Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Tuesday, January 25, 2011
Carnapping ~ sakyan natin
Kung tutuusin kaya ng kapulisan sugpuin ang carnapping kung gugustuhin lang nila...
Laman ng balita ngayon ang nakabibilib na sunod-sunod na pagdakip sa mga suspected na mga carnapper ganundin ang pag-raid sa kani-kanilang mga hideouts kabilang na ang sa Cavite, Pampanga, Batanggas at iba pa.
Ito ba'y dahil sa naging sensesyonal ang pagkamatay nina Emerson Lozano at Venzon Evangelista?
Bakit bigla na lamang silang naging masipag at bawat opersayon nila ngayon ay may katumbas na media coverage?
Sa isang iglap ba'y sabay-sabay na impormasyon ang natanggap nila galing sa kanilang mga asset at mahusay nila ngayong nagagampanan ang kanilang tungkulin?
Kung hindi kaya na-media ang brutal na pagpatay kay Lozano, Evangelista, et al masipag din kaya sila ngayon kumpara sa dati?
Ang gagaling naman ng ating magigiting na pulis at halos sabay-sabay nilang natunton ang mga liblib na safehouses ng mga carnapping syndicate, mga taong involve sa sindikato, mga whereabouts ng kung sino-sino at ang modus ng bawat grupo. Kung iisipin, halimbawang ang iyong sasakyan ang na-carnap sa kahit saang lugar sa Pilipinas; ano ang chances na ma-recover mo ito?
May posibilidad ba na may mahuling kasangkot?
May mapapala ka ba sa pag-report mo sa pulisya?
Meron siguro... kung anak ka ng senador, congressman, mayor at kung sino-sino pang may matataas na katungkulan sa gobyerno pero kung ordinaryong Juan dela Cruz ka lang,'wag ka nang umasa. Gaya nga kasong ito: http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=599133
Nakatutuyang nakakalungkot na kung sino pa ang dapat asahan sa panahon na kailangan natin nang tulong nila (kapulisan) ay sila rin ang hindi natin pinagkakatiwalaan. Masisisi ba nila tayo? Ilang pulis ba ang nahingan mo ng kagyat na tulong at hindi humingi ng kapalit?
Hangga't ang media ay hindi tumitigil sa kabit-kabit na pagbabalita sa insidente ng carnapping patuloy na may masasakote ang kapulisan, wala silang tigil sa pagprisinta ng kanilang mga nahuli at pagbubunyag ng mga hideouts ng carnapper at mga katayan ng na-carnap na sasakyan. Katulad ng mga kriminal sa lipunan ang kapulisan ay balot ng misteryo ~ napakalalim nilang mag-isip at halos magkaugnay na ang kanilang mga kilos at gawi. Sa mahigit tatlumpung iba't-ibang kasong isinampa sa lider ng carnapping group, magtataka pa ba tayo na labas-masok lang sila sa kulungan? Isa lamang itong moro-moro dahil alam naman ng lahat na hindi kayang mag-operate ng isang sindikato kung walang basbas ng otoridad. At ngayong bunyag na ang kanilang operasyon malamang kahit hindi nila krimen ay ibabato sa kanilang grupo. Sa bansang ito na kung ano ang mainit na paksa ay 'yun ang pagpipiyestahan at sasakyan. Heto naman ngayon ang mga kagalang-galang na mga senador at maghahain ng batas na gagawing non-bailable ang sinumang maakusahan ng carnapping...kailangang may magsakripisyo para maisip nila ito!
Ilang dekada ng lumalala ang carnapping sa Pinas pero hindi nila ito naisip dati. Ilang daang sasakyan ang ninanakaw sa araw-araw pero ngayon lang sila naging concern sa mahal nilang mga Pilipino (plastic!). Bakit marami pa ring mga sasakyan (kotse man o motor) sa kalsada ang humaharurot ng walang plaka? Niñgas-cogon lang na naman 'yan ng pulitiko, pulis at ahensiya ng gobyerno kung may lalabas na mas kontrobersyal na balita matatabunan lang ang isyu ng carnapping.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment