Saturday, January 1, 2011

Salamat Bro!

2011. Bagong taon ngayon. Bagong pag-asa sa maraming mga taong pinagkaitan ng suwerte ng nakaraang taon. Sa totoo lang wala akong mapaksa para sa blog entry ko na ito bagama't ang nais ko sana ay tungkol ulit sa Pilipinas at sa mga "kakaibang" gawi ng mga Pinoy pero marami na 'kong naisulat tungkol do'n at wala na yatang lalabas sa utak ko kung magsusulat ako ng ganoong paksa. Kung hihiling ako ng pagbabago para sa papasok na taon at para sa kinabukasan ng Pilipinas ang nais ko sana ay:

* wala ng digmaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde (muslim man o hindi)
* iglap na mawala at masugpo ang kahirapan
* saniban ng kabaitan ang mga pulitiko at ibalik lahat ng kanilang ninakaw at maipamahagi sa kapus-palad
* hindi hadlang ang pera para makapag-aral ang lahat ng pinoy na gustong mag-aral
* wala nang mamamalimos sa kalye at kahit saang lugar dahil lahat ay may sapat na pera
* wala nang mamamatay sa gutom o dahil sa kawalan ng perang pampagamot
* wala nang napipilitang mag-ibang-bansa para maghanap-buhay dahil may sapat na trabaho sa bansa
* wala nang magpuputa dahil sa pera
* ang magkaisa ang bawat pilipino

Malayo sa katotohanan, mas malapit sa imposible. Mas trabaho na ng nasa gobyerno 'yan 'wag na nating abalahin si Bro sa dami ng mas mahahalagang bagay na nasa kanyang listahan dahil mas dapat na tayo muna ang magkaroon ng inisyatibo bago ito maisakatuparan ika nga eh - nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

Kaya imbes na humingi ako ng kung anu-anong shet kay Bro mas karapat-dapat siguro na magpasalamat na lang ako, ikaw, tayo sa lahat ng mga biyaya na dumating sa'ting buhay sa nakalipas na mga taon. Subukan nating tingnan ang positibong banda ng ating buhay kaysa patuloy na humingi ng personal na kagustuhan.

Madalas tayong magreklamo sa mga maliliit na suliranin at hindi sumasagi sa isip natin ang mga taong mas may higit na problema kaysa atin.
Madalas tayong nakukulangan kung ano ang nasa posesyon natin at wala tayong ideya kung ano ang wala sa iba. Madalas tayong humingi ng kung ano-ano samantalang ang iba ay higit ang pangangailangan.
Hindi man natin sila mabiyayaan o malimusan kahit man lang pang-unawa ay ibigay natin sa kanila.

Aaminin ko hindi ako ang tipo ng katoliko na relihiyoso at madasalin. Madalas nga ako sumasala ng misa tuwing Linggo at pangkaraniwan na sa'kin ang magbulalas ng P*@%$* In@! Dahil sa igsi ng pasensya ko itinuturing ko rin na mas makasalanan ako kumpara sa pangkaraniwang tao bagamat hindi pa naman ako nakakapatay ng tao. Sa kabila ng kapintasan at kamalian kong ito ay napakabait sa'kin ni Bro at alam kong kasama ko siya sa bawat desisyon sa buhay. Hindi ako nagdarasal para humingi ng personal na hiling mas hinihingi ko sa Kanya kung ano ang nararapat para sa akin at pasasalamat sa kung ano ang mayroon ako. Hangga't maaari ay gagawin ko muna ang aking bahagi bago ko ito ihiling. Sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon ay nararamdaman ko ito.

Sa buong taon, pinilit kong sumunod sa lahat ng klase ng batas datapwat alam ko na hindi naman ito sinusunod ng marami, tumataas pa rin ang "toyometer" ko 'pag may sumasalubong sa'king sasakyan sa kalsada, 'pag may mga taong walang pakundangang magtapon ng basura sa kung saan-saan, humihinto sa gitna ng daan at iba pa. Hay naku tama na ang sintimyento wala rin namang mangyayari! Tayo nang magpasalamat at pahalagahan ang bawat biyayang ating tinatanggap isipin at subukan nating ilagay ang sarili sa mga kapus-palad ~ mapagtatanto natin napakapalad pa rin natin.

Okay lang na hindi branded at mamahalin ang damit natin dahil mas maraming mga tao ang nagsusuot ng damit na luma at nanililmahid at luhong maituturing ang pagbili ng bagong kasuotan.

Okay lang na hindi Nike o Havaiianas ang suot natin sa paa dahil marami pa rin ang hindi makabili kahit na Spartan.

Okay lang na wala tayong hamon o keso de bola noong pasko dahil marami ang nagtitiis na kainin ang tira-tira ng iba.

Okay lang na may pasok ka sa trabaho kahit na pasko't bagong taon dahil ilang milyon ngayon ang nag-aasam na sana'y magkahanap-buhay.

Okay lang na lumulobo ang katawan sa katabaan dahil milyong mga mga tao ang dumaranas ng tag-gutom at ang iba'y nangamatay dahil sa wala nang sapat na pagkain.

Okay lang na kupas na ang pintura at luma na ang iyong bahay dahil mas marami ang nagsisiksikan sa mainit at masikip na tirahan sa ilalim ng tulay o sa barong-barong na nasa tabi ng kalsada.

Okay lang na hindi modelo at hindi touch screen ang iyong Cellphone dahil maraming mga tao ang hindi tinuturing na pangangailangan ito.

Okay lang na sa pampublikong paaralan ka o ang iyong anak nag-aral dahil marami ng tao ang hindi nagkaroon ng pagkakataon na matutuong magbasa at sumulat.

Okay lang na matanda at mabagal na ang iyong computer dahil mas marami ang mangmang at hindi nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng Internet.

Okay lang na hindi pa natupad ang pangarap mong iPOD dahil maraming mga estudyante ang hindi makabili kahit na paperpad.

Okay lang na hindi ka bihasa sa pagsulat o sa pagbigkas ng salitang Ingles dahil maraming mga taong hindi makapagsalita sa taglay na karamdaman.

Okay lang na mahirap ang mag-abang ng bus o jeep papuntang trabaho o eskwela dahil mas marami ang pinili ang maglakad dahil sa kawalan ng pamasahe.

Okay lang na minsa'y tayo'y magkalagnat dahil may mga pamilyang tumatangis na nasa loob ng ospital dahil sa taglay na kanser ng kaanak.

Okay lang na hindi mo mabili ang gustong laruan ng iyong anak dahil mas kalunos-lunos ang mga batang nasa kalye at humihingi ng kaunting barya imbes na nasa loob ng tahanan.


Hindi man madali ang buhay mayroon pa rin tayong dahilan para ipagdiwang at ipagpasalamat ito.

Lalo't ngayon na may bagong taon ibig sabihin ay bagong pag-asa, bagong mithiin.
Minsan sa kahahangad ng tao mas mataas na pangarap naklilimutan na natin kung ano ang nararapat at kung ano naman ang wala sa iba. Sa katwirang hindi masama ang mangarap hindi natin nari-realize na nasa atin na pala ang pangarap na ito naghahangad pa rin ng kagitna! Imbes na magpasalamat patuloy pa rin sa paghiling. Bilangin ang biyaya at magpasalamat sa bawat sandali at bawat araw ng ating buhay. Hindi kailangang maging relihiyoso para gawin ito, simpleng "salamat Bro!" ay ayos na. Gawin natin ito ng bukas ang isipan at walang hinanakit.

Salamat Bro sa biyaya! Isabay ko na rin ang pagbati nang mapayapa at masaganang Bagong Taon sa ating lahat!

No comments:

Post a Comment