Agosto 6 - 7, 2012.
Mistulang umiiyak ang
langit.
Nararamdaman ko ring siya'y
nagagalit.
Lahat ng kanyang sama ng
loob ay ibinuhos sa walang tigil na luhang kanyang hinatid. Tila sinisingil na
ang tao ng kalikasan sa lahat ng kawalanghiyaang ginawa natin sa kanya.
Matanda, bata, mahirap, mayaman, iskwater o pasosyal, salbahe o banal ay hindi
pinatawad, hindi sinanto. Kaawa-awa. Kalunos-lunos. Mga hamak na nakatira sa
ilalim ng tulay o prominenteng nasa subdibisyon ay wala ng pinag-iba. Mistulang
mga basang sisiw na humihingi ng awa at kalinga.
Ang kulay ng umaga at gabi
ay halos wala ng pinag-iba.
Ang gabundok na basura na
ating itinapon sa kung saan-saan ay tinipon at ibinabalik na sa atin ngunit
hindi pa rin tayo madadala, walang aral na makukuha.
Ang bawat patak ng ulan na
dating ating nginingitian ay nagdudulot na nang takot sa bawat isipan, ang
lagaslas ng tubig na karaniwang baha lang ang pinsala ngayo'y pumapatid na ng
buhay at pag-asa, ang maruming tubig na noo'y nasa kanal at kalsada lang ay
nakikisilong na rin sa loob ng maraming tahanan.
Idineklarang walang pasok
hindi dahil upang ang mag-aaral ay maglaro o magsaya, hindi dahil upang ang
empleyado'y gumimik o magpahinga kundi dahil upang masaksihan natin ang lupit
at ganti sa'tin ng kalikasan at pagmasdan kung papaano humagupit ang
nagngangalit na ulan; mapanood na maraming bahay at kagamitan ang inanod at
tinangay, makitang maraming buhay at pangarap ang winasak at kinitil.
Ah, hindi na impormasyon
lang ang hatid sa'yo ngayon ng balita kundi isang nakakahilakbot na bangungot
sa marami nating kababayan.
Ang takot na tumimo at
nanatili sa isip ng mga naging biktima na hinahatid sa tuwing sasapit ang ulan
at huhuni ang hangin ay higit pa sa milyong pisong pinsala.
Nasaan ka araw? Sisilay ka
pa ba?
Sana bukas muli kang
magbigay ng init at pag-asa sa nanlalamig naming balat at isipan. Tulad ng dati.
Ano pa ba ang kaya nating
gawing sa kalikasan? At ano pa ang kaya niyang iganti sa atin?
Sino ang tatawagan natin sa
panahong parang may delubyo?
Sino ang magliligtas sa atin
kung kasabay mo nang tumatangis ang langit?
Sino ang mahihingan natin ng
tulong kung ang mismong mga tutulong ay nangangailangan nito?
Hindi lang si Mayor o ang MMDA, Red Cross o GMA, Pulis o Kapitan ng Baranggay na kanyang nasasakupan kundi ang minsang lumakad
sa ibabaw ng karagatan.
Hindi kaya nakakalimot na
tayo?
No comments:
Post a Comment