Monday, February 24, 2014

The Toni G. and Papa P. Experience



Madalas nating tanong; Ano ba ang kaya mong ibigay para sa pag-ibig? Ano ba ang kaya mong isakripisyo kapalit ng inaasam na pagmamahal? Hanggang kailan ka maghihintay at magtitiis para sa pag-ibig?

Sa pelikulang 'Starting Over Again' na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at Piolo Pascual mas angkop na mga katanungan dito ay; Ano ang kaya mong ibigay para sa pangarap? Hanggang saan ang iyong pagtitiis para makamit mo ang isang pangarap? Kaya mo bang isugal at isakripisyo ang pag-ibig ng kasalukuyan para sa pangarap na magandang kinabukasan?

Higit isang linggo matapos i-showing ang 'Starting Over Again' saka ko pa lamang napanood ito. Hindi ko inasahan na on its second week marami pa ring tao sa loob ng sinehang pinasukan namin ng wife ko. Kung hindi pa kami maagang pumila malamang ay sa hagdan kami nakasalampak o kaya naman ay nakatayo kami sa kung saang sulok o gilid lang. Siguro tulad ng aking dahilan ang pagkakaroon nila ng interes na panoorin ang movie: interesting. Sa dami ng kaibigan sa FB na nagshare ng kani-kanilang status tungkol sa Toni G. - Papa P. movie na ito, naglaan ako ng oras at pera ito'y panoorin.

Hindi nga ako nagkamali, interesting nga ang movie. Para sa akin ay sulit ang perang iyong ibabayad sa ticket, ang iyong dalawang oras sa loob ng sinehan at isang oras pang preparasyon para magtungo sa iyong paboritong mall upang panoorin ito.
'Starting Over Again' is a movie about dreams, frustrations, failures, false hope, success, triumph and of course love.

Umikot ang istorya sa pag-ibig ni Ginny (portrayed by Toni G.), a young girl who has a big admiration sa young professor of their university na si Marco (Papa P.) na gagawin ang lahat ma-express niya lang ang kanyang nararamdaman dito, Eventually, nagtagumpay naman si Ginny kay Marco at nauwi ito sa isang seryosong relationship na umabot pa nga sa pag-aalok ng kasal ni Marco sa dalaga.

Ngunit gaya ng pangkaraniwang love story mapamovie man o reality kailangang may conflict na magpapatibay o magpapaguho sa isang relasyon.

Sa gitna ng inaakalang masayang pagmamahalan at tumitibay na relasyon ay bigla na lamang iniwan ni Ginny si Marco ng walang kongkretong dahilan. Tumungo ang dalaga sa Espanya upang tuparin ang pangarap at naiwan si Marco na basag ang buong pagkatao. Sino ba naman ang hindi malulunod sa kalungkutan kung ang dahilan ng lahat ng iyong kaligayahan, isang araw ay bigla na lang lilisan? At ang higit na masakit ay ang iwan ka nito ng walang sapat na kapaliwanagan at hindi ka man lang nabigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ugaling hindi niya naibigan.

Siguro hindi na tayo dapat (gaanong) maniwala sa english saying na: 'what you don't know won't hurt you'. Masakit ang dulot ng isang paghihiwalay lalo't hindi mo alam kung ano ang tunay na dahilan sa likod nito, masakit ang bigla kang maiwan sa ere ng taong mahal mo kung hindi mo alam ang mga sagot sa marami mong katanungan.

Makalipas ang mabilis na apat na taon, isang postdated email ang gumising sa damdamin ni Ginny na pansamantalang nahimbing. At isang proyekto ang naging dahilan upang muling mag-unay ang dalawang dating nagmamahalan. Sa muling pagtatagpong ito mas maraming tanong ang lumutang kaysa mga kasagutan at mas naging komplikado ang dating payapang isipan. Kung gaano naging mapangahas ang estudyanteng si Ginny noon ay mas lalo pa itong naging mapangahas maibalik lang ang nawala at naudlot na pagmamahalan nila ni Marco. Kahit batid ni Ginny na may pagkakataong pinaglalaruan lang siya ni Marco, wala siyang pakialam dito.

Makakarelate ang (halos) lahat sa ganda ng execution ni Direk Olivia Lamasan sa eksenang nasa kama si Toni G. at sising-sisi sa ginawa niyang pang-iiwan kay Marco, ang urong-sulong na pagdelete sa huling email ni Marco, ang madamdaming paninisi niya sa mga masasakit na ginawa niya noon sa taong labis niyang minahal.

Hindi sa lahat ng oras, tayong lahat ay mabibigyan ng ikalawang pagkakataon. Hangga't kaya mong ingatan, pahalagahan at 'wag iwan ang taong mahal at mahalaga sa ating buhay gawin natin ito dahil posibleng wala na tayong mababalikan pa at ang minsang pagwawalang bahala natin ay maging sanhi ng ating habangbuhay na pagsisisi.

Ipinapakita sa istorya na hindi sa lahat ng sandali ay maari nating muling balikan at mahawakan ang mga bagay na iniwan at binitiwan natin dahil may posibilidad na ang dating iyong-iyo ay maaring pagmamay-ari na ng iba at hindi mo na kailanman mababawi pa, kahit na anong iyong gawin.

Ilang rejection pa ang nangyari sa mga proposal ni Ginny kay Marco sa proyektong kanyang tinanguhan at umabot na sa puntong napikon na si Ginny at binanggit ang katagang: "I deserved an explanation. I deserved an acceptable reason!" katagang tila sumampal sa kanyang pagkatao. Bakit mo nga naman kailangan ng eksplanasyon kung sa umpisa pa lang ay ipinagdamot mo na ito? Bakit mo nga naman hinihingi ang isang bagay na hindi mo naman ibinigay? Ang eksenang iyon ang isa sa pinakahighlight ng movie. Kung gaano kaganda ang line/script na naririnig ng manonood ng movie mula kay Papa P. sobrang sakit naman nito sa dibdib para sa karakter na si Ginny.

Ang pag-asa na kinapitan at sinandalan ni Ginny ang siyang unti-unting nagpapalubog sa kanyang katauhan at dumating pa ang sandaling siya'y naging katawa-tawa sa paningin ng mga kaibigan. Sa pag-aakalang may puwang pa siya sa puso ni Marco at sa pag-asang muling mababalikan ang nawaglit na sandali ng pagmamahalan, pursigido si Ginny na muling mapasakanya si Marco.

Totoo na ang tiwala ay napakahalaga sa isang relasyon. Madalas mas mahalaga pa ito sa mismong pag-ibig dahil ang pag-ibig minsan ay makasarili 'di tulad ng tiwala na sa lahat ng pagkakataon ay may kalakip na respeto at pagmamahal. Sa ginawang pang-iiwan ni Ginny kay Marco tila kawalan ng tiwala rin ang naghihiwalay sa kanila kahit na sila'y magkasama.

Sa napakaraming pinoy made lovestory film na naipalabas na, aakalain nating wala nang movie na makakapagpaexcite at makakapagpahanga sa atin. Tagahanga ka man o hindi ni Toni G., ni Papa P. o ni Direk Olivia Lamasan na siyang may pakana ng istorya at direksyon ng movie malaki ang porsyentong magugustuhan mo ito. Sa aandap-andap na industriya ng pelikulang pilipino kailangan natin ng ganitong movie na pinag-isipan,  hindi minadali at makatotohanan.

Starting Over Again ay isang pelikulang sulit sa halagang Php160 na iyong ibinayad, sulit na dalawang oras kasama ang iyong mahal sa buhay at mga bida ng pelikula, sulit na realizations sa normal na nangyayari sa ating kapaligiran.

Sa movie na ito, ikaw ay mapapangiti, matatawa, matutuwa, makakarelate at magdadagdag sa pagpahalaga ng salitang 'pagmamahal'.

Starting Over Again is a damn good film with a happy ending. In a different way.

Monday, February 17, 2014

Balikbayan Box



Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
- - - - -

October 2008 nang swertehing matanggap si Danny bilang tile setter sa isang construction company malapit sa kabisera ng Saudi Arabia.
Hindi kalakihan ang kanyang sweldo pero sasapat na sa pangangailangan ng kanyang pamilya; may dalawa silang anak ng kanyang asawang si Josie at kahit papaano'y nakakapagsubi rin ito para sa iba pa nilang pangangailangan at ipon na rin para sa pag-aaral ng anak.


Nagtungo siya sa lugar na iyon na puno ng pangarap. Dala ni Danny ang pag-asang makakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Sa edad niyang beinte-tres, unang beses niyang makakarating sa ibang bansa, unang beses niyang magtatrabaho para sa ibang lahi. Isa siyang mason sa kanilang probinsya sa Pampanga paminsan-minsan 'pag may kontrata ang kanyang amo na isang arkitekto ay may trabaho siya ngunit 'pag wala naman ay wala rin siyang kita. Kapag ganun ay aasa na lamang ang kanyang pamilya sa kaunting kikitain sa pagsasaka ng bukid ni Mang Manuel. Ngunit dahil sa abnormal na klima ng panahon nagreresulta ito sa kakarampot at papaunting kita sa pagsasaka. Kalaunan ay nagdesisyon si Mang Manuel na ibenta ang kanyang ekta-ektaryang bukirin sa isang developer ng Subdivision. Dito na kinailangang maghanap ng ibang pagkakakitaan ang pamilya ni Danny.


Nagbukas ang oportunidad ng pagtatrabaho sa ibang bansa nang ang isa sa kasama ni Danny sa construction firm na si George, ay natanggap bilang welder sa Saudi. Hindi madaling desisyon na umalis sa kinagisnang lugar, hindi madaling mawalay sa pamilyang kanyang labis na mahal lalo pa't bago pa lamang silang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng ito, buo ang loob niyang haharapin ang anumang pagsubok na sasalubong sa kanya.


Sa tulong ng lupang pag-aari ng inang si Nanay Mona, naisangla nila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang lupang iyon ay pamana pa ng nuno ni Nanay Mona sa kanya. Ang perang pinagsanglaan ay hindi pa rin sumapat para sa placement fee ni Danny at kinailangan pa nilang mangutang upang mapunan lang ito.


May isang kapatid si Danny, ito ay si Doris. Scholar ito sa isang pampublikong paaralan at sa susunod na taon ay college na ito. Mabuti na lamang at matalino si Doris dahil kung hindi'y dagdag gastos pa ng pamilya ang matrikula nito. Napagkakasaya ng kanyang ina ang baon nito sa araw-araw dahil sa kanilang maliit na sari-sari store.


Puno ng adjustment ang unang mga buwan ni Danny sa Saudi. Maraming gabing hindi siya dalawin ng antok dahil sa lungkot, maraming mga araw ang tila napakabagal para sa kanya dahil sa sobrang pagkabagot at kahit libre ang pagkain sa kanyang pinagtatrabuhan tila hindi siya nakararamdam ng pagkabusog. Ang gastos lang niya halos ay ang bayad sa renta ng kanyang tinutuluyang kwarto.


Sa ngalan ng pagmamahal sa pamilya gagawin ni Danny ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo. Ngayon niya lang nalaman kung bakit ang tawag sa katulad niyang OFW ay bagong bayani. Bayaning isinusugal ang buhay sa ibang bansa, bayaning nagpapaalipin sa ibang lahi. Ngunit paano nga ba tinatawag na bayani ang isang OFW kung wala man lang pagmamalasakit ang pamahalaan sa mga katulad nila? Bakit nga ba sila naging bayani kung walang sapat na respetong iginagawad ang gobyerno sa kanila?


Habang nagpapakahirap ang katulad niya, nababalitaan niya mula sa Maynila ang patuloy, talamak at hindi naaawat na korapsyon sa bayang kanyang pinanggalingan. Ito rin ang isa pang naging dahilan ni Danny kung bakit nabuo ang loob niyang tumulak sa ibang bansa. Walang komprehensibong programang pangtrabaho nakalatag para sa mga mahihirap ngunit masikap na gaya niya. Si Danny at ang labing-isang milyong pilipinong iba pa ay hindi umasa sa gobyernong dapat na kumakalinga sa kanila.


Magpapaalipin para magkalaman ang platong ihahain.
Magpapaalila para makapag-aral ang mga bata.
Magtitiis para sa pinapangarap na malaking bahay.
Magsusumikap para sa magandang kinabukasan.
Magsasakripisyo para sa kasiyahan at kaligayahan ng buong pamilya.


Tatlong taon ang kontrata ni Danny sa Saudi.
Maikli lang ito kung tutuusin ngunit para sa kanya'y tila katumbas ito ng walang hanggang paghihintay. Para sa taong naiinip at sabik sa pamilya lubhang napakabagal ng takbo ng bawat minuto at oras. Kahit nasanay at nagamay na siya sa kanyang trabaho, sa kanyang tinitirhan at pakikisama sa kapwa niya OFW, hindi pa rin mapupunan nito ang lungkot na namamahay sa kanyang puso. Ngunit positibo siyang malalampasan niyang lahat ng paghihirap na ito.


Apat na buwan bago matapos ang kontrata ni Danny sa Saudi, labis na ang pananabik na nararamdaman niyang muling makasama ang pamilya. Wala nang pagsidlan ang kanyang kasiyahan, kung maaari nga lang sana na hatakin ang mga nalalabing araw sa eksaktong araw ng kanyang pag-alis ay ginawa na niya ito. Gamit ang naipong pera ay paisa-isa niyang binibili ang lahat ng bilin at pasalubong para sa pamilya; tsokolate at mga bagong damit para sa dalawang anak, relo para sa inang si Aling Mona, cellphone para sa asawang si Josie at laptop para sa kapatid na si Doris.
Nakalagay ang lahat ng ito sa isang Balikbayan box.


Ngunit 'pag nagbiro ang tadhana tiyak hindi ka matutuwa.
Hindi sinasadyang napatay ni Danny ang landlord niya na isang Pakistani. Napilitan siyang lumaban nang awayin at gulpihin siya dahil sa alitan tungkol sa renta. Self defense ang nangyari, sadya man o hindi ang pagkakapaslang sa Pakistani ay ikukulong pa rin siya ng otoridad ng Saudi. Alam niyang mahigpit ang batas dito kaya't ganun na lamang ang kanyang panghihinayang at pagsisisi nang malaman niyang namatay sa ospital ang kanyang nakaalitan.


Ilang araw makalipas ang krimen, nakarating na sa kaalaman ng embassy at consul ng Pilipinas sa Saudi ang naganap na pagkakapaslang ni Danny sa Pakistani subalit katulad ng iba pang hinaing at problema ng ating mga bagong bayani tila hindi nabigyang pansin ng kinauukulan ang kaso niya.


Dahil sa magulong pag-iisip at pag-aakalang mapapagaan ang parusa sa kanyang kaso, idagdag pa ang kakulangan ng legal assistance ng pamahalaan sa kanya at sa kagustuhang matapos kaagad ang kaso, inamin na lang ni Danny ang pagkakapatay sa Pakistani.

Murder ang krimeng nagawa ni Danny at sa bansang ito may katumbas itong parusang kamatayan. Upang makaligtas sa parusang bitay kailangang makapagbigay ang pamilya ni Danny o ng pamahalaang Pilipinas nang tinatawag na 'blood money' sa pamilya ng nasawi. Ang itinakda ay 6 milyong Riyal ngunit nabawasan ito at naging 4 milyong Riyal katumbas nito'y 44 milyong piso.


Sa loob ng piitan, nakararanas ng panggugulpi ang kaawa-awang si Danny sa kapwa niya preso kahit itanggi pa ito ng pamunuan ng presinto ay hindi naman maitatanggi ang maraming pasa sa katawan ng pilipino.
Kahirapan na nga ang dinanas sa labas ng bansa, kahirapan pa rin ang kanyang kinakaharap sa loob ng bilangguan.
Sa isang iglap, lahat ng kanyang mga pangarap para sa pamilya ay gumuho. Magsisi man siya ay tila huli na ang lahat..


Kabi-kabila ang panawagan at pakiusap ng pamilya ni Danny sa iba't ibang ahensiya, NGO, private companies, social network upang makakalap ng blood money na makapagsasalba sana sa buhay ng bagong bayaning si Danny ngunit tila bingi ang kinauukulan para maaksyunan ang lumalalang problemang ito. Nakarating na rin ang balitang ito sa media sa Pilipinas at sa kaalaman ng mga kababayan.


Makaraan pa ang ilang taon at napakaraming gabing pagtangis, lumalapit na ang deadline ng pagbabayad sa itinakdang blood money sa pamilya ng biktima, halos wala pa sa kalahati ang naipong perang makapagliligtas sa isang sagradong buhay.


Habang lumalapit ang araw ng execution ay unti-unting binabawian ng pag-asang lumawig pa ang buhay ni Danny. Patuloy na nagtatanong kung kakambal niya sa buhay ay kamalasan, patuloy na iniiyak ang lahat ng kanyang sama ng loob sa Pilipinas, sa mundo, sa gobyerno.
Maaaring anumang araw mula ngayon ay isasagawa ng otoridad sa Saudi ang hatol na kamatayan para kay Danny at hindi na tayo magugulat sa balitang ito. Panandaling mapupukaw ang damdamin ng mga Pilipino sa pagbuwis na naman ng buhay ng isang bagong bayaning winalang bahala at hindi nabigyan ng sapat na kalinga at importansya.


Hangga't hindi nababago ang sistema ng pamahalaan, hangga't makasarili ang karamihan sa mga opisyales na nanunungkulan, hangga't walang magandang programa para sa lokal na employment ang gobyerno ng Pilipinas marami pang 'Danny' ang magiging biktima ng ganitong klase ng krimen.


Habang magulo ang isip ni Danny na naghihintay ng kanyang kamatayan nasa sulok naman ng isang malungkot na silid ang isang kahong pasalubong at sorpresa para sa kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
 
Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.



Monday, February 10, 2014

Pagwangis




"Mukhang ang saya-saya niyo ser ah!" paglilibang na sabi ng taxi driver*1 sa pasaherong kanyang naisakay sa NAIA Terminal 1*2. Si Philip*3 ang kanyang tinutukoy, isang OFW mula Qatar na pagkalipas ng halos labingdalawang taon*4 ay ngayon lang muling makakabalik sa bansang kanyang kinalakhan.

Si Philip na isang balikbayan o bagong bayani kung tagurian ng ating pamahalaan; bagong bayaning nagsasakripisyo para sa pamilya at nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ngunit saan man mapadako ay 'di magawang maprotektahan at mabigyan ng tulong kung siya'y nangangailangan.

Pasado alas dose na ng hatinggabi*5 nang lumapag ang eroplanong kanyang sinasakyan mula Qatar. Bitbit ang malalaking bagahe laman ang iba't ibang pasalubong sa pamilya; gadget, cellphone, damit, chocolates at lahat ng perang kanyang inipon at kinita sa loob ng labingdalawang taon. Sabik na sabik ang balikbayan, hindi ito maikakaila sa taglay niyang ngiti sa kanyang labi na kita rin sa kanyang mga mata. Kaya ganun na lamang ang pagbati sa kanya ng driver ng taxi na kanyang sinasakyan.

"Opo. Masaya talaga ako kasi pagkatapos ng labingdalawang taon ngayon ko lang muli makikita ang pamilya ko, galing po kasi akong Qatar OFW po ako dun." sagot ni Philip sa driver.

"Ah, ganun ba? Naku eh di tiyak nang matutuwa din sila niyan! Sa tagal mong nawalay sa pamilya kung ano ang pagkasabik mo sa kanila sigurado akong ganun din ang pagkasabik nila sa'yo. Ganyan din ang naramdaman ko noong nagtrabaho ako bilang machine operator sa Saudi kahit higit lang isang taon*6 ako doon. Bumalik na agad ako sa 'Pinas kasi hindi ko kaya ang lungkot dun. Kaya heto ako matagal-tagal na ring nagtitiyaga bilang isang taxi driver." kumpisal ng driver sa pasahero.

"Sinabi niyo pa ho, talaga pong nakakalungkot kung hindi nga lang sa kinabukasan ng lima kong anak hindi ako magtitiyaga bilang cook doon. Kahit may diskriminasyon sa mga katulad natin hindi ko na inintindi at pinatulan. Saka iba ho talaga kasi ang salary sa ibang bansa hindi tulad dito sa atin na kahit anong pagsisipag at pagtitiyaga mo sa trabaho parang wala ka namang mahihita." walang bakas sa mukha ni Philip ang pagkaantok at pagkahapo kahit halos isang araw na siyang bumibiyahe, natatalo ng kanyang pananabik ang magkahalong pagod at antok niya.

Patuloy itong nagkwento. "Mabuti na nga lang medyo malaki na ang naipon ko siguro hindi na ako babalik doon magtatayo na lang kami ng misis ko ng karinderya o maliit na restaurant tutal 'yun naman ang trabaho at experience ko. Kahit hindi ganun kalaki ang kita at least wala akong amo, mairaraos naman siguro namin ang aming araw-araw. Malaking bagay din na mabait ang asawa ko, napakasimple niyang babae at hindi maluho napagkakasya niya ang buwan-buwan kong pinapadalang pera at the same time nakakaipon pa rin ako."

"Magandang plano iyan kung meron ka rin lang ipon mas okay na magnegosyo ka na lang dito sa atin. Sa labingdalawang taon mong pagkawalay sa pamilya mo tiyak kong malalaki na ang mga anak mo. Hindi mo na maibabalik 'yung mga panahong nag-uumpisa pa lang silang maglakad o magsalita at ang unti-unti nilang pagiging makulit. Sabi nga sa ingles, priceless 'yun! Pero di bale hindi pa naman huli ang lahat may mga masasayang araw pang darating na kasama ka ng iyong pamilya." tila pagsang-ayon ng driver sa tinuran ng balikbayan.

Kahit nakatira sila sa Meycauayan kung saan sila nakakuha ng lote at bahay, sa Fairview nagpahatid ang balikbayan dahil tiyak niyang naroroon ang kanyang pamilya. Tuwing weekend kasi hindi ito pumapalya na dumalaw at bumisita sa kanyang mga magulang na may sakit at may edad na, bilin niya ito bago pa man siya makalipad papuntang abroad. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit napagpasyahan niyang mangibang bansa kahit nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang chinese restaurant.

Lumalaki ang kanyang pamilya kailangan nang mag-aral ng kanyang mga anak sa private school at ang kanyang mga magulang naman ay kailangan ng maintenance medicine. Wala nang ibang maasahan. Dalawa silang magkapatid pero ang kanyang kuya*7 ay matagal nang nawawala sabi ng mga kapitbahay sinalvage daw ng mga pulis dahil sa atraso sa droga pero walang sinumang makapagpatunay nito. Ayaw ni Philip na maghirap at maghikahos ang pamilya kaya labag man sa kanyang kalooban napilitan siyang maging OFW.

Pagkatapos ng maraming gabing hindi siya makatulog sa pag-aalala.
Pagkalipas ang maraming tanghalian at hapunang wala ang kanyang pamilya.
Makaraan ang ilang libong araw ng pagtitiis heto na si Philip kasama ang pag-asa at katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Hindi na siya nagpasundo. Minabuti niyang sorpresahin ang kanyang mag-iina dahil iba ang hatid na kasiyahan nito para sa asawang si Yna at kahit nga noong magnobya pa lang sila ilang surpresa ang kanyang ginawa dito.

Patuloy sa kwentuhan ng kanilang nakaraan at karanasan ang dalawa hanggang makarating sa kahabaan ng Commonwealth Ave*8. Higit sa dalawang daang metro bago dumating sa Ever Gotesco mall ay huminto ang taksing kinasasakyan ni Philip mabuti na lamang at ito'y nasa gilid na bahagi ng kalsada. Makailang beses ini-start ng driver ang sasakyan. Bahagyang nagrebolusyon lang ngunit 'di nagtuloy sa pag-ikot ang makina nito.

"Ser, pumalya po yata ang baterya ko. Pwede bang pakitulak sandali hanggang sa magstart lang itong taxi." pakiusap ng driver sa kanyang pasahero.

Hindi nag-atubili ang balikbayan. Agad itong tumalima, bumaba ng sasakyan upang itulak ang sasakyang tumirik sa kalsada. Siguro'y sa kasabikan at kagustuhan na makauwi sa bahay hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. "Sige po, iwan ko lang itong bag ko para maitulak ko nang maayos." aniya pa.

Buo ang tiwalang bumaba si Philip. Muling hinabilin sa driver ang kanyang bag bago inilapag sa likurang bahagi ng upuan, inilapat ang pintuan.

Nang biglang humarurot ang taxing inakala ni Philip na tumirik.
"Vrooom!"

Hindi pa nakakapwesto sa likurang bahagi ng sasakyan ang bagong bayani'y kumaripas na ito ng takbo. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Sa kasamaang palad hindi niya man lang nakuha ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.

Kung gaano niya katagal pinaghirapan ang kanyang naipon ganun kabilis naman ito nawala. Sa napakahabang kalsada ng Commonwealth Avenue nilamon ng dilim at tuluyang naglaho ang sasakyang naglalaman ng lahat ng kanyang bagahe, kagamitan, pasalubong at mga inipong pera. Kasabay sa paglaho at pagkaripas ng taxi ay ang pagkawala ng kanyang pananabik na makita ang pamilya at ang labis na kaligayahang kanyang nadarama. 

Sa isang iglap ang kanyang pangarap ay ninakaw ng mapagsamantala. 

Ang lahat ng masasayang emosyong kanyang nadarama kanina ay kagyat na napalitan ng magkakahalong luha, galit, pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
* * *


Legend:
1. Kawangis ng mga lider na namumuno sa ating bansa. Lider na mahusay mangusap, lider na dapat ay mahatid tayo sa destinasyong nais natin (ngunit iba ang kanyang mithiin), lider na lubos nating inaasahan at pinagkakatiwalaan. Ngunit sa halip na tumbasan ng matinong pamamalakad ang tiwalang iginawad at pagsusumikap ng lahat ng mga 'Philip' ay magagawa nitong nakawin ng walang awa ang kanilang mga pinagpaguran para sa kanilang sariling kasiyahan.

2. Lugar na sumasalamin sa ating bansa kung saan matagal na siyang dapat sumailalim sa rehabilitasyon at pagbabago ngunit dahil sa labis na korapsyon ay hindi ito magawa at maisakatuparan.

3. Isang balikbayang kawangis ng maraming pilipino. Pilipinong nagsusumikap para sa kinabukasan ng pamilya na handang magtiis, magtiyaga, maghirap, magtiwala at magsakripisyo para sa katuparan ng kanyang mga pangarap sa buhay. Mga Philip na nananatiling nakasalalay ang mga pangarap sa umaandap na pag-asa.

4. Bilang ng taon ng pagsisikap at pagtatrabaho ni Philip na sumisimbolo sa higit isandaang taong paghihintay at pagtiis ng mga pilipino na makatakas sa pagdarahop at paghihirap ng marami sa atin na sa kabila ng haba ng panahong lumipas ay tila walang naging pagbabagong naganap.

5. Kawangis ng kinalalagyan ng ekonomiya ng bansa, kalagitnaan ng gabi.

6. Napakaikling panahong pagsisikap ng mga lider na magpakatino sa tungkulin ngunit dahil sa talamak na katiwalian na kanyang nakikita kalaunan ay nilamon na rin siya ng sistema.

7. Sumisimbolo sa mga pilipinong napariwara ang buhay, kumapit sa patalim, naging masalimuot ang buhay at walang tiyak na kinabukasan.

8. Tiinaguriang isa sa pinakamapanganib na kalsada sa buong mundo, kawangis ng Pilipinas hindi madaling mabuhay rito.