Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Wednesday, January 19, 2011
Maling pagmamahal
Mahal kita.
Mga salitang napakasarap pakinggan, isang pahayag na nagpapaluwag sa dibdib subalit mas masarap at mas kaaya-ayang marinig ang sagutin ito nang "Mahal rin kita". Langit ang pakiramdam kung ikaw ay nagmamahal at minamahal hindi mo alintana ang anumang balakid basta maipahayag mo lamang ang iyong nadarama. Subalit katulad ng ibang bagay lahat ay may limitasyon. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay aayon sa'yo ang panahon. Kung magmamahal ka isipin ang iyong katayuan at ang kalagayan ng iba.
Dalawang bagay ang maaring mangyari kung babanggitin mo ito. Make or break, ika nga. Pwedeng magresulta ito sa isang masayang relasyon at pwede ring maging hangganan ng isang pagkakaibigan.
Marami na ang nagtangkang itanong kung: Kamalian ba ang umibig? Masama ba ang magmahal? Hayaan niyong sagutin ko ito sa paraang muntik ko nang maranasan.
Walang masama sa pagmamahal nagiging mali lamang ang pag-ibig kung ang iyong iibigin mo ay may mahal ng iba at pag-aari na ng iba. Kung magtatangka kang sabihin ito ng walang inaalalang ibang tao, walang maaapektuhang damdamin at walang pakialam sa sasabihin ng buong mundo ~ mas malaking kamalian ito.
Selfish. Walang iniisip kundi ang sariling damdamin. Maituturing na lumipad na ang katinuan sa iyong isip at tuluyan nang humiwalay ang konsensiya sa iyong katawan.
Kahit pa na may nakaraaan kayong relasyon at ikaw ay hindi masaya sa kinalalagyan mo ngayon hindi pa rin ito tama. Sa halip na lumuwag ang iyong dibdib baka lalo lamang itong makapagpalubha ng sugat sa iyong puso at sa puso ng maapektuhan mong tao.
Kahit pa sabihing may nakaraang ugnayan kayo at naging maligaya ang bawat sandali ninyo noong panahong kayo pa. Imulat ang mata, gumising sa katotohanan, tanggapin ang ngayon. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan kahit paulit-ulit mong sabihing: Mahal kita!
Nanaisin mo bang sumira ng isang pamilya kapalit ng pagmamahal na sinasabi mo?
Magiging masaya ka ba habang ang ibang tao'y sugatan?
Kung mapapawi ang luha sa mata mo gayundin ang lungkot sa iyong buhay masasalin naman ito sa iba. Habambuhay na pasang-krus ito sa mga taong iyong nasaktan para itong isang balaraw na nakabaon sa puso mas masakit pa ito sa sugat na dulot ng anumang patalim.
Ang katagang "mahal kita" ay sagrado hindi ito binabanggit sa kahit na sinong tao. Kung nais mo lamang ay maglaro hindi ito ang salitang nararapat na iyong sinasabi. Kung sasabihin mo ito para lamang makapang-loko ng ibang damdamin at nagbabakasakali na ikaw ay mahalin rin. Isa kang Gago. Sinasangkalan mo ang pangalan ng Pag-ibig para lamang sa sarili mong interes. Hindi nilalaro ang damdamin lalo ang pag-ibig. Kung kabiguan lang idudulot mo dahil mas nangingibabaw ang pagnanasa kaysa sa sinasabing mong pag-ibig ~ hindi ito pagmamahal. Huwag na ring magbakasali dahil may kanya-kanya na kayong buhay, kung hindi ka kuntento sa buhay mo ngayon huwag mong idamay ang ibang tao sa kabiguan mo. Walang perpektong relasyon. Kung may pagkakamali ang iyong kasama sa buhay 'wag mo itong gawing dahilan para maglandi sa iba, suriin mo rin ang pagkakamali mo o baka naman hanap mo lamang ay atensyon? Huwag nang magpa-cute sa may mahal ng iba. Mahiya ka naman, tingnan mo ang sarili mo sa salamin at ibalik ang tanong kung makakasira ba ako ng ibang pamilya?
Gusto kong iugnay ang salitang homewrecker at oportunista sa taong may ganitong asal. Masakit na salita subalit ito ang unang-unang papasok sa iyong isip sa mga taong walang pakiramdam at walang pakialam sa damdamin ng iba. Hindi lang kasiyahan ng isang pamilya ang ninanakaw nito kundi ang buong buhay nila at pagkatao. Kulang ang mga masasakit na salita para ilarawan ang ganitong ganid na ugali. Kung hindi makuntento sa naging kapalaran mo ngayon 'wag mong sirain ang relasyon ng ibang tao. Hindi mo siguro alam o sadyang wala kang pakialam kung gaano kasakit ang dinaranas ng mga taong iyong nasasaktan, sadya man o hindi. Hindi sa lahat nang pagkakataon ang pag-ibig ay tama lalo't kung magdudulot ito ng hindi kanais-nais makabubuting pigilan ang damdamin, 'wag na itong ipahayag at ipilit kung hindi ka man magsisi baka ito nama'y magresulta sa kalbaryo ng buhay ng iba kung maligaya ka sa ganito kahit alam mong nakasasakit ka ng ibang damdamin inuulit ko isa kang Gago...palayain mo na siya dahil hindi kayo ang nakatadhana sa isa't-isa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment