Showing posts with label api. Show all posts
Showing posts with label api. Show all posts

Tuesday, April 2, 2013

Salamin


Pilit mo mang alisin ang duming nakadikit sa iyong balat ay 'di mo na ito maalis. Paulit-ulit mo man itong hugasan at linisin gamit ang dalisay na daloy ng tubig hindi mo na maikukubli ang dungis na nakakapit sa iyong katawan; balutin mo man ito iba't-ibang mga kasuotan , humahalimuyak na mga pabango o kumikinang na mga alahas. Kahit ang iyong ngiti ngayo'y nagpupumilit; ikaw'y nakatawa ngunit 'di lubos ang ligaya, nakangiti ngunit hindi masaya, tila balakid na ang lahat ng bagay sa iyong tunay na kasiyahan. Batid man ng marami na nakamit mo na ang rurok ng iyong tagumpay pero tila palamuti na lang ang lahat ng iyong materyal na bagay.
Ano ba ang silbi ng iyong mga modelong sasakyan kung wala ka nang patutunguhan?
Ano ba ang gamit ng mamahalin mong kasangkapan kung wala naman itong halaga?
Para saan ba ang nakakalulang halaga ng iyong mga sisidlan kung puno lang ito ng kalungkutan?
Saan mo ba gagamitin ang iyong mga salaping 'di na mabilang kung wala ka nang nais na bilhin?
Aanhin mo ba ang iyong silid na kay lawak at kamang kay lambot kung 'di na mahimbing ang iyong tulog?
Mayroon kang mga masusustansya at masasarap na pagkain sa hapag-kainan pero nakapagtatakang 'di ka man lang nabubusog.
Mayroon kang malapalasyong bahay subalit kasakiman at kalungkutan lang ang doo'y nakatahan.

Hindi mo na ba maharap ang iyong sarili?
Walang lamat ang iyong salamin pero puno ng lamat ang iyong pagkatao. Wala rin itong bahid pero taliwas naman ito sa iyong katauhan. Natatakot ka na ba na harapin ang iyong repleksyon? O nahihiya ka sa iyong sarili?
Pangarap mo noong yumaman at mabili ang lahat ng kagustuhan. Ngayong ikaw ay higit pa sa mayaman, nakahiga sa karangyaan at lahat ng ibigin ay nakukuha pero tila lahat ito ay kulang pa.
Wala ka bang kabusugan?
Wala ka bang kakuntentuhan?
Wala ka bang kasiyahan?
Batid mong marami ang nagugutom kaya ba binubusog mo sila ng kasinungalingan?
Batid mong marami ang nagdarahop kaya ba pinapayaman mo sila sa utang?
Batid mong marami ang walang tirahan kaya ba pighati ang nagsilbi nilang tahanan?
Batid mong marami ang may karamdaman kaya ba malusog sila ngayon sa katiwalian?
Batid mong maraming biktima ng kalamidad kaya ba ikaw ay nakikidalamhati at nakikihati?

Isa kang taong may pinag-aralan pero daig mo pa ang isang mangmang. Sayang ang iyong talino dahil hindi mo ito ginamit sa matino at progresibo. Dalubhasa ka na sa lahat ng larangan at ang paglulubid ng kasinungalingan ay ginagawa mong libangan. Sa tuwing haharapin mo ang salamin kinukumbinsi mo ang iyong sarili na ikaw ay mabuti at hindi tiwali gayong alam ng lahat ang rungis ng iyong pagkatao. Ikaw, kasama ng mga taong may parehong layunin at sapul ng iyong mga alipores na tagapagtanggol ay sama-samang itinatatwa ang mga paratang at taas-noo pang ipinamumukha at pinangangalandakan ang "buti" mo sa lipunan at ang mga "nagawa" sa ating Inang-bayan. Tila hindi na rin epektibo ang pagpapanggap mong ikaw ay may malubhang karamdaman dahil tingin ng marami sa iyo'y para kang pusakal at mapanganib na holdaper na pumupusturang isang pulubing nagsusumamo ng awa.

Kung makapagsasalita lamang ang winawaksi mong salamin marahil na mamuhi rin siya sa'yo, iuusal nya na ang repleksyong kanyang nakikita ay iba kaysa sa'yong itsura wangis mo ngayo'y halimaw na handang lamunin ang mahihinang iyong binibiktima.

Mayaman ka na. Ano pa ba ang dapat mong asamin? Hindi pa ba sapat ang milyon-milyong iyong kinulimbat sa kaban ng bayan? Nagpakasasa at nagamit mo na ang salaping ito upang hamunin ang talino ng mga tao pero sino ba ngayon ang umaastang bobo?

Makapangyarihan ka na. Ano pa ba ang nais mong kamitin? Hindi pa ba sapat na patuloy at paulit-ulit mong halayin ang batas at katatungan? Naabuso at pinaglaruan mo na ang kapangyarihang ito upang kumawala at makapiglas sa tanikala ng iyong mga kasalanan pero sino ba ngayon ang nagmistulang alipin?

Hindi mo na rin alintana ang salitang dignidad dahil mas ninais mong maging may akda ng isang libro nang kasinungalingan sa halip na magsulat at magsiwalat ng isang pahina nang katotohanan; Na lahat nang namumutawi sa iyong bibig ay pulos taliwas sa totoo at kahit tama na ang iyong sinasambit ay wala na rin itong ipinagkaiba sa mali at kasinungalingan.

Hindi mo man kami kami mapaniwala at makumbinsi na katotohanan ang iyong sinasabi hindi ka rin naman maihatid sa likod ng piitan gayong ang katibayan ay nasa aming harapan lamang. Marahil ang katibayang ito ay nababalutan ng gayuma ng iyong salapi at ang mga nararapat na umusig sa iyo ay kusang-loob na pinagtatakpan ang lahat ng iyong kabuktutan dahil mas madalas sa minsan na nangingibabaw ang kamalian kaysa katotohanan. At dahil din ito sa mga kasapakat na opisyales ng bayan na mas pinili ang sandaling karangyaan kaysa habangbuhay na katiwasayan; mga taong ipinagpapalit ang buong pangalan at karangalan sa piraso ng kayamanan, mga taong patuloy na nabulag sa katotohanan dahil sa salaping nakapiring sa kanilang mga mata.

Mga kapwa mong hindi na rin makatingin sa salamin. Mga taong takot na humarap sa katotohanan, mga taong hindi makamasid ng sariling repleksyon dahil sa minumultong mga isipan.
Sino na ngayon ang aming tatakbuhan kung ilalapit namin ay pangangailangan?
Sino na ngayon ang aming tatawagan kung isisigaw namin ay katarungan?
Sino na ngayon ang aming kapanalig sa digmaan laban sa katiwalian?
Ito ba ang nararapat sa amin? Ano ba ang dapat naming asahan sa mga taong tumatangging humarap sa salamin? Mga taong sa halip na linisin ang sarili'y mas minarapat na basagin ang salamin upang hindi na nila kailanman makita pa ang dungis at putik ng kanilang pagkatao.

Sunday, September 25, 2011

Magkabilang Mundo


Lubhang hindi matatapos ang ating paghahalintulad at paghahambing sa magkabilang mundo ng buhay. Katunayan lang ito na ang lahat ng nais nating mangyari ay hindi aayon sa ating kagustuhan. Na habang may mga taong labis ang kayamanan may mga tao namang lugmok sa kahirapan, habang ang kalabisan sa iba ay pakikinabangan pa ng marami, habang ang iyong pinanghihinayangan ay sinasayang lang ng iba, habang ang basura sa mayayaman ay kayamanan pa ng mahihirap. Marami ang madalas na sinisisi ang mga kabiguan sa kung kani-kanino at kung saan-saan kahit wala naman itong kaugnayan at kinalaman sa kinahinatnan ng kanilang buhay. Na sa halip na magsumikap ay hinahayaan ang sarili na malubog at tuluyang hindi na bumangon sa isang hamon at pagsubok. May mga taong patuloy na ikinukulong ang pag-iisip; na ang mayayaman ay mapang-api at ang mahihirap ay mahirap pagkatiwalaan. Iwaksi sana natin ang ganitong mentalidad dahil kahit may kurot at kapiranggot na katotohanan ito hindi naman ito aplikable sa lahat ng tao. Hanggang saan ba tayo dadalhin ng paniniwalang ito? May buti bang maidudulot ito sa atin? Tandaan...Ang kasalanan ni Pedro ay 'di kasalanan ni Juan; ang naging kapalaran ng iba ay maaaring hindi mo kapalaran; ang katarungang nakamit ng iba ay maaaring ipagkait sa iyo at marami ang nasa ganitong kalagayan kahit ang isang pangulo ~ dahil may mga pagkakataong nangingibabaw ang mahuhusay magtago ng kasalanan at minsan ding nananaig ang mahusay sa pagsisinungaling at kadalasan parang kasalanan na rin ang magsiwalat ng katotohanan.

~ Habang may mga taong pumapadyak na ang halaga ng sapin sa paa ay libo-libo
May mga taong nakapaa lang at 'di alintana ang paglalakad ng kung ilang kilometro
~ Habang may mga kabataang sinasayang ang pagkakataong makapag-aral
May mga taong napagkaitan ng oportunidad ng isang edukasyong pormal
~ Habang may mga taong inaabuso ang sarili dahil sa iba't-ibang bisyo
May mga tao namang lubos na nagsisisi at nakaratay sa karamdaman dahil din dito
~ Habang may mga taong patuloy na nakalalaya sa kabila ng sandamakmak na kasalanan
May mga taong ngayo'y nakapiit kahit inosente at 'di ginawa ang paratang
~ Habang may mga opisyales na lumalamon ng pagkaing milyones ang halaga
May mga taong nagdarahop na kinakain ang tira-tira ng iba
~ Habang ang ilang Heneral ay nangungulimbat ng kung ilang milyong piso
Ang kanyang mga sundalo naman'y nakikipagdigma ng walang sapat na gamit at kay baba ng suweldo
~ Habang ang mga pulitiko'y malayang nangungulimbat sa kaban ng bayan nang nakatawa
May inang tumatangis dahil agad na ikinulong sa ibinulsang gatas na nasa lata
~ Habang may mga kababaihang walang pag-aalalang nagpapalaglag ng bata
Maraming kababaihan ang hindi nabiyayaang maging isang ina
~ Habang may mga taong may koleksyon ng iba-iba at mamahaling sasakyan
May mga taong walang pamasahe at di makarating sa dapat na puntahan
~ Habang may mga batang hindi na mabilang ang dami ng laruan
May mga batang hindi mabigyan kahit man lang manyikang basahan
~ Habang may mga taong tumututol sa pagkain dahil sa kaartehang dahilan
May mga taong literal na gumagapang na lang dahil sa kagutoman
~ Habang may mga taong nakatira sa malapalasyong tirahan
May mga taong ang barong-barong na nasa ilalim ng tulay ang itinuring nilang tahanan
~ Habang may mga taong nagsasayang ng oras at pera sa sugalan
May mga taong humihiling ng kaunting sandali na ang buhay ay madugtungan
~ Habang may mga taong humihiga sa karangyaan
May mga taong inuutas sa halagang 'sandaang piso lang
~ Habang may mga taong nagnanais na kitilin ang sariling buhay
May mga taong pilit na nilalabanan ang kamatayan sa kabila ng malalang karamdaman
~ Habang ang mga may kapangyarihan ay winawalanghiya at inaabuso ang batas
May mga tao namang sumisigaw at naghahanap ng katarungan.

Nakalulungkot. Subalit lahat ay pawang totoo at matuto sana tayong tanggapin ang katotohanang ito na ang buhay ay sadyang hindi patas; kung may mayaman may mahirap, kung may nabubusog may nagugutom, kung may kasiyahan may kalungkutan. Datapwat magkaugnay ang magkabilang mundo ito pa rin ang bumabalanse sa mundong ating ginagalawan.
Kung walang mayaman, sino ang magbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na maghanap-buhay?
Kung walang kalungkutan, pa'no natin mapapahalagahan ang kaligayahan?
Kung hindi tayo nagugutom, makuha pa kaya nating magsikap?
Kahit sa lumang panahon ng kasaysayan ay ganito na ang naitakda. May mga panginoon at taga-silbi, may hari at may mga alipin, may mang-aapi at may inaabuso. Sino ba ang may kakayahang baguhin ito? Wala. Mananatili na ito ngayon, at bukas gaya ng pag-iral nito noong unang panahon.
Napakaiksi lang ng buhay para magmukmok, magnilay at manisi sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Ang tao'y may kanya-kanyang pag-iisip at kakayahan. Ang tao ay tao at walang nagsabing tayo ay perpekto subalit pansin mo ba na parati na lang nating ginagamit na dahilan at hustisya ang pagiging tao natin para sa ating nagawang kasalanan? Kahit na madalas ay alam naman natin na kasalanan pero patuloy pa rin nating gagawin ang kasalanang ito.
Kung ginusto mong sayangin ang iyong oras, salapi at buhay ikaw ang magdedesisyon nito. Pero sana maisip naman natin ang buhay sa ilalim na bahagi ng mundo. Hindi man natin kayang baguhin ang mundo sana'y hindi rin tayo manatiling taga-silbi, alipin, mahirap, taga-sunod at api-apihan ng mga ligaw ang pag-iisip.
At kung bigo pa rin tayo makuhang maging makatotohanan ito, hindi pa rin ito dahilan para tayo'y gumawa ng kasamaan at hahayaan na lang natin ang ating mga sarili na sumabay at matangay sa dausdos ng agos ng kasalanan kahit mayroon pa tayong isang sangang makakapitan.