Kuntento ka na ba sa
katayuan ng bansa mo ngayon?
Kuntento ka na ba sa estado
ng buhay na iyo ngayong kinalalagyan?
Kung 'oo' ang sagot mo
mabuti pero batid mo bang mayroon pang igaganda at ibubuti iyan kung naging
tapat at progresibo lang sana ang puso at mentalidad ng mga namumuno sa atin?
Ngunit kung 'hindi' naman 'wag kang mag-alala dahil kabilang ka sa napakalaking
porsyento ng mga pilipino na umaasa na aangat at aasenso ang kanilang pamumuhay
sa 'itinakdang' panahon.
Silang mga pilipinong
nabubuhay at kinakamatayan na ang pag-asang siglo na nilang kinakapitan at
inaasahan.
Hindi lingid sa atin na ang
Pilipinas ay tanyag sa maraming bansa hindi lang dahil sa husay, determinasyon
at galing ng mga pilipino sa maraming bagay o sa ganda ng ating mga karagatan o
yaman ng ating kabundukan kundi dahil sa malawakang katiwalian at korapsyong
nagaganap sa ating pamahalaan at kahit tayong pilipino nga mismo ay hindi buo
ang ibinibigay na tiwala sa mga opisyal na namumuno sa atin. Kasaysayan ang
nagmulat sa atin kung gaano kalala ang katiwalian sa ating gobyerno kaya't
hindi natin masisisi ang sinuman (pilipino man o dayuhan) na magduda sa anumang
pondong kanilang hinahawakan. Kung gaano kaliit ang ibinibigay nating tiwala sa
mga opisyal na namamahala sa atin halos ganun din ang respetong iginagawad
natin sa kanila ngunit kahit anong gawin nating protesta o pagpapahayag mistula
silang mga manhid at walang pakialam sa ating mga pakiusap at hinaing.
Silang hindi natitinag sa
kanilang kinatatayuan, silang hindi naaantig ang mga kalooban.
Biyernes, Nobyembre 8, 2013.
Habang may isang Napoles na
lantaran ang pagsisinungaling sa hearing ng senado, sa mismong sandali namang
iyon ay binabayo nang napakalakas na pwersa ng bagyo ang malaking bahagi ng
Pilipinas. Habang ginagago at niloloko niya ang buong sambayanang pilipino tila
nagpupuyos naman sa galit at lupit ang kalangitan. Maaring ito'y isang
aksidente o nagkataon lang ngunit ito'y kakatwa kung ating iisipin at tila may
ibig itong ipahiwatig at ipakahulugan.
Bumubuhos ng mga tulong,
ayuda, suporta, donasyon at pera ng iba't ibang nasyon sa mga biktima ng super
bagyong Yolanda at habang isinusulat ang akdang ito aabot daw ang halaga nito
ng mahigit sa tatlong bilyong piso! Nakakalula ang halaga, nakakasilaw ang pigura.
At dahil dito kabi-kabila ang panawagan at panalangin ng buong mundo na huwag
naman sanang kulimbatin, nakawin o kupitan kahit na katiting na bahagi ng mga
donasyong nakalap.
May mga radikal na
panawagan, may mga lantaran ang pagtuligsa, may naghayag ng sama ng loob at
sintimyento sa mga social network ngunit mas marami ang piniling manahimik
ngunit hindi kahulugan nito na buo ang kanilang tiwala sa mga taong hahawak ng
napakalaking suportang patuloy na dumarating at dumarami.
May kasabihan tayo noon na madaling
maging tao pero mahirap magpakatao maari na nating idagdag ngayon na: 'hindi
madali ang buhay lalo't nabubuhay kang isang pobreng pilipino'. Hindi madali
dahil tila para tayong mga sugatang kuting na hinayaan ng ating iresponsableng
ina na mamuhay sa madilim at masukal na kagubatan. Nagtatanong kung hanggang
kailan ba tayo mananatili sa kagubatang ating kinasadlakan? Hanggang kailan ba
tayo kayang tikisin at tiisin ng ating inang namumuhay sa kaginhawaan?
Mababait sana ang pilipino
kaya nga mayroong tinatawag na 'filipino hospitality' ngunit dahil sa labis na
kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa matinong hanapbuhay marami ang
napipilitang kumapit sa patalim. Ngunit naniniwala pa rin ako na kahit kailan
'the end does not justify the means' ang kasalanan ay kasalanan kahit para sa
kabutihan pa ang layunin ng ginawang kasalanan. Unti-unti, naglalaho ang ating
pagiging filipino hospitality at napapalitan ito ng takot at pangamba. Takot at
pangamba na mamuhay ng payapa sa sarili niyang bansa.
Ikaw ba'y hindi nangangamba
sa iyong kaligtasan sa tuwing ikaw ay naglalakad sa alinmang kalsada sa
Pilipinas lalo na sa Kamaynilaan?
Ikaw ba'y hindi nangangamba
sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging apo sa mahal nating Pilipinas?
Sa kabila ng kayamanan at
kagandahan ng ating likas-yaman, sa napakaraming buwis na pumapasok sa kaban ng
bayan, aabot sa bilyong dolyar na remittances ng mga masisipag na bagong bayani
daw ng ating bansa - heto tayo kaawa-awa sa paningin ng mga banyaga.
Noong panahong hindi pa
talamak ang kahirapan kapansin-pansing higit na mababa ang naitatalang
kriminalidad dito sa atin ngunit kalaunan habang padausdos ang ekonomiya ng
Pilipinas at nang mag-umpisang makaranas ng gutom, paghihirap at kawalan ng
pagkakataong magkatrabaho ang maraming pilipino tila sumabay na rin sila sa
pagiging malupit ng mundo, gradually nagiging malupit na rin sila.
Sa kagustuhang malamanan ang
sikmura ng bawat miyembro ng kanyang pamilya at tila nawalan ng kapag-asahang
matutulungan silang maiahon ng gobyerno mula sa pagkakalubog sa kumunoy ng
kahirapan nagiging mapangahas ang marami nating hikahos na kababayan.
Ngayon, mapangahas ko ring
ipapahayag na sa kasalukuyan nating kalagayan walang sinuman ang may KATIYAKANG
makapagsasabing may magandang kinabukasang naghihintay ang susunod na
henerasyong pilipino. Kaya nga marami ang nagpapasyang maghanapbuhay sa ibang
bansa dahil napakaliit ng tsansa na ikaw ay umasenso dito sa Pilipinas liban na
lang kung ang iyong pamilya ay may labis na kayamanan o may matatag kang
negosyo at palarin na magkaroon ng napakagandang oportunidad (ngunit kung
susuriing mabuti ang liit ng odds para dito). Ang ordinaryong empleyado dito sa
atin ay HALOS walang pagkakataong umunlad at umasenso.
Ang ating mga lider at
pinuno ay ating mga magulang na sana'y gagabay at magpapalaki sa atin ng may
respeto at pagmamahal sa kapwa subalit ang mga magulang nating ito, sa halip na
maging magandang halimbawa sa atin sila pa ang nagtuturo at nagtutulak sa mga
mahihina para makagawa ng mga bagay hindi kanais-nais. Walang nagnanais na
mangholdap kung mayroon itong matinong pagkakakitaan, walang nagnanais na
maghalungkat ng napakabahong basura kung may sapat na kalinga at programa ng
edukasyon para sa mga kabataan, walang nagnanais na magpakaputa kung mayroong
matino at magandang mga hanapbuhay na nakalatag. Bakit hinahayaan natin ang
lantarang diskriminasyon sa lahat ng requirements ng mapapasukang trabaho?
Bakit dapat may pleasing personality ang halos lahat ng available na trabaho?
Bakit may age limit, paano na ang may edad na ngunit may kakayahan pang
magtrabaho?
Isang katotohanan na kapag
walang permanenteng trabaho tumataas ang bilang ng krimen.
Maraming krimen ang hinayaan
na lang nating hindi maresolba, maraming krimen ang hindi na lang nirireport ng
mga biktima, maraming krimeng pagnanakaw ang winawalang bahala at itinuring na
lang na ordinaryong kaganapan sa Pilipinas, maraming krimen ang hindi talaga
ginawan ng paraang malutas lalo't kung ang taong sangkot ay mayaman,
maimpluwensya o makapangyarihan.
Lahat ng krimen ay kailangan
ng hustisya ngunit iilan lang ang kayang lutasin ng ating batas at pulisya?
Kaya ba hinahayaan at
pinababayaan na lang natin ang mga tsuper na lantaran kung walanghiyain ang
batas trapiko?
Kaya ba handa nating tiisin
ang mga minor o petty crime tulad ng snatching o holdapan?
Kaya ba okay lang sa atin
ang magtapon ng basura kahit saan natin gustuhin?
Kaya ba ang prostitusyon ay
tila tanggap na ng lipunan?
Kaya ba patuloy na lumalala
sa bansa natin ang drug trafficking?
Siguro nga...dahil kung ano
ang nakikita nating madalas 'yun ang ating nakakasanayan at ang mga kinasanayan
nating ito habang tumatagal ay mahirap nang pigilan at supilin.
Pilipino sa pilipino walang
tiwala at respeto. Banyaga sa pilipino ang tingin ay biktima ng sarili nilang
pamahalaan. Nakakahiya pero iyan ang nagdudumilat na katotohanang sumasampal sa
bawat isa sa atin at kahit anong pagsusumikap ng pinakamataas na namumuno sa
atin o ilang may tunay na pagmamalasakit sa bansa na maging matapat at matino marami
higit na marami pa ring gahaman at ganid sa pera at kapangyarihan kumpara sa
matino at maaasahang pinuno.
Habang milyong tao ang labis
na naapektuhan at ngayo'y nahihirapan ang kalagayan dahil sa nakalipas na
kalamidad, ang mga nahalal ng tao na nangako noong nakaraang eleksyon ng
pagbabago at pagmamahal sa bayan ay hindi makita at hindi mahagilap. Tila
iniasa na ng mga pulitiko sa mga higanteng network sa bansa ang pagtulong at
pagkalinga sa mga sinawing-palad na biktima ng sunog, lindol, sakuna, baha,
landslide, storm surge at ang huli nga ay ang mapaminsalang bagyong si Yolanda.
Ang nakakalungkot, sa susunod na eleksyon sila ang ulit ang mahahalal.
Napakahusay nating mambara
at mambatikos sa sinumang nagbibigay puna sa ating lahi o sa ating mga ginagawi
pero hindi naman tayo sensitibo sa nararamdaman ng iba. Bakit hindi natin
maamin na ubod nang bagal ng ating pamahalaan sa pagresponde sa lahat ng klase
ng kriminalidad, sakuna at kalamidad? Tanggapin sana natin ang ating kahinaan
at magmula rito ay pagbutihin ang mga puna at kritisismong hindi naman
kasinungalingan ngunit bilang ganti may magtatangka pang batikusin ang taong
naghatid ng isang balidong ulat. Hindi sapat ang pagmamalasakit lang dahil mas
mahalaga ang kagyat na pagkilos sa panahong ito. Hindi sapat ang nakatingin ka
lang o nakikinig ka lang sa mga ulat dapat ay magtulungan tayo sa anumang
paraang alam mo.
Napakabilis din nating
sumigaw ng "Proud to be Filipino!" sa tagumpay ng iilang piraso
nating kababayan pero itinatakwil at ipinagkakanulo naman natin ang ating
kabuuan. Ang tagumpay ng ilang pilipinong indibidwal ay hindi sumasalamin sa
kabuuan ng ating lahi dahil ang nakikita at namamalas sa atin ng mundo ay
negatibo. Lantaran man o hindi, marami sa ating 'bagong bayani' ay nakararanas
ng diskriminasyon dahil ayon sa kasaysayan tayo ay alipin ng mga dayuhan at
hanggang sa kasalukuyan hindi pa natin nababago ang kasaysayang ito. Hanggang
kailan tayo makakahulagpos sa konotasyong ito? Kung maaari lang, ngayon na
sana. Hindi sa susunod na henerasyon, hindi sa susunod na salinglahi.
Bakit ba hindi tayo
makahanap o makapaghalal ng matino at matalinong pinuno? O merong nagtatangka
ngunit mas nais nating mamuno sa atin ay mga taong sikat at popular kahit salat
sa sinseridad at kaalaman. Kung maari lang sanang i-clone ang mga katulad na
pamumuno, tikas, astig, diskarte at abilidad nina Miriam, Duterte, Gordon,
Robredo, Bayani, Hagedorn, Bonifacio, Rizal at iba pa. Marami pa ang tulad nila
na handang umaksyon, tumugon at magmalasakit sa bayan pero madalas hindi natin
nakikita o ayaw nating pansinin siguro'y hindi tayo sanay o ayaw nating
magpasaway dahil mas nananaig ang katigasan ng ulo ng marami sa atin. Ang
popular na pulitiko ay hindi katumbas na magiging magaling din siyang manungkulan,
ang popular na magdeliver ng kanyang bawat speech ay hindi kahulugan na
natutumbasan niya ng aksyon ang kanyang bawat sinasabi. Hanggang sa siya'y
bumaba sa panunugkulan mananatiling siya'y Popular President lang kung mas
marami pa ang kanyang paninisi kaysa karampatang aksyon.
Sana sapat na ang mga tulad
nina Pablo, Pedring, Ondoy, Sendong, Habagat, Yolanda, Marcos, Revilla, Enrile at
Napoles para matuto at magbago na, hindi lang ang mga lider natin kundi tayo
mismong mga pangkaraniwang tao. Sana hangga't hindi pa huli ang lahat at may
pagkakataon pa tayong baguhin ang mga mali sa ating kasaysayan. Sana hangga't
hindi pa lubos na nasasaid ang papaunti na nating kabundukan, kabukiran at
likas na yaman. Sana hangga't may mga nagtitiwala at tumutulong pa sa ating
kasalukuyang kalagayan.
Madali ang manisi, madali
ang mag-akusa ngunit pagkatapos ng napakahabang panahon ito pa rin ang ating
mga katanungan.
Ano na ba ang napala natin?
Ano pa ba ang aasahan natin?
Ilang kalamidad pa ba ang
kailangan natin para lang tayo maging matino at matutong magmalasakit at
magmahal sa kapwa? O kahit siguro judgment day na ay hindi pa rin matitinag sa
pagkamanhid ang mga suwail sa ating bayan. Kaawa-awang Pilipinas.
Sa kabila ng matinding
kalamidad na ating kinakaharap nakakatuwa at nakakataba ng pusong malaman na
ang kapwa Pilipino sa ganitong sitwasyon at kahit na ang buong mundo ay
nagdadamayan, nagtutulungan at handa pang tumulong sa mga biktima at
naapektuhan ng 'di pangkaraniwang bagyo. Hindi lang basta pinansiyal kundi
personal na aalalay at nakikiisa sa mabilis na recovery ng bansa.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.
Sana kahit walang emergency, krisis o kalamidad ang isang bansa magawa nating mahalin at tulungan ang bawat isa sa atin.
Sana kahit walang panawagan
na tayo'y tumulong kusang loob nating ibigay ang nararapat na kalinga at
pag-aaruga sa mga tunay na nangangailangan.
Sana kahit walang batikos at
pumupuna magampanan natin ang ating tungkulin at obligasyon ng buong puso para
sa bansa at sa mga tao.
Sana.
Ganda ng pag ka sulat. Really awakening. Hope many will read this. Keep writing brother.
ReplyDeletehello, Limarx... ang husay, kapatid. thanks for sharing. nakakatuwang malaman ang saloobin at isipin mo sa mga kasalukuyang pangyayari. magsulat ka lagi. hello rin sa iyong loved ones... :)
ReplyDeletegaling naman ng pagkakalahad mo.... sang ayon ako sa mga nasabi mo....
ReplyDeleteSalamat sa inyong pagbasa. Ewan ko, pero yung mga ganitong post ang hindi gusto ng karaniwang mambabasa. :(
ReplyDelete