Thursday, November 1, 2012

The Eraserheads Chronicles 2/4




Marami-rami na ring banda ang unti-unting sumisikat sa panahong ito. Gumagawa ng sariling pangalan gamit ang sari-sarili nilang komposisyon. Hindi man sila tuwirang natulungan ng Eraserheads hindi naman maikakailang malaki ang naging impluwensiya ng grupo sa mga nagsulputang bagong banda. Maraming kabataan din noon ang nahiligan at nagnanais na matuto ng gitara; ang iba'y nangangarap na magkaroon ng sariling banda, ang iba naman ay sa simpleng dahilan na basta makatugtog lang nito.

Nasa rurok na nga ng tagumpay ang Eraserheads ngunit ang miyembro ng grupo ay tila hindi sanay sa popularidad na kanilang tinatamasa; magmula sa dating simpleng pamumuhay lang heto sila ngayon minamahal ng madla, magmula sa Crowd A na maselan ang panglasa sa tugtugin hanggang sa Crowd D na may kahirapan ang estado sa buhay.

Cutterpillow. Ikatlong album. Muling umukit ng kakaibang kasaysayan ang Eraserheads nang sa unang araw ng (unofficial) release ng kanilang album ay kaagad itong nakabenta ng higit sa 40,000 copies! Agad itong ginawaran ng Gold record award kahit hindi pa ito available sa mga record bar. Ini-launch noon ang album sa Sunken Garden ng UP Diliman Disyembre 8, 1995 at para makapasok ka kailangan mong bumili ng advanced copy ng album na magsisilbi mong ticket papasok. Sa sumunod na mga taon ipinagbawal ang mga katulad na concert dahil sa pinsala na nangyari sa lugar.

Kabilang sa album na ito ang pinakamagandang nagawang kanta sa kasaysayan ng musika ang: 'Ang Huling El Bimbo'. Higit sa pitong minutong kanta na puno ng kaluluwa, komposisyong aakalain mong ginawa sa langit, sa saliw ng instrumentong animo'y nilapatan ng salamangka. Sa ganda ng awit na ito nais kong ibilang ito sa pinakamagagandang kanta sa mundo tulad nang obra ng The Eagles na 'Hotel California' at 'Bohemian Rhapsody' ng The Queen minus the subliminal message.

Sandali, mayroon ba talagang subliminal na mensahe ang mga kantang ito? Hindi ba't nalagay din noon sa ganoong kontrobersiya ang Eraserheads nang bigyan ng mas malalim na kahulugan ang kanilang mga kanta? Hindi ba't natampok pa sila noon sa MGB ni dating Bise-presidente Noli dahil sa parehong rason? Sa kasalukuyang panahon ang mga kanta naman ni Lady Gaga o Rihanna ang binibigyan ng malisyosong kahulugan ng mga moralista. Subliminal raw ang mensahe ng ilang mga kanta at lumampas sa isyung moralidad. Hanggang saan ba ang hangganan ng sining? May hangganan ba ito? Kung ano ba ang interpretasyon ng isang tao sa isang sining 'yun na rin ang dapat nating paniwalaan? Panahon pa ng The Beatles, 'American Pie' ni Don Mclean, hanggang ngayon sa panahon ng RNB nina Jay Z o Lady Gaga hindi pa rin namamatay ang isyung ito. Sadyang malalim talaga ang sining.

Kung mayroon kang kopya ng Cuttepillow at Ultraelectromagneticpop! mapapansin mong malayong-malayo ang tunog ng una nilang album sa ikatlo. Ang una'y bagitong-bagito sa halos lahat ng aspekto; lyrics, tunog at instrumento samantalang ang ikatlo ay hinog na hinog sa pagiging propesyonal. Pagbabagong positibo na muling kinabiliban ng kanilang mga tagahanga.
Sa album din na ito ay maiibigan mo ang halos lahat ng kantang nakapaloob dito. Mula sa unang track na Superproxy hanggang sa huling track nito na Overdrive. Sa panahong ito kabi-kabila na ang kanilang mga pangaral, guestings, record awards, gigs sa iba't ibang lugar ng Pinas at sa ibang bansa. Bukod sa record na ang Cutterpillow ang pinakamabenta nilang album, ang isa pang pinalamalaking achievement nila ng taong iyon ay ang pagkakapanalo nila MTV Asia Viewer's Choice Award. Ang award na iyon ang nagbigay daan sa kanila para lalong umusbong ang kanilang career at makilala hindi lang sa Pilipinas kundi kasama na rin ang ilang bansa sa Asya at ibang bahagi ng mundo.

* * *
Halos lahat yata ng sumikat na singer/grupo na nabigyan ng pagkakataon na magrelease ng Christmas Album at hindi ipinagkait ito sa Eraserheads sa pamamagitan ng kanilang kaisa-isang All English album ang: 'Fruitcake'.
Sa unang track ng album na may parehong title mapapansing sa intro nito ay may backmask, ito ay bilang 'pang-resbak' nila sa mga kritikong nagbackmask sa kanilang ilang kanta at malisyosong binigyan ng ibang kahulugan.
Bagamat isang christmas song ang Fruitcake all year round naman ay maari mo itong ulit-uliting patugtugin. Isa na namang experimental ang album na ito dahil inspired ito ng musical play bagaman hindi naman ito naging ganap na play.

Trivia sa album na ito:
1.        ito ang una at huli nilang all english album
2.        ito ang may pinakamaraming kanta sa lahat ng kanilang nagawang album
3.        may kwentong magkakadugtong dito mula umpisa hanggang huling track

Pagkatapos ng ilang buwang pagkakarelease ng Fruitcake the album ay inilabas naman ang Fruitcake the book na matiyaga ko ring inabangan at binili sa National Book Store. Sa puntong ito parang lahat na yata ng merchandise na nakakabit o may kaugnayan sa paborito kong Eraserheads ay hindi ko pagdadalawang-isipang bilhin. Bukod sa consistent kong pagbili ng kanilang album at pagtangkilik sa kanilang mga awitin may iba't ibang koleksyon din ako ng kanilang dalawang magazine na Pillbox, Eraserheads theme na T-Shirts, Tikman ang Langit (book of essays about the band), Songbook / magazines about the Eraserheads. Hindi pa ko nakontento dahil ang sunvisor ng sasakyan ko ay "Overdrive" decal at ang sparetire cover naman nito ay ang naka-paintbrush na larawan nilang apat. Kaya kung sakaling makita mo sa kalsada ang artwork na ito maalala mo ang sumulat nito. Adik sa Eheads. Haha.
  * * *
Walang nagbago.
Muli akong nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ang Eheads sa isang gig sa bagong bukas na bar sa Gracepark (sarado na ito ngayon) at isa pa sa halftime break ng PBA Finals noong 1997. Ganun pa rin sila, walang kupas sa galing. Walang pagbabago sa kahusayan.

Hindi nabawasan ang paghanga sa grupong ito lumipas man ang ilang mga album, may mga fans na bumitiw dahil hindi nakarelate sa mga kantang nakapaloob sa Fruitcake. Ngunit ako at ang mga die hard fan ng Eheads na tinanggap ang "pagbabago" ng grupo ay patuloy na sumuporta. Walang iwanan, walang nagbago.

Sa panahon ng kasikatan ng Eraserheads marami na ring banda ang gumawa ng sariling tatak at pangalan, tinangkilik at nagkaroon ng sarili nilang tagahanga. Hindi man tuwirang may kaugnayan dito ang Eheads, sa ibang paraan ay maikokonekta mo sila dito. Kung ang Dekada 70 ang tinaguriang Golden Years ng musikang pilipino dahil sa pamamayagpag ng Manila Sounds, Dekada 80 naman ay ang pagsikat ng filipino solo artist, sa buong panahon ng Dekada 90 ay ang paghahari sa airwaves ng mga banda; ang ilan sa mga bandang sumikat din noon ay The Teeth, Yano, Siakol, The Youth, Orient Pearl, True Faith, Hungry Young Poets, Barbie's Cradle, Alamid,  Grin Department, Afterimage, Color it Red, Rivermaya, at ang isa pang malupit na Parokya ni Edgar. Malaki ang aking pasasalamat na nabuhay ako sa panahong iyon dahil nasaksihan ko ang husay at galing ng mga OPM band na ito; mga musikerong inuunang gumawa ng magagandang kanta kaysa magsuot ng magagandang damit, may mga orihinal na malulupit na kanta at hindi humihiram ng kanta sa iba upang agad na sumikat.

Sticker Happy - ikalimang album, wordplay ng salitang Trigger Happy. Bagamat tunog techno o electronic ang ilang kantang nakapaloob rito hindi pa rin nawala nang tuluyan ang tunog pop-rock na hinahanap ng karamihan sa mga fans. Kabilang sa album na ito ang "Spoliarium" na hango sa titulo ng isang artwork ni Juan Luna. Spoliarium na higit pa sa isang kanta ang mensaheng gustong ipahatid; parang Noli me Tangere ni Jose Rizal o Monalisa ni Leonardo Da Vinci na may malalim na kwento sa likod ng isang sining. Para namang isang farewell song ang kantang "Para sa Masa" na sa tema ng kanta ay parang pasasalamat sa lahat ng nagmahal at tumangkilik sa kanila (binanggit din dito si Sharon Cuneta dahil sa naging isyu ng guesting ng Eheads sa programang Sharon).

Isang kakatwa na sa kaisa-isang pelikulang nilabasan ng grupo ay kasama nila si Joey de Leon (Run Barbi Run) ng sikat na triumvirate na Tito, Vic and Joey; si Joey na kaibigan ni Tito Sotto na naging numero unong kritiko noon ng banda dahil sa pagbibigay malisya sa kantang "Alapaap". Isang EP rin ang inilabas ng grupo para sa pelikulang ito kabilang sa EP ang kantang "Tikman" na ginamit sa commercial ng Burger Machine na sikat pa ng panahong iyon.

TRIVIA: Ang babae sa cover album ng Sticker Happy ay si Joey Mead ng Channel V.

No comments:

Post a Comment