Showing posts with label short story. Show all posts
Showing posts with label short story. Show all posts

Monday, February 17, 2014

Balikbayan Box



Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
- - - - -

October 2008 nang swertehing matanggap si Danny bilang tile setter sa isang construction company malapit sa kabisera ng Saudi Arabia.
Hindi kalakihan ang kanyang sweldo pero sasapat na sa pangangailangan ng kanyang pamilya; may dalawa silang anak ng kanyang asawang si Josie at kahit papaano'y nakakapagsubi rin ito para sa iba pa nilang pangangailangan at ipon na rin para sa pag-aaral ng anak.


Nagtungo siya sa lugar na iyon na puno ng pangarap. Dala ni Danny ang pag-asang makakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Sa edad niyang beinte-tres, unang beses niyang makakarating sa ibang bansa, unang beses niyang magtatrabaho para sa ibang lahi. Isa siyang mason sa kanilang probinsya sa Pampanga paminsan-minsan 'pag may kontrata ang kanyang amo na isang arkitekto ay may trabaho siya ngunit 'pag wala naman ay wala rin siyang kita. Kapag ganun ay aasa na lamang ang kanyang pamilya sa kaunting kikitain sa pagsasaka ng bukid ni Mang Manuel. Ngunit dahil sa abnormal na klima ng panahon nagreresulta ito sa kakarampot at papaunting kita sa pagsasaka. Kalaunan ay nagdesisyon si Mang Manuel na ibenta ang kanyang ekta-ektaryang bukirin sa isang developer ng Subdivision. Dito na kinailangang maghanap ng ibang pagkakakitaan ang pamilya ni Danny.


Nagbukas ang oportunidad ng pagtatrabaho sa ibang bansa nang ang isa sa kasama ni Danny sa construction firm na si George, ay natanggap bilang welder sa Saudi. Hindi madaling desisyon na umalis sa kinagisnang lugar, hindi madaling mawalay sa pamilyang kanyang labis na mahal lalo pa't bago pa lamang silang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng ito, buo ang loob niyang haharapin ang anumang pagsubok na sasalubong sa kanya.


Sa tulong ng lupang pag-aari ng inang si Nanay Mona, naisangla nila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang lupang iyon ay pamana pa ng nuno ni Nanay Mona sa kanya. Ang perang pinagsanglaan ay hindi pa rin sumapat para sa placement fee ni Danny at kinailangan pa nilang mangutang upang mapunan lang ito.


May isang kapatid si Danny, ito ay si Doris. Scholar ito sa isang pampublikong paaralan at sa susunod na taon ay college na ito. Mabuti na lamang at matalino si Doris dahil kung hindi'y dagdag gastos pa ng pamilya ang matrikula nito. Napagkakasaya ng kanyang ina ang baon nito sa araw-araw dahil sa kanilang maliit na sari-sari store.


Puno ng adjustment ang unang mga buwan ni Danny sa Saudi. Maraming gabing hindi siya dalawin ng antok dahil sa lungkot, maraming mga araw ang tila napakabagal para sa kanya dahil sa sobrang pagkabagot at kahit libre ang pagkain sa kanyang pinagtatrabuhan tila hindi siya nakararamdam ng pagkabusog. Ang gastos lang niya halos ay ang bayad sa renta ng kanyang tinutuluyang kwarto.


Sa ngalan ng pagmamahal sa pamilya gagawin ni Danny ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo. Ngayon niya lang nalaman kung bakit ang tawag sa katulad niyang OFW ay bagong bayani. Bayaning isinusugal ang buhay sa ibang bansa, bayaning nagpapaalipin sa ibang lahi. Ngunit paano nga ba tinatawag na bayani ang isang OFW kung wala man lang pagmamalasakit ang pamahalaan sa mga katulad nila? Bakit nga ba sila naging bayani kung walang sapat na respetong iginagawad ang gobyerno sa kanila?


Habang nagpapakahirap ang katulad niya, nababalitaan niya mula sa Maynila ang patuloy, talamak at hindi naaawat na korapsyon sa bayang kanyang pinanggalingan. Ito rin ang isa pang naging dahilan ni Danny kung bakit nabuo ang loob niyang tumulak sa ibang bansa. Walang komprehensibong programang pangtrabaho nakalatag para sa mga mahihirap ngunit masikap na gaya niya. Si Danny at ang labing-isang milyong pilipinong iba pa ay hindi umasa sa gobyernong dapat na kumakalinga sa kanila.


Magpapaalipin para magkalaman ang platong ihahain.
Magpapaalila para makapag-aral ang mga bata.
Magtitiis para sa pinapangarap na malaking bahay.
Magsusumikap para sa magandang kinabukasan.
Magsasakripisyo para sa kasiyahan at kaligayahan ng buong pamilya.


Tatlong taon ang kontrata ni Danny sa Saudi.
Maikli lang ito kung tutuusin ngunit para sa kanya'y tila katumbas ito ng walang hanggang paghihintay. Para sa taong naiinip at sabik sa pamilya lubhang napakabagal ng takbo ng bawat minuto at oras. Kahit nasanay at nagamay na siya sa kanyang trabaho, sa kanyang tinitirhan at pakikisama sa kapwa niya OFW, hindi pa rin mapupunan nito ang lungkot na namamahay sa kanyang puso. Ngunit positibo siyang malalampasan niyang lahat ng paghihirap na ito.


Apat na buwan bago matapos ang kontrata ni Danny sa Saudi, labis na ang pananabik na nararamdaman niyang muling makasama ang pamilya. Wala nang pagsidlan ang kanyang kasiyahan, kung maaari nga lang sana na hatakin ang mga nalalabing araw sa eksaktong araw ng kanyang pag-alis ay ginawa na niya ito. Gamit ang naipong pera ay paisa-isa niyang binibili ang lahat ng bilin at pasalubong para sa pamilya; tsokolate at mga bagong damit para sa dalawang anak, relo para sa inang si Aling Mona, cellphone para sa asawang si Josie at laptop para sa kapatid na si Doris.
Nakalagay ang lahat ng ito sa isang Balikbayan box.


Ngunit 'pag nagbiro ang tadhana tiyak hindi ka matutuwa.
Hindi sinasadyang napatay ni Danny ang landlord niya na isang Pakistani. Napilitan siyang lumaban nang awayin at gulpihin siya dahil sa alitan tungkol sa renta. Self defense ang nangyari, sadya man o hindi ang pagkakapaslang sa Pakistani ay ikukulong pa rin siya ng otoridad ng Saudi. Alam niyang mahigpit ang batas dito kaya't ganun na lamang ang kanyang panghihinayang at pagsisisi nang malaman niyang namatay sa ospital ang kanyang nakaalitan.


Ilang araw makalipas ang krimen, nakarating na sa kaalaman ng embassy at consul ng Pilipinas sa Saudi ang naganap na pagkakapaslang ni Danny sa Pakistani subalit katulad ng iba pang hinaing at problema ng ating mga bagong bayani tila hindi nabigyang pansin ng kinauukulan ang kaso niya.


Dahil sa magulong pag-iisip at pag-aakalang mapapagaan ang parusa sa kanyang kaso, idagdag pa ang kakulangan ng legal assistance ng pamahalaan sa kanya at sa kagustuhang matapos kaagad ang kaso, inamin na lang ni Danny ang pagkakapatay sa Pakistani.

Murder ang krimeng nagawa ni Danny at sa bansang ito may katumbas itong parusang kamatayan. Upang makaligtas sa parusang bitay kailangang makapagbigay ang pamilya ni Danny o ng pamahalaang Pilipinas nang tinatawag na 'blood money' sa pamilya ng nasawi. Ang itinakda ay 6 milyong Riyal ngunit nabawasan ito at naging 4 milyong Riyal katumbas nito'y 44 milyong piso.


Sa loob ng piitan, nakararanas ng panggugulpi ang kaawa-awang si Danny sa kapwa niya preso kahit itanggi pa ito ng pamunuan ng presinto ay hindi naman maitatanggi ang maraming pasa sa katawan ng pilipino.
Kahirapan na nga ang dinanas sa labas ng bansa, kahirapan pa rin ang kanyang kinakaharap sa loob ng bilangguan.
Sa isang iglap, lahat ng kanyang mga pangarap para sa pamilya ay gumuho. Magsisi man siya ay tila huli na ang lahat..


Kabi-kabila ang panawagan at pakiusap ng pamilya ni Danny sa iba't ibang ahensiya, NGO, private companies, social network upang makakalap ng blood money na makapagsasalba sana sa buhay ng bagong bayaning si Danny ngunit tila bingi ang kinauukulan para maaksyunan ang lumalalang problemang ito. Nakarating na rin ang balitang ito sa media sa Pilipinas at sa kaalaman ng mga kababayan.


Makaraan pa ang ilang taon at napakaraming gabing pagtangis, lumalapit na ang deadline ng pagbabayad sa itinakdang blood money sa pamilya ng biktima, halos wala pa sa kalahati ang naipong perang makapagliligtas sa isang sagradong buhay.


Habang lumalapit ang araw ng execution ay unti-unting binabawian ng pag-asang lumawig pa ang buhay ni Danny. Patuloy na nagtatanong kung kakambal niya sa buhay ay kamalasan, patuloy na iniiyak ang lahat ng kanyang sama ng loob sa Pilipinas, sa mundo, sa gobyerno.
Maaaring anumang araw mula ngayon ay isasagawa ng otoridad sa Saudi ang hatol na kamatayan para kay Danny at hindi na tayo magugulat sa balitang ito. Panandaling mapupukaw ang damdamin ng mga Pilipino sa pagbuwis na naman ng buhay ng isang bagong bayaning winalang bahala at hindi nabigyan ng sapat na kalinga at importansya.


Hangga't hindi nababago ang sistema ng pamahalaan, hangga't makasarili ang karamihan sa mga opisyales na nanunungkulan, hangga't walang magandang programa para sa lokal na employment ang gobyerno ng Pilipinas marami pang 'Danny' ang magiging biktima ng ganitong klase ng krimen.


Habang magulo ang isip ni Danny na naghihintay ng kanyang kamatayan nasa sulok naman ng isang malungkot na silid ang isang kahong pasalubong at sorpresa para sa kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
 
Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.



Monday, November 4, 2013

Afterlife



Mula sa malalim na pagtulog ay napamulagat at kumaripas ng bangon si Congressman Revillame. Nilibot ng kanyang mga mata ang lugar. Makipot ito at may kadiliman. Hindi pamilyar sa kanya.
Nagsisilibing liwanag ng paligid ay ang malamlam na apoy ng sulo na nakapalamuti sa mga sulok. Mula sa 'di tiyak na pinanggalingan ay may nauulinigan siyang sari-saring mga tinig na umaalingawngaw, na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing, nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at ilalarawan sa isang salita ang kanyang naririnig na tinig masasabing ang mga ito'y NAGDURUSA.


Kinalakhan na ng kongresista ang pagiging matikas, matapang at maging astig sa mundong kanyang kinabilangan ngunit ngayon'y tila kinakabahan siya ng husto. Kakaiba ang kanyang nararamdaman. Labis ang kanyang pangamba bagamat walang tibok ang kanyang puso. Pagkahilakbot ang katumbas ng mga nagsusumamong tinig na nagmumula sa kung saan. Ang bawat daing nila ay nakakakilabot, sumusuot ito sa diwa at isip nang bawat nakaririnig nito na kahit iwaksi ay pilit pa ring tutugisin at gagapiin ang lahat ng natitirang tapang mo sa katawan.

"Tao po!" sinubukan niyang sumigaw nagbabakaling may makarinig sa kanya ngunit bumalik lamang sa hangin ang salitang kanyang binitiwan. Sa lakas ng kanyang boses imposibleng walang makarinig dito, sa kanyang isip.


Nagpatuloy siya sa paglakad ngunit kalaunan napansin niyang tila siya'y 'di lumalayo sa ilang na lugar na ito. Datapwat naririnig pa rin niya ang mga nagdurusang tinig saan man siya mapadpad hindi naman niya ito matiyak at matunton.
Ilang oras pa ang lumipas, nababalot na ng lubos na pagkatakot ang Congressman. Hindi na niya batid kung ano ang susunod niyang hakbang at gagawin. Labis ang kanyang pagtangis ngunit walang luhang lumalabas sa kanyang mata. Hinahanap niya ang kalsadang patungo sa kanyang tahanan, ang kanyang pamilya, ngunit tinatanong niya rin ang kanyang sarili kung 'paano?'
Pakiramdam niya'y siya na lang ang nag-iisang tao sa daigdig na ito.


Napasalampak siya sa lapag, senyales ng kawalan ng pag-asa. Said ang kanyang luha ngunit hindi ang kanyang takot bagkus lalo pa itong nadagdagan. Hindi siya sanay sa ganito, sa tila miserableng lugar na kanya ngayong kinasadlakan. Sanay siya sa marangyang buhay; magagarang mga bahay, maraming pagkain, maraming pera, maraming kaibigan, magagandang mga lugar, maliliwanag na mga ilaw at may kapangyarihang utusan ang kung sinuman.
Lubos na kabaligtaran sa lugar kung saan siya ngayon naroroon.


Pilit niyang inaalala ang huling pangyayaring naganap sa kanya.
"Ah, nasa kwarto ako nang barilin ako ng pobreng hired killer!", naalala na niya.
"Hindi maari! Isa lang itong panaginip! Hindi maaring ito ay impiyerno. Hindi ako nararapat dito!"


"Ang mga katulad mo ang kailangan ko dito!" nanggaling sa kanyang likuran ang may kalakihang boses. Boses ng lalaki. Datapwat may bahid ng takot at sindak, dahan-dahan niyang nilingon  ang pinanggalingan ng tinig. Hinanda niya ang kanyang sarili sa kanyang anumang makikita. Kailangan niya itong makausap, kailangang may makatugon sa kanyang mga katanungan, kailangang may makapagpaliwanag sa kanya kung bakit siya naroroon.

Taliwas sa kanyang inaasahan ang kanyang namalas.

Ang lalaking kanyang nasa harapan ay may magandang mukha, makinis ang morenong kutis, mapungay ang katamtamang laki ng mga mata, maliit ang mapulang labi, matangos na ilong, sa tantiya niya'y matangkad ito sa kanya ng mga pitong pulgada, may perpektong pangangatawan at katamtaman ang haba ng buhok. Kung pagmamasdan mo ang lalaki para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na artist.


"Tama ka, ikaw nga ay nasa Impiyerno! At ang mga katulad mong sagad sa buto ang kawalanghiyaan ang dahilan kung bakit patuloy na nagniningas ang apoy ng lugar na ito. Habang patuloy na dumadami ang mga katulad mong walang habag at walang tunay na pagmamahal sa kapwa, palawak ng palawak ang masasakop kong kaharian at teritoryo!"

"Hindi maari ito! Isa lang itong masamang panaginip at ikaw ay produkto lang ng aking imahinasyon." tila hindi pa rin makapaniwala ang Congressman. "Marami akong natulungan, marami akong pinagtapos sa pag-aaral, mabuti akong tao at mahal na mahal ako ng aking mga kababayan. Kung ako'y totoong patay na hindi ako dapat naririto!"

"Ang lahat ng iyong pagtulong at paglingap sa mga kapuspalad ay pawang pagtatakip lang sa mga kasamaan at kawalanghiyaang iyong ginagawa, habang ipinagyayabang mong ikaw ay matulungin ninakaw mo naman ang salaping nakalaan para sa iyong mga kababayan na sinasabi mong mahal na mahal ka! Hindi kayang hugasan ng sinasabi mong kabutihan ang lahat ng iyong kasalanan at kung tutuusin kulang pa ang isang kaluluwa mo kumpara sa maraming buhay na iyong sapilitang binawi!" mapanumbat na ang boses ng lalaki.

"Ngunit ako'y madasaling tao, nagsisimba ako kasama ng aking pamilya tuwing Linggo, malaking bahagi ng aking yaman ay ibinibigay ko sa charity at simbahan. May takot ako sa Diyos at simula pagkabata ay adbokasiya ko na ang tulungan ang mahihirap na mga tao, sa taimtim kong pagdarsal sa Kanyang ngalan ay nararamdaman kong ako'y Kanyang pinatatawad." hindi pa rin sumuko sa pangangatwiran ang Congressman, ginagamit niya ang kanyang pagkabihasa sa pag-aargumento.

"PUTANGINA KA! HUWAG MONG GAMITIN ANG PANGALAN NG DIYOS SA LUGAR NA ITO! WALA KANG KARAPATANG SABIHIN AT GAMITIN ANG KANYANG NGALAN SA TAGLAY MONG KAWALANGHIYAAN AT PAG-IISIP NA SAGAD ANG KALASWAAN, PAGKAGAHAMAN AT KAHALAYAN! HINDI MO NA SIGURO BATID KUNG ILANG BUHAY ANG IYONG PINAPATAY DIREKTA MAN O HINDI! HINDI MO NA SIGURO ALAM KUNG GAANO KARAMING PERA ANG IYONG NINAKAW! ILANG KALULUWA ANG ISINADLAK AT ITINULAK MO SA LUGAR NA ITO? ILAN ANG NAGING BIKTIMA MO NG IYONG KAHALAYAN? ILANG LIBONG KASINUNGALINGAN ANG IYONG GINAWA NANG IKAW AY NABUBUHAY?" galit na ang lalaki.

"Nais kong makausap ang Diyos, maari ba? Gusto kong humingi ng kapatawaran sa Kanya. Nais kong pagsisihan ang mga nagawa kong kasalanan at pagkakamali." pakiusap ng Congressman sa lalaki.

"HULI NA ANG LAHAT! HINDI ITO ANG LUGAR PARA HUMINGI KA NG KAPATAWARAN. MASYADONG MAHABA ANG PANAHONG INILAGI MO SA MUNDO PARA PAGSISIHAN ANG LAHAT NG IYONG KASALANAN NGUNIT HINDI MO GINAWA DAHIL ABALA KA SA PAGKAMKAM NG YAMAN, PAG-UTAS SA BUHAY NG MGA TAONG SAGABAL SA IYO, PAGTAHI NG MGA KASINUNGALINGAN UPANG MAPANATILI ANG KALINISAN NG NAKAKASULASOK MONG PAGKATAO! AT SINO ANG TINUTUKOY MONG DIYOS? HINDI BA'T ANG DINIYOS MO'Y PERA?!? MULA NANG MAMULAT AT MAGKAISIP KA AY WALA KANG INATUPAG AT GINAWA KUNDI ANG PAGPAPALAKI NG IYONG YAMAN! AT ANG LAHAT NG SINASABI MONG PAGTULONG AY BAHAGI LANG NG IYONG PAGBABALATKAYO AT PAGKUKUNWARI! HINDI ITO ANG LUGAR NG PAGSISISI DAHIL ITO ANG LUGAR PARA PARUSAHAN ANG KALULUWA MONG KINUBKOB NG KASALANAN!" mahabang sagot ng lalaki.

Sa haba ng kanilang diskusyon at pag-uusap kumbinsido na ang kongresista na siya nga'y nasa kabilang buhay na. Gusto niyang mangatwiran at ipaliwanag ang kanyang panig ngunit bawat salitang kanyang sinasabi'y tila sumasampal sa kanyang katauhan. Hindi na siya makagagawa pa ng kasinungalingan dahil may detalyadong sagot ang lalaki sa kanyang bawat alibi at katwiran. Wala na siyang ibang maisip na gagawin at sasabihin na makapagkukumbinsi na siya'y patawarin sa kanyang mga nagawang kasalanan.

"Naniniwala akong may Diyos. Kung maari lang sanang mabigyan pa ako ng isang pagkakataon, pagkakataong mabuhay ng tama at matuwid." bumaba pang lalo ang kanyang boses at may kasama ng pag-iyak ang kanyang pakiusap. Walang lumabas na luha.

"NANINIWALA KANG MAY DIYOS PERO KAHIT KAILAN HINDI MO IPINAGKATIWALA ANG BUHAY MO SA KANYA. NANINIWALA KANG MAY LANGIT AT UMAASA KANG DOON KA MAPUPUNTA PERO KABALIGTARAN ANG LAHAT NG IYONG GINAWA. HINDI KA PA MAN NAKAKATUNTONG SA PINTUAN NG LANGIT ITINATAKWIL KA NA NITO! AT HINDI AKO DIYOS PARA BIGYAN KA NG ISA PANG PAGKAKATAON! AT KUNG MAY KAPANGYARIHAN MAN AKONG GAWIN IYON HINDI KO IYON IPAGKAKALOOB SA'YO DAHIL HINDI KA KARAPATDAPAT NA MAGKAROON NG PANIBAGONG BUHAY! SA TAGLAY MONG KASALANAN MALAKING APOY ANG MAGAGAWA MO DITO SA IMPYERNO! AYOKO NANG MAKIPAGTALO SA IYO SAPAT NA ANG IBINIGAY KO SA'YONG PALIWANAG!"

"Ngunit..." magtatangka pa sanang sumagot ang kongresista ngunit unti-unti nang nagbago ang kanyang anyo. Naging blangko ang kanyang maamo at gwapong mukha. At sa pagitan ng pagpikit ng kanyang mga mata ay nasa lugar siya sa kung saan niya nauulinigan kanina ang sari-saring mga tinig. Mga tinig na umaalingawngaw na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing, nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at ilalarawan sa isang salita ang mga tinig na naririnig masasabing ang mga ito'y NAGDURUSA. At kabilang na ang tinig dito ng matikas na kongresista.

Nagngangalit ang apoy para itong karagatan na walang tiyak na sukat, walang tiyak na lalim sa lawak. Ramdam ang labis-labis na hapdi ngunit ang balat naman ay 'di nalalapnos. Walang senyales na mababawasan ang init at alab nito dahil maya't maya ay may inihahagis dito na nagiging dahilan ng patuloy na paglaki at pagningas ng apoy!

Kasama ng kongresista sa dagat ng apoy ang maraming kaluluwang katulad niya na walang mukha, walang pagkakakilanlan. Sa lugar na ito pantay-pantay ang lahat, walang mahirap walang mayaman, walang alipin at hindi kikilalanin kung ikaw man ay 'matulunging' congressman.

Sabay sa pagiging blangko ng mukha ng kongresista ay ang pagbabagong anyo ng katauhan ng lalaking kanyang kausap. Ang magandang mukha ng lalaki ay naging nakakatakot. Malalim ang nakalisik at mapupulang mga mata, naging buto't balat ang kanina lang na perpektong katawan, may kulot ang mahabang sungay, matutulis ang mahahabang kuko gayundin ang buntot nito, maputla ang balat, mahaba ang tainga katulad ng kanyang dilang maaring maihambing sa dila ng ahas, naging makaliskis ang kutis nito at mayroong halakhak na ubod ng lakas at masakit sa pandinig.

Kung pagmamasdan mo ang lalaki para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na artist.