Sunday, September 25, 2011

Magkabilang Mundo


Lubhang hindi matatapos ang ating paghahalintulad at paghahambing sa magkabilang mundo ng buhay. Katunayan lang ito na ang lahat ng nais nating mangyari ay hindi aayon sa ating kagustuhan. Na habang may mga taong labis ang kayamanan may mga tao namang lugmok sa kahirapan, habang ang kalabisan sa iba ay pakikinabangan pa ng marami, habang ang iyong pinanghihinayangan ay sinasayang lang ng iba, habang ang basura sa mayayaman ay kayamanan pa ng mahihirap. Marami ang madalas na sinisisi ang mga kabiguan sa kung kani-kanino at kung saan-saan kahit wala naman itong kaugnayan at kinalaman sa kinahinatnan ng kanilang buhay. Na sa halip na magsumikap ay hinahayaan ang sarili na malubog at tuluyang hindi na bumangon sa isang hamon at pagsubok. May mga taong patuloy na ikinukulong ang pag-iisip; na ang mayayaman ay mapang-api at ang mahihirap ay mahirap pagkatiwalaan. Iwaksi sana natin ang ganitong mentalidad dahil kahit may kurot at kapiranggot na katotohanan ito hindi naman ito aplikable sa lahat ng tao. Hanggang saan ba tayo dadalhin ng paniniwalang ito? May buti bang maidudulot ito sa atin? Tandaan...Ang kasalanan ni Pedro ay 'di kasalanan ni Juan; ang naging kapalaran ng iba ay maaaring hindi mo kapalaran; ang katarungang nakamit ng iba ay maaaring ipagkait sa iyo at marami ang nasa ganitong kalagayan kahit ang isang pangulo ~ dahil may mga pagkakataong nangingibabaw ang mahuhusay magtago ng kasalanan at minsan ding nananaig ang mahusay sa pagsisinungaling at kadalasan parang kasalanan na rin ang magsiwalat ng katotohanan.

~ Habang may mga taong pumapadyak na ang halaga ng sapin sa paa ay libo-libo
May mga taong nakapaa lang at 'di alintana ang paglalakad ng kung ilang kilometro
~ Habang may mga kabataang sinasayang ang pagkakataong makapag-aral
May mga taong napagkaitan ng oportunidad ng isang edukasyong pormal
~ Habang may mga taong inaabuso ang sarili dahil sa iba't-ibang bisyo
May mga tao namang lubos na nagsisisi at nakaratay sa karamdaman dahil din dito
~ Habang may mga taong patuloy na nakalalaya sa kabila ng sandamakmak na kasalanan
May mga taong ngayo'y nakapiit kahit inosente at 'di ginawa ang paratang
~ Habang may mga opisyales na lumalamon ng pagkaing milyones ang halaga
May mga taong nagdarahop na kinakain ang tira-tira ng iba
~ Habang ang ilang Heneral ay nangungulimbat ng kung ilang milyong piso
Ang kanyang mga sundalo naman'y nakikipagdigma ng walang sapat na gamit at kay baba ng suweldo
~ Habang ang mga pulitiko'y malayang nangungulimbat sa kaban ng bayan nang nakatawa
May inang tumatangis dahil agad na ikinulong sa ibinulsang gatas na nasa lata
~ Habang may mga kababaihang walang pag-aalalang nagpapalaglag ng bata
Maraming kababaihan ang hindi nabiyayaang maging isang ina
~ Habang may mga taong may koleksyon ng iba-iba at mamahaling sasakyan
May mga taong walang pamasahe at di makarating sa dapat na puntahan
~ Habang may mga batang hindi na mabilang ang dami ng laruan
May mga batang hindi mabigyan kahit man lang manyikang basahan
~ Habang may mga taong tumututol sa pagkain dahil sa kaartehang dahilan
May mga taong literal na gumagapang na lang dahil sa kagutoman
~ Habang may mga taong nakatira sa malapalasyong tirahan
May mga taong ang barong-barong na nasa ilalim ng tulay ang itinuring nilang tahanan
~ Habang may mga taong nagsasayang ng oras at pera sa sugalan
May mga taong humihiling ng kaunting sandali na ang buhay ay madugtungan
~ Habang may mga taong humihiga sa karangyaan
May mga taong inuutas sa halagang 'sandaang piso lang
~ Habang may mga taong nagnanais na kitilin ang sariling buhay
May mga taong pilit na nilalabanan ang kamatayan sa kabila ng malalang karamdaman
~ Habang ang mga may kapangyarihan ay winawalanghiya at inaabuso ang batas
May mga tao namang sumisigaw at naghahanap ng katarungan.

Nakalulungkot. Subalit lahat ay pawang totoo at matuto sana tayong tanggapin ang katotohanang ito na ang buhay ay sadyang hindi patas; kung may mayaman may mahirap, kung may nabubusog may nagugutom, kung may kasiyahan may kalungkutan. Datapwat magkaugnay ang magkabilang mundo ito pa rin ang bumabalanse sa mundong ating ginagalawan.
Kung walang mayaman, sino ang magbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na maghanap-buhay?
Kung walang kalungkutan, pa'no natin mapapahalagahan ang kaligayahan?
Kung hindi tayo nagugutom, makuha pa kaya nating magsikap?
Kahit sa lumang panahon ng kasaysayan ay ganito na ang naitakda. May mga panginoon at taga-silbi, may hari at may mga alipin, may mang-aapi at may inaabuso. Sino ba ang may kakayahang baguhin ito? Wala. Mananatili na ito ngayon, at bukas gaya ng pag-iral nito noong unang panahon.
Napakaiksi lang ng buhay para magmukmok, magnilay at manisi sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Ang tao'y may kanya-kanyang pag-iisip at kakayahan. Ang tao ay tao at walang nagsabing tayo ay perpekto subalit pansin mo ba na parati na lang nating ginagamit na dahilan at hustisya ang pagiging tao natin para sa ating nagawang kasalanan? Kahit na madalas ay alam naman natin na kasalanan pero patuloy pa rin nating gagawin ang kasalanang ito.
Kung ginusto mong sayangin ang iyong oras, salapi at buhay ikaw ang magdedesisyon nito. Pero sana maisip naman natin ang buhay sa ilalim na bahagi ng mundo. Hindi man natin kayang baguhin ang mundo sana'y hindi rin tayo manatiling taga-silbi, alipin, mahirap, taga-sunod at api-apihan ng mga ligaw ang pag-iisip.
At kung bigo pa rin tayo makuhang maging makatotohanan ito, hindi pa rin ito dahilan para tayo'y gumawa ng kasamaan at hahayaan na lang natin ang ating mga sarili na sumabay at matangay sa dausdos ng agos ng kasalanan kahit mayroon pa tayong isang sangang makakapitan.

No comments:

Post a Comment