Showing posts with label pulitiko. Show all posts
Showing posts with label pulitiko. Show all posts

Thursday, September 11, 2014

Crocs



Bago pa maitala ang kasaysayan
ng mundo, bago pa matutong
bumasa ng alpabeto ang mga
tao, bago pa natin sakupin
ang buwan, bago pa sumiklab ang
iba't ibang digmaan, bago pa
tayo matutong magsuot ng saplot
upang takpan ang ating kaselanan,
bago pa ang modernong teknolohiya
at imbensiyon ng telebisyon,
ng eroplano, ng telepono,
ng oto, ng computer,
ng Facebook at ng ripleng sa
kanila'y papaslang.


Kasabay na nila noong namuhay ang
nalipol ng mga dinosaur. Noong
mga panahong laksa-laksa pa ang
bilang at uri ng mga nilalang sa
tubig, noong mga panahong 'di
pa naabuso ang bundok at 'di pa
nasalaula ang gubat, noong mga
panahong magsingkulay pa ang
langit at dagat, noong mga panahong
wala pang nakahalong lason at
kemikal ang hanging ating lalanghapin
at tubig na ating iinumin.


Bago pa ang lahat ng mga ito'y
kaharian na nila ang sapa, ilog at
lawa. Ngunit kung papaano sila
namuhay ng may angas sa tubig,
ang siya ring angas na maghahatid
sa kanila sa bingit ng kapahamakan.
Ang kanilang matang makislap at
kumikinang sa pusod ng kadiliman
ay gagapiin ng kislap ng kamerang
sa loob ng kanilang santuwaryo na
tatawaging 'Zoo' nga mga tao.
Samantalang ang luhang papatak
sa kanilang mata ay metaporang
singkahulugan ng pagkaipokrito,
pagpapanggap o panggagago.


Ang tunay na talinghaga ng
mga buwaya sa daigdig ng mga
mortal na taong pinagpala
ng pag-iimbot,
ng pagkukunwari,
ng pagbabalat-kayo
ng pagiging makasarili ay
wala sa kanilang balat na sa
tatag, kunat at kapal ay makalilikha
ng maangas at mamahaling sisidlang
para sa mga taga alta-sosyedad na
nakahilata sa salapi at karangyaan.


Ang dating panginoon at dambuhala
ng tubig ay gagawin na lamang
dekorasyon para sa nangongoleksyon,
magiging adorno para sa lumilikha
ng kalupi at mapormang sapatos
o sinturon, magiging dahilan ng
pagiging palalo na sa kanya'y
makasisilo --- susukatin ang kanyang
haba mula sa nguso hanggang sa
bumahag nilang buntot, walang matatakot.
Sa ngalan ng yabang, sa ngalan ng
pandaigdigang Guiness book of records.


Ituturing na sila'y mabangis at
mapanganib na anumang oras ay
sasagpangin ang sinuman sa oras na
ang 'halimaw' ay makaranas nang
pagkalam. Mula sa liblib, mula sa
karimlan, mula sa pusod ng lawa
--- sila ay lalabas hindi upang maghasik
ng lagim o ng karahasan kundi upang
maghagilap lamang ng mailalaman
sa tiyan. Ano't ginagahasa ang kanilang
kanlungan? Ba't kinukubkob ang kanilang
kaharian? Ang pagkain nila'y sino'ng
kumakamkam?
Papaanong sila'y halimaw kung bansagan?


Dapat ba nilang ikasiya na sa kanilang
uri ipinangalan ang mamahaling tsinelas
at kasuotan gayong ang tahanan nila'y
patuloy na nilalapastangan. Malimit
na hinahambing sa mga mandarambong
na nananahan doon sa Senado, sa Batasan,
sa Munisipyo at sa Kapitolyo na
kumukulimbat ng bilyong piso
mula sa pondo ng kanyang Inang-
bayan. Datapwa't hindi naman sila
traidor sa kanilang lahi lalo't hindi sila
ngangasab ng labis sa kanilang
pangangailangan at nais.


Ngunit,
Sino nga bang higit na gahaman?
Sino nga bang higit na mapanganib?
Sino nga bang higit na nakagigimbal?

Ang crocs sa katihan o ang mga pulitiko sa kapatagan?

Monday, February 10, 2014

Pagwangis




"Mukhang ang saya-saya niyo ser ah!" paglilibang na sabi ng taxi driver*1 sa pasaherong kanyang naisakay sa NAIA Terminal 1*2. Si Philip*3 ang kanyang tinutukoy, isang OFW mula Qatar na pagkalipas ng halos labingdalawang taon*4 ay ngayon lang muling makakabalik sa bansang kanyang kinalakhan.

Si Philip na isang balikbayan o bagong bayani kung tagurian ng ating pamahalaan; bagong bayaning nagsasakripisyo para sa pamilya at nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ngunit saan man mapadako ay 'di magawang maprotektahan at mabigyan ng tulong kung siya'y nangangailangan.

Pasado alas dose na ng hatinggabi*5 nang lumapag ang eroplanong kanyang sinasakyan mula Qatar. Bitbit ang malalaking bagahe laman ang iba't ibang pasalubong sa pamilya; gadget, cellphone, damit, chocolates at lahat ng perang kanyang inipon at kinita sa loob ng labingdalawang taon. Sabik na sabik ang balikbayan, hindi ito maikakaila sa taglay niyang ngiti sa kanyang labi na kita rin sa kanyang mga mata. Kaya ganun na lamang ang pagbati sa kanya ng driver ng taxi na kanyang sinasakyan.

"Opo. Masaya talaga ako kasi pagkatapos ng labingdalawang taon ngayon ko lang muli makikita ang pamilya ko, galing po kasi akong Qatar OFW po ako dun." sagot ni Philip sa driver.

"Ah, ganun ba? Naku eh di tiyak nang matutuwa din sila niyan! Sa tagal mong nawalay sa pamilya kung ano ang pagkasabik mo sa kanila sigurado akong ganun din ang pagkasabik nila sa'yo. Ganyan din ang naramdaman ko noong nagtrabaho ako bilang machine operator sa Saudi kahit higit lang isang taon*6 ako doon. Bumalik na agad ako sa 'Pinas kasi hindi ko kaya ang lungkot dun. Kaya heto ako matagal-tagal na ring nagtitiyaga bilang isang taxi driver." kumpisal ng driver sa pasahero.

"Sinabi niyo pa ho, talaga pong nakakalungkot kung hindi nga lang sa kinabukasan ng lima kong anak hindi ako magtitiyaga bilang cook doon. Kahit may diskriminasyon sa mga katulad natin hindi ko na inintindi at pinatulan. Saka iba ho talaga kasi ang salary sa ibang bansa hindi tulad dito sa atin na kahit anong pagsisipag at pagtitiyaga mo sa trabaho parang wala ka namang mahihita." walang bakas sa mukha ni Philip ang pagkaantok at pagkahapo kahit halos isang araw na siyang bumibiyahe, natatalo ng kanyang pananabik ang magkahalong pagod at antok niya.

Patuloy itong nagkwento. "Mabuti na nga lang medyo malaki na ang naipon ko siguro hindi na ako babalik doon magtatayo na lang kami ng misis ko ng karinderya o maliit na restaurant tutal 'yun naman ang trabaho at experience ko. Kahit hindi ganun kalaki ang kita at least wala akong amo, mairaraos naman siguro namin ang aming araw-araw. Malaking bagay din na mabait ang asawa ko, napakasimple niyang babae at hindi maluho napagkakasya niya ang buwan-buwan kong pinapadalang pera at the same time nakakaipon pa rin ako."

"Magandang plano iyan kung meron ka rin lang ipon mas okay na magnegosyo ka na lang dito sa atin. Sa labingdalawang taon mong pagkawalay sa pamilya mo tiyak kong malalaki na ang mga anak mo. Hindi mo na maibabalik 'yung mga panahong nag-uumpisa pa lang silang maglakad o magsalita at ang unti-unti nilang pagiging makulit. Sabi nga sa ingles, priceless 'yun! Pero di bale hindi pa naman huli ang lahat may mga masasayang araw pang darating na kasama ka ng iyong pamilya." tila pagsang-ayon ng driver sa tinuran ng balikbayan.

Kahit nakatira sila sa Meycauayan kung saan sila nakakuha ng lote at bahay, sa Fairview nagpahatid ang balikbayan dahil tiyak niyang naroroon ang kanyang pamilya. Tuwing weekend kasi hindi ito pumapalya na dumalaw at bumisita sa kanyang mga magulang na may sakit at may edad na, bilin niya ito bago pa man siya makalipad papuntang abroad. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit napagpasyahan niyang mangibang bansa kahit nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang chinese restaurant.

Lumalaki ang kanyang pamilya kailangan nang mag-aral ng kanyang mga anak sa private school at ang kanyang mga magulang naman ay kailangan ng maintenance medicine. Wala nang ibang maasahan. Dalawa silang magkapatid pero ang kanyang kuya*7 ay matagal nang nawawala sabi ng mga kapitbahay sinalvage daw ng mga pulis dahil sa atraso sa droga pero walang sinumang makapagpatunay nito. Ayaw ni Philip na maghirap at maghikahos ang pamilya kaya labag man sa kanyang kalooban napilitan siyang maging OFW.

Pagkatapos ng maraming gabing hindi siya makatulog sa pag-aalala.
Pagkalipas ang maraming tanghalian at hapunang wala ang kanyang pamilya.
Makaraan ang ilang libong araw ng pagtitiis heto na si Philip kasama ang pag-asa at katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Hindi na siya nagpasundo. Minabuti niyang sorpresahin ang kanyang mag-iina dahil iba ang hatid na kasiyahan nito para sa asawang si Yna at kahit nga noong magnobya pa lang sila ilang surpresa ang kanyang ginawa dito.

Patuloy sa kwentuhan ng kanilang nakaraan at karanasan ang dalawa hanggang makarating sa kahabaan ng Commonwealth Ave*8. Higit sa dalawang daang metro bago dumating sa Ever Gotesco mall ay huminto ang taksing kinasasakyan ni Philip mabuti na lamang at ito'y nasa gilid na bahagi ng kalsada. Makailang beses ini-start ng driver ang sasakyan. Bahagyang nagrebolusyon lang ngunit 'di nagtuloy sa pag-ikot ang makina nito.

"Ser, pumalya po yata ang baterya ko. Pwede bang pakitulak sandali hanggang sa magstart lang itong taxi." pakiusap ng driver sa kanyang pasahero.

Hindi nag-atubili ang balikbayan. Agad itong tumalima, bumaba ng sasakyan upang itulak ang sasakyang tumirik sa kalsada. Siguro'y sa kasabikan at kagustuhan na makauwi sa bahay hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. "Sige po, iwan ko lang itong bag ko para maitulak ko nang maayos." aniya pa.

Buo ang tiwalang bumaba si Philip. Muling hinabilin sa driver ang kanyang bag bago inilapag sa likurang bahagi ng upuan, inilapat ang pintuan.

Nang biglang humarurot ang taxing inakala ni Philip na tumirik.
"Vrooom!"

Hindi pa nakakapwesto sa likurang bahagi ng sasakyan ang bagong bayani'y kumaripas na ito ng takbo. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Sa kasamaang palad hindi niya man lang nakuha ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.

Kung gaano niya katagal pinaghirapan ang kanyang naipon ganun kabilis naman ito nawala. Sa napakahabang kalsada ng Commonwealth Avenue nilamon ng dilim at tuluyang naglaho ang sasakyang naglalaman ng lahat ng kanyang bagahe, kagamitan, pasalubong at mga inipong pera. Kasabay sa paglaho at pagkaripas ng taxi ay ang pagkawala ng kanyang pananabik na makita ang pamilya at ang labis na kaligayahang kanyang nadarama. 

Sa isang iglap ang kanyang pangarap ay ninakaw ng mapagsamantala. 

Ang lahat ng masasayang emosyong kanyang nadarama kanina ay kagyat na napalitan ng magkakahalong luha, galit, pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
* * *


Legend:
1. Kawangis ng mga lider na namumuno sa ating bansa. Lider na mahusay mangusap, lider na dapat ay mahatid tayo sa destinasyong nais natin (ngunit iba ang kanyang mithiin), lider na lubos nating inaasahan at pinagkakatiwalaan. Ngunit sa halip na tumbasan ng matinong pamamalakad ang tiwalang iginawad at pagsusumikap ng lahat ng mga 'Philip' ay magagawa nitong nakawin ng walang awa ang kanilang mga pinagpaguran para sa kanilang sariling kasiyahan.

2. Lugar na sumasalamin sa ating bansa kung saan matagal na siyang dapat sumailalim sa rehabilitasyon at pagbabago ngunit dahil sa labis na korapsyon ay hindi ito magawa at maisakatuparan.

3. Isang balikbayang kawangis ng maraming pilipino. Pilipinong nagsusumikap para sa kinabukasan ng pamilya na handang magtiis, magtiyaga, maghirap, magtiwala at magsakripisyo para sa katuparan ng kanyang mga pangarap sa buhay. Mga Philip na nananatiling nakasalalay ang mga pangarap sa umaandap na pag-asa.

4. Bilang ng taon ng pagsisikap at pagtatrabaho ni Philip na sumisimbolo sa higit isandaang taong paghihintay at pagtiis ng mga pilipino na makatakas sa pagdarahop at paghihirap ng marami sa atin na sa kabila ng haba ng panahong lumipas ay tila walang naging pagbabagong naganap.

5. Kawangis ng kinalalagyan ng ekonomiya ng bansa, kalagitnaan ng gabi.

6. Napakaikling panahong pagsisikap ng mga lider na magpakatino sa tungkulin ngunit dahil sa talamak na katiwalian na kanyang nakikita kalaunan ay nilamon na rin siya ng sistema.

7. Sumisimbolo sa mga pilipinong napariwara ang buhay, kumapit sa patalim, naging masalimuot ang buhay at walang tiyak na kinabukasan.

8. Tiinaguriang isa sa pinakamapanganib na kalsada sa buong mundo, kawangis ng Pilipinas hindi madaling mabuhay rito.

Tuesday, December 10, 2013

"Kagalang-galang"



Sa plate number pa lang ng sasakyan malaki na ang pagkakaiba natin, siyete o otso ang sa akin, ang sa inyo naman ay ewan ko, wala akong pakialam at 'di ko gustong malaman. Kaya 'wag na ninyong ipilit ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa dahil simula pa lang na maisulat ang kasaysayan ng tao ay nakatakda nang may maghirap at maging alipin at may mayamang makapangyarihan na tulad ko ang mananatili at maghahari dito sa daigdig na iyong kinabibilangan.
Ang gaya ko ang bumabalanse sa pag-inog ng mundo.


'Wag kang magtaka kung ang lahat ay hinahawi sa tuwing sasakyan ko'y dumadaan o mabigyan ako ng special treatment saan mang kalsada ako mapadpad o VIP kung ako'y ituring anumang okasyon ang aking mapuntahan. Hindi ko rin kailangang huminto sa pulang ilaw ng trapiko para na rin sa aking kaligtasan dahil ang buhay ko'y mahalaga kumpara sa kung kanino lang.
Ang pangalan ko ay simbolo at sagisag ng tagumpay, pulitika, pera at kapangyarihan.


Anong magagawa ko kung halos lahat ng aking angkan at ninunong may kapareho kong pangalan ay mamahalin ng mga gunggong na dumidiyos sa akin? Marahil ay dahil sa napakahusay na serbisyong aking ipinapakita sa kanilang lahat, na aking mga kababayan.
Anong magagawa ko kung ang mga katulad ko ang takbuhan sa oras ng pangangailangan ng mga timawa, pobre at hampas-lupa? Siguro'y alam nilang likas akong matulungin sa aking kapwa.
Anong magagawa ko kung patuloy nila akong hinahalal kahit na iilan lamang ang naipasa kong batas at iilang beses lang din akong nakaattend ng session? Sa mga panahong iyon malamang nag-iisip ako ng pagkakakitaan ikakaasenso ng ating bayan.


Hindi ko kasalanan kung sa halagang tatlong daang piso o isang supot ng bigas na may kasamang groceries ay ipagpapalit nila ang kanilang boto. Sa mga taong kumakalam ang sikmura mahalaga na madugtungan ang kanilang buhay kahit dalawa o tatlong araw lang. Kaya 'wag na kayong lubusang umasa ng matinong pagbabago dahil sa simula pa lang hindi na maganda ang ating pagtitinginan; tingin ko sa inyo'y mapagsamantala samantalang tingin niyo sa akin'y gahaman. 'Wag na tayong magplastikan pa.


Tuwing ikatlong taon, maraming talumpati na nang pagbabago ang aking nabigkas, ilang pag-unlad at kapayapaan na rin ang aking naipangako at kahit ilang libong ulit ko pa itong hindi tuparin sigurado maiintindihan at mauunawaan pa rin ako ng mga kababayan kong may mataas na pagtitiwala at pagmamahal sa aking talino at kakayahan.
Batid din naman kasi nila na tulad ng pangarap, hindi lahat ng pangako ay natutupad. Tulad ko, sila rin ay maunawain.


Marami ang may ayaw sa akin, marami ang nasusuklam sa aking pagkatao, marami ang tumutuligsa sa aking mga ginagawa pero higit na marami ang nagmamahal sa akin! Dapat ay wala nang kumuwestiyon pa nito dahil ang paglilingkod ko at ng aking angkan ay aabot na sa pitumpung taon iyon din ang dahilan kung bakit nakadikit na ang pangalan namin sa lungsod at bayan ng lalawigang ito. Kung walang nagmamahal sa amin hindi kami magtatagal ng maraming dekada sa puwesto at nais kong ipaalala sa lahat na hindi political dynasty ang tinataguyod namin kundi ang serbisyong may dedikasyon at de-kalidad .


Wala akong pakialam kung ang ibigay niyo sa akin ay takot o huwad na respeto dahil ang mahalaga sa akin ay makakuha ng simpatiya, ang hindi mapahiya sa mata ng madla, at maiangat mula sa paghihirap ang bayang aking sinasakupan. Kung "kailan?" ang tanong niyo, 'wag kayong mainip darating tayo diyan. Ika nga, patience is a virtue. Samantala, makontento muna kayo sa serbisyong inihahatid at ipinagkakaloob sa inyo. Huwag niyo muna akong gambalain dahil abala ako sa pagpapatakbo ng aking mga negosyo.


Hindi madaling itanggi ang masangkot sa multi-milyong pisong pork barrel scam o Malampaya fund scam o fertilizer fund scam kahit na sumasampal sa pagmumukha ko ang napakaraming papeles, ebidensiya at testigo hindi pa rin ako kayang makasuhan, maihabla, maipakulong at mapatunayang may pagkakasala. Dahil ang katotohanan, inosente talaga ako sa lahat ng kanilang akusasyon hindi ko kayang gawin iyon sapagkat kung may taong nagmamalasakit sa bayang ito, ako lang iyon!


Walang sinuman ang may karapatang i-freeze ang lahat ng aking kayamanan at ari-arian dahil lahat nang aking yaman at salapi ay mula sa lehitimo kong negosyo. May permit ng DENR ang aking trosohan at mining business, wala akong kinalaman sa gambling activities dito sa aking nasasakupan at mariin kong pinabubulaanan na nagkakamal ako ng isang milyong piso kada linggo bilang proteksyon sa gambling lord, pamumulitika lamang ang nakikita kong dahilan nang panggigipit nila sa akin dahil ako'y nasa kabilang partido.


Ngayong pinagtibay na ng Supreme Court na ang pork barrel fund naming kongresista at senador ay ilegal, paano ko na ngayon matutulungan ang aking mga constituent?
Saan ako kukuha ngayon ng pondo para sa kanilang medisina at pagpapaospital?
Saan ako maghahagilap ng pondo para sa pagpapalibing ng mga namatay kong kababayan?
Saan ako didiskarte ng pondo para sa pagpapaaral ng mga iskolar ng aking nasasakupan?
Paano na ngayon maipagpapatuloy ang magandang adhikain at simulain ng foundation na aking sinusuportohan?
Tuwing summer, saang bulsa ako dudukot para sa pondo ng bola, tropeyo at uniporme ng mga kabataang mahihilig sa away sports?
Kung walang magagawang alternatibong pondo para sa mga nabanggit kong proyekto 'wag niyo nang asahan na makakatulong ako sa mga mapagsamantalang aking constituent, uulitin ko wala na kaming Countrywide Development Fund.


Magpapasko pa naman at tulad ng nakaraang mga pasko sigurado dadagsa at magkukumahog na naman sa aking opisina ang mga timawa, pobre at hampaslupa na aking mga kababayan na hihingi ng mga aginaldo at tulong pinansyal upang may maihain na masarap na putahe sa kanilang hapag-kainan kahit man lang daw 'sang beses isang taon, parang ninong na kasi kung ako'y kanilang ituring. Sa pagkakataong ito mas malamang na mabigo sila dahil wala na akong mapagkukunan ng kanilang bisyo at luho sa ikatlong beses aking uulitin WALA NA KASING COUNTRYWIDE DEVELOPMENT FUND at hindi ko kayang ipamahagi nang basta na lamang ang aking yaman at pera dahil para iyon sa akin, sa aking pamilya at sa kanilang kinabukasan.


Sa kabila ng mga kalokohan, kabalastugan, katiwalian, pagkasuwail at pagtataksil ko sa bayan mananatili at mananatiling nakakabit sa aking pangalan ang salitang KAGALANG-GALANG. 
 
Gradong makukuha ng pulitikong kagalang-galang