Monday, July 2, 2012

Ang Unang Hari ng Kalsada

Isa sila sa mga hari ng kalsada na kahit garapalan ng lumalabag sa batas ng lansangan ay hindi man lang sinisita; may bantay man o wala sa bawat intersection ay 'di natitinag, kahit wala na sa katwiran ay pilit pa ring nagdadahilan. Parang mga paslit na dapat ay sila lang ang unawain at intindihin. Sagad sa karapatan pero hindi nirerespeto ang karapatan ng iba. Sino pa ba kundi ang mga Astig na Jeepney Driver.

Wala namang nagsabing hindi marangal ang pagiging jeepney driver.
Katunayan, kahanga-hanga ang galing ng mga driver ng jeep pagdating sa pagiging listo, sa aritmetik at sa mismong pagmamaneho.
Pero katwiran na ba ito para barubalin mo ang kalsada? Ang batas-trapiko? At ang kapwa mo motorista?
Marangal din ang trabaho namin pero hindi makapal ang mukha namin na walanghiyain ang anumang batas-trapikong nakahain.
Sa bawat taas ng presyo ng krudo aambahan niyo ang gobyerno at pasahero ng WELGA! Dahil dito siguradong paralisado at apektado ang napakaraming estudyanteng nais lang ay matuto, ang manggagawang nais lang ay kumita gaya niyo o ang mga pasaherong magtutungo at mamamasyal sa SM para mag-window shopping. Karapatan niyo ito sa isang bansang malaya, eh paano ang karapatan namin kung gusto naming ireklamo ang kabalastugan ninyo sa kalsada? Kayo lang ba ang may karapatan? Saan kami dudulog ng reklamo? Saan kami sisigaw ng welga? Saan kami magpo-protesta?
Ilang porsiyento lang ba sa inyo ang matitinong sumusunod sa batas-trapiko?


Pulos kayo pagbabanta at paninikil sa pasahero gayong hindi naman yata kayo nagbabayad ng buwis! Naisip niyo rin ba na maraming kaperwisyuhan sa kalsada na ang sanhi ay ang katulad mong balasubas na tsuper ng jeepney? Hindi na kami magtataka kung ang sanhi ng matinding trapiko sa kalsada ay ang dyipning nakahimpil na nag-hihintay ng pasahero na nasa kabilang kanto pa o pasaherong ibinaba sa gitna ng kalsada. Para kayong mga asong kalyeng nagtatae na walang pinipiling lugar ng tataehan.


Okay, hindi lahat ng jeepney driver ay ganito pero ilan bang tsuper ang nagbababa sa tamang tawiran? Ilang tsuper ang humihinto sa pulang ilaw at sumusulong lamang tuwing berde? At kung kabilang kayo sa iilang matitinong jeepney driver na naglipana sa Kamaynilaan, pwes huwag kang magsintimyento hindi para sa'yo ang blog na ito. Hindi naman nakakapagtataka na hindi hinuhuli o hindi sinisita ang mga barubal na drayber na ito pero gusto ko pa ring itanong: Exempted ba talaga kayo sa batas-trapiko? Ano ba ang makapagbabago sa inyo para pare-pareho tayong lahat ay sabay-sabay na gumalang sa batas? Requirements ba talaga sa jeepney driver ang maging bastos sa kalsada?

Sana maranasan niyo rin ang maupo sa siksikan niyong upuan na dapat sana’y walohan lang pero ginagawa niyong siyaman, sana maranasan niyo rin ang sumakit ang ulo dahil sa sobrang lakas ng stereong dumadagundong sa saliw ng ma-bahong "drop it like it's hot" o ng kaparehong temang "teach me how to doggie" habang humahataw at paekis-ekis sa kalsada ang jeep dahil sa sobrang bilis na akala mong kasali sa F-1 racing; (kadalasan ang mga drayber na ito'y nasa rotang Novaliches - Blumentritt o Cogeo – Cubao). Hindi lahat ng pasahero ay gusto ang jeep na may maiingay at malalakas na speaker o jeep na nakakahilo sa sobrang tulin kahit na may tatlo o apat na pasaherong nakasabit sa estribo marami dito ang naiinis at nababad-trip hindi lang makapagsalita at makapagreklamo dahil siguradong hindi kayo makikinig at aangilan niyo pa ang pobreng aangal sa pagiging maangas niyo. At kung sakaling kayo ay makasagi o makabundol (sinadya niyo man o hindi) may sapat ba kayong ibabayad sa nasagian niyo? Madalas naman kasi kung sino pa ang barumbado sa kalsada sila ang walang pambayad sakaling sila'y makadisgrasya tulad ng mga astig at mga hari ding sa kalsadang mga kuliglig, pedicab at tricycle drayber na hindi sinisita o pinagbabawalan kahit na nasa main road.

Pero parang wala naman yata kaming karapatang magreklamo.
Dahil parang karapatan niyo lang ang tila nakikita at ipinaglalaban niyo. Wala kayong pakialam kung delikado ang magbaba sa gitna ng kalsada, walang kayong pakialam kung nakakasagabal kayo sa mga nasa likod ninyong motorista din, wala kayong pakialam kung hindi man kayo nakikita sa gabi dahil patay ang inyong headlight (ano bang tinitipid dito?), wala kayong pakialam kahit na naiinis o nagagalit na ang mga kapwa mo drayber dahil sa ginawa mong pagbalagbag sa kalsada, wala kayong pakialam kahit hindi na makausad ang kabilang lane dahil sa bisyo niyong mag-counterflow (pero galit na galit naman kayo 'pag may sumasalubong sa daraanan niyo).

Wala kayong pakialam dahil ang gusto niyo lang...kumita. Sana dumating ang panahong maintindihan niyo rin na gusto rin naming kumita at pumasok sa tamang oras, sana maunawaan niyo rin kung ano ang tama sa mali, sana ikonsidera niyo rin ang kapakanan ng iba, sana malaman niyo rin na gusto rin naming magpahinga galing sa maghapong eskwela/trabaho, sana maunawaan niyo rin na gusto rin naming makasama kaagad ang aming pamilya, sana sumunod naman kayo sa alituntuning umiiral. Sana lang.

Siguro kahit na anong pakiusap o paalala ang aming gawin para sa matinong pagbabago ng jeepney driver mukhang maliit ang tsansa para dito para itong ating gobyerno na kahit sino ang humalili at mamuno sa atin ay para ding walang pinagkaiba sa kanilang pinalitan. Tapos naghahanap at sumisigaw kayo ng pag-unlad at pagbabago gayong mismong sarili niyo ay ayaw niyong baguhin. Sa kagustuhang kumita ng mas malaki, okay lang na pinababayaan natin sila sa kanilang maling ginagawa. Tsk, tsk.

Ngayong malaki na ang ibinababa ng presyo ng krudo na naging dahilan noon ng pagtaas ng pasahe, may maaasahan ba tayong pagbaba naman ng pamasahe kahit na singkwenta sentimos lang? Siyempre wala. Kasi hindi lang naman 'yon ang factor para sa pagbaba ng pasahe, sa pagtaas OO pero sa pagbaba HINDI. Sus!



No comments:

Post a Comment