Friday, November 16, 2012

Respeto




Respeto - isang pagbibigay pugay o paggalang na iginagawad sa mga KARAPAT-DAPAT maging hayop, bagay, kalikasan, lugar, relihiyon, tradisyon, kultura, paniniwala at tao; buhay man ito o patay, may buhay man ito o walang buhay.

Ngunit paano ba maaani ang respeto? Ano ba ang pamantayan natin para ang isang tao ay ating irespeto? Dahil ba ang isang tao ay nakatatanda sa atin nararapat na bang ito'y irespeto? Dahil ba ang isang tao'y may mataas na posisyon sa atin awtomatiko na itong makakatanggap ng respeto? Dahil ba magara ang suot nitong damit ay isa na itong kagalang-galang? Dahil ba siya'y isang mayaman at maraming posesyon  lalo't nakakotse ay kaagad na natin itong igagalang?
Puwes, Hoy Tanginamo! Doblehin mo ang respeto sa'kin dahil dalawa ang kotse ko!
Pansin mo ba ang kamalian? Paano mo igagalang ang isang tao kung umpisa pa lang ay binastos at minura ka na? Samakatuwid hindi nadadaan sa kung ano man ang paggawad ng respeto sa tao. Hindi sa posisyon, hindi sa edad at lalong hindi sa kayamanan o pera. Maaaring ikaw ay makatanggap ng "respeto" sa mga tao dahil ikaw ay naka-aangat sa kanila sa kung anumang aspekto pero sa likod nito at sa oras na ikaw ay hindi na nila kaharap puro pintas o mura ang iyong inaabot sa kanilang pag-iisip at sa tuwing ikaw ay nakatalikod. Respeto ba talaga ang tawag natin dito?

Isang malaking maling akala ang nasa kaisipan ng mga maraming nakaangat sa buhay na silang lahat ay kagalang-galang na higit sa ordinaryong mamamayan. Na silang lahat ay karespe-respeto dahil sa tangan-tangang napagtagumpayan. Hindi ito isang usapin nang kung anong mayroon ka o nang kung anong posisyon mo sa buhay, hindi ito usapin kung may edad ka na o paslit ka pa. Kung karapat-dapat kang igalang maging ano man ang estado mo sa buhay sigurado irerespeto ka.

Kung papaano mo ituring ang mga tao maging palaboy, bakla, tomboy, empleyado, estudyante, tsuper, traffic enforcer at iba pa nakatatanda man ito o hindi ay ganundin ang magiging impresyon at ibabalik sa'yo ng mga tao. Ang pagrespeto sa atin ng mga tao ay repleksyon ng ating ugali hindi sapat ang katagang Sir o Madam, ang matunog na Po at Opo, ang paggamit ng Ate o Kuya (minsan ginagamit lang itong pa-cute) Tito o Tita, Mayor o Congressman na may nakakabit na His Honorable. Nasaan ang honor kung isa ka sa nagiging dahilan kung bakit lugmok ang bansa? Nasaan ang honor kung palihim kang nagnanakaw katulad ng pusakal na snatcher. Kahit pa isa kang pari o pastor kung ang itinuturo mo'y taliwas sa iyong ginagawi malamang ang respetong tinatanggap mo'y huwad at sa sarili mo mararamdaman mong ikaw ay hindi karespe-respeto. Kung minsan nga kahit may kapansanang naka-wheelchair ka na at dati pang pangulo mababanaag pa ring hilaw ang naibibigay na respeto sa kanya.

Robert Blair Carabuena, isang taong may mataas na posisyon sa isa ring higanteng kompanyang Philip Morris. Sa unang impresyon ang taong ito ay kagalang-galang dahil sa siya ay may kaya sa buhay, may pinag-aralan, magara magdamit, may magandang trabaho at may malupit na kotse. Sa isang iglap, ang impresyong siya'y karespe-respeto ay biglang naglaho nang walang awa niyang sampalin ang pobreng Traffic Enforcer ng MMDA na si Mang Sonny Fabros dahil sa pagsita sa kanya nang suwayin niya ang batas-trapiko. Nagmukhang mas kagalang-galang ang mamang may pagtitimpi kaysa sa isang mal-edukadong opisyales na may magarang kotse ngunit arogante. Hindi man gumuho ay nabawasan ang respeto ng mga taong sa kanya'y nakakakilala at ang mga taong hindi siya lubos na kilala ay nang-alipusta, namintas, nagmura at nagbanta! Ibinalik sa kanya kung anong ginawa niya sa kanyang inapi at doble pa! Mga taong wala ring pagtitimpi at pasensiya kulang na lang ay pisikal itong bugbugin. Sa bandang huli sino ang umani ng pagkondena at sino ang umani ng papuri? Sino ang higit na nirespeto at sino ang inilugmok ng batikos? Sino ang naging kagalang-galang; ang matapobre o ang hinamak na pobre?

 
Nahaharap din sa isang kontrobersiya ang isang dalagang nagngangalang Paula Jamie Salvosa o mas kilala sa tawag o binansagan ng mga netizen na AMALAYER. Hindi ko i-ju-justify ang naging reaksyon niya sa lady guard in-charge ng LRT na si Sarah Mae Casinas dahil alam naman ng lahat ang kanyang kamalian ngunit gusto kong ipunto ang mas grabeng reaksyon ng mga tao sa kanya! Na ang naging resulta ay ang pagsasara niya ng kanyang account sa mga social networking sites at napabalita rin na nagkakaproblema siya ngayon sa kanyang pinapasakong unibersidad.

Sino ba ang hindi nagagalit? Baka nga mas grabe pa ang maging aksyon at reaksyon ng maraming tao kung sakaling malagay sa isang sitwasyong ikaw ay napahiya, pinahiya o naruyakan ang letseng pride mo. Baka mas maging bayolante pa ang iba at makapanakit pa ng kapwa niya kung makanti lang ng kaunti ang kanyang katauhan.
Sino ba ang hindi nagsisinungaling? Ituro mo sa akin at siya lang ang may karapatang manghusga kay Paula. Sino mang tao pag nalalagay sa alanganing sitwasyon ay magsisinungaling, ilulusot ang sarili para hindi magkaroon ng mas malalang problema. Ang mahirap sa atin mas marami ang mapanghusga at mapanglait na higit pa ang ipinapakitang kagaspangan ng ugali kaysa sa taong naka-offend mismo at nalagay sa kontrobersiya. Mapanghusga kahit wala sila mismo sa lugar na pinangyarihan, mapanglait kahit wala ni katiting na karapatan.

Hindi pinag-uusapan dito kung sino ang mangmang o kung sino ay may mataas na pinag-aralan. Walang silbi kung sino ang mataas ang kalagayan sa buhay o ordinaryong mamamayan. Laging pakaisipin na maraming mata ang nakamasid sa atin at sa lahat ng ating ginagawa. Ang anumang inisyal na galit, aksyon o reaksyon mo sa kung sino ang magiging basehan sa panguhuhusga sa'yo ng mapanghusgang mundo. Isang napakaliit na pagkakamali mo lang guguho't mawawala nang lahat ang iyong nireserbang respeto para sa sarili kahit sabihin mo pang edukado ka, presidente ka ng isang malaking kompanya, nakatira ka sa magarang subdibisyon, pilantropong tumutulong sa kapus-palad, dalubhasang doktor na tumutulong sa mga may karamdaman o alagad ng simbahang tagapaghatid ng mabuting balita.

Ang mga letrang nakakabit sa ating mga pangalan tulad ng Dr., Atty., Engr., Arch., CEO, Pres., Msr.,  Rev., Rep. at iba pa ay magsisilbing dekorasyon lang sa iyong pangalan kung hindi mo isasabuhay at isasapuso ang propesyon at pinag-aralan mo. At magiging mas karespe-respeto pa ang isang pangkaraniwang tao kung walang bahid ang dignidad at pangalan nito kaysa sa isang abogado na alagad ng kasinungaligan o isang doktor na tumatangging gamutin ang may sakit na walang pangdeposito at hahayaan nitong habulin ang kumakaripas na sariling hininga o isang tagapaghatid ng mabuting balita pero pumuputangina sa tuwing may kinagagalitan.

Bakit ba banas na banas ang marami sa asal hayop na mga ganid na pulitiko? Pero sa kabila ng pagkabanas ng mga tao dito nakangiti pa rin natin itong pinakihaharapan lalo't tuwing may eleksyon. Bakit nagkukumahog na parang pulubi ang marami sa host ng isang gameshow mabigyan lang ng kung ilang libo? Pero kung hindi naman mabiyayaan halos murahin nila ito. Bakit ba gumagamit tayo ng "po" at "opo" sa mga taong nakatatanda sa atin kahit na barubal ang pag-uugali nito? Pero sa oras na hindi siya kaharap ay sinisiraan naman siya ng sagad. Bakit ba halos sambahin mo ang boss mong istrikto sa tuwing ito'y dumadaan sa iyong harapan? Pero kung magagawa mo lang na ito'y sungitan matagal mo na itong ginawa. Ang mga ito'y hindi isang respeto kundi pakitang tao lang.

Kung hindi mo kayang ibigay ang ganap na respeto sa isang tao dahil sa magaspang na ugaling taglay niya, maging tao pa rin tayong pakiharapan siya nang maayos at maganda. Na sa kabila ng kanyang pagbabalat-kayo sa tuwing tayo'y kanyang kaharap o kahit batid nating ang taong ito'y may sariling interes at motibo ipakita nating kaya natin silang pakisamahan ng hindi kinakailangang mang-alipusta dahil kung gagawin natin iyon wala na rin tayong pinagkaiba sa kanila. Maaring mawala o mabawasan ang respeto natin sa isang tao pero dapat hindi mawala ang ating pakitang-tao o mas magandang pakinggan na pakikipagkapwa-tao; pagpapamalas ito na tayo ay mas matinong TAO sa mga tulad nilang nakakadismaya, nakakainis o arogante.

May mga taong rumerespeto ayon sa kasuotan. Kagalang-galang di-umano ang mga taong nakadamit ng buwayang 'di nangangagat, mga branded na damit, mga naka-coat lalo't kung may katernong makulay na tie, mga nakabarong-tagalog na animo'y parating dadalo sa kasalan, mga mapopormang nakakuwelyo na may mahabang manggas. Ano ba ang pinagkaiba nito sa mga naka-shirt lang? Oo nga na sa unang tingin ay mas may dating at kahanga-hanga ang may ganitong kasuotan. Ngunit sapat na ba ito para husgahan naman ang nakaordinaryong damit lang? Paano mo iri-respeto ang may magagarang kasuotan kung inaalipusta nito ang taong sa kanya'y sumasalubong? Hinahawi ang lahat ng nakaharang at umaaktong hari saan man makarating. Tigilan na natin ang panghuhusga ayon sa kasuotan; madalas kung sino pa ang palaging nakabarong iyon pa ang may bahid ang pagkatao, igalang man natin sila sa taglay nilang damit o sa husay magtalumpati hindi sasapat ang lahat ng ito sa igagawad nating respeto. Dahil kung ito lang ang ating basehan ng respeto kabilang na ako sa mga taong palagiang inaalipusta dahil bihira sa isang buwan makikita mong nakasuot ako nang may kuwelyo.

Hindi porke gumagamit tayo ng po at opo katumbas na ito ng ganap na respeto, eh kung lagyan natin ng po ang bawat salitang pagmumura tulad ng "gago ka po" paggalang pa ba ito? Madalas ka ngang umo-"opo" sa mga nakatatanda pero binabastos mo naman ito kung malayo ito sa'yo. Nasaan ang paggalang dito? Kung minsan hindi mo kailangang gumamit ng po at opo para lang makitang magalang ka ilang halimbawa nito ang pagpapaupo sa mga buntis at nakatatanda sa pampublikong sasakyan/upuan ay hindi matutumbasan ng 'po at opo' na minsa'y puno ng pagkukunwari. At ang simpleng hindi pagtatapon ng basura ng isang gusgusin sa kung saan-saang lugar ay mas karespe-respeto pa kaysa sa mga taong nasa loob ng kotse pero hinahagis naman niya sa labas ang balot ng kanyang tsitsirya.

Ang respeto at takot ay dalawang magkaibang bagay. Minsan ang akala nating respeto na ibinibigay sa isang tao ay isa palang takot lang. Sa takot na tayo'y mapagalitan, mapagbuntunan, mawalan ng trabaho, hindi mabigyan ng pabor o masabihan ng walang modo gagawin natin ang huwad na respeto. Sana lang hindi tayo ang sapilitang nagbibigay takot sa mga tao para makakuha ng respeto.
Dapat nating tandaan na ang respeto ay hindi dapat hinihingi ito ay kusang-loob na ibinigay sa mga taong karapat-dapat hindi dahil sa ikaw ay nakatatanda, may mataas na katungkulan sa trabaho, kaaya-ayang posesyon at kasuotan, may kaya sa buhay o opisyal ng gobyerno; kung mabuti kang makitungo at wala kang tinatapakang ibang tao igagalang ka ng kahit na sino (pwera na lang ang mga may utak-talangka) kahit ano pa ang trabaho mo.

Maaring itinakda na malantad ang kabilang bahagi ng ugali (dahil hindi ito ang buo niyang pagkatao) ng isang Robert Blair Carabuena pero alam naman nating marami pa ang katulad niyang pakalat-kalat lang at hindi nakokontrol ang sariling emosyon. Na kung hindi pa makukunan ng video at matatanggalan ng lisensya ay hindi kusang-loob na hihingi ng kapatawaran. Marami ang katulad ni Paula Jamie Salvosa na nagpapadala sa bugso ng damdamin at hindi kaagad nakapag-iisip na supilin ang galit na nararamdaman. Nagbubunga nang maganda ang pagkakaroon ng mababang kalooban at magdudulot ng kapahamakan ang pagiging barumbado at mainitin ang ulo. Rumespeto para ikaw ay irespeto. Kapag nagkataon isang napakapangit na senaryo na patay ka na nga hindi ka pa makuhang irespeto ng kapwa mo.

Ang pagrespeto ng ibang tao sa atin ay magsisimula sa paggalang natin sa ating mga sarili 'wag na nating hintaying ilantad sa liwanag ang masamang bahagi ng ating ugali bago tayo mag-umpisang rumespeto ng iba. Nakakalungkot na lahat tayo'y humihingi ng tamang respeto pero sarili mismo natin hindi natin makuhang irespeto.

5 comments:

  1. Hindi tama na gawing pamantayan siguro ang pagbibigay ng respeto base sa kanyang eda o katayuan sa buhay.

    Marami akong natutunan dito lalo na sa paggamit ng po at opo isang poste ito na siguro nararapat lang ipabasa sa mga nakakabata. Siguro mas maging malinaw dapat ang tinuturong GMRC sa mga estudeyante ng elementarya lalo na sa usaping respeto.

    ReplyDelete
  2. Nakuha ko rin ang point mo....

    Ang sa akin naman... kahit gaano kabait ang isang tao darating ung time na mawawalan siya ng control --- mali ang ginawa ni Amalayer dahil sa mga salitang binitiwan pero hindi siya magkakaganun kung walang dahilan... naniniwala din ako na marami pa ring securuty guard ang hindi okay... un bang iinit talaga ang ulo mo...

    Hindi lang naman security guard... kahit saan -- sa ospital, sa tindahan o sa ibat ibang store... may mga tao na magtutulak sayo para mapakapag mura ka.... un nga lang nasa tao na rin kung gaano kalakas ang paninimpi niya o pagpapakumbabang gagawin niya... may tao talaga na madaling uminit ang ulo....

    Malas lang kung makuhaan ka ng video heehhe... naniniwala ako... maramiing ganitong pangyayari... ung iba nga halos magpatayan na... di lang nakikita sa video hehehe....

    ReplyDelete
  3. i agree! ang respeto ay 'di lang para sa nakakatanda or nakakataas or maybe, mas mababa and estado ng pamumuhay sa'yo. It's for everyone. Respect begets respect, ika nga. Ah yeah!

    ReplyDelete
  4. Mga sir, salamat sa pagbisita at pagkomento.

    Ang respeto ay tila nagiging komplikado sa panahong ito dahil higit na marami na ngayon ang walang modo, matanda man o bata idagdag pa natin ang walang pagtitimpi sa sarili.
    Sa sitwasyong sinusubok ang ating pasensya, kumalma at mag-isip ng kung ilang beses bago bitawan ang salita dahil imbes na ipinagtatanggol mo lang ang sarili mo ang kalalabasan: Kontrabida ka sa mga tao! Saka gutom ang industriya ng media baka kainin ka, kawawa tayo 'pag nagkataon.

    ReplyDelete
  5. Oo , karapatan nating magbigay ng opinyon ; maging blogger , netizen , o kahit regular na mamamayan. Pero hindi naman tayo binigyan ng karapatan ng mundo para manakit.

    Minsan nga natatanong ko sa aking sarili "Ganoon ba kahirap ibigay ang respeto?"

    nakakalungkot :(

    ReplyDelete