Ano ba ang sukatan mo ng
tagumpay?
Tagumpay na bang maituturing
kung ang isang tao'y maraming posesyon? Mayaman? Makapangyarihan? Matalino?
Mataas ang pinag-aralan? Sikat na personalidad? Sagad sa papuri? Maraming
tropeyo, medalya o may nakamit na mga karangalan?
Ayon sa UP Diksiyonaryong
Pilipino na aking napagtagumpayan sa patimpalak ni G. J.Kulisap, ang kahulugan
ng Tagumpay ay ang katuparan o kaganapan ng anumang plano o balak kabilang dito ang
pagkakamit ng yaman, katanyagan at iba pa. Kung ito na nga ang batayan natin ng
tagumpay marami palang tao ang naging matagumpay sa buhay! Ngunit sapat ba ang
ilang mga "tagumpay" upang mapunan nito ang kaligayahang hinahanap
nating mga tao?
Ang susi ba sa kaligayahan
ay ang katagumpayan? O ang susi sa pagtatagumpay ay kaligayahan? Magkadugtong
ba sila na hindi maaring paghiwalayin? Maari ka bang maging matagumpay ngunit
hindi lubos na maligaya o maari kang lumigaya ngunit kapos sa nakamit na
tagumpay? Isasakripisyo mo ba ang iyong kaligayahan para magtagumpay o ibubuwis
mo ang iyong tagumpay para sa wagas na kaligayahan?
Hindi maitatanggi na hindi
lahat ng matagumpay ay maligaya at hindi lahat ng maligaya ay matagumpay; kung
gayon hindi sila palaging magkadugtong dahil ang tao'y maaring maging maligaya
nang walang tagumpay at maari kang maging matagumpay nang hindi maligaya.
Ang kabaligtaran ba ng
tagumpay ay kabiguan?
At ang kawalan ng tagumpay
ng tao ay kasawian?
Kung hindi mo ba
napagtagumpayan ang isang minimithi ay isa na itong kabiguan? Paano mo
sasabihin na ikaw ay isang matagumpay na tao o isang sawi?
Sa aking pananaw, ang
kawalan ng tagumpay ay hindi isang lubos na kabiguan. Mas kabiguan ang
paglamlam ng pagmamahal sa mga bagay na nasa iyong paligid at ang kakulangan sa
pagtanggap sa mga bagay na nangyayari't nagaganap sa kabila ng mga bagay na
tinatamasa. Mapanlinlang ang tagumpay maari kang dalhin nito sa kapanatagan o
maari kang malulong sa hatid nitong kapalaluan. Kadalasan sa paghahangad ng
tagumpay o pagnanais na mamintini ito ay nasasakripisyo ang ilang mahahalagang
bagay sa buhay, ang atensyong kailangan para dito ay nababaling sa pagkakamit
ng minimithi. Sana'y matutong magpasalamat sa Diyos sa anumang biyayang
dumadating dahil hindi lahat ng ating nanaisin ay kaya nating mapagwagian at
mapagtagumpayan.
Nakakalungkot malaman na ang
sukatan ng tagumpay sa panahong kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng maraming
salapi - nakuha man ito sa hindi magandang pamamaraan. At kasabay ng
pagkakaroon ng maraming salapi ay ang pagkakaroon ng karagdagan o labis na pagtitiwala/pagkabilib
sa sa sarili at ang sa iba naman ay kayabangan o kapangyarihan. Kayabangang
nagpupunla ng inggit o galit sa mga tao, kapangyarihang paikutin ang mga taong
salat sa tagumpay at yaman. Mga taong alipin ng yabang at kapangyarihang kayang
paboran ng pagkakataon. Sino ba naman ang hindi maghahangad na magkamal ng
maraming salapi? Ang mabili ang anumang naisin sa buhay, gawin ang gusto ng
walang sagabal na suliranin sa pera, makarating saan mang lugar na ibigin at
walang pangamba sa anumang problemang pinansyal. Isang tagumpay na panandalian,
isang mapakunwaring tagumpay.
Ngunit ito na ba talaga ang
tagumpay na hinahanap natin?
Bakit ang maraming may pera
na itinuturing nating matagumpay ay mayroon pa ring hinahangad o may maligalig
na pag-iisip?
Matagumpay na ba sila'y
matatawag?
Sasapat na ba ang
"tagumpay" sa buhay ng tao?
Ngunit isa lang ang tanging
sigurado ang tao'y hindi kailanman makukuntento. Anuman ang mayroon ka ngayon
ay nakatakda mong palitan, anuman ang napagtagumpayan mo'y nanaisin mong
madagdagan, anuman ang nakamit mo ay maari mo ring matalikdan...lalo't kung ang
mga ito'y pawang hinangad ng dahil sa huwad na pangarap. Sa kabila ng pagtingin
at paghanga ng mga tao sa isang matagumpay na personalidad masasabi kaya nating
sila'y may lubos na kagalakan sa buhay?
Ang sukatan ng tagumpay ng
bawat indibidwal ay magkakaiba. Maaring ikaw ay matagumpay sa paningin ng ibang
tao ngunit sa sarili mo ay kabiguan ang iyong nadarama; maaring ikaw ay
matagumpay na sa iyong napiling larangan ngunit sa ibang mapanghusga at may
utak-talangka ay hindi ka pa rin matagumpay. Minsan ang iyong tagumpay ay
nakasalalay sa mga inampalang may kakaibang batayan at hinahanap.
Ngunit higit sa tagumpay mas
mahalaga na ikaw ay may kagalakan sa iyong puso.
Dahil hindi sasapat ang mga
karangalan na nakamit o ang dami ng salaping nasa bulsa kung kalungkutan ang
nananahan sa iyong dibdib. Ang pagmamahal sa mga bagay na iyong ginagawa;
trabaho man ito o libangan ay maari ding tawaging Tagumpay. Magkamit ka man o hindi
ng parangal, magtamasa ka man ng yaman o hindi kung pagmamahal ang naghahari sa
bawat bagay na iyong ginagawa; mahal ka ng iyong pamilya hindi dahil sa
palamuting nakamit mo, naalala ka ng mga tao dahil sa mga bagay na iyong ginawa
ay isa ring Katagumpayan.
Aanhin mo ang tagumpay kung
isa kang mandarambong sa paningin ng madla? May maruming pangalan at may
kasaysayan nang panggigipit at pagiging ganid.
Ang karangalang
napagtagumpayan mo ba'y lubos mong ikakasiya kung sa pandayara mo lang ito
nakuha? Darating ang araw na ikaw ay babagabin nito.
May halaga ba ang tagumpay
kung nasakripisyo mo ang oras at kasiyahan ng iyong pamilya? Kung masyado mong
naging prayoridad ang pag-asam sa katagumpayan sayang ang mahahalagang oras na
nawala, hindi na ito kayang ibalik pa. Importante din ang parangal at pera
ngunit mahalaga rin ang pamilya, ang sariling kagalakan at ang kapakanan ng mga
nangangailangan ng kalinga ngunit paano ba ito titimbangin? Ang tagumpay minsan
ay nasa isip lang, ang parangal ay iginagawad ng mga huradong may iba't ibang
panglasa at pamantayan.
Huwag magpatali sa
paghahangad ng tagumpay ng parangal baka ito ang maging balakid sa paggawa mo
ng iyong mga naisin sa buhay, sa halip na ito'y makatulong baka makasama pa ito
dahil sa labis na ambisyon at paglagpas sa limitasyong kaya mong ibigay. Hindi
madali ang kumilos sa pamantayang inilatag kung taliwas ito sa iyong kakayanan,
kalayaan, layunin at naisin.
Huwag isara ang paniniwala
na ang pagkakaroon ng yaman ay katuparan ng tagumpay hindi maikakailang marami
ang nalunod at nalubog sa ganitong paniniwala. Kayamanan kapalit ng dignidad at
pangalan. Dignidad at pangalang tila winawalang-bahala na sa isang modernong
panahon. Datapwat ang yamang ito'y 'di nadadala sa pagpikit ng mata, pagpantay
ng mga paa, sa pagtawid sa kabilang buhay.
Hindi masama ang makatanggap
ng mga papuring galing sa mga taong niyakap at tinanggap ang iyong ginawa
perpekto man ito o hindi; masarap ang ganitong pagkilala, nakapagpapaluwag ng
dibdib at nakapagpapataba ng puso. Kusa itong maglalagay ng ngiti sa labi dahil
sa hatid nitong inspirasyon ngunit 'di dapat ito maging dahilan upang
magmalaki, huwag itong limusin dahil kusa itong iginagawad sa mga taong
nararapat.
Karangalan, salapi at papuri
lahat ito'y mahalaga, ito ang magbibigay kahulugan sa higit na tagumpay na
hinahangad ng mundong mapagnasa kung makakamit mo ang isa sa mga ito o lahat ng
ito'y mapasaiyo sana'y magsilbi lang itong pabuya sa mga nakamit mo sa buhay at
hindi ito ang mga dahilan kung bakit ka nabubuhay.
No comments:
Post a Comment