Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Friday, October 7, 2011
"Waiting Game"
Isang katotohanan at kakatwa na ang buhay ng tao ay maiksi pero isa rin itong laro ng mahabang paghihintay.
Pansin mo ba na tila umiikot ang ating buhay sa paghihintay? Mula sa ating unang iyak hanggang sa huling pikit ng ating mata ay kaganapan nang paghihintay. Ang isang ina ay matiyagang dinadala sa sinapupunan ang kanyang sanggol at maghihintay ng mahabang siyam na buwan upang ito ay mailuwal. Ito'y isang nakakainip na paghihintay dahil magkakahalong emosyon ang bumabagabag at nararanasan sa kanilang pagdadalang-tao; pagkasabik, pagkatuwa, pagkabalisa, pag-alala at minsang pagkairita sa 'di komportableng kalagayang kanyang nararanasan.
Dapat ba nating ipagtaka na sa haba ng siyam na buwang paghihintay ay marami pa ring magulang ang hindi nagkaroon ng sapat na paghahanda para sa panganganak? Inantabayan at hinintay ang panganganak pero 'di alintana ang responsibilidad na nakabalikat dito.
Kapag ang sanggol ay nailuwal na hihintayin naman natin sa sanggol ang unang bukas ng mata, unang ngiti, unang halakhak, unang salita at marami pang una. Sa mga katoliko isang malaking okasyon para sa kanila ang paghiihintay sa binyag at ang kasunod naman nito ang paghihintay sa unang kaarawan. Mga okasyong pinag-iipunan at pinaghahandaan para sa mga bisitang naghihintay ng masasarap na pagkain at ang iba naman ay naghihintay nang kung anong maipipintas sa dinaluhang okasyon.
Kasunod nito ang paghihintay ng magulang sa unang paglalakad ng anak na kalauna'y ikaiirita rin ng Ina dahil ang anak ay lakad ng lakad sa kung saan-saan. Pagkaraan nito'y ang paghihintay sa unang pagpasok ng bata sa eskwela. Kapwa sabik ang Ina at anak sa araw na ito at matiyagang naghihintay ng kung ilang oras ang Ina sa pagtatapos ng unang mga panahon sa pag-aaral. At ilang mga taon pa ang pagkasabik na ito ng bata sa pag-aaral ay mananamlay at mas nanaisin pang nakababad sa computer shop at naghihintay ng kanyang oras na makapaglaro ng Dota. Kung papalarin, isa sa pinakahihintay sa ating buhay ay ang pagtatapos ng pag-aaral, sekondarya man ito o kolehiyo.
Hindi kumpleto ang buhay-estudyante kung hindi mo maranasan ang paghihintay ng suspensyon ng klase sa tuwing may bagyo, ang paghihintay sa araw ng bakasyong tulad ng Pasko at tag-init, ang break o recess at siyempre ang tunog na hudyat ng ng uwian. Sa mga mag-aaral, totoo na mahirap ang mag-aral pero hindi ba mas mahirap ang walang pinag-aralan?
Sa kabila ng pagtatapos ng isang mag-aaral sa kolehiyo (o sekondarya) hindi rin naman dito natatapos ang "Waiting Game" sa ating buhay. Iba't-ibang uri ng paghihintay na minsan ay nagiging sanhi ng pagiging bugnutin o mainipin kung hindi papabor sa kanya ang resulta ng paghihintay na ito. Paghihintay sa board exam (kung mayroon), paghihintay sa oportunidad ng magandang trabaho. Pinakahihintay at pinakaaasam na hanapbuhay pagkatapos nang mahabang humigit-kumulang na labing-anim na taon. Paghihintay na kadalasang ikinadidismaya ng magulang ganundin ang taong inaasahan dahil sa liit ng tinatanggap kapalit ng mahabang oras sa pagtatrabaho. At dito mo malalaman na hindi madali ang buhay; mas madali pala ang maging estudyante kaysa maghanap-buhay, mas malaki pa ang ipinangtustos sa iyong pag-aaral kaysa sa'yong buwanang sahod, mas mabagsik pa ang amo mo kaysa sa iyong propesor sa Law, mas makakabili ka pa ng mga bagong gamit noong nag-aaral ka kaysa ngayong may trabaho ka na.
Sa kitid ng oportunidad na naghihintay sa mga nagtatapos sa pag-aaral ano pa kaya ang naghihintay sa mga taong kapos sa edukasyon?
Sa mga pangkaraniwang kawani mas hinihintay at inaabangan ang oras ng kainan at uwian, ang mga araw ng Sabado, Linggo at Piyesta opisyal at siyempre ang araw ng sweldo na parati namang kulang. Hindi lilipas ang isang araw na wala kang hinihintay. Sa Umaga't hapon ang paghihintay sa masasakyan; LRT, MRT, jeep, tricycle o pedicab. Na bago pa man tayo naging isang empleyado ay galing tayo sa madugong paghihintay na mapunan ang requirements; paghihintay sa tila hindi matapos-tapos na pila sa NBI, SSS, BIR, LTO at kung ano-ano pa na sasagupain upang maging isang ganap na kawani at lehitimong Pilipino ng lipunan. Makakailang palit ka ng trabaho sa pag-asa at paghihintay ng mas mataas na sahod, mataas na posisyon o mas magandang trabaho.
Pagod ka na ba? Hintay muna.
Kasabay ng paghihintay na ito ang paghihintay din sa tamang panahon ng pag-aasawa (sa mga nainip sa paghihintay), pagtaguyod ng isang masayang pamilya, paghinihintay sa mga supling na kalauna'y sasabak din sa "Laro nang Paghihintay". At kung mabigo o magtagumpay ka man sa magandang oportunidad nang paghihintay tiyak na mapipilitan ka naman sa paghihintay mo sa araw ng pagreretiro sa dahilang katandaan at upang makapagpahinga na sa haba ng panahong pag-aaral at pagtatrabaho. Ang hintayin at tamasahin ang pensyong darating (kung mayroon). Inip ka na pero tila hindi pa matatapos ang paghihintay na ito sa ating buhay; sa pagiging lolo o lola, sa paggaling ng karamdaman, sa pagdalaw o pagbisita ng mga anak at apo at sa huling araw sa mundo.
Sa mga may kababawan; marami ang naghihintay sa walang katapusang teleserye, walang katapusang tsismis sa buhay ng mga artista, walang tigil na panghihimasok sa buhay ng ibang tao, walang sawang paghihintay at pag-aabang ng wala naman sa Facebook.
Sa mga tambay; ang paghihintay sa kung ano-anong okasyon at pagdiriwang sa dahilang umaatikabong inuman; tulad ng mga kaarawan, binyag, Pasko, Bagong-taon, piyesta na sadyang dinarayo para lamang magkalaman ang kanilang bahay-alak. Mga tambay na sa halip na maghanap ng mapagkakakitaan ay minarapat na maghintay at umasa ng grasya sa kung kani-kanino.
Sa mga naging biktima ng karahasan; ang paghihintay sa mahirap makamit na katarungan.
Sa mga ganid at 'di mabuti ang layunin sa buhay; ang paghihintay sa pagkakataong makapangloko ng kapwa at gamitin ang kahinaan nito para sa sariling interes.
Sa mga masisikap, matitiyaga at maparaan; kasabay ng pagisisikap ang paghihintay na magiging katotohanan ang pangarap na pag-unlad at pag-asenso sa buhay.
Ang lahat ng araw sa ating buhay ay may paghihintay. Sa mga may positibong pananaw ang paghihintay ay katumbas ng pag-asa; paghihintay ng liwanag pagkatapos ng karimlan, bukang-liwayway pagkatapos ng takip-silim, bahag-hari makalipas ang tag-ulan, kaligayahan makalipas ang pagluluksa, kasaganaan makalipas ang paghihirap. At kung hindi ka pa rin maging matagumpay sa kabila ng iyong pagiging optimisko tayo naman ang hinihintay doon sa kabilang buhay.
Katulad ng iyong paghihintay sa magandang pagkakataon at oportunidad sa buhay; ako, kami, tayo, buong lahing Pilipino ay matiyaga pa ring naghihintay sa kung sinong magsasalba, mag-aahon, mag-aangat at magpapaunlad sa nakalugmok na ekonomiya ng bansang Pilipinas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment