Monday, July 16, 2012

Pangmulat



Maraming bagay ang mahal ang halaga pero wala namang halaga.
Maraming bagay ang mahalaga pero hindi naman natin pinahahalagahan.
Ang iba't ibang bagay ay may iba't ibang presyo at marami dito ang ating hinahangad kahit hindi naman natin kailangan.
Ang lahat ng bagay na nabibili ng pera ay patungo sa walang kuwenta.
Ang katotohanan: Maraming bagay ang tunay na mahalaga ngunit walang katumbas na pera.
Ano ba ang tunay na mahalaga? Ano ang tunay mong kailangan?

Hindi mo naman kailangan ng makukay na relong Technomarine upang malaman ang oras dahil sa tuwing kasama mo ang mahal mo sa buhay hindi mo naman kailangang malaman kung ano ang tamang oras.

Hindi mo naman kailangan ng tsinelas na Crocs upang lumakad dahil kahit naka-Spartan ka lang kung kasama mong maglakad ang mahal mo malayo ang mararating ninyo.

Hindi mo naman kailangan ng sapatos na Nike upang manalo sa takbuhan dahil kahit imitasyon lang ang suot mo kung kasama mong tumakbo ang mahal mo tiyak na ang iyong panalo.

Hindi mo naman kailangan ng iPhone upang makatawag at makatext dahil kahit Nokia C-3 lang ang cellphone mo dapat ay napapangiti ka na sa mga I Love You messages ng mahal mo.

Hindi mo naman kailangan ng overpriced cloth na Lacoste upang makaporma dahil kahit Bench lang ang suot-suot mo basta kasama mo ang mahal mo sapat na ang iyong porma.

Hindi mo naman kailangan ng pantalon na Levi's 501 upang magpa-impress dahil kahit naka-shorts ka lang 'pag ka-holding hands mo ang mahal mo bilib na ang marami sa'yo.

Hindi mo naman kailangan ng laptop na Vaio upang makipag-chat dahil kahit Windows 95 pa ang nasa computer mo basta ka-chat mo sa Skype ang mahal mo kumpleto na araw mo.

Hindi mo naman kailangan ng camera na Canon DLSR upang makunan ang mga magagandang eksena dahil 'pag kayong dalawang mag-asawa o mag-nobya ang magkasama itakda mong iyon na ang pinakamagandang eksena ng iyong buhay.

Hindi mo naman kailangan ng magarbong bag na Louis Vitton na lalagyan ng iyong kagamitan dahil kahit sa plastic bag lang mailagay ang gamit mo kung sa kabilang kamay naman ay tangan mo ang kamay ng iyong mahal wala kang dapat na ikahiya.

Hindi mo naman kailangan ng mapormang Hyundai Elantra upang gumala at makapamasyal dahil kahit naka-jeep lang kayo ng mahal mo sigurado namang mage-enjoy kayo kung tapat ang inyong pagmamahalan.

Hindi mo naman kailangan ng Samsung LED TV upang makapanood ng magagandang pelikula dahil ang kakaibang love story ng inyong pagmamahalan ang alam mong isa sa may pinakamagandang istorya.

Hindi mo naman kailangang magpunta sa sinehan para mamangha sa 3D na palabas dahil sa likas at simpleng ganda ng iyong mahal dadaigin nito ang anumang Hollywood 3D films.

Hindi mo naman kailangan ng cologne na Hugo Boss upang bumango dahil kahit na Johnson's Baby cologne lang ang i-spray mo sa katawan mo sobrang halimuyak ang naamoy ng tunay na nagmamahal sa'yo.

Hindi mo kailangang magpunta sa Universal Studios ng Singapore o Disneylang ng Hong Kong upang mamasyal at maghanap ng kasiyahan dahil kahit nandito lang kayo ng mahal mo sa makasaysayang Intramuros o mag-window shopping sa MOA dapat ay mayroon ka pa ring nararamdamang kakaibang kaligayahan.

Hindi mo naman kailangan ng tablet na Samsung Galaxy Tab upang gumawa ng blog dahil kahit sa yellow pad lang makakagawa ka ng magandang paksa sa blog kung ang mahal mo ang magsisilbi mong inspirasyon.

Hindi mo naman kailangan ng manood ng DVD sa Bose Home Theater upang libangin ang sarili mo dahil kahit lumang pelikula ni Carlo Caparas ay kaya mong panoorin basta katabi mo sa upuan ang mahal mo.

Hindi mo naman kailangan ng iPod upang mapakinggan ang mga paborito mong mga kantang Hip Hop at RNB dahil ang iyong mahal ang dapat na nagsisilbing musika ng buhay mo.

Hindi mo naman kailangang tumira sa Condo ng Avida upang maging mahimbing ang iyong pagtulog dahil kahit nasa papag ka lang kung katabi at kasiping mo naman sa gabi ang iyong mahal siguradong sobrang ganda na ng panaginip mo.

Hindi mo naman kailangang tumira sa magarang Subdivision upang maging payapa ang iyong buhay dahil ang sandaling pinakasalan mo ang iyong mahal iyon na ang itinakda at umpisa nang mapayapa mong buhay.

Hindi mo naman kailangang mag-aral sa de-kalibreng De  La Salle upang magkaroon ng magandang edukasyon dahil ang mga leksyong nangyari sa buhay mo na kasama ang mahal mo ay ang pinakamagandang edukasyong iyong matututunan.

Hindi mo naman kailangan magsuot ng kumikinang na alahas upang magpakita ng karangyaan dahil ngayong kasama mo ang mahal mo sa iisang bubong 'di mo na dapat kailangan ng iba pang materyal na yaman.

Hindi mo naman kailangan ng pagkatibay-tibay na bahay na inyong titirhan dahil dapat walang anumang pwersa sa mundo ang bubuwag sa inyong pagmamahalan.


Mahal ang halaga ng iPhone pero ano ba ang halaga nito? May mas mahalaga pa ba sa tinig ng mahal sa buhay na nasa kabilang linya?
Ano ba ang kahulugan ng mahalaga sa'yo? Ang kinang ng isang alahas o ang yamang 'di nabibili? Ang gara ng isang gadget o ang nakakakilig na mensahe?
Hindi masama ang pag-unlad at paghangad sa iba't ibang bagay pero dapat nating isa-isip at isa-puso na maraming bagay ang mas higit sa kagamitan at pera.


4 comments: