Monday, November 11, 2013

Saglit lang, basahin mo naman ito...



Ang kalamidad daw ay walang pinipili; mayaman o mahirap, naghihikahos na bansa o progresibo basta kapag hinagupit ka nito walang sasantuhing kahit na sino. Walang kuwestiyon na wala ngang pinipili ang kalamidad pero tila naka-bookmarked or naka-marked as favorite ang Pilipinas sa bansang laging tinatamaan ng kalamidad o delubyo. Hindi pa nga tayo ganap na nakakarecover sa PDAF issue, sa giyera sa Mindanao, sa napakalakas na lindol at halos isang buwan pa lang ang nakalilipas ay mayroon na namang dumagok sa atin: ang bagyong si Yolanda na ayon sa NASA, PAGASA, etc. ay isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Katulad ng mga world record na pinanghahawakan ng Pilipinas na worst sea disaster in the world, one of the most corrupt country, most corrupt official at iba pa, kailanman ay hindi natin dapat itong ikatuwa.
Ano bang meron sa Pilipinas at lagi tayong may disaster (man made man o nature)?
Ano bang meron sa Pilipinas at paborito tayong dalawin ng kalamidad?
Ano bang meron sa Pilipinas at inaabot tayo ng iba't ibang klase ng delubyo?

Ang Pilipinas ay earthquake / landslide / storm / flood prone country. Sa katunayan, ayon kay Mang Tani na beteranong meteorologist ang average na bagyo natin sa isang taon ay aabot sa dalawampu at ngayong 2013 ay lampas na tayo sa quota. Hindi sa nagmamagaling ako, kung lagi tayong dinadaanan ng mga malalakas na bagyo at matataas na baha hindi ba dapat ay mayroong isang MATINONG EVACUATION CENTER sa bawat bayan o siyudad na ipinagawa ng local government? Para sa mga panahong may sakuna o kalamidad ay iyon na agad ang takbuhan ng mga biktima o nasalanta at hindi ang eswelahan ng mga mag-aaral sa elementarya ang nagiging pansamantagal na evacuation center. Pasensya na, nagtatanong lang.

Oo, nagkalat ang mga corrupt at ganid na pulitiko at government officials sa bansang ito pero 'wag naman sana nating isipin na 'karma' sa bansang Pilipinas ang mga nangyayaring lindol, digmaan, bagyo, landslide, baha at mga sakuna. Ang mga biktima ng kalamidad ay walang kinalaman sa pagiging walanghiya ng mga namumuno at kung maari nga na kung sino lang ang labis na nagpapahirap sa bansa 'yun lang ang maging biktima ng kalamidad.

Nakakalungkot na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nangyayari pa sa atin ang mga ganito katinding kalamidad. Ninanakaw na nga ang malaking bahagi ng ating pondo mapupunta pa ang ilang bahagi nito sa mga nasalanta at sa halip na magagamit sa pagpapaunlad(?) ng bansa, daang milyong piso tuloy ang mailalaan para matulungan ang marami nating kababayan. At sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas hindi ka ba nag-iisip na may mag-iinteres pa rin na opisyal sa donasyon at tulong para sa mga biktima? Dahil hindi lingid sa atin na maraming bansa sa mundo ang nagpahiwatig ng tulong pinansyal sa mga nabiktima ng bagyo.

Partikular sa Visayas.
Aabot sa libo ang nasawi. 'Di mabilang na bahay ang nawasak. Libong ektarya ng pananim ang nasira. Milyong tao ang apektado. Bilyong piso ang damages. Libong kaluluwa ang naliligaw. Magsingdami ang baha at ang luha. At kung nababasa mo ang akdang ito mas maswerte ka sa kanila dahil may oras ka pang makapag-internet samantalang ang problema ng mga biktima ng bagyong Yolanda ay buhay at kabuhayan.  Walang puso lang ang hindi maaantig sa eksenang iniwan ng bagyo at kung sa mga bahay natin dumaan ang higit sa 200kph na lakas ng bagyong ito malamang wala na tayong mauuwiang tahanan.

Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan katunayan sa sobrang hirap na kanilang dinaranas ngayon ay nagkaroon ng malawakang looting sa maraming establisimyento. Nakawan ng iba't ibang mga bagay tulad ng mga pagkain, damit, tubig at nakakadismaya na pati mga electrical appliances ay ninanakaw na rin. Sino ba tayo para manghusga? Pero noong kasagsagan ng tsunami sa Japan noong taong 2011 nakita ko ang mga hapong biktima nito disiplinado at matiyagang nakapila para sa rasyon ng pagkain sa kanilang evacuation center. Marahil sa kawalan ng sistema ng mga namumuno desperadong nagawa nila ang looting ng mga appliances.

Nasaan na kaya ang mga magigiting na pulitikong naghahangad ng pagbabago sa bansa sa panahon ng kalamidad? Ewan natin. Nakakadismaya lang na masyadong iniasa ng mga namumuno sa malalaking TV Network ang pagkalinga sa mga nasalanta ng bagyo. Sa halip na magpapogi sila sa harap ng telebisyon o ipangalandakan ang accomplishment/kagalingan nila sa print media ito ang tamang panahon para kumilos, magkaisa at tumulong hindi lang sa pagngawa kundi sa mismong paggawa. Sana kahit minsan magamit man lang ang kanilang pera at impluwensiya sa mabuting kaparaanan.

At sa kabila ng mga unlimited na trahedyang ito at katulad ng iba pang kalamidad na naranasan ng Pilipinas, sigurado bukas o sa makalawa ay makakabangon tayo mula sa muling pagkakadapang ito. Sana sa pagbangon nating ito ay matauhan na rin ang mga namumuno sa atin at maisip nilang itigil ang kanilang pangungulimbat sa bayan. Sana maisip nila na may mga taong higit na nangangailangan ng pondo ng bayan. Sana mahabag na sila sa kaawa-awang kalagayan nang nakabagsak na Pilipinas.

Hindi sapat ang awang ating inuusal sa tuwing sila'y napapanood natin sa balita.
Hindi sapat ang simpatiyang ating pinupukol sa kanila sa tuwing nakikita mo ang bakas ng trahedya sa internet.
Hindi sapat ang atensyon na makukuha nila sa atin sa tuwing may iniiyakang bangkay na biktima ng pagkalunod.
Hindi sapat ang dasal at panalangin na iyong sasambitin para sa mga naiwang biktima ng trahedya.
Hindi lang awa, simpatiya, atensyon at dasal ang kanilang kailangan. Kailangan nila ay damit, pagkain, medisina, pera at higit sa lahat pang-unawa. Sana kung may maitatabi kang pera o anumang pwedeng maitulong sa kanila makapagbigay ka naman kahit na kaunti lang. Maari kang magbigay o magdonate sa pinagkakatiwalaan mong NGO pwede rin sa KAPAMILYA o KAPUSO o KAPATID Foundation.

Hindi mo alam na ang kaunting halagang iyong naibigay ay makapaglalagay ng kakaibang ngiti sa kanilang labi o makakapagdugtong ng isang araw sa kanilang buhay o panibagong pag-asang kanilang babaunin sa pagmulat ng kanilang mata kinabukasan.

4 comments:

  1. Ang hirap kasi sa karamihan sa atin, maghahanda lang kung kelan nakikita na nila yung bagyo, or kung kelan nandiyan na. *sigh* Oh well, wala na rin kwenta manisi pa... ;(

    ReplyDelete
  2. /sigh... ang hirap tuloy magdiwang ng kaarawan ngayon samantalang marami sa ating mga kababayan sa Visayas ang sobrang naghihirap sa ngayon.

    Nakakadurog talaga ng puso ung mga panawagan ng mga tao sa news. I'm still praying and sending out my heartfelt sympathies to all the typhoon survivors.

    Sana talaga, makabili kami ng Sagip Kapamilya shirts this Saturday (out of stock kase as of the moment) bilang tulong na rin sa Sagip Kapamilya foundation.

    at sana lang noh, ung mga politicians natin jan, tumulong na rin. Bato na lang talaga ang mukha at puso nyo kung di pa kayo tinatablan sa mga nakikita nyong grabeng devastation sa news at social medias.

    God Bless the Philippines!

    ReplyDelete
  3. nakakalungkot nga ang nangyari,... hindi biro ang dinaanan ni Yolanda....

    tama ka... sa delubyo walang mayaman o mahirap.... lahat pwedeng mabiktima... un nga lang.. minsan mas kawawa ang mga mahihirap....

    ReplyDelete
  4. hello, uli... tila marami tayong dapat i-put in place na mechanisms on disaster-preparedness, both sa national and local level. seryosohin natin at tapatan ng gawa, pera at training ang pagka-pwesto natin sa Pacific Ring of Fire. parang... :)

    ReplyDelete