap nang pigilan at supilin.

Pilipino sa pilipino walang tiwala at respeto. Banyaga sa pilipino ang tingin ay biktima ng sarili nilang pamahalaan. Nakakahiya pero iyan ang nagdudumilat na katotohanang sumasampal sa bawat isa sa atin at kahit anong pagsusumikap ng pinakamataas na namumuno sa atin o ilang may tunay na pagmamalasakit sa bansa na maging matapat at matino marami higit na marami pa ring gahaman at ganid sa pera at kapangyarihan kumpara sa matino at maaasahang pinuno.

Habang milyong tao ang labis na naapektuhan at ngayo'y nahihirapan ang kalagayan dahil sa nakalipas na kalamidad, ang mga nahalal ng tao na nangako noong nakaraang eleksyon ng pagbabago at pagmamahal sa bayan ay hindi makita at hindi mahagilap. Tila iniasa na ng mga pulitiko sa mga higanteng network sa bansa ang pagtulong at pagkalinga sa mga sinawing-palad na biktima ng sunog, lindol, sakuna, baha, landslide, storm surge at ang huli nga ay ang mapaminsalang bagyong si Yolanda. Ang nakakalungkot, sa susunod na eleksyon sila ang ulit ang mahahalal.

Napakahusay nating mambara at mambatikos sa sinumang nagbibigay puna sa ating lahi o sa ating mga ginagawi pero hindi naman tayo sensitibo sa nararamdaman ng iba. Bakit hindi natin maamin na ubod nang bagal ng ating pamahalaan sa pagresponde sa lahat ng klase ng kriminalidad, sakuna at kalamidad? Tanggapin sana natin ang ating kahinaan at magmula rito ay pagbutihin ang mga puna at kritisismong hindi naman kasinungalingan ngunit bilang ganti may magtatangka pang batikusin ang taong naghatid ng isang balidong ulat. Hindi sapat ang pagmamalasakit lang dahil mas mahalaga ang kagyat na pagkilos sa panahong ito. Hindi sapat ang nakatingin ka lang o nakikinig ka lang sa mga ulat dapat ay magtulungan tayo sa anumang paraang alam mo.

Napakabilis din nating sumigaw ng "Proud to be Filipino!" sa tagumpay ng iilang piraso nating kababayan pero itinatakwil at ipinagkakanulo naman natin ang ating kabuuan. Ang tagumpay ng ilang pilipinong indibidwal ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ating lahi dahil ang nakikita at namamalas sa atin ng mundo ay negatibo. Lantaran man o hindi, marami sa ating 'bagong bayani' ay nakararanas ng diskriminasyon dahil ayon sa kasaysayan tayo ay alipin ng mga dayuhan at hanggang sa kasalukuyan hindi pa natin nababago ang kasaysayang ito. Hanggang kailan tayo makakahulagpos sa konotasyong ito? Kung maaari lang, ngayon na sana. Hindi sa susunod na henerasyon, hindi sa susunod na salinglahi.

Bakit ba hindi tayo makahanap o makapaghalal ng matino at matalinong pinuno? O merong nagtatangka ngunit mas nais nating mamuno sa atin ay mga taong sikat at popular kahit salat sa sinseridad at kaalaman. Kung maari lang sanang i-clone ang mga katulad na pamumuno, tikas, astig, diskarte at abilidad nina Miriam, Duterte, Gordon, Robredo, Bayani, Hagedorn, Bonifacio, Rizal at iba pa. Marami pa ang tulad nila na handang umaksyon, tumugon at magmalasakit sa bayan pero madalas hindi natin nakikita o ayaw nating pansinin siguro'y hindi tayo sanay o ayaw nating magpasaway dahil mas nananaig ang katigasan ng ulo ng marami sa atin. Ang popular na pulitiko ay hindi katumbas na magiging magaling din siyang manungkulan, ang popular na magdeliver ng kanyang bawat speech ay hindi kahulugan na natutumbasan niya ng aksyon ang kanyang bawat sinasabi. Hanggang sa siya'y bumaba sa panunugkulan mananatiling siya'y Popular President lang kung mas marami pa ang kanyang paninisi kaysa karampatang aksyon.

Sana sapat na ang mga tulad nina Pablo, Pedring, Ondoy, Sendong, Habagat, Yolanda, Marcos, Revilla, Enrile at Napoles para matuto at magbago na, hindi lang ang mga lider natin kundi tayo mismong mga pangkaraniwang tao. Sana hangga't hindi pa huli ang lahat at may pagkakataon pa tayong baguhin ang mga mali sa ating kasaysayan. Sana hangga't hindi pa lubos na nasasaid ang papaunti na nating kabundukan, kabukiran at likas na yaman. Sana hangga't may mga nagtitiwala at tumutulong pa sa ating kasalukuyang kalagayan.

Madali ang manisi, madali ang mag-akusa ngunit pagkatapos ng napakahabang panahon ito pa rin ang ating mga katanungan.
Ano na ba ang napala natin?
Ano pa ba ang aasahan natin?
Ilang kalamidad pa ba ang kailangan natin para lang tayo maging matino at matutong magmalasakit at magmahal sa kapwa? O kahit siguro judgment day na ay hindi pa rin matitinag sa pagkamanhid ang mga suwail sa ating bayan. Kaawa-awang Pilipinas.

Sa kabila ng matinding kalamidad na ating kinakaharap nakakatuwa at nakakataba ng pusong malaman na ang kapwa Pilipino sa ganitong sitwasyon at kahit na ang buong mundo ay nagdadamayan, nagtutulungan at handa pang tumulong sa mga biktima at naapektuhan ng 'di pangkaraniwang bagyo. Hindi lang basta pinansiyal kundi personal na aalalay at nakikiisa sa mabilis na recovery ng bansa.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.

Sana kahit walang emergency, krisis o kalamidad ang isang bansa magawa nating mahalin at tulungan ang bawat isa sa atin.
Sana kahit walang panawagan na tayo'y tumulong kusang loob nating ibigay ang nararapat na kalinga at pag-aaruga sa mga tunay na nangangailangan.
Sana kahit walang batikos at pumupuna magampanan natin ang ating tungkulin at obligasyon ng buong puso para sa bansa at sa mga tao.
Sana.

'Pag nangyari ito sigurado lahat tayo ay may kakayahang sabihin na: PHILIPPINES would be a better perfect place to live in.


4 comments:

  1. Ganda ng pag ka sulat. Really awakening. Hope many will read this. Keep writing brother.

    ReplyDelete
  2. hello, Limarx... ang husay, kapatid. thanks for sharing. nakakatuwang malaman ang saloobin at isipin mo sa mga kasalukuyang pangyayari. magsulat ka lagi. hello rin sa iyong loved ones... :)

    ReplyDelete
  3. galing naman ng pagkakalahad mo.... sang ayon ako sa mga nasabi mo....

    ReplyDelete
  4. Salamat sa inyong pagbasa. Ewan ko, pero yung mga ganitong post ang hindi gusto ng karaniwang mambabasa. :(

    ReplyDelete