Tuesday, May 22, 2012

Ningas


Ang dating umaalab na ningas ay unti-unti nang lumamlam.
Napalitan na ng lungkot ang kagalakang inakalang pangmatagalan.
Tumatangis na ang kalooban na noo'y pulos kasiyahan.
Nilukob na ng maitim na ulap ang kanina'y kay liwanag na kapaligiran.

Wari'y siglong pinagsamahan 'sang iglap lang ay nawala.
O pagkakataon lang ang hinintay dahil ito'y itinakda?
'Di na masisilayan ang ganda ng nakangiting umaga.
'Di na makikita ang marilag na gabing ikaw'y kasama.

Anong silbi ng paghinga kung wala nang dahilan para gawin ito?
Anong buhay ang mayroon kung pagluluksa lang ang kapiling ko?
Saan na tutungo ngayong wala nang direksyon ang aking bukas?
Paano pa imumulat ang mata gayong tila lahat ay nagwakas?

Ang tanging nalabi ay ang iyong magagandang alaala.
Na wawalat sa sandaling minsang naging masaya.
Kumalam na damdamin sa hinalay na bukas.
Humalang na pag-iisip sa pangarap na pinitas.

Kung ito'y isang laro 'di ko gusto ang sumali.
Kung ito'y isang biro 'di ako nangingiti.
Ganunma'y maraming salamat sa sanglibo't isang gunita.
Malungkot na paalam sa 'di mabilang na sugat na nalikha.

Patawad sa aking lisya't pagkakasala. 
BANG!!!

5 comments:

  1. wohooo kawindang ka gumawa pala ng tula boss.
    Ang husay ng daloy!

    Lahat ng bagay kumukupas. Nagbabago ang panlasa at pamantayan ng bawat tao. At sa paglipas rin ng panahon ay magiging matatamis at mapapait na alaala ang nangyayari sa kasalukuyan. Pero pasasaan pa at patuloy ang pakikipagbuno ng araw makapiglas lang sa dilim na dulot ng maligalig na gabi magkaroon lang ng pag-asa ang panibagong umaga. Kapag may nauupos may bagong magniningas. Kapag may nalalagas may uusbong. Kapag may nagsasara may magbubukas. Ganito yata talaga ang daloy ng buhay.

    ReplyDelete
  2. Siguro kung lahat ng may mabigat na pinagdadaanan ay gagawa ng tula, kwento o sanaysay makakagawa sila ng obrang puno ng emosyon. Malungkot lang malaman na marami ang nagpapatiwakal sa inakalang malaking problema.

    Ganda ng iyong komento sir joey, sana mabasa at maisapuso ng mga taong kasalukuyang nagdadalamhati. Mahirap man ang buhay lagi pa ring may dahilan para maging masaya at paghugutan ng pag-asa.

    ReplyDelete
  3. Grabe naman ang dumaloy na damdamin ay.

    ReplyDelete
  4. isang napakabigat na akda. akmang akma para sa mga may pinagdadaanan. sa unang saknong pa lang pasabog na. Mabuhay ka!

    ReplyDelete
  5. salamat sa pagbisita mga ser.

    sir jkulisap, nabitin naman ako sa komento mo.

    ReplyDelete