Showing posts with label bisyo. Show all posts
Showing posts with label bisyo. Show all posts

Thursday, August 15, 2013

Euthanasia (reblog)

Bilang pag-gunita sa ikatlong anibersaryo ng kamatayan ng aking ama muli kong ipapaskil ang akdang isinulat ko para sa kanya. Ang kwento ng mga huling sandali ng kanyang buhay, ang istoryang tungkol sa paglaban, pagsuko at pamamaalam.
* * *
Nakapanglulumo.
Tila naka-uubos ng lakas at katinuan ang eksenang tumatambad sa akin sa tuwing ako’y papasok sa silid na ito ng pagamutan. Walang puwang ang kasiyahan kung sa bawat paling ng iyong leeg, bawat sulyap ng iyong mga mata, bawat hakbang ng iyong mga paa ay pulos pasyenteng may iba't ibang karamdaman na nakaratay ang iyong mamamasdan; mga taong humihiram ng karagdagang oras ng buhay sa aparatong nakakabit sa kani-kanilang katawan.

At isa sa mga nakaratay na iyon ay ang aking ama.
Ilang linggo na rin siyang naririto, pilit na nilalabanan ang sakit na nagpapahirap sa kanyang bawat kalamnan. Bago pa ito'y ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa mga dalubhasa saiba’t ibang pagamutan; para siyang isang pusakal na hindi maiwasang maglabas-masok sa bilangguan; parang kirot na sa kanya'y parating dumadalaw pansamantalang lumilisan ngunit matagal na nananahan.

Bawat hinaing niya'y akin ding nararamdaman ang sakit na kanyang nararanasan, sa bawat daing niya'y tila hinihiwa din ang himaymay ng aking puso. Higit sa sakit at kirot mas nangingibabaw sa akin ang labis na pagkahabag at awa.
Ang larawan ng aking ama'y tulad rin ng maraming amang pigil ang emosyon, kinikimkim ang damdamin at kung matuwa ay palihim. Mula pa sa aking pagkapaslit hanggang sa ako'y magkamalay nagisnan ko nang siya'y ganyan ngunit sa pagkakataong ito'y nakikita kong siya'y nahihirapan, dumadaing at lumuluha.
Ilang anak ba ang kayang tiisin ang ganitong pangyayari?
Sinong anak ba ang hindi maantig sa kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang sariling ama?

Ang kanyang dating matikas na katawan, ngayon ay pispis na at said na ang lakas;
ang kanyang bibig na palaging may nakasuksok na yosi noon, ngayon ay may plastik na tubo na daluyan ng hanging binabayaran na nagmumula sa isang cylinder na gawa sa metal;
ang kanyang matikas na tinig na parang sa hari na kanyang ginagamit sa tuwing kami'y pinagsasabihan dahil sa aming kakulitan noon, ngayon ay paos na at humahabol sa kanyang bawat paghinga;
ang kanyang mga kamay na ginagamit niya noong pangdisiplina sa aming magkakapatid ay hindi niya man lang maiunat at maiangat ng matagal ngayon.
Kung alak ang palagi niyang nilalagok noon, ngayon ay iba't ibang uri na ng gamot at medisina ang kanyang iniinom; pamatid-kirot. Ang alak at sigarilyo na kanyang matalik na kaibigan noon ang siya ngayong tumutugis sa kanyang kalusugan.

Habang mugto kong minamalas ang kanyang kahabag-habag na kalagayan siya'y tumitig sa akin at minuwestrang nais na niyang umuwi, umiling at wari'y sinukuan na ng pag-asang bumuti at gumaling.
Ilang araw lang ang nakalipas nang matapat na kaming sinabihan ng doktor na ang kanyang karamdaman ay malabo nang malunasan. Ilang linggo, araw o oras na lang ang hihintayin at dapat ng asahan ang hindi inaasahan.
Ito ba'y kanya na ring naramdaman?
Paano mo haharapin ang ganitong uri ng sitwasyon?
Iilang matapang lang ba ang kayang harapin ang kanya mismong katapusan?
Ngunit bilang anak marapat lang na gawin mo ang lahat at buo mong kakayanan upang madugtungan pa ang oras na pananatili sa mundo ng iyong ama kahit katumbas nito'y pagod na isip at katawan, hirap at pighati sa kalooban at paggugol ng salaping pangtustos sa bawat araw na kanyang pananatili sa silid na ito at sa medisinang magdudugtong sa kanyang paghinga sa tuwing ika-anim na oras.

Kasabay sa pagkaubos ng aming pag-asa ay ang unti-unting pagkaubos ng pondong pandugtong sa buhay ni itay. Balot na ng lungkot ang aking lumuluhang damdamin at hindi na mawari kung ano ang isusunod na magiging pasya.
Makabubuti ba talagang wakasan na ang paghihirap na nararanasan ng isang may karamdaman?
Anong ganda ang maidudulot nito kung katumbas nito ay ang pagkabatid mong agad na paglisan ng iyong mahal sa buhay?
Ito ang sandaling kahit na anong maging iyong pasya ay mali, ang sandaling ni sa panaginip ay hindi mo pinangarap at inisip. Ngunit kailangan nang isang pagpapasya.

Sumasabay sa patak ng ulan ang luha kong aking pinigil sa loob ng silid; ang kidlat na aking naririnig ay parang aking sigaw na pinipilit ikubli, ang kadiliman ng paligid ay katulad ng akin ngayong nararamdaman; kalungkutan.
Kung naiipon lang ang lakas ng loob, iyon ang aking gagawin upang walang pangamba akong haharap sa aking amang iginupo ng kapusukan, ng kabataan, ng karamdaman. Walang salitang makakapagpakalma sa aking nararamdaman sa sandaling ito, pilit kong pinasisinungalingan na ang nagaganap ay hindi katotohanan ngunit anumang dagdag na pagtanggi ay lalo lang nagpapahirap sa aking kalooban. Mas maraming katanungan kaysa kasagutan ang bumabagabag sa aking isipan.

Nakakagago.
Isang abnormal na pagpapasya ang aking ginawa. Kinailangan pa naming umupa ng taong may sapat na tapang at lakas ng loob na magpapatid ng kung anumang instrumentong nagdudugtong sa gahiblang pagitan ng buhay at kamatayan.
Kung ito'y isang pagkakasala sana ay mapatawad ako sa pasya kong ito. Patawad dahil sa sandaling iyon hindi ko na batid ang mali sa tama. Isinama ko na rin sa paghingi ng tawad ang lahat ng kasalanang nagawa ng aking ama; lantad man o hindi nailahad.
"Panginoon Kayo na pong bahala sa kanya".

Sadyang napakabilis ng oras kung ang bawat sandali'y iyong pinahahalagahan parang isang kidlat na kumislap na sa isang iglap ay maglalaho. Ilang oras makalipas na marating ang kanyang tahanan tuluyan na ngang si itay ay nagpaalam. Ang tinuran ng doktor na asahan namin ang ‘di namin dapat asahan ay amin na ring inasahan ganunpaman nagdulot pa rin ito ng labis na pighati at kalungkutan.
Wala na nga si Itay ngunit ang kanyang mga aral at pangaral ay pipilitin kong isabuhay at isapuso hangga't ako'y nabubuhay.

Wednesday, February 13, 2013

Pluma at Kwaderno

Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa pakontes ni Sir Bino ng Damuhan. 
 ***
Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ano mang pagkakahawig sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari sa maikling kwentong ito ay nagkataon lamang at hindi talaga sinadya.



Hawak ni Inay ang aking report card.
Tahimik na sinisipat ang mga grado ko sa school na namumutiktik sa pula. Pulos palakol. Paano ba naman eh, pulang pluma ang ginamit ng aking guro sa pagsusulat ng aking grado sa halos lahat ng subject. Pasalamat na lang ako sa subject na P.E. dahil kung wala ito diresto sitenta ang makikita mo sa aking Report Card.
Taong 1985. Tanda ko pa Grade 4 ako nito, sa edad kong dose dapat ay nasa First Year High School na ako. Pero dahil mas hilig ko ang maglakwatsa at magbulakbol kaysa mag-aral hindi ko matapos-tapos ang Elementarya.

Mabait si Nanay, sa kabila ng mga bagsak ko at dalawang beses na pag-ulit sa Grade 3 at 4 hindi ko siya nakitaan ng sobrang galit, hindi ko minsan narinig na minura niya ako o sinaktan. Sa halip nagbibigay lang siya sa akin ng pangaral.

"Alponso, mag-aral ka nang mabuti dahil wala kaming maipapamana sa'yo ng Tatay mo kundi edukasyon lang", iyan ang madalas kong marinig na linya galing sa kanya.
* * *
Ako si Alponso. Solong anak nina Aling Jenny at Mang Harry. Taga Sawata Maypajo, Kalookan. Batang Kankaloo, ika nga. Astig. BARAKO.
Ang aking ina ay simpleng maybahay lang. Palakaibigan, simple, tahimik. Hindi katulad ng ibang mga nanay na binibisyo ang tsimis sa tuwing magkukumpulan sa kanto.
At ang aking Ama ay isang potograper. Masipag, masikap. Hindi pa uso noon ang mga digital na KAMERA at bilang lang sa mga daliri sa kamay ang mga bahay ang mayroon nito. Kaya't hindi nawawalan ng trabaho ang aking ama. Apat o limang beses isang linggo ay lagi siyang pinatatawag ng mga kapitbahay, kakilala, kaibigan o kaya naman ay referral ng dati niyang sinerbisyuhan. Madalas siyang wala sa bahay sa panahon ng graduation, pasko, lalo't kung naiimbitahan sa kasalan o binyagan sa mga kalapit probinsya.

Manhid lang ako sa lahat ng mga pangaral ni Nanay. Lakwatsa at laro ang prayoridad ko sa halip na mag-aral. Tinapos ko ang elementarya ng labing-isang taon! Kung hindi pa sa pakiusap ng aking ina sa prinsipal ng Maypajo Elementary School na kababata pala niya, na pagradweytin ako sa Elementarya ay hindi pa ko makakatanggap ng diploma. Parang nanalo sa sweepstakes si Nanay sa pagkakagradweyt ko ng elementarya. Maraming pagkain. Parang isang malaking selebrasyon ng buhay ay naganap. Ngunit tulad nang inaasahan, wala si Tatay dahil may tanggap siyang trabaho na eksakto sa araw na iyon, graduation din.
* * *
Ayaw ko nang mag-aral. Wala akong interes na pag-aralan ang kung ano-anong aralin na sa tingin ko'y wala namang kinalaman sa aking kinabukasan. Wala akong pakialam sa kasaysayan ng Pilipinas, lalo ang kasaysayan ng ibang bansa. Ayokong magbasa ng libro na hindi ko naman naiintindihan. Ayokong sumagot ng mga katanungang hindi ko alam kung ano ang importansya nito sa akin. Ayokong magbasa, ayaw kong sumulat. Ayokong humawak ng pluma at mga kwaderno.

Ganunpaman, napilit pa rin ako ni Inay na makapag-aral ng High School. Mula sa Maypajo Elementary School ay napadpad ako sa mas astig na eskwelahan, Tondo High School. Wala pa man sa kalagitnaan ng school year ay ilang beses na akong napatawag sa Principal's office; ang pagiging bulakbol ko ng elementarya ay hindi nawala bagkus ay nadagdagan pa ang aking mga kalokohan, naging palaaway ako, napabarkada, natutong mag-yosi, sa murang edad ay marunong na rin akong uminom ng alak.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi sinusukuan ang aking Ina; umaasa pa rin siya na isang umaga ay magbabago ako, na biglang magkakaroon ako ng interes sa pag-aaral, na ititigil ko ang barkada at bisyo, na maipagmamalaki niya ang tulad ko pagdating ng araw.
* * *
Sanay na kami na wala si Tatay sa bahay. Ngunit kakaiba ang gabing ito tila hindi dalawin ng antok si Nanay; paroo't parito ang kanyang paglakad na animo'y isang pusang aligaga. Malakas ang buhos ng ulan noon na sumasabay sa pag-aalala ng aking Nanay, hindi mawari kung iiyak, hindi dalawin ng antok.
Inabutan ko siya sa ganoong kalagayan, kahit lasing ako at galing sa inuman ay alam kong sobra ang pag-aalala ni Nanay.
Nakatulugan niya ang pagkabalisa at pag-aalala, nakayukod ang ulo sa mesa habang ako'y komportableng humihilik sa aking kama na ang amoy ay hindi nalalayo sa amoy ng kinulob na adobong baboy na maasim.

"Mareng Jenny! Mareng Jenny!" Hangos na sigaw ng aming kapitbahay na si Aling Lucy hawak ang isang PERYODIKO. Sa lakas ng sigaw nito ang mga nagtutulog-tulogan lang ang hindi magigising.
Halos sabay kaming lumabas ng bahay ni Nanay. Pumupungas.

"Mare! Hindi ba ang tunay na pangalan ni Pareng Harry ay Harold Rodigas?" nagmamadaling tanong ni Aling Lucy.

"Oo. Bakit?!?" Sagot ni Nanay.

"Basahin mo ito." Sabay abot sa peryodiko na may headline na: Aksidente sa South Superhighway - Dalawa katao patay.

Parang sinakluban ng langit at lupa si Nanay matapos niyang mabasa ang balita. Tumigil ngang umiyak ang langit ngunit ang aking ina naman ang siya ngayong tumatangis. Walang sinuman ang makakapagpakalma sa nararamdaman niya sa sandaling iyon, walang salita ang makakapagpatahan sa kanyang nangungulilang damdamin.

Awang-awa ako kay Nanay. Damang-dama kong parang unti-unting pinipilas ang kanyang puso. Napayakap siya sa akin. Humagulgol.
"Wala na ang tatay mo! Wala na!" Kasunod noon ang walang humpay niyang pagluha. Hindi ko na rin napigil ang aking sarili, hindi ko na napansin ang pagtulo ng luha sa aking mga pisngi. Simula ng magkamalay ako, sa pagkakatanda ko ngayon lang ako umiyak. Ngayon lang naantig ang aking damdamin. Ngayon lang nagpakita ng emosyon.

Unti-unti nang kumapal ang tao. Mga kapit-bahay, tsismoso, tsismosa, mga kumpare, kumpare, mga kaibigan. Nagbubulungan. Naaawa. Nakikiramay. Nakikidalamhati.

Sariwa pa ito sa aking isipan. Abril 12, 1990. Disi-siyete anyos ako nito nang pumanaw si Tatay. Galing siya noon sa isang kasalan sa Los Baños at siya ang kinuhang potograper ng isang dating kakilala. Dahil sa dilim at dulas ng kalsada ng gabing iyon ay bumaligtad ang kanilang sinasakyang owner-type jeep sa South Superhighway. Kasama niya sa sasakyan ang aking Ninong, si Mang Robert. Self-accident. Kaya lahat ng gastos sa pag-aasikaso sa bangkay ng aking ama ay mula sa kanilang inipon.

Mas nag-alala ako sa gastusin sa bahay kaysa sa kalagayan ng aking Ina. Mas inisip ko ang kakainin namin sa araw-araw kaysa sa kanyang kalusugan.

Halos naubos ang perang naipon nila ni Nanay para lang mairaos ang burol at libing ni Tatay. Kung bakit ba naman kasi, namatayan ka na nga eh ang mahal-mahal pa ng halaga ng putanginang kabaong na iyan! Mga puneraryang oportunista na pwedeng ihambing sa bwitreng nag-aabang ng kanilang bibiktimahin, daig pa ang AHAS at ulupong na handang tumuklaw kung mayroong pagkakataon.
* * *
Tuluyan ng nawala ang interes ko sa pag-aaral nang mailibing si Tatay. Hindi ko na tinapos ang second year at mas minabuti kong sumama sa barkada. Nairaraos ko ang buong maghapong kasama ang aking mga tropa; sina Milo (na medyo hawig ko raw ang hilatsa), Arnold, Walter at Paul kasama ang isa pa naming kaibigan kung tawagin ay Edong (pinaikling Red Horse). Parang walang katapusan ang aming kabataan. Ang bawat lagok ng serbesa sa aking lalamunan ay katumbas ng walang pagsidlang kasiyahan. Araw-araw. Paulit-paulit. Asahan mo na ang eksenang halos gumapang kami pauwi sa kalagitnaan ng gabi. Pasuray-suray. Walang pakundangan. Walang pakialam.

Walang pakialam sa mga taong nakakasalubong, walang pakialam sa sasabihin ng mga tao, walang pakialam kung saan man sumuka, walang pakialam kahit mahubaran na halos lumabas na pati ang kadiring dugyot na KUYUKOT; nawawalan ng modo sa labis na kalasingan, nawawala sa katinuan dulot ng sobrang pagkalango.
* * *
Ano pa ang aasahan ni Nanay sa tulad kong batugan?
Ano ang mapapala niya sa katulad kong walang inatupag kundi ang barkada?

Ang inaakala niyang aking pagbabago makalipas ang pagkalibing ni Tatay ay tila hindi na mangyayari bagkus lalo akong naging sugapa sa alak. Sa halip na muling mag-aral o maghanap ng mapapasukan lalo pang lumala ang bisyo ko. Hindi nga ako nagdodroga pero nakakadalawang kaha naman ako ng yosi sa bawat araw.

Apat na buwan lang makalipas ang pagkamatay ni Tatay, si Nanay naman ang malubhang nagkasakit. Unti-unting nanghihina ang kanyang katawan at ang sabi ng doktor, dahil daw ito sa labis na depresyon.

PUTA talaga! Imbes na ako dapat ang magkasakit dahil sa pang-aabuso ko sa aking katawan si Nanay ngayon ang nasa banig ng karamdaman. Imbes na ako dapat ang pinahihirapan ng langit si Nanay ngayon ang pinahihirapan ng sakit.

Iba't ibang MEDISINA ang nireseta ng doktor kay Nanay para daw sa mabilis niyang paggaling. Medyo malakas naman daw ang kanyang katawan kaya ang hinuha ng doktor ay sikolohikal lang ang sakit ni Nanay.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa pagkakasakit ni Nanay, parang bigla akong nagising sa matagal na pagkakahimbing. Kakamatay lang ni Tatay ngunit heto ngayon si Nanay may pagnanais na sumunod kaagad.
Ayokong mawala si Nanay. Kahit na alam kong pasaway ako at sakit ng ulo niya hindi ko pa nais na mawala siya,  hindi ngayon, hindi bukas.

"Magbabago na ko." 
Iyan ang mga salitang nasambit ko sa harapan ni Nanay na nakatingin sa kawalan. Tulala. Balisa. Parang walang interes sa aking sinabi, parang walang narinig. Siguro'y hindi naniniwala. Siguro'y nagsawa na sa akin. Nagsawa na sa mga kabalastugan at kalokohan ko sa buhay. Ilang pagkakataon na nga ba ang sinayang ko lang? Ilang ulit ko na ba siyang binigo?

Ngunit paano ko uumpisahan ang pagbabago? Ano ang alam ko sa pagbabago? May pag-asa bang magbago ang isang tulad kong walang pinag-aralan, walang modo, basagulero, tomador, lasenggo at salot?

"Basta." Aniko. 
Gagawin ko ang lahat para tumino ang aking buhay, gagawin ko ang lahat para humaba pa ang buhay ni Nanay, gagawin ko ang lahat para magkasama pa kami ng matagal. Kung kinakailangang pumadyak ako ng pedicab, magtinda ng taho sa umaga, SORBETES sa hapon at balut sa gabi ay gagawin ko para lamang may ipangtustos ako sa pagpapagamot ni Nanay, para tuluyan na siyang bumuti, para lumawig pa ang aming pagsasama. Gagawin kong araw ang gabi, gagawin kong gabi ang araw. 
Gagawin ko ang lahat para lang sa kanya.
* * *
"Siya ho! Siya ho! Siya ho talaga!" sabay turo sa akin ng isang mama na may pagkamakutim ang balat. May kasama siyang dalawang pulis. Sa hindi ko alam na dahilan ay agad akong pinosasan at inaresto.
"Sa presinto ka na magpaliwanag, bata!" sabi ng isang matabang pulis habang bitbit ako sa tagiliran.

Sa presinto, napag-alaman kong naakusahan ako ng pagholdap at pagpatay sa isang estudyante. Kahit anong pagpapaliwanag at pangangatwiran ko'y tila walang bisa at 'di naririnig. Mas pinaniwalaan ang salaysay ng isa raw saksi sa krimen kaysa sa salaysay ko. Kunsabagay, sino ba naman ako para paniwalaan? Isang salot at sagabal ng lipunan.

Tadhana nga naman. Kung kailan mo gustong magbago at magpakatino doon pa darating ang isang biro na hindi nakakatuwa. Wala akong magawa. Taingang-kawali sila sa lahat ng pagtanggi ko sa krimen. Sa isang iglap, pakiramdam ko'y guguho ng lahat ang pangarap kong magbago, nang tuluyan na akong ipinasok sa seldang amoy ihi, kasama ang mga taong parang komiks sa dami ng drowing sa katawan, kasama ang mga taong katulad kong pwede ng ituring na kriminal.

Magulo ang aking buhay at alam kong lalo itong gugulo sa pagkakapasok ko dito.
Bakit nangyayari ito? Paano na si Nanay? Paano na ako? Bakit ako nakakulong sa letseng kulungan na 'to?!?
Pero wala na akong magagawa. Kahit gahibla na lang ang nalalabing pag-asa sa akin ay kailangan kong lumaban. Sayang na lang ang aking pagiging BARAKO kung agad akong susuko. Sayang na lang ang pagiging astig ko sa lugar namin kung magmumukmok at iiyak ako sa kulungang ito. Ang pag-aalala ko kay Nanay ang siyang bumubuhay sa aking pag-asang magbago.

Isa ako sa pinakabata sa mga preso. Mabilis kong nakapalagayang loob ang iba pang kasama kong preso. Naging utusan nila ako. Maraming medyo mabait pero mas marami ang tarantado. Sa loob ng dalawang araw lang lahat ng pagpupursigi kong magbago ay unti-unting naglalaho para akong isang kuting na inilagay sa kulungan ng matatapang na mga tigre, tulad nila bumangis na rin ako; para akong ALUPIHAN na nilalaro ng mga batang hamog sa lansangan at ako naman'y pinaglalaruan ng malupit na tadhanang naghahamon.

"Patay na ang Nanay mo!" 
Bungad na balita ng aking dalaw na si Walter.
Sa balitang iyon tuluyan na ring namatay ang lahat ng natitira kong pag-asang magbago at magpakatino, para itong buhawi na winawasiwas at tumatangay ng buhay. Kay Walter ko rin nalaman na si Milo ang sumaksak sa estudyanteng napatay; dahil sa malaking pagkakahawig namin at dalas na kami'y magkasama napagkamalan ng isang saksi na ako ang nakasaksak sa estudyante. Sa muling pagkakataon, muli akong lumuha, muli kong naramdaman ang pakiramdam na nawalan ng isang magulang at sa pagkakataong ito'y mas masakit, mas malupit ang hinatid nito sa akin. Pakiwari ko'y isang humahangos na delubyo ang may pagnanais na guhuin ang aking pagkatao; sa loob ng isang taon lang ay parehong namatay ang magulang ko. 

Sinong matapang ang hindi dudupok sa mabangis na unos na ito ng buhay? Sinong manhid ang hindi masusugatan sa malakas na bigwas ng patalim na ito ng pagsubok?

Wala na ring saysay para sa akin ang lahat ng sinabi sa akin ni Walter. Nakakulong na ako. Nais kong dalawin si Nanay kahit man lang sa huling pagkakataon pero mukhang malabo ito; pakwenselo na lang sa akin na naging mabuting kapitbahay si Nanay at alam kong maisasaayos ang kanyang libing sa tulong ng ilang kaibigan. Gustuhin ko man ng pansamantalang kalayaan ay wala akong kakayahang magpiyansa. Gustuhin ko mang kumuha ng matinong abogado ay wala akong pambayad para dito. Itinuring ko na ring kaibigan ang lahat ng aking kakosa sa likod ng bakal na rehas. Handa na akong harapin kung anuman ang kahihinatnan ng kasong ito. Pangangatawanan ko na kung ano ang bansag sa akin ng mga tao.
* * *
2013.
Halos dalawampu't tatlong taon ang lumipas. Sa tagal kong nakapiit hindi ko na kilala ang tunay na mundo, hindi ko na kilala ang tunay kong sarili. Pinatapang ako ng bilangguan ngunit dinuduwag naman ng hamon ng buhay, pinatapang ng panahon ngunit takot sa multo ng madilim na kahapon, pinatapang ng karanasan ngunit iniiyakan ang malungkot na nakaraan.

Barong-barong ang akin ngayong kanlungan at kulungan.
Barong-barong na mas malaki pang di-hamak ang bahay ng mabangis at matakaw na aso.
Kanlungang sa tuwing bumubuhos ang ulan ay sumasabay ding pumatak ang luha na katulad ko rin ay nangungulila; nilulunod ang aking tuyot na isip at kamalayan.
Kulungang sa tuwing may araw ay tumatagos ang init sa loob ng barong; sinusunog at nilalapnos ang aking luoy na balat at pagkatao.

Gamit ang isang gaserang mas malamlam pa ang liwanag sa lumang LAMPARA;  hinahanap ko ang aking nalalabing pag-asa, hinahapuhap ang nawawalang pangarap. Wala akong kakayahan na bumalik sa nakaraan pero kung mabibigyan ng pagkakataon; iiwasan ko ang bisyo at labis na barkada, pag-aaralan ko ang iba't ibang aralin sa eskwelahan, magbabasa ako ng iba't ibang libro at pilit ko itong uunawain, pagyayamanin ang kaisipan, magsisikap at bubuo ng pangarap, magsusulat at aalamin ang sagot sa bawat katanungan, pag-aaralan ang kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo. Muli kong dadamputin ang pluma at mga kwaderno at gagawing maganda ang kasaysayan ng buhay ko.

Laya na ako ngunit pakiramdam ko'y nakakulong ako sa nakalipas, nakapiit sa bilangguang walang rehas, nakagapos kahit walang posas.

Thursday, June 21, 2012

Negosyong Patok!



Paano ba ang yumaman? Ang magkamal? 
'Yong tipong hindi mo puproblemahin anumang utility bills o credit card statement na dumating dahil marami kang pambayad?
Paano ba ang umangat kaagad sa buhay? Ano ba ang negosyong papatok sa Pilipinas kung ang mismong mga Pilipino ay mahirap (daw)?

Oo mahirap ang 'Pinas pero hindi ibig sabihin nun na walang papatok na negosyo dito sa atin, hindi ibig sabihin nun na walang ilalabas na pera ang pangkaraniwang Pinoy pagdating sa mga bagay na gusto nila,  hindi ibig sabihin nun na 'pag nagtayo ka ng negosyo ay agad ka nang malulugi. May mga kakatwang negosyo pa rin na may malaki ang tsansang kumita kahit na mas nakahihigit ang Pinoy na mahihirap.
Dapat ba nating pagtakhan na sa kabila ng kahirapan ng buhay ay marami pa ring Pilipino ang 'di nagdadalawang isip na gumasta sa walang kapararakang bagay?  Sa kagustuhang magkaroon ng pera sa iglap na paraan tila patok sa mga Pinoy ang anumang 'negosyong' may kinalaman sa pagsusugal o kaya naman ay libangan umano pero unti-unti'y nagiging bisyong mahirap ng talikuran.


Laking Maynila ako kaya mulat ako sa mga kakaibang sugal negosyo (kung matatawag man itong negosyo) na nagkalat sa Kamaynilaan. Mulat ako sa kaliwa't kanang Pinoy na napakahilig sa pagsusugal at paglilibang; dekada otsenta nang sumikat ng husto ang sugal na pusoy, 41, 44, cara y cruz, lucky 9, toss coin, binggo sa kalye at iba pa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang bisyong ito ng Pinoy kesehodang sakto lang ang panggastos sa bahay at pamilya makakagawa pa rin sila ng paraan upang mapunan ang hilig na paglilibang. Naglevel-up pa nga ang ibang mga sugal na ikinukubli sa katwirang libangan umano dahil naging moderno na ang ilan sa mga ito; ang Binggo ay nasa malaking mall na, may pagbabago na sa kinagisnan kong pusoy at nadagdagan o napalitan ito ng ibang card game na tong-its at poker at nilalaro na rin ito nang on-line. Bagamat marami ng sugal ang hindi na karaniwang nilalaro sa kalsada hindi naman nagpapigil ang ating mga kababayan sa paghanap ng mga alternatibo dahil nariyan ang lotto, sakla, karera, sabong at iba pang libangang pinoy idagdag mo pa diyan ang pagkalulong pagkahilig ng kabataan sa computer at video games.


Subukan mong magtayo ng PCSO Lotto outlet sa kahit saang sulok ng Kamaynilaan o karatig probinsya siguradong papatok ito lalo't tuwing aabot ang jackpot sa sandaang milyong piso, uubos ka ng halos kalahating oras sa pila sa dami ng mga taong nais tumaya at nangangarap na maging instant milyonaryo. Nakakalungkot lang malaman na marami sa mga tumataya ng lotto ay halos hikahos din sa buhay at lakas-loob na itataya ang sampu o dalawampung pisong nasa bulsa kahit na alam nilang napakaliit ang tsansa ng pagkapanalo (1:5,000,000 sa 6/42, 1:8,000,000 sa 6/45, 1:13,000,000 sa 6/49, 1:28,000,000 sa 6/55 - sa sobrang hirap tamaan ng sugal na ito ay mas malaki pa ang tsansang tamaan ng kidlat ang isang tao kaysa tamaan ang lotto). At huwag nang sabihing kaya tumataya ng lotto dahil nais makatulong sa mga nangangailangan pampalubag-loob na lang 'yan sa naglahong sampu-sampung piso na dapat sana'y naipambili ng bigas. Kung totoong nais makatulong maibibigay ba ng ganoong kasimple lang ang sampu o dalawampung pisong barya sa batang kalye o sa taong-grasa? Kaya kung balak mong magtayo ng kumikitang negosyo mag-inquire ka na sa PCSO ngayon na! Wala pa kasi akong nabalitaang naluging lotto outlet ng PCSO.


Mariing tinutuligsa ng mga mapagmahal sa mga hayop ang ilegal na sabong ng mga aso pero tila hindi naman sila makaporma at 'di makuhang magprotesta sa legal na sabong ng mga manok. Marami ang hindi makakayanan ang magpatayo ng isang cockpit arena dahil sa milyones na kakailanganin mo dito pero siguro kung isasalegal ang tupada sa mga baranggay walang magsasabing malulugi ito. Gentleman's game kung ito'y bansagan dahil sa sensyasan lang ay naisasara ang transaksyon ng (halos) walang onsehan. Mayaman o mahirap ay nagtitipon sa sugalan lugar na ito dahil sa sining ng pakikidigma ng dalawang manok at tulad ng sinabi ko may mahihirap din na tumataya dito, nakukuha pang isugal ang iilang daang pisong pinaghirapan ng ilang araw sa trabaho. Kung nakapasok ka na sa isang tupadahan hindi ka na magugulat sa dami ng mga taong pumupusta sa meron o wala, sa texas o talisain, mga taong may kakaibang gigil na nararamdaman sa tuwing tatama, sasalpok at babaon ang tari ng tinayaan nilang manok sa kalaban. Ngunit ilang pamilya na ba ang nasira sa pagkahumaling sa pagsasabong? Pero kung ikaw naman ang operator nito ayos lang baka magkaroon ka pa nga ng pangalawang pamilya. Haha.


Halos limang araw sa isang linggo at tuwing Holiday ay may karera ng kabayo. Tila mga estudyanteng nagre-review sa finals exam ang mga kareristang abalang-abala na nagbabasa ng dividendazo sa mga araw na may karera. Akala ko dati ay kakaunti ang parokyano ng karerang ito pero nagkamali ako dahil napakarami palang mga Pinoy ang napakahilig sa libangang ito kaya naman palaging paldo ang mga taong nag-ooperate ng sugal na ito mapa-offtrack betting man 'yan o ilegal na bookies. Iyong pansinin ang mga establisimyentong may offtrack na may live TV Coverage ng horse racing doon mo makikita na marami-rami ngang pinoy ang nahuhumaling dito. Kahit parang kinakain na ng announcer ang kanyang mga salita sa pagbigkas sa kung sinong kabayo ang nangunguna sa karera naiintindihan pa rin ito ng mga karerista; skills na yata itong matatawag. Kung sa sabong nga ay 50/50 na ang chance mong manalo hirap ka pang mag-uwi ng pera lalo na dito sa karera na higit sa anim ang kabayong pangkaraniwang nag-uunahan sa takbuhan. Ngunit muli, kung ikaw naman ang operator ng offtrack o ilegal na bookies sa lugar niyo tiyak at sigurado ang panalo mo.


Siglo na yata ang itinatagal ng sugal na Jueteng halos kasing-tanda na nga yata ito ng ating kulturang kinagisnan pero hindi pa rin ito kumukupas sa pagkatanyag at parang household name na ito sa mga Pinoy betters sa araw-araw. Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay tinatangkilik pa rin ito ng mga Pilipino - numbers game na may dalawang kombinasyon ang kailangan at sa halagang limang pisong iyong taya, ang tama mo ay aabot sa ilan daang piso. Maliit na halaga kung titingnan pero kung pagsasamahin ang naipong mga taya tiyak aabot ito sa milyon-milyong piso! Ilang personalidad na ba ang yumaman dahil dito? Protektor, operator, opisyales ng pulisya, kawani ng pamahalaan at iba pang may kinalaman sa pagpapatakbo nito. Ilang dekada na ring nakabinbin ang proposal o panukala na gawing legal ang number game na ito pero sa komplikadong kadahilanan maraming humahadlang sa suhestiyon na ito. Isang dahilan marahil ay dahil sa mawawala ang palagatasang pagkukuhanan ng limpak na salapi ng mga magigiting na maimpluwensiya sa batas, mga pulitikong may payola kada buwan, mga opisyales ng pamahalaan, mga pulisya at militar at mga personalidad na may kinalaman sa pagpapatakbo nito. Obvious naman na hindi ito pinapayagan ng batas pero ganunpaman hindi rin ito matibag-tibag kahit sino pa ang manungkulan kaya't kung malakas ang loob mo o magaling kang 'makisama' sa mga nakaposisyon tiyak na lalago ang kayamanan mo dito. Siyanga pala ang theoretical odds of winning sa larong ito ay 1:1369.


Karaniwang nakikita natin ang sakla sa lamay ng isang namatay, isang malapad na mesa na may nakalatag na barahang tagalog (spanish cards), pisong taya'y may tamang disi-otso kung mahuhulaan mo ang lalabas na dalawang barahang ikakamada ng balasador at kung medyo malaki ang iyong taya sigurado malaki rin ang iyong magiging panalo kung saka-sakali. Eh paano kung matalo?  Walang legal na saklaan, may patay man o wala ay hindi ito pinapayagan ng batas pero dahil sa makataong kadahilanan na ipangdadagdag ng namatayan sa gagastusin sa pagpapalibing at punerarya ang naipong mga tong ay binibigyan ito ng konsiderasyon.  Sa tuwing may nakikita akong saklaan nakakamangha na laging puno ito ng mananaya halos magkadikit na ang kani-kanilang mga mukha sa dami ng gustong maging instant libonaryo kaya nga kahit walang patay o nailibing na ang patay hindi pa rin itinitigil ang saklaan. Kung sa sabong ay may 1:1 tsansa kang manalo, sa karera ay karaniwang 1:7 ang ratio ng panalo:talo, sa sakla naman ay higit na mas mahirap na 1:19 ang tsansang manalo. At siyempre 'pag hindi madaling tamaan higit na malaki ang iyong 'return of investment'. Bihirang-bihira ang pagkakataon na natatalo ang nagpapasugal ng sakla sa hirap nitong tamaan pero hindi ito alintana ng manunugal at handa pa rin nilang itaya kahit ang kanilang kahuli-hulihang piso sa bulsa mapunan lang ang pagkahilig dito. Kung maisasalegal ang sugal na sakla dito sa Pinas marami ang mag-uunahan na makakuha ng prangkisa dahil sa siguradong walang kalugihan na negosyong ito.


Ang Pilipino ay mahilig sa patingi-tinging produkto; tinging sigarilyo, tinging load, tinging bigas, tinging mga pagkain, tinging mga panimplang suka't toyo na bibilhin sa tingi-tinging tindahan o sari-sari store. Maliit na puhunan para sa inuumpisahang maliit na pangarap. Kung hindi mo kayang bumili ng maramihan laging nariyan sa tabi-tabi lang ang maaasahang retail store. Ngayon, hindi lang mga paninda ang itinitingi dahil kapansin-pansin ang pagsulpot na parang damo ang negosyong pisonet. Uso ngayon ito, maraming kabataan at may batang pag-iisip ang game na maghulog ng kanilang mga barya para lang makalaro, makapag-browse, makapag-internet at makapag-facebook. Sa halagang limang piso ay mayroon kang labinglimang minutong pagkakataong makapasok sa mundo ng www o labinglimang minutong panadaliang kasiyahan sa napiling online games, parehong sistema rin ang gamit na tingi-tinging piso sa nagkalat na ring console games (PS2, PS3, X-box 360). Sa mga nabanggit na 'negosyo' o mga libangang Pinoy sa itaas itong pinakahuli ang mas katanggap-tanggap sa nakararami ngunit talaga nga bang libangan lang ang mga ito o isa ng nakakaadik na bisyo? Nakakalungkot ding malaman na karamihan sa mga kabataang naghuhulog ng piso-pisong barya sa pisonet ay gipit din sa pera ang mga magulang na sa pagnanais na malibang ay 'di alintana ang nagagasta na kung susuriin ay malaki-laking halaga din kung iipunin dahil ang totoo hindi naman limang piso lang ang hinuhulog nila sa pisonet bawat araw madalas umaabot sa beinte pesos na kaunti na lang ay halaga na ng isang kilong NFA rice.


Hindi ko naman literal na nirirekomenda na magnegosyo ng mga nabanggit na sugal-legal man ito o hindi, dahil sa aking palagay ang mga ito'y hindi na nga nakakatulong sa pamilyang pinoy umaayuda pa sa maling kakatwang nakagisnan at nakalakihan ng karaniwang pinoy. Kung matamang susuriin at sa mga patunay na ang mga pilipino'y likas na sugarol maari nating i-conclude na hindi matalino ang paggasta ng pinoy sa pinaghirapang pera; mapanghangad sa mabilisang yaman/kita, sariling kasiyahan ang prayoridad at walang kadala-dala kahit na sobrang hirap manalo o ilang ulit ng natatalo sa tinayaang sugal.
At kung hindi mo maatim o masikmura na magtayo ng mga kasingtulad na 'negosyo' kahit alam mong siguradong papatok ito sa mga tao, mabuting mag-ipon ka na lang muna dahil mayroon pa rin namang ibang negosyo na siguradong kikita at uunlad ka hindi Networking o drugs ang tinutukoy ko kundi Jollibee, tara franchise tayo.