Thursday, August 30, 2012

Imahinasyong Bawal




"Ang daming bawal sa mundo sinasakal nila tayo."
Isang klasikong linya ng paborito kong banda na Eraserheads mula sa kanta nilang "Alapaap".
Bakit nga ba napakaraming bawal sa mundo?
Ilang batas, ordinansa, alituntuntin o regulasyon ba ang dapat nating sundin?
Bukod pa ito sa pagtupad natin ng umiiral na panuntunan o polisiya sa bahay, eskwelahan o opisina. Teka sa dami ng mga bawal na ito, ito ba nama'y sinusunod nating lahat? Siyempre matunog na HINDI ang sagot natin. Bakit? Matitigas kasi ang ulo natin, mga SUTIL ika nga.
Pero bakit maraming mga bagay ang pumipigil sa'tin gawin ang ibang mga bagay kahit hindi naman IPINAGBABAWAL?
Bakit kailangang mabuhay tayo para sa ikasisiya ng iba?
Bakit nag-aalala tayo sa sasabihin ng ibang mga tao?
Bakit nagpapatali tayo sa imahinasyong batas na nilikha lang ng may imahinasyong pag-iisip?
Putsa, ang dami na ngang bawal sa mundo tapos kahit hindi naman itinakda ng batas hindi pa rin natin magawa!

Parang paggawa ng kwento o istorya ng isang manunulat madalas na pumapangit ang napakaganda sanang istorya ng isang telenobela pero dahil sa komersyalismong dahilan nagmumukha tuloy itong TRAPO na paulit-ulit ang sinasabi.
Parang paggawa ng isang tula o kanta kung minsan ay nakokompromiso ang mensaheng gustong ipahatid nang gumagawa nito dahil kailangang itugma ang mga salita sa bawat dulo ng linya. Nagmumukhang hilaw ang pagkakaareglo kung pinilit sa isang kanta/tula ang salitang magtutugma. Isang halimbawa dito ang kantang "Get here" ni Oleta Adams. May isang linya doon na sa tingin ko'y pilit na pilit ang pagkakagawa dahil sa pagnanais lamang na ang salita ay magtugma. Ito yun: 'You can reach me by caravan, Cross the desert like an Arab man.' Ano ang kinalaman ng Arab man sa kantang ito? Dahil ba sila ang karaniwang nakasakay sa kamelyo na binabagtas ang disyerto? O dahil kailangan ng salitang magtutugma sa caravan at Arab man ang unang pumasok sa isip ng kompositor nito? Ewan ko. Pero sa tingin ko'y nagpatali ang gumawa nito sa de-kahong panuntunan ng industriyang kanyang kinabibilangan. Ngunit ito'y isang halimbawa lang sa mas marami pang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Bakit marami pa ring tao ang tila may mababaw na pananaw?
Bakit marami pa ring parang aliping may nakagapos na pag-iisip?

Tulad ng simpleng kulay ng mga damit.
Bakit hindi raw pwedeng magsuot ng matingkad na kulay ang mga taong kmay kaitiman? Paano kung ikasisisya niya ito? Para tuloy pinigilan natin ang kanyang simpleng kasiyahan. Dahil natatakot siyang mapintasan hindi siya magsusuot nito kahit gustong-gusto niya.
Bakit karamihan sa atin ay ina-asociate ang kulay sa gender ng tao?
Eksklusibo lang ba ang mga damit na kulay na pink, fuchsia, purple o violet sa mga kababaihan? Sinong nagmamagaling ang may sabi nito? Kung pagsuotin mo nang nasabing kulay ang anak mong lalaki ito ba'y mababansagan ng bading? Doon ba talaga nalalaman iyon? At ano naman ang masama sa mga umano'y "feminine" color kung isinuot man ito ng isang barako? Ang dami nating kalokohan.

Bakit kailangang pigilan natin ang ating mga sarili sa pagkain ng mga paborito nating pagkain? Dahil ba sa pagmimintini ng malusog na pangangatawan o dahil lang sa kaartehang dahilan? Milyon-milyong tao na nga sa mundo ang hindi nakakakain ng matitinong pagkain tapos pipigilan natin ang ating sarili sa pagkain! Anong kaartehan ito? Natatakot ba tayo na lumapad nang kaunti at tumaba? Bakit kasi ang karamihan sa mga tao ay mapamintas at mapanghusga base sa panglabas na itsura? Mas mahalaga pa ba ang bunganga nila kaysa sa iyong sikmura?
Sa kabilang banda, katanggap-tangap na rason naman kung ang dahilan sa pag-awat ng ating sarili sa pagkain ay ang peligrong hatid nito sa ating kalusugan.
At pag lumapad na ang ating katawan madadagdagan na naman ang mga bawal sa ating katawan. Bukod sa napakaraming bawal na pagkain, tila bawal na rin daw ang magsuot ng damit na hindi kulay itim lalo sa kababaihan. Dahil sa pagtupad sa "bawal" na ito at sa pagiging consistent na nakaitim na damit ng babaeng may katabaan nagmumukha tuloy siyang laging aatend ng lamay o libing. Kawawang nilalang ibang tao ang nagdidikta ng kanyang kasuotan.
Kaysa isipin ang sasabihin ng ibang tao mas tamang isaisip na hindi nasusukat ang pagkatao sa gara o kulay ng damit, sa ganda o lapad ng kanyang katawan.

Masarap kumilos ng walang pretensyon pero bakit sa modernong panahong ito marami pa rin ang parang de-susi na kumikilos para mapagbigyan ang ibang tao?
Bakit minsan kailangan nating pigilan ang ating mga tawa kahit na pakiramdam natin ay sasambulat na ang kalooban natin sa sobrang sayang nadarama? Dahil ba ayaw mong mapagkamalang baliw? Dahil ba nahihiya kang tumalsik ang laway mo sa oras na bumunghalit ka ng tawa? Dahil ba sa nakakahiya ang tumawa nang malakas?
Malungkot na ang mundo tapos sa pagkakataong minsang tayo'y maging masaya pipigilan pa natin ang ating tawa. Huwag mahiyang tumawa ng malakas, huwag mong pigilan ang sarili mong ipakita kung ano ka, masaya ka man o napapatawa.
Ganundin naman kung ikaw ay malungkot, huwag mong pigilan ang sarili mo kung ikaw ay naiiyak o gusto mong lumuha. Dalawa ang mukha ng buhay; isang nakatawa at isang lumuluha kung minsan ay masaya ka darating ang panahong maiiyak ka dahil sa kalungkutang nadarama. Wala sa kasarian ang pagtawa o pag-iyak, tunay o hindi ka man na lalaki o babae. Ang tunay na tao marunong tumawa at lalong marunong umiyak.

Buksan ang puso at isipan.
Hindi sa lahat ng panahon ay kailangan nating sumunod sa kung ano-anong shit na nasa paligid natin para lang walang masabi ang ibang tao. Minsan sa pagsunod nating ito tayo rin mismo ang nalalagay sa alanganin at nahihirapan. Bakit marami sa mga kababayan natin (o baka ikaw mismo) ang inoobliga ang sariling maghanda ng pagkain sa tuwing may okasyon? Katulad ng pagdiriwang ng Fiesta na sa sobrang dami ng mga pakakainin ay halos katumbas na ito ng kalahating buwang sweldo o higit pa ng taong naghanda. May iba pa ngang umuutang pa para lang makapaghanda at hindi mapahiya sa kapitbahay o sa mga inaasahan at di-inaashang bisita. Ito ba ang itinuro ng simbahan? O ayaw lang nating mapahiya? Sino ba ang nagpasimuno nito?

Nakasanayan na nating mga Katoliko ang pagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre 25 bagamat walang sapat na katibayan na ito nga ang eksaktong kapanganakan ni Bro hindi tayo nagpapapigil na ipagdiwang ito taon-taon. Hindi gaya nang pagpapakumbaba ng ating Panginoong Hesus noong Siya'y pinanganak, ang pasko ngayon kung ipagdiwang ay kabaligtaran nito. Dapat may bagong damit, obligasyon na ang magbigay o mag-aginaldo kahit hindi bukal sa loob mo at kahit wala kang sapat na nakalaang pera para dito. Ang resulta? Baon sa pagkakautang pagkatapos ng selebrasyong ito. Para ba maging "Merry" ang ating Christmas ay kailangang gumastos tayo ng pagkalaki-laki o ubusin ang dapat sanang iniipon na 13th month pay at bonus?

Tanong: Ano ba ang madalas na pumipigil sa mga Pilipinong magpakasal o magpabinyag?
Sagot: Walang magarbong panghanda para sa mga bisita.
Kailan pa dapat naging isyu na kailangang marami kang maipakain tuwing ikaw ay magpapabinyag?
Sino ba ang nag-obliga sa atin na gumastos ng daang-libo sa kasal?
Gown, barong/coat, venue, catering, simbahan, video/photo coverage, etc. Oo lahat iyan ay importante sa taong ikakasal pero kung hindi naman natin kaya bakit natin ipipilit? Pero mas mahalaga pa ba iyan kaysa sa kasagraduhan ng kasal mismo? Pagkatapos ng napakalaking gastos na ito kasiguruhan ba ito na matiwasay at masaya ang pagsasama ng mag-asawa? Ang sigurado lang: marami na agad utang ang mag-asawa na mag-uumpisa pa lang bumuo ng tahanan at pamilya. Tsk tsk.
Sana hindi natin makalimutan ang impotansiya ng binyag at kasal at sana rin hindi dapat maging hadlang ang handaan sa ganitong selebrasyon; handaang napakarami na ipapakain sa mga bisita na ang ilan ay naghahanap lang ng kamalian at kapintasan sa sagradong okasyong ito.
Maniwala ka puwedeng magpabinyag/magpakasal sa simbahan ng simple lang walang mamahaling gown, walang mamahaling catering, walang napakaraming bisita, walang mamahaling video/photo coverage at iyon ay kung gugustuhin mo lang.

Kung ikaw ay OFW hindi mo obligasyon na magpasalubong sa kung sino-sino. Hindi mo kailangang magpainom sa mga tambay at kakilala na kinakaibigan ka lang dahil sa kanilang pangtoma. Mga taong kilala o kaibigan ka lang pag meron kang pabor na maibibigay sa kanila. Nasaan ba sila nang ikaw ay nangangailangan? Alam ba nila kung gaanong hirap ang naranasan mo nang ikaw nasa ibang bansa? Naramdaman ba nila ang maraming gabing ikaw ay malungkot at nag-aalala dahil sa sari-saring problema sa pinansiyal at pamilya? Nag-aabot ba lahat sila nang ikaw ay nagigipit?
Ang nakakalungkot, sa bandang huli mapipilitan ka pa ring magpasalubong sa dumaming kaanak at kaibigan, magpainom sa mga uhaw sa kalasingan, manglibre sa mga nagpapalipad-hangin at magbigay magpautang sa mga nangangailangan. Dahil kung hindi maakusahan kang NAGBAGO, HINDI NA MAABOTat higit sa lahat YUMABANG.

Paliparin ang kamalayan.
Napakaiksi lang ng buhay ng tao para hindi mo matikman ang masasarap na handog ng mundo. Kung lahat ng negatibong sasabihin ng lipunan ay iyong seseryosohin wala ka ng magagawa na ikasisiya ng buhay mo. Maraming mga tao ang kaibigan ka lang pag ikaw ay napapakinabangan. Masaya ang mabuhay pero mas may isasaya pa ito kung minsang susundin mo kung ano ang nasa puso at isip mo pero mas maganda kung gagawin mo lang ito kung wala kang inaapakan at inaagrabyadong mga tao. At isa pang paalala: Lahat ng kalabisan ay masama.

AT LAHAT NG ITO'Y PAWANG OPINYON AT PANANAW  LAMANG AT IKAW PA RIN ANG MASUSUNOD KUNG ANO ANG GUSTO MONG MANGYARI SA BUHAY MO.

2 comments:

  1. hahaha natatawa ako sa tugmaan. Minsan pilit at madalas nalihis sa dapat hantungan. Pero minsan din mas gumaganda. Pero nakakatawa yung arab man nga dun sa kanta wahaha

    Yung gods must be crazy na movie ang naalala ko habang binabasa ko to.

    ReplyDelete
  2. matagal ko nang nasa isip 'yang arab man na 'yan sa "get here" ngayon ko lang naisipang i-konek sa blog entry, haha.

    hindi ko ma-dig ang konek ng gods must be crazy sa blog, ang s l o w ko.

    ReplyDelete