Thursday, November 28, 2013

Kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao



Likas na sa mga pilipino na lumabas ang itinatagong yabang o angas sa tuwing mayroon silang kababayan na nagtatagumpay o nag-uuwi ng karangalan para sa bayan sa kahit anong contest o larangan. Proud na proud ang marami sa tuwing may artistang pinoy na extra sa isang Hollywood movie o sa tuwing may pumapasok na pinoy contestant sa mga reality show na tulad ng American Idol, America's Got Talent, X-Factor, etc. at mga bansang may franchise nito o sa tuwing may mga pinay na nakokoronahan sa mga international beauty pageant o sa  tuwing may mga kababayan tayong nagwawagi sa iba't ibang competition tulad ng WCOPA o Brussels/Brisbane/Venice Film Festival. At kahit na kakaunti lang ang dugong nananalaytay sa taong nakapagkamit ng tagumpay o may makatawag pansing talento buong pagmamalaki nating ipinangangalandakan na kalahi natin ito sabay sigaw o share ng status sa Facebook na: "Proud to be Filipino!" with exclamation point.


Dalawang talo ang pinanggalingan ni Manny Pacquiao at sa panahong iyon tila tumamlay, tumahimik at natameme panandali ang mga netizens na mapride, tila namaos ang kanilang boses at nabawasan ang kanilang kaangasan. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat dahil kahit lehitimo ang pagkapanalo ni Marquez sa huli nilang laban pasaring at labis na pambubully naman ang ganti nila dito. Senyales ito na hindi handa ang marami sa atin na tanggapin nang maluwag ang pagkatalo ni Manny samantalang ang mismong bumagsak at natulog sa ring ay buong pusong tinanggap ang kabiguan nang walang dahilan, walang alibi, walang katwiran.


Proud ang marami kay Ms. World Maegan Young
Sa nakaraang laban ni Manny Pacquiao versus Brandon Rios walang dudang si Manny ang nagwagi dito dahil mula umpisa hanggang huling round ay nadomina nito ang laro. At dahil dito muling nagising at bumalik ang yabang (na pansamantalang naidlip) ng maraming pilipino at nakadagdag pa rito ang magkakasunod na pagpwesto ng ating mga pambato sa pandaigdigang beauty pageant. Bumungad sa iba't ibang fan page ng Facebook ang paghanga, pagbati at pagyayabang ng mga admin nito na proud silang naging pilipino sila at siyempre kabilang rin sa sumisigaw nito ang maraming proud pinoy netizens.


Ito 'yung moment na hinihintay nang lahat pagkatapos ng debastasyon at bayolenteng pananalanta ng bagyong Yolanda. Ang pagkaawa ng mga foreign nation sa Pilipinas ay kagyat na napalitan ng paghanga. Ito ang tamang pagkakataon para muling pumailanlang ang 'Pinoy Pride'. Ang comeback ni Manny ay parang comeback na din ng buong sambayanan.
Ang panalo ni Manny ay inspirasyon para sa marami, kasiyahan para sa milyon-milyong katao hindi lang ng mga pilipino, karangalan sa bansang dumaranas ng pagdurusa, pag-asa para sa mga patuloy na nangangarap at kayabangan para sa mga gutom sa pagkilala at magandang balita.


ang superhero ng pilipinas
Halos lahat ay nagnanais na manalo si Manny sa bawat kanyang laban ngunit okay lang sa akin ang anumang magiging resulta o kalalabasan ng kanyang bawat laban; manalo man o matalo. Kung hindi man magwagi hindi na kailangan nang katwiran, pambubully, pangangantiyaw, palusot, bayolenteng reaksyon, pang-aasar o pagcurse sa nakalabang boksingero tanging kailangan lang ay ang pagtanggap na hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon ay mananatili kang nasa ibabaw at pagpapaalala din ito na walang sinuman ang nananatiling nasa rurok ng tagumpay kailanman. Sa taglay na husay at lakas ni Manny sa boxing halos nalilimutan nating mortal din lang siya na nagkakamali, na mayroon ding kahinaan; hindi siya imortal, invincible o superhero at anumang sandali pwede siyang magapi.


Bilang pilipino nakakatuwa na mayroong isang pilipino na angat sa napili niyang larangan ngunit ang hindi nakakatuwa ay ang ugali ng karaniwang pinoy sa tuwing makakatikim ng panalo si Manny. Given na ang paghanga at pagiging masaya ngunit ang labis na pagmamayabang ay hindi na nakakatuwa at kaaya-aya sabi nga ng misis ko pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Rios: "Kaya ayokong nananalo si Manny kasi sa tuwing mananalo siya dumadami ang yumayabang na Pilipino!" patungkol ito sa announcer ng radyo na nagcover ng laro. Kung ano ang kababaang loob ni Manny sa tuwing siya'y nananalo siya namang pagiging mayabang ng maraming pilipino.  Kunsabagay hindi natin sila masisisi dahil napakabihira ng pagkakataong ganito: ang maging eksepsyonal ang isang pilipino sa ibang mga lahi!


Likas na may yabang ang pilipino hindi ba't sa tuwing may bago silang gamit, bag, damit na mamahalin, sapatos, iPhone, gadget at iba pa ay ipinangangalandakan nila ito sa mga kaibigan o sa kanilang Social  Networking account. Hindi ba't sa tuwing kumakain tayo sa medyo mamahalin/sosyal na restaurant o humihigop ng mamahaling kape o nakabili ng overpriced na donut ay agad natin itong pinopromote sa FB o Instagram? Hindi ba't sobrang ipinagmamalaki ng mga magulang ang matataas na grado sa eskwelahan ng kanyang anak?
Pero iba ang yabang at angas ng mga pinoy sa tuwing magwawagi at paparangalan ang isang Manny Pacquiao. Ang yabang natin ay nangingibabaw! At may dahilan kung bakit tayo ganito; may malalim na rason kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao.
Galing sa kayabangan google ang larawan
Simula nang tayo ay magkaisip tila namulat tayo na ang ibang lahi partikular na ang mga kanluraning nasyon ay angat sa atin, automatic na ang paghanga natin sa kanila.
Hindi ba't 'nakajackpot' ang tingin natin sa isang ordinaryong pinay na may boyfriend/asawa na ingles o amerikano?
Hindi ba't ang tingin natin sa HALOS LAHAT ng mga puti/amerikanong bumibisita sa ating bansa ay mayaman kahit hindi naman?
Hindi ba't labis-labis ang paghanga natin sa mga koponan ng NBA, sa mga Hollywood movies kasama na ang kanilang actors and actresses?
Hindi ba't kinoconsider natin na mataas ang quality ng isang produktong may tatak na 'Made in USA' o 'Made in Japan'?
Hindi ba't mas masarap sa panglasa natin ang mga imported chocolates kaysa lokal na mga tsokolate natin?
At kahit magaling o may ibubuga tayo at mga gawa natin sa kanila mas kahanga-hanga pa rin para sa atin ang mga imported products at hindi ito maikakaila lalo't obvious na hindi bumebenta ang mga lokal nating produktong gadget kumpara sa Korean, Japan at American brands.


Manny Pacquiao - National Treasure. The Filipino Pride.
Nakatala na sa kasaysayan na ang isang purong dugong pinoy na si Manny ay umangat, namukadkad at ginapi ang mga banyagang (boksingero) kanyang nasagupa nang hindi lang ilang beses, purong talento ito na hindi tsamba kaya natural lang na reaksyon ang paghanga at pag-idolo natin sa kakaibang galing at talinong ito ni Manny at ang labis na paghanga at pag-iidolong ito ang nagtutulak sa maraming pilipino para magmalaki at magmayabang.


Isang uri ng cyberbullying kay Rios
Sa sobrang dami ng HINDI MAGAGANDANG BALITA na sumasalubong sa atin sa bawat araw tila nakasanayan at namanhid na tayo dito. Pangkaraniwan na sa mga pilipino ang headline ng iba't ibang krimen, mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ating mga tiwaling pulitiko at mga natural disaster na ayaw tayong lubayan. Ang anumang good news na magpaparelax sa nakakasawa at nakakapagod na nakasanayan nating balita ay makakakuha ng atensyon ng mga pilipino lalo't involve ang galing at husay ng isang pinoy o personalidad na may dugong pinoy. Kaya isang BIG DEAL para sa marami ang tagumpay ni Manny Pacquiao. Para bang ang tagumpay ni Manny ay tagumpay na rin ng sambayanang pilipino at ang kanyang bawat pagtumba at daing ay tila dama rin ng milyon-milyon niyang fans.


Ang bawat panalo o pagwawagi ni Pacquiao ay pambasag sa nakakairitang balita ng katiwalian, pulitika at trahedya sa ating bansa.

Gutom ang mga pilipino sa magaganda at kaaya-ayang balita, success at inspirational story at napakakaunti o limitado ang mga personalidad na naghahatid sa atin nito hindi tulad sa mga mga mauunlad na bansa o kanluraning nasyon na maraming kababayan nila ang nagdadala ng tagumpay at karangalan para sa bansa nila. Ika nga siksik, liglig at nag-uumapaw ang personalidad na nagiging matagumpay sa iba't ibang uri ng larangan; sports, singing, acting, business, science, technology o art. Hindi matatapos ang listahan kung ito'y iisa-isahin at hindi ito gaanong big deal sa kanila.


Ang sinumang pilipino na nag-uuwi ng karangalan sa kanyang bansa ay kinikilala natin ng sobra-sobra dahil bibihira dumating ang ganitong pagkakataon. Tila nagkakasya na lang tayo sa kung anong success ng iba, success din natin at nakikisakay na lang tayo dito. Ang nakakalungkot pinipili lang natin ang dapat nating ikaproud kahit nagdudumilat ang napakaraming bagay at ugali na dapat nating baguhin at iimprove. Mga pilipinong proud sa tuwing nananalo ang isang pilipino pero patay-malisya naman sa hindi kagandahang ugali ng marami sa ating kababayan at wala ring pakialam kung nasasangkot ang pilipino sa mga kabalastugan, kulang na lamang ay itakwil nila ang kanilang pagiging pinoy.


Paano na lang kung magretiro na si Manny, wala na bang dahilan para tayo maging proud? Paano na lang ang Filipino Pride?
Mayroon pa, dahil may mga pilipino pang magiging tanyag at uusbong sa iba namang katauhan pero 'wag sana nating iwaglit na ang husay at talento ng sisikat na ito ay hindi repleksyon sa buong lahing pilipino. Marami pa tayong dapat patunayan at baguhin para hangaan hindi lang isang indibidwal na pilipino kundi ang buong bansa natin. Sa ngayon, sa halip na maging hambog at mayabang tayo sa tagumpay ng iba mas maganda na maging humble muna sa kabila ng tinatamasang karangalan at pagkilala ng mundo sa ating kababayan, si Manny Paquiao man ito o ibang pangalan.

* * *
Ang KAPALALUAN, kasama ng kasakiman, kahalayan, galit, katakawan, inggit at katamaran ay kabilang sa pitong kapital na kasalanan. Hindi madaling gawin ang lahat nang ito pero kung kaya naman nating mapigilan pilitin sana nating ito'y maiwasan.

1 comment:

  1. Tama ka, Kuya Limarx. Most of us are sore losers. Ako, aminado akong ganyan ako. Di na din ako active sa social networking sites, nakakasawa na din kasing sumakay sa bandwagon. *sigh*

    ReplyDelete