Inspirasyon
ng akdang ito ang “Minsan May Isang Puta” ni Ms. Mike Portes (na aking kaibigan
sa Facebook at isa sa nagbigay daan sa akin para mabigyan ng pagkakataong
magkaroon ng sariling libro at ang akdang inyong mababasa (Incest) ay nakapaloob
sa librong iyon). Mayroong Facebook page ang MMIP na ang layunin ay katulad
din ng layunin ng marami sa atin: matinong pagbabago sa bansang Pilipinas.
Excerpts from the page: “Minsan may isang Puta” was originally published in April 30, 2004 @ Peyups.com and has taken a life of its own. From blogsites, email messages to a film adaptation in the locally and internationally awarded "Ganap na Babae" (International title: Garden of Eve) and on print at the author's first sole authored book "The Dove Files". It's first international printing is in "Writings 8" available at amazon.com and at UAE's Mismo Magazine.
Excerpts from the page: “Minsan may isang Puta” was originally published in April 30, 2004 @ Peyups.com and has taken a life of its own. From blogsites, email messages to a film adaptation in the locally and internationally awarded "Ganap na Babae" (International title: Garden of Eve) and on print at the author's first sole authored book "The Dove Files". It's first international printing is in "Writings 8" available at amazon.com and at UAE's Mismo Magazine.
Sa Definitely
Filipino, ang akdang Minsan may Isang Puta ay ang "Most Read article"
sa blogsite nila na as of this writing ay mayroon nang 173,342 reads, higit 40,000 likes at higit sa
30,000 ang pag-share.
- - - - - - - -
Marami
ang nagpakasasa at nagpakasawa sa aking katawan mga iba't ibang lahi pa nga;
Kastila, Amerikano, Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung
tatanggi man ako'y hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh
mahina lang ako? Isang kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na
malandi pero sa katagalan nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin,
kailangan eh. Marami ang umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto.
Kaya't kahit hindi na kaya ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang
pangangailangan ng marami kong anak.
Mahirap
talaga ang maging mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at
makapangyarihan. Walang boses ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat
hinaing, walang lakas ang bawat pagtutol.
Tanggap
ko na ang kapalaran kong ito at kahit na anong gawin ko'y hindi na rin
maibabalik pa ang nakalipas at nakaraan. At kung maibabalik man ito may
kakayahan ba ako na ito'y baguhin?
Tanggap
ko na, na ganito ang naging kapalaran ng aking buhay.
Tanggap
ko na, na madrama at malungkot ang aking kasaysayan.
Ngunit
ang hindi ko lubusang matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa
akin ng mismong mga anak ko! Hanggang kasalukuyan.
Batid
nilang higit kong kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos
kong kalagayan pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako't
gusto ko na ring magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa
akin. Ngunit sa halip ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking
kapurian. Parang mga demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na
nilulustay ang natitira ko pang kaunting kayamanan.
Awang-awa
na ko sa aking sarili.
Tingin
ko'y sobra na 'kong namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot
na namamahay sa aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili
dahil sa hindi yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan
kung bakit naging ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang
kwentang Ina!
Ginawa
ko naman ang lahat ng alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila
nama'y maging mabuting mga anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging
responsableng mamamayan at maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero
ako'y nabigo. Nagpakaputa ako upang matustusan lang ang kanilang
pangangailangan halos pati kaluluwa ko'y ibinigay ko na sa mga oportunistang
naghahangad sa akin noon, noong ako'y sariwa at higit na maganda kaysa ngayon.
Sinikap ko ring makaipon para sa magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak
pero kahit na hindi ganoon karami ang mga suwail at walanghiya kong mga anak
sila pa rin ang nananaig at nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at
mas makapangyarihan kumpara sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at
responsable pero tahimik lang at tila walang pakialam.
Pero
hindi lahat ng anak ko'y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak
marami sa kanila ang talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang
ibuwis ang kanilang buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May
pagmamahal na kahit dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala
maipagtanggol lang ako sa mga putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit
alam nilang walang panalo ang kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas
sila'y hindi nagpadaig at natakot. 'Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang
sandata pero parang kanyon sa lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang
lahat ng mga anak kong ito'y maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino
'yun pa ang maagang namatay. Sayang.
Siguro
kung nabuhay sila ng matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi
sana ako nasadlak sa ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang
anak ko. Hindi tulad ng isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag
na bayani kinamatayan na ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.
Kay
sarap balikan ang alaala ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal
nilang inialay ang kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga
dayuhang nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang
tapang at may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa
puso't isip ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng
pag-ibig niya sa akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at
lubos talaga itong nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at
hinagpis ko nang mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!
Sa
sunod-sunod na pagkasawi ng magigiting kong mga anak akala ko'y lubusan na
akong mamahalin ng mga naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang
aral sa kanila. At muli akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang
hindi ganap na dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng
mangilan-ngilan na nagmamalasakit pero ang iba'y unti-unti na ring nilalalamon
ng bulok na sistema at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na
rin ng pagmamalasakit. Ang iba naman'y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang
dahil sa pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang
magpakalayo-layo at tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa
kanila. Nasaan na ang sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na
Pag-ibig?
'Di
ko maintindihan kung bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito'y
napakabubuti, masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo'y
umiiral na halos wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero
pagdating dito hirap na hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng
pagtawid sa tamang tawiran ay hindi ginagawa 'yun na kasi ang nakagisnan at
nakasanayan kaya hayun halos lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung
noon pa man ay pinagsabihan at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang
gawain siguro ngayon lahat sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon
matitigas na ang mga ulo, maraming tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga
pagkakamali nila. Kaunting puna lang sobrang pikon na pero kung sila naman ang
mamumuna napakagagaling at hindi lang mga walang pinag-aralan ang may ganitong
ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo na nga yata talaga ang mundo.
Tulad
ng mga anak kong mga "edukado at mararangal" na may magugulong
pag-uutak. Hindi ko alam kung bakit sino pa ang anak kong may magandang
edukasyon o may mataas na karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa
akin. At paulit-ulit pa. Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang
kanilang Ina'y ginagawan ng kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga
abogado, heneral, ekonomista, elitista, makamasa, militar, artista, propesor at
iba pang propesyonal raw pero halos pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at
taas-noong sasabihing taos ang pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako
sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon.
Ang
ibang mga anak ko naman na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang
poder ay 'di nga nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang
ate at kuya o umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan.
Gusto ko mang ikahiya na sila'y aking mga anak ay 'di ko magawa bagkus umiisip
pa rin ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero
alam kong imposible itong mangyari ngayon.
Kung
maari lang sigurong pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila
pa rin ang pipiliin ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon.
Napakaraming pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon
ay nasayang lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap
hindi man lang ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa
kakaunting pera ko na dapat sana'y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang
naaawa sa akin ay wala namang aksyong ginagawa. 'Wag na kayong magtaka kung
isang araw ay bigla na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang
depresyon at sama ng loob.
Dumating
din naman sa punto na akala ko'y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang
minsa'y silang magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang
dilaw na laso na simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali.
Naging daan lang pala ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang 'yun dumami
pa silang nagpakasasa sa katawan ko. Kaliwa't kanan ang kahalayan at kababuyan.
Halos wala ring pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang
humimod sa katawan ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko
sa kamay ng mga anak ko.
Sa
positibong banda marami akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang
mag-adjust at mamuhay sa kahit saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig
na snow, sa bansang komunismo, sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may
digmaan naroroon sila, nagtatrabaho at nagtitiis. Ang mga dolyares na
pinapadala nila ay malaking tulong sa akin dito ko kinukuha ang mga biglaan
kong pangangailangan at 'yung iba pambawas sa mga utang siyempre 'yung iba
kinukupit (hindi na yata maiiwasan 'yun). Hindi naman kami mayaman pero balita
ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon kong dolyares.
Siguro
kung napangalagaan lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang
mag-abroad ng marami kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi,
Canada, Amerika, Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at
ang kani-kanilang pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga
anak kong may hawak ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.
Ang
ikinababahala at ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak
sa pambu-bully ng isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong
ito ang aking nasasakupan, gagong iyon porke't alam na mahirap at mahina lang
kami kinakayan-kayanan ako! Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang
nangyari sa akin dati nang sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon
at pinapanalangin kong 'wag naman sana 'yung maulit.
Saka
akin naman talaga ang lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang
kapitbahay ko lahat sila'y magsasabing akin 'yun. Ninanakaw na nga ng mga anak
ko 'yung kaunting kayamanan ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak
din akong nakawan. Ayoko namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala
akong laban du'n lampa kasi ako. Hangga't maari gusto kong matapos at maresolba
ito sa isang matino at payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga
anak ko. Ayokong isiping makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon
para sa ikabubuti ng marami kahit na alam kong wala ring mangyayari kung
ipapamahala ko 'yun sa anak ko. Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay
kong anak kung basta na lang itong ipamigay sa mga naghahari-harian.
Minsan
nagtataka ako kasi matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na
napagtapos ko sa aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang
pinag-aralan sa tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong
banyaga paminsan-minsan ay nagbibigay sa'kin ng kasiyahan at karangalan pang
world class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng
sining, sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya
sinasakyan ang bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang
ang iba namang mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng
kapintasahan ang kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong
ginagawang masama sa kanila.
Sadyang
noon pa yata ay naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga
putik sa halip na linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako
na sarili nilang ina'y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya.
Kung sukang-suka ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing
ito'y aking naalala parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa
kanila dahil dugo sa dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero
wala akong magawa.
Iniluluha
ko na lang ang bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko
pati ba naman ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?
Hanggang
kailan ba ako magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba
ako maituturing at maigagalang na ina?
Kung
ang tawag sa panghahalay at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay
Incest isa pala itong karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan.
Krimen na dapat sanang mabigyan ng hustisya't katarungan pero kanino ako
lalapit at dudulog? Sino ang aking lalapitan?
'Di
bale na. Ayaw ko rin naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila'y magbago
at magbalik-loob na lang sila sa'kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka
hindi pa naman siguro huli ang lahat...may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa
isang kasabihan habang may buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa
ang tangi kong maging sandigan at sandalan.
Hanggang
dito na lang. Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na
rin at napahaba itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo
gusto ko lang mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong
ibang mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan
tuloy 'di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong
gagawin. Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.
Hindi
ko na siguro kailangang magpakilala pa sa'yo dahil sigurado naman akong kilala
mo na ako mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama
at daing heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang
pakikinig ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga
anak kong ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa
rin kitang tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng
kahalayan sa akin pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa'yong mahal ko
pa rin kayong lahat at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng
'yan.
Ako
pa rin ang inyong Ina.
Ako
pa rin ang Ina ninyong hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at
madaing pero mapagmahal. Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw
pero mistulang inaalila at inaalipin.
ahaha, magaling ang iyong komposisyon, kapatid. mahusay ang analogies and metaphors, kakatuwa... :)
ReplyDeletepag may time, sometime, hoho, hamo at gagawa lola mo ng akda expounding on nationalism and betrayal (heavy topic, hehe) - bakit parating may betrayal ng nation, bakit at paano lumalabas na hindi dalisay ang pag-ibig (sa tao man o sa bansa) and why love persists still - love of country man or love between two people, ahaha. continuation ng nabanggit before na related closely ang romanticism and nationalism.
ay, teka, na-extra rito ang baboy. or, dahil sa post about baboy, hehe, na-trigger ang nationalism ng isa ryan? hoho, basta... ikaw, anlakas ng imagination. nakakita ng pink na baboy pic, andami mo agad naisip, hehe. happy weekend to you and family... :)