Tuesday, July 10, 2012

Sino ka kung Ikaw'y Nag-iisa?



Maaring ang tingin sa'yo ng mga tao'y mabuti ngunit sa kabila nito'y nagkukubli ang isang mabangis na halimaw. Isang halimaw na mapagsamantala at handang lamunin ang mga mahihinang lupaypay sa kahirapan at kagutuman. Hindi maipakita ang tunay na katauhan at tanging sarili ang nakababatid nito sa tuwing napag-isa.

Maaring ang pagkakaalam sa'yo ng mga tao ay isang mayuming babae na hindi makababasag ng pinggan ngunit sa likod ng imaheng ito ay ang basag na pagkatao at kabirhenan. Babaeng ikinukubli ng isang mabining kahinhinan ang tunay na propesyong pamumuta kung ito nga'y propesyong maitatawag. Pagkaawa at pagkamuhi sa sarili ang nararamdaman sa tuwing nag-iisa.

Maaring ang tingin sa'yo ng mga tao ay masaya ngunit sa kabila ng mga ngiting namumutawi sa'yong mga labi ay ang pighating matagal ng naghahari at nagpapahirap sa'yong kalooban. Pighating anumang oras ay maaring sumambulat na maaring ikawalan mo ng katinuan at pag-asa. Ayaw ipamalas ang bigat na nararamdaman at kanyang sarili lang ang nakakaalam ng tunay na kalooban.

Sino ka kung ikaw na lang mag-isa?
Ano ang misteryo sa likod ng isang ngiti? O ng isang luha? O ng halakhak? O ng drama?
Ano ang hindi batid sa'yong pagkatao?
Ano ang iyong itinatagong baho sa kabila ng mabangong pagkatao mo sa harap ng mga tao?
Ilang mga tao na ang tahimik mong nabigyan ng tulong at kalinga na walang nakaaalam?

Sino ka nga ba kung ikaw ay nag-iisa?
Isa ka bang tagapaglingkod ng simbahan na nagtatago sa likod ng malinis na abito? Na mas mahalay pa ang pag-iisip sa pinakamalibog na kuneho. O isa kang tagapaghatid ng mabuting balita ngunit lintik sa putangina ang namumutiktik sa iyong pag-iisip o dili kaya'y ang pondong hindi laan sa iyong bulsa'y pinaiikot mong gaya ng sa tsubibo.

Isa ka bang debotong parating umuusal ng papuri, naglalakad ng walang sapin sa paa sa tuwing kapistahan at aktibong nakikilahok sa mabuting gawain? Ngunit kung mag-isa'y iba ang tumatakbo sa isip, isang salot sa lipunan at ang tunay na gawain ay 'di kanais-nais. Sugapa sa alak at droga at palihim na itinatago ang tunay na kulay sa pamilya at sa mga nakakakilala.

Isa ka bang galit sa magnanakaw na radikal na tinutuligsa ang kagaguhan ng gobyerno? Ngunit sa kabila ng iyong magandang adhikain isa ka rin palang magnanakaw sa iyong opisina kung walang nakakakita. O mapagbalat-kayong huwaran ng kagawaran ngunit kasapakat ang iilan sa pagtatakip ng kalokohan.

Isa ka bang palakaibigan na handang dumamay at tumulong? Ngunit nakaismid sa tuwing umuunlad ang isang kaibigan at tagapagkalat ng 'di katotohanang kapintasan. Isang taong maasahan lang tuwing may pakinabang at sa oras na said na ang yaman ay parang bagyong lilisan matapos ang manalanta. Huwad na asal na may kalokohang pag-iisip sa tuwing nag-iisa.

Isa ka bang mapagkakatiwalaan na ingat-yaman ng isang samahan o ng iyong pinagtatrabuhan? Ngunit isa ring bantay-salakay na nangungupit at nang-uumit sa pagkakataong nag-iisa. Mayabang na tinatanggap ang pagpupuri subalit mas nararapat na nakapiit.

Isang pilantropo 'di umano na nakangiti sa namimigay ng salapi at kagamitan halos sambahin na ng mga dukha maambunan lang ng grasya. Ngunit ginagawa ang mga ito para lamang makatanggap ng papuri at tanawin ito sa kanya na utang na loob. Tumutulong pero sumusumbat, nagbibigay ngunit hindi naman bukal sa kalooban.


Sino ka kung ikaw'y nag-iisa?
Isa ka bang mangingibig na pulos mahal kita ang bukambibig? Ngunit sa panahong ikaw ay mag-isa ay iba ang pinagnanasahan. May sinungaling na dila at malikot na diwa. Ang sinasabihan mo ng pagmamahal ay hindi lang iisa at kakaibang libog ang iyong nadarama sa tuwing ikaw ay mambobola lalo't nadadala mo sa kama.

Lingkod-bayan ka bang bukas-palad sa lahat ng humihingi ng tulong? Ngunit sa iyong isip nais mong alipustahin ang aleng walang tigil kung mangulit. Sa husay mong magpalit ng kulay gaya ng sa ahas ay lahat ay kaya mong pakibagayan, sa taglay mong kahusayan ay tinakasan ka na ng iyong matinong kamalayan.

Isa ka bang payaso o tagapagpatawa ng grupo na gagawin ang lahat para lang sumaya ang mga kaibigan? Ngunit batid mo sa iyong sarili sa tuwing nag-iisa, isa kang bigo at lungkot ang nais mong ilabas sa halip na patawa. Mugto ang mata sa panahong wala na ang kaibigan dahil ang pagluha ang ipinalit mong kasama. Gaya ng mundo isa ka ring mapagbalat-kayo buo kung pagmamasdan ngunit basag ang kalooban.

Alagad ng sining na hinahangaan, ehemplong maituturing ng kabataan at matatamis na ngiti ang ibinabalik sa mga bumabati. Ngunit kung ano ang iyong propesyon ay 'yon na din ang iyong pinangatawan lahat ay isang pagkukunwari gaya ng sa marungis na puting telon. Kunwari'y matino ngunit gago rin palang tulad sa tunay na kontrabida ng pelikula.

Gurong naghahatid ng leksyon sa mga mag-aaral; hinahangaan, tinintingala, ginagalang. Ngunit ang katotohanan siya ang higit na nangangailangan ng pangaral. Propesor na maituturing ngunit may masama at malilikot na pag-iisip sa tuwing nag-iisa, dalubhasa sa kanyang asignatura ngunit 'di niya batid na hindi lang sa loob ng eskwela ipinapakita ang edukasyon.

Isang amang uliran at malambing na asawa, idolo ng mga anak sa husay magdisiplina ngunit sa likod nito'y isang salot ng lipunan at sakit ng pamahalaan. Sangkot sa iba't ibang krimen at nakawan at lahat ng ipinapakain sa pamilya'y galing sa masamang gawain. Taong hindi lumalaban ng parehas at sinasamantala ang mahihinang kanyang biktima.

Pulitikong ubod-linis at ubod ng bait ang imaheng gustong ipakita sangkatutak na batas ang naipasa o tatalima sa sigaw ng bayan, pauunlarin ang ekonomiya alang-alang sa pagmamahal sa bayan. Sagad na pagkukunwari dahil iba ang repleksyong nasa salamin sa taong humaharap. Hiyang-hiya at muhing-muhi sa sarili sa dami ng kataranduhang nagawa sa tuwing nag-iisa. Tusong maituturing at mas nakakaawa ang pagkatao kaysa sa pulubing humihingi ng baryang piso.

Ano ang tumatakbo sa iyong isip sa sandaling ikaw ay mapag-isa?
Paano mababatid kung sino ang tunay na mabuti?
Mabuti ka pa rin bang tao gaya ng gusto mong ipakita sa tao?
Banal ka pa rin bang pinuno gaya ng pagkakakilala sa iyo?
Mapaglingkod ka pa rin bang tao gaya ng nais mong maging?
Kilala ka pa rin ba ng iyong pamilya o hindi mo kayang ipagtapat kung ano ka sa likod ng mapagkunwaring maskara?
Mahirap na mabatid kung sino ang isang tao kung siya'y nag-iisa.
Hindi mahuhusgahan sa gara ng damit, sa ganda ng itsura, sa husay magsalita, sa ibinibigay na tulong, sa paglilingkod sa tao o sa bayan, sa ngiti, sa luha, sa halakhak, sa iyak, sa papuri o sa talino.
Kilala ka ba ng iyong kaibigan?
Kilala ka ba ng iyong pamilya?
Kilala mo pa ba ang iyong sarili?
Sino ka ba tuwing nag-iisa at walang nakakakita? 

No comments:

Post a Comment