Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Showing posts with label balikbayan box. Show all posts
Showing posts with label balikbayan box. Show all posts
Monday, August 24, 2015
#Balikbayan Box
Trending sa lahat ng social media platform (hindi ang aldub) ang isyu tungkol sa Balikbayan Boxes na pinadadala ng ating mga kababayang OFW na kung tawagin ng gobyerno ay Bagong Bayani pero hindi naman bayani kung kanilang ituring.
Tinatayang aabot sa 12 milyon ang OFW na nakakalat sa iba’t ibang panig ng mundo at kung susumahin ang kanilang remittances taon-taon, tinatayang mahigit ito sa US$21 bilyon. Ibig sabihin, ang OFW’s ay may napakalaking role na ginagampanan para sabihing ang ekonomiya ng bansang Pilipinas ay sumisipa pa at may ipinagyayabang pa.
Ang malaking bilang na ito (12 milyon) na ating mga kababayan ay nagsisikap, nagtitiis, nagpapaalipin, nagpapaalila, nagtitiyaga, nagtitipid para sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya para sa isang pangarap.
Isa sa munting paraan nila ng pagpapakita ng pagmamahal sa pamilya ay ang pagpapadala nila ng iba’t ibang mga gamit (ilan sa mga ito’y pinaglumaan na ng kanilang amo) karaniwan nilang pinapadala ay mga damit, toiletries, noodles, tsokolate, cellphone, gadgets, bags, sapatos, etc. at ang mga ito ay ilalagay nila sa isang hindi kalakihang karton na kung tawagin ay: Balikbayan Box.
Uminit at pumutok ang isyu dahil ang mismong commissioner ng Customs ang nagsabing iinspeksiyunin, hihigpitan at (kung maaari’y) bubuwisan nila ang laman ng mga kahong ito. Dahil (daw) sa mga kadahilanang ito:
Una, nawawala raw sa gobyerno ay mahigit Php60 milyong halaga ng buwis.
• Hindi ang mga padala ng OFW ang dapat nilang maging source ng pagkakakitaan dahil ang BOC ay kumikita ng average na Php31Bilyon kada buwan o humigit-kumulang sa isa’t kalahating bilyong piso kada buwan. Anong lohika meron ang BOC bakit ang mga pipitsuging laman ng balikbayan boxes ang kanilang pinagdidiskitahan?
Pangalawa, nagiging source daw ng technical smuggling ang laman ng balikbayan box.
• Mayroon ngang mga kaso na ang isang balikbayan box ay may lamang iligal o kontrabando pero ang mga ganito ay ‘isolated cases’ lang at kung ikukumpara mo ito sa marami at talamak na kaso ng pag-aangkat ng luxury cars, fireworks, ukay-ukay, at agricultural products na walang permits tulad ng bigas, bawang, sibuyas, gulay etc. ay parang patak lang ito ng tubig sa gabundok na yelo.
• Totoong may karapatan ang BOC na buksan ang balikbayan box (nakasaad ito sa CMO 79-90/ 3.3.1) pero makatuwiran bang halughugin at bulatlatin ang isang kahon kung wala naman itong derogatory information? Ano ang silbi ng multi-milyong piso na halaga ng X-ray Machines kung kinakailangan din pala nang mano-manong inspeksiyon?
Sa mga pagkakataong nababawasan, nabubulok o tuluyang nawawala ang laman ng isang balikbayan box, may nagawa bang paraan ang BOC para mahuli, masugpo o masakote ang mga sangkot dito?
Maganda sana ang layunin ng Adwana pero maganda ba ang kanilang sistema?
May nakasuhan at nakulong bang freight forwarder/NVOCC o customs employee dahil sa pagsalaula ng mga balikbayan boxes?
Sa kasalukuyang halaga ng piso, mas dapat pa ngang taasan ang limit ng halaga na US500 kada kahon, mas dapat pang dagdagan ang limit na isang beses kada anim na buwan. Pakonsuwelo na lang sana ito sa mga bagong bayaning nagtataas ng credit ranking ng bansang ito sa World Bank, pampalubag-loob sa mga bagong bayaning nagtitiis sa ibang bansa dahil ang kanya mismong bansa’y walang maiaalok na trabahong magtutustos sa pangangailangan ng kanyang kaawa-awang pamilya.
Ang balikbayan box ay parang isang love letter ng isang manliligaw sa kanyang nililiyag, puno ito ng pag-ibig at pagmamahal.
Hindi lang basta gamit o pagkain ang nakapaloob sa kahong ito dahil kalakip nito ay isang hindi matatawarang pagmamahal na higit pa sa kayang sabihin ng mga salita. Ilang mga buwan ang bibilangin bago makapuno ng isang payak na balikbayan box,
ilang pakiusap sa amo na ibigay na lang sa kanya ang gamit na lotion o pabango,
ilang gabing pagpupuyat ang kinailangan para makabili ng cellphone na hiniling ng bunso,
ilang pag-skip sa lunch o dinner ang kinailangan para may maibiling damit ang nagdadalagang panganay.
Kaya napakahirap para sa ating isipin kung papaano nila naaatim
na bawasan ng ilang piraso ang tsokolate,
na kupitin ang ilang magagandang mga damit,
na agawin ang isang cute na manika,
na ipalaro sa kanilang anak ang nakaw na laruan,
na kotongan ang akala nilang mamahaling gadget,
na arborin ang pinaglumaang shoulder bag.
Wala ba silang mga pambili?!
Ang balikbayan box ay hindi lang basta kahon.
Ang laman nito’y sampung porsiyentong kagamitan at siyamnapung porsiyentong pagmamahal.
At sa bawat pirasong kagamitang nakapaloob dito na nawawala, nababawasan, nasisira o nabubulok dahil sa kagahamanan ng maraming kawani ng Adwana na walang awa, walanghiya at walang paggalang sa ating mga bagong bayani (kuno) ay para na rin nilang inaagawan ng kaligayahan ang pamilyang dapat sana’y nakakatanggap ng simpleng mga bagay na ito, na katumbas sa kanila’y labis na kasiyahan.
Labels:
balikbayan,
balikbayan box,
bureau of customs,
ofw
Monday, February 17, 2014
Balikbayan Box
Laman ng kanyang balikbayan
box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
- - - - -
October 2008 nang swertehing
matanggap si Danny bilang tile setter sa isang construction company malapit sa
kabisera ng Saudi Arabia.
Hindi kalakihan ang kanyang
sweldo pero sasapat na sa pangangailangan ng kanyang pamilya; may dalawa silang
anak ng kanyang asawang si Josie at kahit papaano'y nakakapagsubi rin ito para
sa iba pa nilang pangangailangan at ipon na rin para sa pag-aaral ng anak.
Nagtungo siya sa lugar na
iyon na puno ng pangarap. Dala ni Danny ang pag-asang makakaahon sa kahirapan
ang kanyang pamilya. Sa edad niyang beinte-tres, unang beses niyang
makakarating sa ibang bansa, unang beses niyang magtatrabaho para sa ibang
lahi. Isa siyang mason sa kanilang probinsya sa Pampanga paminsan-minsan 'pag
may kontrata ang kanyang amo na isang arkitekto ay may trabaho siya ngunit 'pag
wala naman ay wala rin siyang kita. Kapag ganun ay aasa na lamang ang kanyang
pamilya sa kaunting kikitain sa pagsasaka ng bukid ni Mang Manuel. Ngunit dahil
sa abnormal na klima ng panahon nagreresulta ito sa kakarampot at papaunting
kita sa pagsasaka. Kalaunan ay nagdesisyon si Mang Manuel na ibenta ang kanyang
ekta-ektaryang bukirin sa isang developer ng Subdivision. Dito na kinailangang
maghanap ng ibang pagkakakitaan ang pamilya ni Danny.
Nagbukas ang oportunidad ng
pagtatrabaho sa ibang bansa nang ang isa sa kasama ni Danny sa construction
firm na si George, ay natanggap bilang welder sa Saudi. Hindi madaling desisyon
na umalis sa kinagisnang lugar, hindi madaling mawalay sa pamilyang kanyang
labis na mahal lalo pa't bago pa lamang silang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng
ito, buo ang loob niyang haharapin ang anumang pagsubok na sasalubong sa kanya.
Sa tulong ng lupang pag-aari
ng inang si Nanay Mona, naisangla nila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng
kanilang bahay. Ang lupang iyon ay pamana pa ng nuno ni Nanay Mona sa kanya.
Ang perang pinagsanglaan ay hindi pa rin sumapat para sa placement fee ni Danny
at kinailangan pa nilang mangutang upang mapunan lang ito.
May isang kapatid si Danny,
ito ay si Doris. Scholar ito sa isang pampublikong paaralan at sa susunod na
taon ay college na ito. Mabuti na lamang at matalino si Doris dahil kung
hindi'y dagdag gastos pa ng pamilya ang matrikula nito. Napagkakasaya ng
kanyang ina ang baon nito sa araw-araw dahil sa kanilang maliit na sari-sari
store.
Puno ng adjustment ang unang
mga buwan ni Danny sa Saudi. Maraming gabing hindi siya dalawin ng antok dahil
sa lungkot, maraming mga araw ang tila napakabagal para sa kanya dahil sa
sobrang pagkabagot at kahit libre ang pagkain sa kanyang pinagtatrabuhan tila
hindi siya nakararamdam ng pagkabusog. Ang gastos lang niya halos ay ang bayad
sa renta ng kanyang tinutuluyang kwarto.
Sa ngalan ng pagmamahal sa
pamilya gagawin ni Danny ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo. Ngayon niya lang
nalaman kung bakit ang tawag sa katulad niyang OFW ay bagong bayani. Bayaning
isinusugal ang buhay sa ibang bansa, bayaning nagpapaalipin sa ibang lahi.
Ngunit paano nga ba tinatawag na bayani ang isang OFW kung wala man lang
pagmamalasakit ang pamahalaan sa mga katulad nila? Bakit nga ba sila naging
bayani kung walang sapat na respetong iginagawad ang gobyerno sa kanila?
Habang nagpapakahirap ang
katulad niya, nababalitaan niya mula sa Maynila ang patuloy, talamak at hindi
naaawat na korapsyon sa bayang kanyang pinanggalingan. Ito rin ang isa pang
naging dahilan ni Danny kung bakit nabuo ang loob niyang tumulak sa ibang
bansa. Walang komprehensibong programang pangtrabaho nakalatag para sa mga
mahihirap ngunit masikap na gaya niya. Si Danny at ang labing-isang milyong
pilipinong iba pa ay hindi umasa sa gobyernong dapat na kumakalinga sa kanila.
Magpapaalipin para magkalaman
ang platong ihahain.
Magpapaalila para
makapag-aral ang mga bata.
Magtitiis para sa
pinapangarap na malaking bahay.
Magsusumikap para sa
magandang kinabukasan.
Magsasakripisyo para sa
kasiyahan at kaligayahan ng buong pamilya.
Tatlong taon ang kontrata ni
Danny sa Saudi.
Maikli lang ito kung
tutuusin ngunit para sa kanya'y tila katumbas ito ng walang hanggang
paghihintay. Para sa taong naiinip at sabik sa pamilya lubhang napakabagal ng
takbo ng bawat minuto at oras. Kahit nasanay at nagamay na siya sa kanyang
trabaho, sa kanyang tinitirhan at pakikisama sa kapwa niya OFW, hindi pa rin
mapupunan nito ang lungkot na namamahay sa kanyang puso. Ngunit positibo siyang
malalampasan niyang lahat ng paghihirap na ito.
Apat na buwan bago matapos
ang kontrata ni Danny sa Saudi, labis na ang pananabik na nararamdaman niyang
muling makasama ang pamilya. Wala nang pagsidlan ang kanyang kasiyahan, kung
maaari nga lang sana na hatakin ang mga nalalabing araw sa eksaktong araw ng
kanyang pag-alis ay ginawa na niya ito. Gamit ang naipong pera ay paisa-isa
niyang binibili ang lahat ng bilin at pasalubong para sa pamilya; tsokolate at
mga bagong damit para sa dalawang anak, relo para sa inang si Aling Mona,
cellphone para sa asawang si Josie at laptop para sa kapatid na si Doris.
Nakalagay ang lahat ng ito
sa isang Balikbayan box.
Ngunit 'pag nagbiro ang
tadhana tiyak hindi ka matutuwa.
Hindi sinasadyang napatay ni
Danny ang landlord niya na isang Pakistani. Napilitan siyang lumaban
nang awayin at gulpihin siya dahil sa alitan tungkol sa renta. Self defense ang
nangyari, sadya man o hindi ang pagkakapaslang sa Pakistani ay ikukulong pa rin
siya ng otoridad ng Saudi. Alam niyang mahigpit ang batas dito kaya't ganun na
lamang ang kanyang panghihinayang at pagsisisi nang malaman niyang namatay sa
ospital ang kanyang nakaalitan.
Ilang araw makalipas ang
krimen, nakarating na sa kaalaman ng embassy at consul ng Pilipinas sa Saudi
ang naganap na pagkakapaslang ni Danny sa Pakistani subalit katulad ng iba pang
hinaing at problema ng ating mga bagong bayani tila hindi nabigyang pansin ng
kinauukulan ang kaso niya.
Dahil sa magulong pag-iisip
at pag-aakalang mapapagaan ang parusa sa kanyang kaso, idagdag pa ang
kakulangan ng legal assistance ng pamahalaan sa kanya at sa kagustuhang matapos
kaagad ang kaso, inamin na lang ni Danny ang pagkakapatay sa Pakistani.
Murder ang krimeng
nagawa ni Danny at sa bansang ito may katumbas itong parusang kamatayan. Upang
makaligtas sa parusang bitay kailangang makapagbigay ang pamilya ni Danny o ng
pamahalaang Pilipinas nang tinatawag na 'blood money' sa pamilya ng nasawi. Ang
itinakda ay 6 milyong Riyal ngunit nabawasan ito at naging 4 milyong Riyal
katumbas nito'y 44 milyong piso.
Sa loob ng piitan,
nakararanas ng panggugulpi ang kaawa-awang si Danny sa kapwa niya preso kahit
itanggi pa ito ng pamunuan ng presinto ay hindi naman maitatanggi ang maraming
pasa sa katawan ng pilipino.
Kahirapan na nga ang dinanas
sa labas ng bansa, kahirapan pa rin ang kanyang kinakaharap sa loob ng
bilangguan.
Sa isang iglap, lahat ng
kanyang mga pangarap para sa pamilya ay gumuho. Magsisi man siya ay tila huli
na ang lahat..
Kabi-kabila ang panawagan at
pakiusap ng pamilya ni Danny sa iba't ibang ahensiya, NGO, private companies,
social network upang makakalap ng blood money na makapagsasalba sana sa buhay
ng bagong bayaning si Danny ngunit tila bingi ang kinauukulan para maaksyunan
ang lumalalang problemang ito. Nakarating na rin ang balitang ito sa media sa
Pilipinas at sa kaalaman ng mga kababayan.
Makaraan pa ang ilang taon
at napakaraming gabing pagtangis, lumalapit na ang deadline ng pagbabayad sa
itinakdang blood money sa pamilya ng biktima, halos wala pa sa kalahati ang
naipong perang makapagliligtas sa isang sagradong buhay.
Habang lumalapit ang araw ng
execution ay unti-unting binabawian ng pag-asang lumawig pa ang buhay ni Danny.
Patuloy na nagtatanong kung kakambal niya sa buhay ay kamalasan, patuloy na
iniiyak ang lahat ng kanyang sama ng loob sa Pilipinas, sa mundo, sa gobyerno.
Maaaring anumang araw mula
ngayon ay isasagawa ng otoridad sa Saudi ang hatol na kamatayan para kay Danny
at hindi na tayo magugulat sa balitang ito. Panandaling mapupukaw ang damdamin
ng mga Pilipino sa pagbuwis na naman ng buhay ng isang bagong bayaning winalang
bahala at hindi nabigyan ng sapat na kalinga at importansya.
Hangga't hindi nababago ang
sistema ng pamahalaan, hangga't makasarili ang karamihan sa mga opisyales na
nanunungkulan, hangga't walang magandang programa para sa lokal na employment
ang gobyerno ng Pilipinas marami pang 'Danny' ang magiging biktima ng ganitong
klase ng krimen.
Habang magulo ang isip ni
Danny na naghihintay ng kanyang kamatayan nasa sulok naman ng isang malungkot
na silid ang isang kahong pasalubong at sorpresa para sa kanyang pamilyang
naiwan sa Pilipinas.
Laman ng kanyang balikbayan
box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
Labels:
balikbayan box,
ofw,
pamilya,
saudi arabia,
short story
Subscribe to:
Posts (Atom)

